Bagong Tula: Dung-Aw

Di man siya gaanong kilala, siyang tinatawag na Franklin,
Natunghayan ko sa kaniyang ataul ang kahinahinayang
Na tikas na pinarangal ng wari’y almiroladong uniporme.

Gunita ko’y isang malagim na engkuwentro ang ganap
Na nagpabalik sa kaniya sa kandungan ng bayang ito,
At sa inang halos masiraan ng bait, nakaupo sa gilid

Ng puting ataul. Kaysinop ng pagkakabihis, kontrapunto
Ng terminal na paghimbing: banaag pa sa kaniyang noo
Ang tila kirot ng pagkubkob sa kaniya ng rebeldeng bala.

Ililibing na siya noon, pinasisilip ang buong baryo sa huling
Pagkakataon; naglulupasay ang ina, tanghal ang dalamhati
Habang nagbebelo ng itim ang kamag-anakang kasama—

Sumilip din ako, at sumulak sa dibdib ang isang di kilalang
Damdamin. Isang musmos, tumitingkayad sa harap ng ataul,
Nakikibahagi sa luksang mapanakop, minamalas ang labi

Ng di kilalang kapitbahay—kinislutan ng habiling mistula
Tandaan, tandaan ito. Isinara ang ataul. Nagpugay-putok
Ang mga kabarong tutók ang nguso ng mga armas sa lupa.

Pebrero 1, 2015

Advertisements

Bagong Tula: Mamasapano, 2015

Kahon-kahong kinumutan ng watawat
Ang inilipad ngayon mula sa iyong lupain—

May dilig ng dugo matapos ng malaong
Pagpapataba ng pulbura at mithiing

Mapatalilis ang pangangaligkig na kubli
Ng mga mais na maaari nang gapasin.

Silang ikinahon ang nagmistulang laglag
Na mga bunga, nangagkalat sa taniman,

Dinapurak ng mga nagsapesteng bala.
Walang babala, sumasagitsit sa pagpingas

Sa dahong dilawin, sa pagtarak sa laman.
Ibinababa ang kanilang labi’y nalalabi

Sa isip ang hulagway ng pangangalirang
Ng buong maisan, ang kapatagang walang-

Habag na inilantad sila sa mga sumalakay,
At maya-maya’y ihahanay sila: isang dakilang

Pagtatanghal ng lubhang kataksilan, bagong
Hango’t inilalakong matamis na kabayanihan.

Enero 29, 2015

Hinggil sa Indibidwal at sa Komunidad

Balangkas ng panayam na binigkas sa panel na “Paghubog ng identidad sa loob ng isang samahan”, ng Hubog: Identity as Cornerstone ng Malate Literary Folio, De La Salle University, Manila, Enero 24, 2015. 

1898807_722582331189607_4365860128471471385_oTulad ng lahat, naatasan akong magbahagi ng aking pagninilay hinggil sa indibidwalidad vis a vis pagiging kasapi ng komunidad—o iyon ang aking pagkakaunawa sa paanyaya. Pinipili ko ang higit na makahulugan at mapanlagom na “komunidad” sa halip na grupo, organisasyon, pangkat, klub, atbp., upang ipahiwatig ang higit na malawak at mahalagang implikasyon ng pagpili na maging bahagi ng isang kolektibo sa ngalan ng isang layon at mithi—at sa konteksto natin, para sa mga alagad ng sining. Ang aking perspektibo hinggil sa komunidad ay nag-uugat sa pakahulugan nito bilang nagkakaisang pag-ayon sa isang pananampalataya o paninindigan, “shared by all or many,” wika nga ng etimolohikong minulan nito. Ang indibidwal naman, sa minulang Latin na individuum, ay “the atom, the indivisible particle,” na nakikibahagi sa isahan at malakihang pagkilos ng isang pangkat, matapos na umanib at makibahagi ng isang indibidwal sa “community of relations or feelings,” tulad ng isinasaad sa Latin na comunitatem. Nawa’y patawarin ninyo ako sa pagtawag sa mga orihinaryong pagpapakahulugan ngayong umaga, bagaman tinitiyak kong mahalaga ang mga ito para sa ating kalinawan. Ngunit kung iisipin talaga natin, ang mismong pagsasanib ng danas indibidwal at komunidad ay humihinging maisalaysay nang mabuti, lalo para sa ating ang pinanghahawakan ay salita. Kaya sa salita talaga tayo kailangang magsimula—at sa pagsasamundong nalilikha nito.

Mangha ako sa salitang indibidwal. Sa patuloy kong pagbubulatlat ng minulan nito, lumilitaw ang kalikasan nitong mapagbukod. Mahalaga ang singularidad, ang pagiging hiwalay, ang paghakbang paurong, tungo sa pagkilala ng sarili. Ganyan din ang ipinahihiwatig ng mga salita mula sa ating wika na madalas na iniuugnay natin sa pagiging bahagi ng isang isang kabuuan o lipunan—kapatid, kasapi, kaanib. Ang panlaping ka-, una, ay naghahayag ng pagkakabukod, ng pagiging isang bahagi na nagkakaroon lamang ng katuturan kapag nakapagtindig na ng ugnayan sa isang kabuuan. Ang ugnayan, ay laging dalawahan, lalo na sa ating konteksto, tulad halimbawa ng pahiwatig ng salitang Ilokano na kaddua (kasama), na halos katunog ng kararua, o kaluluwa. Ang dalawahan dito, kahit sa salitang indibidwal-sa-komunidad ay maaaring ituring na tumutukoy sa maramihang ugnayan, bagay na nagpapatag sa mga nagtatagpong pagkakabukod at kaibhan. Nagkakaroon ng kaisahan. Ngunit ang mga salitang tumutukoy sa sariling sumasapi ay makikitang nagpapatuloy na nagsasalaman ng kaakuhan bilang bukod, bilang iba. Bagay na maaari nating paghanguan ng kislap-diwa hinggil sa pakikipag-ugnayan sa isang samahan: nananatiling indibidwal ang indibidwal, lalo sa harap ng kabatirang likas sa komunidad, sa samahan (na salitang tumutukoy sa pagsasama-sama), sa pangkat, ang kung baga’y magpantay ng kaibhan sa bisa ng kaisahan, sa ngalan ng ano mang lunggati, mabuti man o masama. Na may dala ring panganib kung hindi malilinang.

Kaya ang sagot ko marahil sa napakahalagang tanong ng talakayan na ito, sa kung ano ang pinakahalaga, pinakaideyal na katangian ng indibidwal na sumasali sa isang komunidad, ay ito: ang maging buong indibidwal muna, higit sa lahat. Kailangan makatiyak muna sa sarili, bagaman ang pagkilala sa sarili ay hindi naman madali at agad-agad. Mahalaga rin ang panahon. Ang pakikihamok sa ano mang partikular na paninindigan, posisyon, o paniniwala, ay nararapat na natutugunan ng isang indibidwal na pananalig, ng isang kakanyahan na handang umiral sa kontradiksiyon ng pagiging kasapi ng isang pangkat, at pagiging isang nakapagsasariling indibidwal. Ang kasapian ay mahalaga, at mahalaga rin ang mga pagpapahalaga ng pangkat. Ngunit kailangang malay ang isang indibidwal na mayroon siyang sariling kailangang ibinubukod, upang marinig niya ang kaniyang budhi, sa tuwing nakikibahagi sa ano mang kolektibong pakikihamok. Ang tinig na ito ang dicere sa contradicere ng minulang Latin ng kontradiksiyon. Ito ang “tinig ng pananalungat”, ang balintuna ng kasapian, na hindi lamang yaong tumutukoy sa pagiging kritikal sa isang konteksto ng kaisahan, kundi higit bilang pag-iral sa isang espasyo ng krisis, tulad ng ipinahihiwatig ng minulan ng salita na krinein, na nangangahulugan ng pagkilates, pagninilay, pagpapasya. Ito sa palagay ko ang birtud ng kamalayan sa kabukuran, sa konteksto ng isang kapangkatan: isang kritikal na kasapian.

Ngayon, sinasabi ko ang mga ito hindi sapagkat talagang mapanganib ang magpangkat, ang maging bahagi ng isang komunidad: napakaimposible ng hindi makihalubilo sa kapwa, lalo na para sa ating nagugumon sa soledad ng ating paglikha. Ang salita naman ay kailangang tanggapin ng isang kapwa upang maging ganap. Ngunit hindi kailangang maging isahan lamang ang daloy ng ugnayan, na nagmumula lamang ang paghubog mula sa samahan patungo sa indibidwal. Hirarkiko ito, bertikal, at mapaniil. Higit na ideyal para sa akin ang nagtatagpong tinig ng indibidwal at ng kolektibong mithi, na hindi palagiang mapayapa, bagkus natitigib ng salungatang makapagpapadalisay sa mithi. Ganito ang iniisip kong mas mabisang ugnayan, na kumikilala hindi lamang sa mas mataas na lunggati ng samahan, kundi nagtataguyod din sa kapakanan ng indibidwal bilang isang kaanib na may sariling bait, budhi, at pananaw-sa-daigdig. Sa konteksto ng manlilikhang sining, ang komunidad ay makabubuting magbigay sa indibidwal ng puwang upang lumago, nang hindi sinisikil ang kakanyahan nito’t tinig, nang sinisikap ding tunghan ang lapit ng indibidwal bilang isa sa mga posibilidad na umiiral sa munting lipunang iyon ng komunidad. Sa ganitong paraan, nakikibahagi rin ang pangkat sa diwa ng balintuna, ng kontradiksiyon, na susi rin sa higit na mga masusing pagtuklas.

Ang panukala ko ngayon sa pag-unawa sa lugar ng indibidwal at ng komunidad sa isa’t isa ay ito: ang kapwa panatilihin ang mga pagkakabukod, hindi lamang sa diwa ng pluralismo, kundi lalo’t higit sa pagpapanatili ng integridad ng mga indibidwal na nakikilahok, lalo sa mga gawaing malikhain. Para naman sa indibidwal, mabuti rin ang wika nga ng kasabihan na may isang paa sa loob, may isang paa sa labas. Hindi naman ito yaong kawalang paninindigan sa pagiging kaanib. Sapagkat ginagamit ko ito bilang talinghaga: naroong nasa loob ka’t nasa labas, may kakayahan sa patuloy na pagsuri sa iyong pagigiing kabilang, at dahil dito’y higit na nagiging kapaki-pakinabang na kasapi ng pagtitipong iyon, ng katipunan, kaipala. Hindi ito paggitna. Isa itong pagposisyon, samantalang pinahahalagahan at isinasapuso rin ang pagiging bahagi. Sa ganito nagkakaroon ng kakayahang magbahagi ang indibidwal sa mas malakihang pangkat, sa palagay ko—isang malikhaing estratehiya: ang pag-iral ng isang sarili na may maibabahagi, na may bahaging sarili, na may bahagi ng sarili. Kung sinasabing ang layon ng paglikha ay pagpapalaya sa tao, at pag-usig sa lahat ng balakid sa kaganapan ng kalayaan, isang pangangailangan talaga ang pagkakabukod, na hindi lamang pagiging iba, kundi kalayaang maging isang indibidwal sa piling ng isang lipi. Tanging malayang indibidwal lamang ang may kakayahang makisalo at makibahagi sa komunidad. Sa ganang akin, ang lunggati sa bawat pagsali sa isang komunidad ay ang pagtuklas sa kalayaan. Pribilehiyo ng kaniyang pagiging malaya ang maging kasapi ng mga komunidad, karapatan sa isang lipunang malaya. At dahil dito, ang ubod kung gayon ng komunidad ay kalayaan din.

Sa huli, ano ngayon ang layon ng kasapian para sa indibidwal at komunidad sa mga ganitong pakahulugan? Para sa akin, higit na kapaki-pakinabang na tunghan ng komunidad ang isang katangian ng indibidwal bilang bukod at sarili: ang interiyoridad. Ang komunidad, tandaan natin, ay hindi lamang isang kilusan, isang pagkilos na nakabaling sa daigdig, sa paligid. Ang aksiyon mula sa minulang actio ay paggawa, na maaaring iugnay din natin sa paglikha, sapagkat ang pinag-uusapan natin ay ang mga manlilikhang sining. Bago umiral ang isang pagkilos, kinakailangan nitong madalisay, kinakailangan nitong malinang ang mga pinagsanib-sanib na kalayaang nagtagpo, nagpingkian upang buuin ang komunidad. Sa madaling sabi, mahalaga ang papaloob na pagdalisay bago ang ano mang pagkilos. Sa ganito natin nakikita na ang mismong komunidad ay naghuhunos bilang isang indibidwal din na nagpapakilala ng sarili nitong bait at kakanyahan. Sa akin, ang komunidad ay isang indibidwal ding hinuhubog ang sarili nito sa pamamagitan ng sarili nitong likha, ng sarili nitong paghubog sa mga handog nito sa daigdig, ng sarili nitong kalayaan. Isang pangangailangan sa palagay ko ang kakayahang mapagnilay at mapangilates sa interiyoridad kahit namumuhay sa konteksto ng isang pangkat. Lalo na para sa ating ang mithi ay magsakataga, at magsabuhay nang mismong diwa ng laya, na siyang kislap-diwa ng bawat nating pagsusumikap, at siya ring palagay ko’y mabuting alingawngaw na laya, lalo para sa mga lipunang umiiral sa daigdig na dahop o tumatalikod dito. Ito sa palagay ko ang tunay na politika ng indibidwal sa kaniyang pagsanib sa isang komunidad.

Llorar, ang malarong si Papa Francisco, at ilang diskurso ng Pagsasalin

Larawang hiram mula sa The Guardian.

“If you don’t learn how to cry, you can’t be good Christians.”

Binalikan ko ang orihinal na panayam ni Papa Francisco sa layong tuklasin ang katingkaran ng ibig niyang sabihin sa mga katagang binigkas niya sa UST, lalo na nang tinutugon niya ang napaiyak na batang babae na nagtanong sa kaniya kung bakit hinahayaan ng Diyos na magdusa ang mga bata. Pinakinggan kong mabuti ang bersiyong Espanyol niya, at ang ginamit niyang salita ay “llorar”, habang inilalarawan ang malawak na kawalang-kakayahan ng kasalukyang daigdig sa pagdama (hindi rin ako tiyak kung tama ang “salin” ko: hindi kaya, kawalang-kakayahan sa pagdamdam, damdamin?). Mahalaga ang pagsasalin sa pagkakatong ito ng pagbisita ng Papa, sapagkat, nakita naman natin kung papaanong nag-iiba siya kapag sinasalita ang, sabi nga niya’y wika ng kaniyang puso—nagiging higit siyang masigla, mabisa. Samantalang naging praktikal na tulay ang Ingles, naiisip kong naging balakid din ito sa pagsasala ng katingkaran ng pakahulugan, samantalang may kasapatan naman, sa ganang akin, ang komunikatibong layon nito upang maipahatid ng Papa ang kaniyang saloobin, sa mga pagkakataong higit niyang piniling maging natural. Kaya nga siguro ito ang pagkakasala ng Ingles ngayon sa atin. Ngunit higit kong problema ngayon ang mga antas ng pagkakaunawa sa “llorar”, na naisaling “to cry” sa Ingles.

Tama naman ito, sa palagay ko, lalo sa pagkakataong iyon: isang maulan na umaga, nakakapote ang mga tao, nakamata lamang sa tanging ispektakulo ng okasyong iyon, na hindi maitanggi ang pagbabangon ng mga multo ng kahapon: tatlong ulit tayong pinagmisahan ng Santo Papa, tatlong ulit na nasermonan, kung baga, kapara ng hiling ng Padre Kura sa pista ng San Diego sa Noli Me Tangere, na pinagtatalunan pa sa Pulong ng Tribunal, ngunit ang utos naman pala ng pari ay hindi mababali: “Aba, ang nais ng Padre Kura… ng anim na prusisyon, tatlong sermon, tatlong misa… at kung may salapi pa, komedyang Tondo at awitan sa pagitan” (salin ni Virgilio S. Almario). Ang tampok na misa sa nobela ni Rizal, na minsang inihalintulad ni Vicente Rafael sa “pangingisda”—pangingisda ng kahulugan, sa panig ng mga nakikinig ng nakaaantok ngunit maatikabong sermon ni Padre Damaso, dahil sinisikap nilang bigyang-saysay ang mga naririnig na Espanyol sa pari (karamihan ay libak) na parang namimingwit sa laot—ay isang interesanteng tagpo ng kung papaano tumutugon ang isang sinasakop na kultura habang sinasalakay ng mga pakahulugang walang kamalay-malay ang tumatanggap ay nagtatakda na pala sa kaniya sa isang puwang ng pagiging bukod, manapa, mangmang. Na nagluluklok naman sa nagsasalita sa pulpito sa espasyo ng taas at kapangyarihan.

Magkawangis ba ang sermon ni Padre Damaso, at sermon ni Papa Francisco [na parehong Espanyol ang wika, lamang ay gáling ang Papa sa Argentina, na tulad ng Filipinas (sa maraming bagay) ay nasakop din ng Espanya]? Sa rabaw, oo, dahil malinaw na sakop pa rin ng kamalayang vertikal at hirarkiko ang ugnayan natin ngayon sa Simbahang Katolika. Maraming pagkakataon na higit tayong minumulto ng mukha ni Padre Damaso sa pagharap sa mga isyung “moral”, tulad na lamang ng kasal para sa magkakatulad ang kasarian, diborsiyo, at kalusugan sa reproduksiyon. Bagaman aktibong Katoliko pa rin ako, at nagpahayag na ako ng sarili kong posisyon hinggil sa mga ito, at sa iba pa (madalas ay hindi ako sumasang-ayon sa Simbahan), matagal ko nang tinanggap na hindi isusuko ng Simbahan ang mga paninindigan nito. Doktrinang di matitinag ang balakid, ngunit hindi naman lamang ang doktrina, sa ganang akin, ang dapat maging batayan ng pagsampalataya. Kaya tulad marahil ng mga nakikinig sa sermon ni Padre Damaso, na isang pigurang pampanitikan na talagang nakatatak na sa ating kamalayan, pinipili kong bingwitin na lamang ang sa palagay ko’y mabuting kakanin sa araw-araw. Kontradiksiyong maituturing ang pagsalalay ng Simbahan sa Roma sa Doktrina, at pananatili nitong “bukás” sa pagbasa, salamat sa Ikalawang Konseho ng Vatikano. Kaya kahit parang wala namang tanda na “magbabago” ang posisyon ng Simbahan sa mga bagay-bagay—at ang pananatili ng “kaayusang” namalas natin sa pagbisita ng Papa ay mabuting basahin bilang pahayag ng patuloy na pagpirme—sasawatahin ko na lamang sa aking sariling málay ang “sakit” ng hirarkiya upang matamasa pa rin ang mabuting dulot ng pagiging Katoliko.

Kaya rin siguro higit akong naging interesado, sa kabuuan ng pagbisita ng Papa sa ulit-ulit na paggamit niya ng Espanyol, sa tuwing mithi niya ang higit siyang maunawaan. Nasiyahan ako sa mga pihit ng wika, na para sa akin ay interesanteng kibot sa sinasabi ko ngang “pirmihang” posisyon ng institusyon ng Simbahan. Bilang mangingibig ng wika, ang pana-panahong pagpili ni Papa Francisco ng wikang kaniyang gagamitin, ang kaniyang Argentinong Espanyol, ay tila ba makahulugang pagkakataon ng pangyayanig sa kaayusang hindi kailanman ikokompromiso ng Simbahan. Maganda sana itong tingnan bilang patuloy na “bernakularisasyon” ng Simbahan, sa diwa ng Ikalawang Konseho ng Vatikano—ibig sabihin, hindi pa ito tapós, at hindi dapat mawakasan. [Kung nagagawa ng Simbahan ay bakit hindi rin gawin ng pamahalaan, na kamakailan ay tinanggal pa ang Filipino sa kolehiyo?] Sa kasaysayan, ang Latin, sa paliwanag ni Rafael, ay ginawaran ng bugtong na kapangyarihang maging natatanging wika ng pribilehiyo sapagkat ito ang “wika ng Diyos”, dahil na rin ang Bibliya sa malaon, ay nasa Latin lamang mababasa; na mismong tinalikuran ng konseho nang, wika nga’y magbukas ng pinto at mga bintana ang Simbahan, sa panahon ni Papa Santo Juan XXIII, para sa modernong daigdig. [Sabay harap sa mga tao, mula sa matagal na pagtalikod.] Ngunit nagiging mabigat, nag-iilang-diwa ang pihit ng wika sa kaso ni Papa Francisco, sapagkat kahit siya’y masasabing bahagi rin ng mga sakóp tulad natin, kinakatawan niya, hindi lamang si Kristo, kundi pati na rin ang kontradiksiyong dulot ng kaniyang naging wika, matapos ng kasaysayan ng pananakop. Tanda rin si Papa Francisco ng kung ano ang maaaring maging táyo, kung pinili ng mananakop na tuluyang burahin ang ating mga wika—baká táyo ang tinatawab na Asya Latina, kung nagkataon. Ngunit kahit ganoon, higit nating piniling mabingwit ang wika nga’y higit pa-sa-nakikita, higit-pa-sa-anyo, na wika naman sa una’t huli.

“Transcendent”, “the content of the message tending towards the transcendent” ang bása ni J. Neil Garcia rito, inaasahan na, sapagkat, sasabihin ng iba, higit na mahalaga ang nilalaman kaysa kataga. Ngunit problematiko ito, bagay na sinimulang siyasatin ni Garcia, lamang ay higit niyang inaabangan ang sasabihin ng Papa sa kaniyang ensiklika hinggil sa Global Warming na nakatakdang ilabas sa mga susunod na buwan. Kaabang-abang, lalo na matapos na magmisa siya sa gitna ng isang bagyo sa Leyte (sa buwang hindi dapat dumarating ang mga bagyo), kaharap ang laksang mamamayang tulad niya’y nakakapote, at umaahon pa lamang mula sa unos at daluyong ng mapinsalang bagyo ng nagdaang taon. Inilantad na ni Garcia ang muling pagmumulto ng higit-pa-sa-nakikita, ang birtud ng hirarkikong kaisipan na siyang puminsala sa ating katutubong kalinangan. Ngunit sa katauhan ni Papa Francisco, tumitingkad ang kabukuran (alterity), lalo’t humaharap siya sa ating nangangapâ rin sa pamamaraan ng pagsasabi; sa ating mamamayan ng arkipelahikong daigdig na pakapâ-kapâ rin sa kung papaanong makikipag-ugnayan sa isa’t isa gayong isang babel din tayo ng mga wika; sa ating naibukod ang mga wika at tuluyang naisantabi dahil sa mga sumapit na daluyong ng kolonisasyon. Palagay ko, ang higit-pa-sa-naroroon na kailangang isawika niya sa wikang malapít sa kaniyang puso, ay ang nakapagpapatahimik na namamalas, habang nakikibahagi sa kabasâan, kadustaan ng mga biktima ng trahedya. Ispektro ang Espanyol, oo, ngunit sa pagpili ni Papa Francisco na wikain, kahit papaano, ang pagkakabukod na kaniyang dinadalaw sa sawing bayan na iyon (kung saan nga pala basâ rin at nilalamig si Imelda Marcos), ipinipihit na niya ang sermon sa panig ng mga tagapakinig, binibitiwan ang didaktibong pribilehiyo na makapangaral, at sa isang masagisag na sandali, hinayaan ang sariling gabaan ng kawalang-katiyakan. Ganyan ang kaniyang pakikibuklod.

Iyan, sa palagay ko, ang birtud ng kaniyang katauhan—ang pihit patungo sa higit-na-bukás na pakahulugan sa mga bagay-bagay. Nang sambitin niyang huwag matakot na usigin ang Diyos, at hindi mali ang magtanong sa Diyos, iniiralan siya ng kibot na kahit sa transcendent, sa higit-pa-sa-nakikita, ay yumayanig, lumalagim, kahit na papaano. Ilang ulit ko na bang binabanggit ang kahit na papaano? Pero wala akong magawa; hindi ko mapigil ang sarili ko. Wala naman akong magagawa dahil ang Simbahang ito, bilang institusyon, ay may mga paninindigang mahirap matibag. Ngunit may pihit pa-wika ang Papa sa di iilang pagkakataon na higit kong naibigan, na lalong humimok sa akin ng pananatili sa kawan: kaligtaan na ang pagtatanong kung nakapagwiwika, nakapagsasalita nga ba talaga ang sub-altern, kung talaga ngang may saysay ang maging tinig sa Ilang, ngunit kung may ganitong matapang na pagsasawika, kung may ganitong uri ng tagpuan ng gawa at salita, sapat na marahil ang kibot na nalikha ng senyal para unti-unting makaliha ng biták sa muog ng mga paninindigan. May panahon ang lahat. Samantalang punò siya ng isang institusyong sangkot, sa malaon, sa maraming pagkakataon ng pagsikil at pananakop, nagagawa niyang magpasaklot ngayon sa mga hindi maipapaliwanag, sa kawalang-lugar, sa sorpresa at pagiging di-mawari, na tagumpay nang lingwistiko, sa ganang akin. Kahit na papaano. Hindi lamang naman tagapamagitan ng Verbo si Francisco; tagapamagitan din siya ng salitang humihinging tunghan nang mabuti. Kaya sa tingin ko, ang pagbisitang ito ng Santo Papa, bukod sa pagiging pastoral at pangkaluluwa (kayâ transcendent), ay isang makabuluhang pagdalaw sapagkat mayaman sa mga lingwistikong pihit na madalas nalilingid sapagkat nalulunod ng masigabong lugod, galak, at palakpakan, galak.

Madali kasi ang maiyak, mapukaw—na hindi naman masamâ. May ilang tao ang hindi naging palagay sa biglang pag-iyak ng batang nabanggit natin, na ang kagulat-gulat, ay mistulang naipagtanggol pa ng Papa, nang bigkasin niya ang kaniyang tugon. Hindi mali ang umiyak, wika niya, ang problema nga sa daigdig ay wala na tayong kakayahang dumamá. Ngunit bakit gayon na lamang ang datíng niya sa marami sa atin? Ang sagot ko: nasa kaniyang wika. Hindi siyempre sa Espanyol, na matagal na nating isinuka, ngunit, kung nakikinig lamang siguro tayo sa Papa ay matutuklasan nating nakasilid pa rin sa ating mga wika—wala na tayong pagtatalunan diyan. Ngunit ano ang ibig kong sabihin ng nasa kaniyang wika? Ang sinasabi ko: ang bawat pihit ng wika niya—halimbawa, ang pagpiling magsalita sa sarili niyang wika, ang paglulugar niya ng kaniyang diskurso sa pananaw ng tumatanggap (na kaiba sa hirarkikong diskurso ng pulpito, bagaman hindi ko gustong sabihing ito nga’y sandali ng pagsasalita ng kabukod), at ang litaw niyang pag-iilang diwa (hindi nga ba nagkaroon na rin ng problema sa mga sinasabi niya sa mga nakaraang pagkakataon, at palagiang “nililinaw” ang mga ito ng Vatikano; halimbawa, may isang mali raw sa salin na mapanganib para sa pinangangatawanan ng doktrina)—ang mga ito ay matagumpay nang pagyanig sa isang rehimen ng pakahulugang hindi papayag namatinag, at kahit man lamang diyan ay nagkakaroon na tayo ng mumunting kibot ng tagumpay na lagimín, kung baga, ang totalisadong pananaw nitong Simbahang itinatag sa petrus, sa bato. Tandaan: ang wika ay pagsasamundo.

Ngayon, balikan natin ang “llorar”. Ang naging salin dito ng butihing kawani ng Papa ay “to cry”, at ito ang naipakalat sa ating midya, na mababaw ang literasi sa wika (ay, kaysaklap!). Hindi naman sila masisisi, dahil nagmamadali sila sa pag-uulat, at iniisip nilang mainipin ang mga manonood at tagapakinig. Pinangangatawanan lamang talaga nila ang kanilang pagbabalita. Na isang kapinsalaan, sa palagay ko, sa ngalan ng “serbisyo publiko”. Ang hindi nila nahagip, na mahalaga sanang naipaliwanag sa madla, ay napakayaman ng “llorar” para maging “pag-iyak” lamang, tulad ng nasaksihang pag-iyak ng batang babae. Hindi nila nakita ang nakita ni Papa Francisco, at dahil iyan sa mismong kamangmangan nila sa wika at kaunawaan. Problema talaga siguro iyan ng pagsasalin, ngunit, bilang mamamahayag din, may pa mataas akong inaasahan sa ilan sa aking mga kabaro, higit sa paglalantad nila ng kanilang kawalang-alam. O ng kitang-kita naman. Maaaring problema rin ito ng kawalan ng likot ng guniguni. O simpleng kakulangan sa riserts, gayong napakadali namang magkompara ng salin gamit ang Google Translate. Sayang. Hindi nakita na maaari rin nitong tukuyin ang “paghihinagpis”, “pagluha”, “pagtaghoy”, “paghagulgol”, “pag-usig”, pati na “pagdarasal”, at “pagsigaw”, kung idadawit pa ang isang salitang Espanyol na“grito”. Sa pagtawag sa mga salitang ito, na umiiral naman sa mayaman ding Filipino, higit na nagkakaroon ng konteksto ang paghimok ni Papa Francisco sa kabataan na “tumangis” halimbawa, kasama ang mahihirap. Konotasyon ng panghihimok ang pakikiisa sa mga dahop, na isang alingawngaw ng ipinamalas na pananahimik niya, ng pag-amin sa kakulangan ng salita, sa piling ng mga nasalanta ni Yolanda (na isa ring makahulugang pihit ng wika). Nakapagtatakang ang mga mainiping ito ang nása larang ngayon ng komunikasyon; wala silang pitak sa wika, sa mga tingkad nito’t pakahulugan. Ang problema kay Papa Francisco, hindi ka maaaring maging mainipin kung mithi mo talaga siyang mabasa. Ang munakala ko, ito ang kaniyang birtud ng paglihis (evade), samantalang umiiwas ding banggain ang sarili niyang muog. Kaya napakasarap niyang basahin. Lamang, magtitiyaga ka.

Ngayon ko pa lamang sisimulang basahin ang kaniyang mga aklat na binili ko noon pa, ngunit bilang texto, mapaglaro si Papa Francisco, bagay na hindi ko rin ipinagtataka sapagkat dati siyang guro ng panitikan, bukod sa pagiging isang kemiko, at bouncer sa bar, at kung hindi ka magiging matalim ay hindi mo makukuha ang kaniyang pahiwatig. Una akong napukaw ng malarong paggamit niya sa halimbawa ni San Jose sa SM Mall of Asia, sa Engkuwentro kasama ng mga Pamilya (may nakahagip sa alusyon kay Jose na Nangangarap, pero saliwa ang bánat). Binanggit niya ang “sueño”, pagtulog, at ang pagtulog ni Jose bilang mahalagang tanda ng buong-buong pananampalataya sa Diyos, habang minimithing maging mabuting ama kay Jesus. Kaibig-ibig ang pagtawag ni Papa Francisco sa sarili niyang imahen ng Natutulog na San Jose sa mesa, na aniya’y dinadasalan at sinisilidan niya ng papel na pinagsulatan ng kaniyang daing upang ito’y “mapanaginipan” ng Santo, maidulog marahil sa Diyos. Maayos naman ang salin ng kawani ng Papa: “to sleep”. Na agad namang iniugnay sa isa pang kaugnay na dalumat, ang “to dream”, o pangangarap. Muli, walang nakapagpaliwanag na iisa ang salita para sa parehong gawain ng pagtulog at pangangarap sa Espanyol, bagay na dalá pa rin ng pagkamainipin, o marahil, kawalang-pakialam, dahil una, Espanyol ang wikang ginagamit (na hindi na natin ginagamit), at sapat na ang Ingles. Nakahihinayang, dahil bibihira tayong makasalamuha ng pigura mula sa pandaigdigang larang na malaro sa/ang wika na tulad ni Papa Francisco, may likot, at palagiang pinagtatalunan ang mga paninindigan (hindi ba kinailangan din ng paliwanag ang sinabi niya hinggil sa usaping Charlie Hedbdo?). Nakakahinayang, sapagkat sumapat na naman (o pinasapat ng midya) sa atin ang interbensiyong Ingles—na hindi naman masamâ—nang hindi man lamang nagtatangkang maglatag ng malikhain at kritikal na paliwanag hinggil sa kakaibang engkuwentro ng mga wika at kulturang nasaksihan nating lahat sa pagdating ng mapagpakumbabang Santo Papa.

Kasi, sapat na ang Ingles, marahil? Sa pagkakataong ito, hinayaan nating pagharian tayo ng hegemonya nito, na naging balakid upang matuklasan natin ang himagsik na tinutapad ng Papa na ito, gamit lamang ang wika, at mga pihit niyang pa-wika. Hinayaang mamingwit ang mamamayan ng kung ano na lamang.

Ang midya, sa ganang akin, ay talagang malubha ang karamdaman— kailangan ding itangis, upang kahit na papaano’y malunasan.

Pasinaya: Isang Panayam

IMG_0845Isinagawa ni Noel Galon de Leon para sa Kalatas, ang opisyal na publikasyon ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas, Hunyo 4, 2014.

Kalatas: Paano ka nagsimulang magsulat ng tula sa Filipino? At sino-sino ang mga naging inspirasyon mo sa pagsisimulang ito?

LJS: Mahalagang aspekto ng aking pagsulat ang pagpiling magsulat sa Filipino. Noong high school pa ako, palagian akong nasasabihan na “marunong kang magsulat”. Hindi ko alam ang ibig sabihin noon. Ang alam ko lamang, masarap sumulat ng mga formal theme, at magmakinilya sa aming kaybigat-bigat na Brother (oo, henerasyon ko ang mga huling gumamit ng makinilya, bago pumasok ang epoka ng desktop at laptop). Natuklasan ko na lamang na isang posibilidad ng buhay ang pagsusulat (at pagsusulat sa Filipino) nang sumubok akong sumali sa Varsitarian ng UST. Wari bang dahil doon, nakatagpo ko ang wikang aakay sa akin sa landas ng buhay na ito. Ang UST noong panahong ko (nang buhay na buhay pa si Ophelia A. Dimalanta), ay totoo namang paaralan ng pagmamakata—ngunit sa Ingles. Pinangarap ko noon pa man ang tumula. Ngunit parang sa prosa ako talaga kinailangang nagsimula. Sa kolehiyo ko rin nakilala ang ituturing kong malaong ama sa pagsusulat, si Dr. Michael M. Coroza, na totoong tumunghay sa aking pag-unlad, mula sa sinasabi niyang pagiging “buhaghag” ko sa pagsusulat hanggang sa pagpapatuloy ko’t kasalukuyang pangangarap. Ang pagtula ay talagang dumating na lamang sa akin noong naghahanap-buhay na ako, at minithi kong kumuha ng masterado sa malikhaing pagsulat. Inspirasyon, at nananatiling inspirasyon magpahanggang ngayon ang mga naging guro ko sa graduwadong paaralan—sina Marjorie Evasco at Cirilo F. Bautista. Ngunit ang talagang nakahikayat sa akin na seryosohin ang pagtula ay ang mga naging kaklase sa programa, lalo na si Allan Popa, na unang nagpayo na kailangan kong mag-aral nang malaliman at magbasa hinggil sa tula. Malaki ang utang na loob ko sa kanila.

Kalatas: Sa una mong koleksyon ng mga tula na At Sa Tahanan ng Alabok, ano ang naging inspirasyon mo para matapos ito? 

LJS: Lagi kong sinasabi na ang kabuuang panahon ng pagsulat ng aklat na ito ay sampung taon.  Minamarkahan ko ang 2000 bilang simula—dahil sa taong ito noong nasa kolehiyo pa ako nagsimula talaga ang lahat.  Sumali-sali ako sa mga palihan, nagpalapa sa mga nakatatandang manunulat, dinamdam ang sakit at kirot, ngunit patuloy na nangarap.  Nang makatapos ako, noong 2002, nasa isip ko nang magpatuloy magsulat, bagaman nahirapan akong maghanap ng trabaho—palibhasa’y hindi ko inaamin sa sarili at sa magulang na ang gusto ko talagang gawin sa buhay bukod sa magsulat ay magturo.  Nang nagtatrabaho sa isang maliit na eskuwela para sa mga Koreanong nag-aaral ng Ingles, nagsimula akong magbasa nang magbasa, at magsulat nang magsulat.  Binabasa ko noon sina Benilda S. Santos at Evasco.  Hindi ko inisip na may patutunghan ang ginagawa ko.  Tula lang ako nang tula sa isang notebook na hindi ko na mahanap ngayon.  Nang makahanap ako ng mas magandang trabaho, nakabuwelo ako at nakapagsimulang “bumalik” kung baga, sa pagsusulat.  Sa pagitan ng mga panahong iyon, sa pagitan ng pagtatrabaho sa kung saan-saan, ipinangako ko sa sariling magsusumikap ako para sa isang M.F.A., na magsusulat ako.  Sari-saring danas ang pinagdaanan ko, kabilang na ang pagdududa sa pinili kong karera. Isang life coaching program ang nakatulong sa aking linawin ang mga bagay na magpapaligaya sa akin.  Kasagsagan din noon ng aking pagtapos sa mga kurso sa M.F.A., at nakatakda na akong magtesis. Habang sumasailalim sa coaching program, nagkaroon ng anyo ang At Sa Tahanan ng Alabok, na tumipon sa mga naisulat ko sa mula’t mula.

Naghahanap ako ng aking sarili sa mga taong nabanggit ko bago ko natapos ang aking M.F.A.  At habang sumasailalim ako sa life coaching program, natuklasan kong may lusog na naidudulot ang kung baga ay pagbaling sa “dark side”, yaong mga bagay na hindi naman pulos kasamaan kundi mga bagay na puno ng potensiyal, ngunit nasa silong ng ating malay at naririmlan.  Nabasa ko na noon ang aklat ni Robert Bly na A Little Book on the Human Shadow, at ang libro ni Tony Perez na Pagsubok sa Ilang: Ikaapat na Mukha ni Satanas, na napakahalagang aklat na nagpamulat sa akin sa pagmutya sa dilim.  Naging balangkas ng Alabok ang panunubok ng diablo kay Kristo—na siyang kinatawang pangyayari para sa Kuwaresma, ang panahong ng paglilinis, pagdadalisay ng kaluluwa at mithi bago harapin ang nakatakdang misyon.  Sinubukan ko lamang itong tuklasin, dahil na rin sa mahahalagang “shadow work” na pinagdaanan ko sa life coaching.  Hindi naglaon, lumitaw na marami pala sa mga tulang nasulat ko sa mga taong ipinagpapatuloy ko ang pagsulat ay pawang sinisikap palalimin, kung baga, ang kabatiran ko sa aking sarili.  Sabagay kasi, nalalaman na lamang ang mga bagay na iyan kapag pinagsasama-sama na ang mga tula upang gawing koleksiyon.  Noong mga panahon naman na iyon, hindi ko naman talaga iniisip ang tema—siguro, talagang yugto ang sampung taong yaon ng mga paghahanap.  Panahon mismo ang humubog sa mga tula.

Kalatas: Matapos ang una mong koleksyon ng mga tula noong 2010, agad itong nasundan ng ikalawa mong koleksyon ng mga tula noong 2013, Kung Saan sa Katawan, kuwentuhan mo kami tungkol sa libro. 

LJS: Marahil nga ay maikli ang tatlong taon para sa iba, ngunit ang Kung Saan sa Katawan ay aklat na dala ng aking pagmamadaling gumawa ng bago, matapos ng Alabok.  Nagmamadali ako, marahil dahil sa hiya, lalo na nang nagsimula akong pumasok sa palihan ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA).  Ang Kung Saan ay muhon ng mga hinangad kong pagbabago sa tula matapos mag-LIRA.  Nag-aral ako ng tugma at sukat, at binalikan ko ang mga araling pampanulaan.  Marami akong kinailangang kaligtaan.  Bagaman naging isang mabuting supling ang Alabok, at pinalad pa nga itong kilalanin sa Gawad Madrigal Gonzales, marahil ay parang damit itong ang bilis kong nakalakihan.  Pinalawak ng LIRA ang aking pananaw sa pagtula, pinalalim ang aking mga pakikisangkot.  Siguro, talaga ngang may epekto ang ganoong “ pagpapapiit”.  Pakiramdam ko, may bagong sarili at tinig na lumabas matapos akong mag-LIRA.  Isang sarili at tinig na may mahigpit na hawak sa anyo at pahiwatig.  Harinawa.

Kalatas: Nagsusulat ka rin ng mga kritisismo at rebyu sa wikang Ingles, at alam namin na guro ka sa Ingles. Bakit naisip mong sa wikang Filipino ilabas ang dalawang koleksyon?

LJS: Ang totoo—nagsusulat naman ako nang sabay sa Filipino at Ingles.  At mas umigting ang ganoong sabayang pagbaling sa dalawang wika nang magsimula akong magturo sa Department of English ng Ateneo de Manila.  Parang may hamon sa akin na patunayan ang sarili dahil nga mas kilala akong nagsusulat sa Filipino (bagaman wala naman talaga, sapagkat malakas na ang ideya ng bilinguwalismo sa maraming larang ngayon).  Para ngang ano-ang-nauna-itlog-o-manok ang tanong na ito—pero ang totoo’y halos sabay ko namang ginagamit ang mga wikang ito.  Ang Ingles ay wika ng aking propesyon—ang peryodismo.  10 taon bago ako magturo sa Ateneo, nasa mga magasin at pahayagan ako.  Ingles ang wika.  Nagkataon pang mahihiligin ako sa teorya, at palabasa.  Nagsulat ako ng mga suring-basa sa Ingles para sa mga pahayagan.  Wika ng aking paglikha ang Filipino—at talagang nakatutula lamang ako sa wikang ito.  Kamakailan ko na lamang nakita ang kung anong “tunog” ko sa Ingles kapag tumutula sa pamamagitan ng mga salin nina Marne Kilates, J.A. del Prado, at Edmark Tan.  Nais kong isipin na pantay ang pagbaling ko sa dalawang wika, bagaman talagang halos schizopreniko ang aking danas sa kung baga’y pamamangka sa dalawang ilog.

Kalatas: Bilang makata at guro na rin, ano sa tingin mo ang kasalukuyang sitwasyon ng Panitikan ng Filipinas, partikular sa pagsulat ng tula sa wikang Filipino?

LJS: May sinulat ako kamakailan hinggil dito, at ang hinuha ko, mabulas ang panulaan.  Kung “wikang Filipino” ang tanong mo, ang basa ko sa praseng ito ay hindi lamang Tagalog kundi mga wikang ginagamit sa Filipinas.  Kasama rin sa basa kong ito ang “wikang Filipinong” nililinang, pinauunlad ng mga wikang nabanggit.  Higit na kapana-panabik ang panulaan sa wika—o mga wikang Filipino—dahil nagkakaroon ng maraming abenida ng paglalathala at pagsulat.  Dumarami rin ang nag-aaral ng poetikang lokal, na sa palagay ko’y napakahalagang gawin dahil nabibigyan nito ng lawas ang ating pag-unawa sa ating pagtula.  Malawak din ang paksain ng mga makata, palibhasa’y talagang nakaapak ang kanilang mga paa sa lupa, sa lunan ng tinutulaan.  At buhay ang pangangalaga sa mga papausbong na manunulat sa pamamagitan ng mga pormal at impormal na mga samahan.  Ito siguro ang bentahe ng panulaan sa “ wikang Filipino”.

Kalatas: Maliban sa dalawang koleksyong ito ng iyong mga tula, ano pa sa tingin mo ang naging mahalagang ambag mo sa pagpapalusog ng panitikan ng Filipinas bilang manunulat?

LJS: Kaybigat na tanong.  Ang ambag, sa palagay ko, ay susukatin kapag pare-pareho na tayong patay.  Hindi ako masyadong nag-iisip ng pag-aambag talaga, lalo para sa “pagpapalusog ng panitikan sa Filipinas”.  Tungkulin nating lahat iyan na hindi na dapat inaalam kung gaano kahalaga, hindi nga ba?  Isa pa, palagay ko, ang panitikan naman ay kusang uunlad, sang-ayon sa mga kibot ng panahon.  Kung hindi ako nagmakata, magpapatuloy siya sa pag-unlad.  Puwedeng naging doktor ako, abogado, o negosyante tulad ng tatay ko.  Simple lamang akong tao: nagbabayad ng buwis, bumuboto, umaasa sa sahod at paniniwala sa kabutihan ng kapwa.  At nagtuturo at nagsusulat.  Sapat nang isipin at problemahing lagi kung nagagawa ko nga ba nang tama at mahusay ang mga bagay na pinili kong gawin.  Bahala na kung nakapag-aambag talaga.

Ngunit aaminin ko, lalo sa pag-iikot ko sa bansa kamakailan para magturo ng tula: talagang nakakapanlumo ang lagay ng ating edukasyong pampanitikan.  Naririyang nagugulat ang mga guro dahil pawang mali ang kanilang itinuturo.  Maraming nalilito, lalo na sa pagdating ng K-12.  Ang laki ng problema.  Iniisip ko kung papaano pa makatutulong sa mga kapwa guro, lalo na yaong hindi naaabot ng institusyonal na sentro.  Galit na galit lamang ako sa tuwing umuuwi ako sa Maynila: parang gusto kong isuplong sa mga gurong ito ang mga may gawa ng mga kahunghangan.  May mawawalan ng trabaho sa 2016, tiyak iyon.  At parang pinalangoy natin sa malawak, malalim na dagat ang isa’t isa.  Kung may gusto akong iambag, gusto kong makatulong nang husto ngayon sa mga gurong ito na unang humubog sa kamalayan ng kabataan.  Labas ito sa solitaryong pagsulat.  Kailangan nating lumabas sa sari-sariling soledad sa mga panahong ito.

Kalatas: Sino-sino ang kontemporanyo mo sa pagsulat, at paanong naiiba ang klase ng panulat mo sa kanila?

LJS: Kapag binabasa ko si T. S. Eliot, parang may pakiramdam akong lahat ng pinarunggitan niya (allusion), mga ka-kontemporanyo niya.    Ang “kontemporanyo” ay isang pagtatakda ng/sa panahon, at para sa manunulat hindi lamang mga kapanahon niya ang talagang kapanahon niya.  “Kapanahon” niya rin ang mga awtor na kinakau-kausap niya sa kaniyang mga akda, sa kaniyang pagbabasa, sa kaniyang pangangarap.  Magandang bahagi ng iyong tanong ang pagiging “kaiba”—at sa palagay ko, dito talaga natin makikita ang tagisan at diyalogong dinaranas ng manunulat sa piling ng mga minamahal na awtor at akda.  Ang akda ay puwang ng tagpuan ng magkakaibang panahon, at lalaging dikalektiko ang proseso ng ugnayan.  Paboritong-paborito ko si Harold Bloom sa kaniyang mga paliwanag hinggil sa anxiety of influence, at sa paglalantad sa halos lihim na kaparaanan ng pamimili ng manunulat sa bubuo sa kaniyang lipunan (ala Emily Dickinson, kung baga).  “The soul selects her own society/ then shuts the door,” sabi nga ng ermitanyang makata.  Parang ganoon ang tingin ko sa dalumat ng kontemporanyo, kung kaya’t kahit sa literal na pakahulugan ay napakahirap nitong ipaliwanag.

Sa kabilang banda, namimilosopo lamang ako, marahil dahil ang tanong na ito’y isang tangka sa paglulugar sa sarili sa isang continuum ng kasaysayang pampanitikan na nakatindig sa kasalukuyan.  Una, ang totoo’y hindi ko alam kung saan ko ipopook ang sarili—para bang kailangan ko pang datnan ang espasyo ni Sandra Bullock sa kaniyang pelikula kamakailan bago talagang makita ang “lugar” ko sa panahon.  Kailangan ng talagang malayuan, obhetibong pagtingin.  At hindi lamang malayuan, obhetibong paningin, kundi tinging maaaring makayanig, makaligaw.  Para kasing talagang minamalas ang daigdig sa outer space.  Ngunit sa kasaysayan ng Panitikan sa Filipinas, si Alejandro G. Abadilla lamang talaga ang nagkaroon ng lakas ng loob na masdan ang sarili bilang “daigdig” at pangalanan pa itong yaon na nga. At ginagawa niya iyon bilang reaksiyon sa matinding gahum ng Balagtasismo.  Ano nga ba ang tinutugon ko bilang manunulat?  Para sa akin, ang tula ay isang paraan ng pagsampalataya sa mga posibilidad ng paglikha, at sino mang kapanalig ko rito ay kapanahon ko na nga.  Hindi ko na siguro babalingan ang kaibhan ko, dahil talaga namang may pagkakaiba-iba; espiritu ng paglikha ang pagkakaiba-iba.

Kalatas: Dahil hindi na lamang nakasentro ang usapin ng panitikan sa mga manunulat na nagsusulat sa wikang Tagalog at Filipino, bilang kritiko at guro na rin na nagtuturo ng panitikan, paano tinitingnan ng sentro ang panitikang rehiyon? Halimbawa ang mga manunulat at ang mismong panitikang Hiligaynon? 

LJS: May pagbabagong nangyayari sa “sentro”.  Hindi pa ito ganap na nadedesentro, ngunit nakararamdam na ito ng ibayong yanig sa bugtong nitong kalupaan, gawa marahil ng pagbangga ng lupalop ng mga naigilid.  Parang tectonic shifts.  Magandang tanda ito, sa palagay ko, dahil naigigiit na marami pang ibang posibilidad at orisonte bukod sa Tagalog/Filipino, at lalo na, bukod sa Ingles.  Naipapakita rin nito ang totoong lagay ng ating kalupaan bilang isang arkipelagong may mga lunang may matalik bagaman komplikadong ugnayan.  Ito sigurong “lagay” na ito ang madalas nakaliligtaang ipaliwanag sa mga diskurso ng gitna-tabi sa Filipinas.  Higit na Kanluranin, at totoo namang Kanluranin, ang ating pagkakaunawa sa sentro-marhen.  Kapag binalikan natin ang ating heograpikong katayuan, may mga bago tayong kislap-diwa (insight) na mahahagip hinggil sa kung papaano nga ba nangyayari ang ating pagtitinginan sa isa’t isa (hindi nga ba ang “ pagtitinginan” din ay isang mapahiwatig na tanda ng pagmamalasakitan o pagkakaunawaan?).  Ang tingin ko, mayroon ding positibo’t higit na nagpapalakas na posibilidad ang pagbasa sa “tingin” sapagkat ang ugnayang gitna-gilid natin ay hindi kasing itim-puti ng simplistiko’t maka-Kanlurang pakahulugan.  Marahil, sa panahon na lamang na ito nagkakaganoon ang pagdalumat sa tingin, at totoo namang talagang nakagagahum ang sentro’t naisasantabi ang rehiyon.  Ngunit kapag binalikan natin ang ating pagnininuno, ilan ba talaga sa atin ang makapagsasabing dalisay tayong mula sa ating minulan, para sabihing mas mabulas, maunlad ang isang panitikan kaysa sa isa pa?  Lahat naman siguro halos ng Filipino ay hybrid, at talagang “desentralisado”.  Ako halimbawa’y hindi naman Tagalog na Tagalog, bagaman ang Tatay ko ay taga-Baliwag, Bulacan.  Pinalaki akong Ilocano ng aking Nanay.  Ang mga ina ng aking mga magulang naman ay pawang mga Bisaya—ang lola ko sa ama ay taga-Capiz, ang sa ina naman ay taga-Leyte.  Ang diskursong gitna at gilid ay gumuguho kapag sinimulan nating talakayin kung talaga nga bang mula tayo sa gitna o gilid.  Mahirap ang pagpopook, lalo’t higit ang pagpapahalaga ng kinapopookan, kung lahat tayo ay halos walang-lugar (placelessness).

Sa isang higit na personal na paglilimi, malaki ang paggalang ko sa maraming manunulat mula sa rehiyon na sa aking palagay ay talagang matagumpay sa “pagyanig” sa “sentro”.  Sa Bikol, talagang taas ang kamay ko kina Kristian Sendon Cordero, Alvin Yapan, at sa isang kritikong tagapangalaga ng panitikan nitong si Paz Verdades Santos (na dayo rin ng Bikol!), guro ko sa Kasaysayang Pampanitikan.  Sa Hiligaynon, hayaan mong pahalagahan ko, una, ang ambag at talino ng namayapa kong kaibigan na si Winton Lou Ynion.  Napakaikli ng kaniyang buhay at naniniwala akong kung naipagpatuloy niya ang kaniyang mga proyekto ay marami pa siyang nasabi hinggil sa panitikan sa Hiligaynon (utang na loob ko rin sa kaniya na makilala ang kritisismo ni Lucilla Hosillos).  Ang dami pa ninyo sa Negros-Panay!  Rosario Cruz Lucero, Vicente Garcia Groyon, Alice Tan Gonzales, R. Torres Pandan, Isidro Cruz, Genevieve Asenjo, John Barrios, John Iremil Teodoro.  Kahanga-hanga ang inyong produksiyon, sa totoo lamang.  Gayundin ang paghanga ko bilang Tagalog (at hindi talaga Tagalog) sa mga kabagang kong Ilocano, tulad ni Ariel S. Tabag.  Magandang tunghan ang mga binitiwan kong pangalan upang makita ang isang magandang modelo ng sinasabi ko nga kaninang matalik at komplikadong ugnayan, “tinginan” ng pinaniniwalaang “sentro” at “marhen” sa Filipinas.  Bakit matagumpay ang mga manunulat na ito na “yanigin” ang “sentro”?  Sa palagay ko, malaki ang kinalaman ng wikang kanilang ginagamit.  Karamihan sa kanila’y nagsisisulat din sa Filipino—na umabot na sa embedding ng rehiyonal na korpus sa wika.  Ilan sa kanila’y nagsusulat nga sa Ingles ngunit malay sa at sensitibo sa nuances ng inyong konteksto. Matagumpay ito, hindi dahil sa nativism o kahit sa kaibhan o novelty.  Matagumpay ito dahil nakikipagtalastasan, nakikipagtagisan sila, mata sa mata, sa “sentro”.  Hindi nila hinahayaang maging sub-altern lamang sila ng “sentro” na ito.  Ito ang sa palagay ko’y isang magandang poskolonyal na dekunstruksiyon ng binaryong halagahan na ito, lalo na sa konteksto ng Filipinas.  Matagal nang itinanong ni Spivak kung nakapagsasalita nga ba talaga ang sub-altern, ngunit sa heograpikong lagay natin, talagang nangungusap ang mga mata.

Kalatas: Ayon kay Lumbera, puno ng pananalig at malumanay na tinig ang iyong mga tula. Sa tingin mo ba, isa ba ito sa mga rason kung bakit tila naiiba kaya mas angat ang klase at kalidad ng mga tula mo sa ibang manunulat sa wikang Filipino? 

LJS: Palagay ko, ang ibig sabihin lamang ni Dr. Bienvenido Lumbera nang sambitin niya iyan ay talagang iyan lamang.  Palibhasa’y naipakilala ako kaagad bilang isang “relihiyoso” at “Katoliko” na makata, salamat sa ngayo’y amo ko sa Department of English, at malaong kaibigan na si D.M. Reyes.  Marahil, kakaiba nga ito dahil sa mga paksang pinili ko—pananalig, pagdududa, pagdurusa, kaligtasan.  Wala sa isip ko ang ideya ng pagiging makatang Katoliko (o lalo na, mistiko; Diyos na mahabagin, huwag mo akong tutulutan ng iyong mga sugat!).  Ngunit sa panahong may iba at kakaibang hilig ang mga makata—lalo na sa mga konseptwal na ideya, ang ideya ng metapisikal at mabathala ang naging interesante para sa akin.  Siguro, dahil na rin sa totoo namang patuloy kong pagiging Katoliko, at minsang paghahangad na maglingkod bilang pari (na kinalimutan ko na).  Ngunit isang buong buhay lamang naman talaga ang itinutudla ko.  Hindi ko alam kung nakatutulong ang pagpiling ito sa pagiging “angat” ng aking tula; hindi ko rin tiyak kung nagbibigay ito ng “ kaledad” sa aking gawa.  Sa isip ko, marami akong karanasang poetiko na madalas kong kakitaan ng aspektong espirituwal.  Marahil, ito ang nagdudulot ng pananalig at pagkamalumanay, na madalas na iniuugnay sa mga ganitong pamamaksa sa panitikan.

Kalatas: Interesante rin ang napansin ni Lumbera sa At Sa Tahanan ng Alabok. Wika niya, sa mga tula mo diumano ay nagsasanib ang tradisyonal at ang bago para makipagtalastasan sa mga Filipino ng kontemporaryong lipunan. Malay ka ba sa paraang ito? 

LJS: Para sa akin, propetiko ang sambit na ito ng butihing Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan.  Nang binubuo ko ang koleksiyon, wala pa ako sa LIRA, ang malaong pinaniniwalaang balwarte ng “tradisyonal” na panulaan, dahil sa pagkiling nito sa kaalamang katutubo.  Basa ito ni Manong Bien, kung kaya’t hindi ko talaga alam kung ano ba ang ibig sabihin niya ng pagsasanib ng “tradisyonal at bago”; sa isang banda, baka nga totoo rin ito, kasi ako rin iyong tipo ng makatang mahihiligin talaga sa klasika at kasalukuyan.  Nalulugod ako sa luma; mahalaga ang “luma” sa pagpopook ng sariling sining, at lalong napaigting ang aking paggalang sa “ luma” nang magsimula akong magturo ng Panitikan sa Ingles.  Natutuhan kong umibig kina Sophocles, Shakespeare, Blake, Donne, Keats, Hopkins, Browning, Dickinson, Arnold, Frost (sa Filipino, tagahanga akong talaga nina Balagtas, Florentino Collantes, Ildefonso Santos, Jose Corazon de Jesus, Lope K. Santos, Amado V. Hernandez, Teo Baylen, atbp.).  Lugod din naman ako sa bago at pangahas, bagaman hindi ako laging sumasang-ayon sa tila hindi gaanong nauunawaang mapamuksang diwa nito.  Ang pagpuksa para sa akin ay hindi pagpuksa per se kundi pagbuo mula sa mga ruinas ng pinaniniwalaang naitatag o mga tagapagtatag.  May isang kuwento si Graham Greene na lagi kong itinuturo sa klase, ang “The Destructors”, at ang kabataan sa kuwento’y may mga kamay ng pagpuksa, pagwasak.  Ngunit ano ba ang kanilang ginawa bago ang pagwasak?  Ang naging objective correlative ng kuwento ay ang lumang bahay na ninasa nilang pabagsakin, isang bahay na nakatindig pa rin sa kabila ng pambobomba ng mga Nazi sa London.  Napuksa nila ito, hindi mula sa labas, kundi mula sa loob—ibig sabihin, inalam muna nila ang balangkas nito, ang mga bahaging kailangang tungkabin upang talagang makapandestrungka.  Ganoon ang pagtatatag ng bago, sa palagay ko: may kabatiran sa tradisyon habang nakamalas sa kasalukuyang kaugalian at kapaniwalaan.  Temperament ko siguro talaga ito bilang manunulat.

Kalatas: Sa At Sa Tahanan ng Alabok, napansin namin ang pagsandig mo sa Maykapal, sa paraan at tonong tila mga mumunting panalangin. Ano ang inihahaing bago ng Kung Saan Sa Katawan bilang ikalawang koleksyon mo ng mga tula? 

LJS: Ang Kung Saan ay ikalawang yugto sa siklo ng proyekto kong mga matulaing pagninilay.  Hindi ko masabi agad kung ito ba ay tungkol sa buhay ng tao sa kasalukuyang panahon.  Siguro, tungkol na lamang sa buhay ko muna—bagaman hindi naman ako talaga lantarang nangungumpisal sa mga aklat ko.  Ang balak ko talaga ay sundan ang mga panahon sa Kalendaryong Liturhiko sa Simbahang Katolika.  Ang Alabok ay nakapook sa Kuwaresma, at ang Kung Saan ay nakatindig sa Semana Santa at Paskuwa.  Sa pag-amin kong ito marahil ay talagang mapapako na ako sa Kristiyanong pagbasa.  Ngunit gusto kong isipin na isa lamang itong personal na gabay o disenyo sa aking patuloy na pagtuklas sa tula.  Hindi ko alam kung talagang parang mumunting mga panalangin talaga ang mga tula, bagaman ayos na sa akin ito kaysa mabansagang nangangaral o didaktiko.  Ang buhay ko sa pagtula ay laging nakabatay sa kung ano ang maisulat ko—o maibanghay ko, sakaling gumagawa ng mahahaba o sunurang (sequence) gawa.  Wala talagang plano-plano pa sa ngayon.  Depende sa saloobin, iniisip, o iyon nga, inspirasyon, hanggang magkaroon ng malinaw na anyo ang lahat, sa tamang panahon.  Sa Kung Saan, pinilit kong magkaanyo ang duda—sa lahat ng mga katiyakan, pati na katiyakan ng pananalig—bagaman inililigtas ko pa rin ang tinig, sa paniniwalang hindi kasindilim ng kawalang pag-asa ang lahat.  Ang hirap ng paraprase, at sabi nga ni Cleanth Brooks, hindi dapat pinaparaprase ang tula.  Ang bawat aklat ay talagang paghahayin ng mga kaisipang maaaring dati na’t baryasyon lamang sa proseso.  Mahirap na lamang magsalita.

Kalatas: Isa sa mga napansin ni Santos sa Kung Saan Sa Katawan ay ang konsepto ng “sagradong lumbay” mula sa iyong mga tula. Ano sa tingin mo ang ibig sabihin niya nito?

LJS: Galing sa isang linya ng isa sa mga tula ko ang praseng iyan.  At ang tulang iyon, ang “Soltero” ang talagang paborito ko sa aklat.  Malungkot ang tula, tungkol sa pag-iisa, at samut-saring rasyonalisasyon hinggil dito.  Gaya ng sinabi ko hinggil sa sinabi ni Manong Bien, hindi ko rin tiyak kung bakit umangat ang linyang iyan para kay Ma’am Beni.  Ngunit hindi nga ba, sa isang banda, ang pagmamakata ay talaga namang pagpasok sa isang sagradong lumbay?  Dahil nag-iisa lamang naman tayo sa paglikha, at sa pag-ibig natin sa sining na ito?  Hindi ito paraprase, at nagmumunakala lamang ako.

Kalatas: Para sa iyo, ano ang kahalagahan ng tula sa kontemporanyong lipunan? Kaya ba nito tayong sagipin mula sa mga personal nating trahedya?

LJS: Matagal nang ginagawa ng tula ang tangkang pagsagip sa atin sa ating mga “personal na trahedya”.  Kababasa ko lamang kamakailan kay Sharon Olds, sa aklat niyang nagwagi sa Pulitzer, ang Stag’s Leap.  Tulad ng mga nagdaang koleksiyon niya,  ang aklat ay isa na namang paglaladlad ng sariling drama—ngayon, ang hiwalayan nila ng kaniyang asawa.  Mapait ang mga tula, laging bumabalik ang gunita ng nakipaghiwalay dahil may ibang babae.  Ngunit naiproseso ito ni Olds.  Dumaan siya sa mga yugto ng pagtanggap.  Siguro, ang mahihinuha natin sa halimbawang ito ay talagang may kapangyarihan ang tula na bigyang anyo ang damdamin, lalo sa mga pagkakataon ng mabibigat, masasakit na pangyayari o pagbabago sa buhay.  Ngunit sa isang banda, isa lamang ang personal na antas sa dapat na mithiing marating, masakop ng tula.  May nagbabasa, may kausap ang tula.  Hindi nabubuo ang tula kung wala ang lipunan, ang nagbabasa.  Ang personal ay nabubura na sa danas ng pagbasa ng iba—nagiging publiko ito, tinataya, “pinakikinggan” ng madla.  Ang tula, sa ganang akin, ay talagang anyong nagpapahalaga sa mahahalagang karanasang pantao—kaya nga mahalaga ito.  Ngunit sa usapin ng pagsagip mula sa mga “personal nating trahedya”, maganda sigurong isunod na tanong ang: kaninong trahedya ba?  Kung sa makata lamang, aba’y nakagawa na siya ng sining, kung baga, nasabi na niya ang gustong sabihin (o naparinggan ang gustong paringgan).  Kung sa pangmalawakang lipunan naman, nabibigkis ng tula ang mga lunggati ng sambayanan, lalo’t kung matindi ang danas ng kasawian.  Si Merlie Alunan sa kasalukuyan ang ang naiisip kong halimbawa ng ganitong pagtatangkang ilugar ang tula bilang pagsasatinig ng pananahimik (at kamatayan) matapos ng trahedya ng Yolanda.  Maaari ngang “mailigtas” tayo ng tula, sa kapaniwalaang katartiko ng panitikan, ngunit higit sa lahat, kailangang mithiin talaga ng ano mang panitikan ang mapagbagong pananaw, o sabi nga ni Herbert Marcuse ay “alternatibo” o higit na may pag-asang bisyon para sa buhay ng tao.  Isa pa, ang tula, hinuha nga ni Carolyn Forche, ay makapangyarihan sa pagsaksi sa mga panahon ng masidhing kagipitan ng tao sa kasaysayan.  Ang “personal”, sa pag-aaral ng nabanggit na paborito kong makata, ay nalulusaw upang maging “publiko”, maging pagmamay-ari ng lahat.

Kalatas: Dahil katatapos lamang ng season ng workshop sa pagsulat, bilang manunulat na hinubog rin ng pag-attend-attend sa mga ganitong klaseng gawain, ano ang maipapayo mo sa mga batang manunulat na nagbabalak magworkshop?

LJS: “Mag-enjoy sa bakasyon!”  Biro ko ito noon, kapag tinatanong hinggil sa “pag-attend-attend” ng workshop.  Noong panahon ko, may tawag na sa mga tulad naming ginagawang “Tour of the Philippines” ang palihan: workshopper.  Pero bawat workshop na dinaluhan ko ay hindi talaga bakasyon kundi talagang pagpapanday sa akda at pagsulat.  Siguro, dapat lamang paghandaan ang mga bagay na maririnig.  Maganda rin kasi sa sino mang manunulat na, sa isang banda, may kapasidad ka rin sa pagkritika ng sarili.  Naaalala kong sabi ni F. Sionil Jose na tayo mismo ang pinakamabagsik nating kritiko.  Kapag dumadalo ako sa workshop, iniisip ko na agad ang maaaring pinakamababagsik na sasabihin tungkol sa gawa ko.  Kapag nailista ko na sa isip ang mga bagay na iyan, at naasahang dumating, iniisip ko na lamang bilang pampalubag-loob ang mga ipamimiling pasalubong at mga lugar na bibisitahin.  Kasi naman, hindi ba, bakasyon naman talaga ang workshop?

Pero seryoso:  hindi naman natin tungkuling paniwalaan lahat ang napupulot sa workshop.  Hindi naman lahat ay katotohanang Ebangheliko.  Huwag lamang sigurong gaanong mapikon.  May mga namamalihang gusto lamang marinig ang kanilang sarili sa pag-aakalang ang ganda ng kanilang boses, o ang talino nila.  Sa palagay ko, sa workshop maaaring makatagpo ng mga guro at kabagang na pagtitiwalaan at magiging kaibigan sa mahabang panhon.  Maging mabait sa kapwa, masunurin sa tuntunin, ngunit kung may katwiran, sabi nga dati sa telebisyon, “ipaglaban mo.”  Ang workshop ay hindi lamang pandayan ng gawa.  Pandayan din ito ng sarili.  Sa mga workshop ko natutuhan ang halaga ng kababaang-loob, at higit sa lahat, pananalig na sa pagdating ng panahon, may kahihinatnan din ang lahat.

Kalatas: Iyon namang mga manunulat na nagsusulat sa Ingles, paano mo sila papayuhan?

LJS: Sumubok magsulat sa Filipino–o sa alin mang wikang Filipino.  Tandaan: dumarami ang mga manunulat sa Filipinong nagsusulat at kasing tatas din nila sa Ingles.

Kalatas: Iyon namang mga manunulat sa rehiyon, iyong mga di nakapagsusulat sa Filipino, halimbawa, iyong mga manunulat sa Akeanon at Kinaray-a?

LJS: Patuloy na makipagtalastasan sa Pambansang Wika.  At tiyaking magkakapuwang sa lawas nito.  Tandaan: hindi sapat ang Tagalog para ilarawan ang marami nating danas.  Mas kailangan kayo ng Filipino.

Kalatas: Pangangailangan ba ang pagsasalin, halimbawa kung ikaw ay manunulat sa rehiyon?

LJS: Sa ngayon, dapat na suportahan natin ang pagsasalin dahil tiyak na payayamanin nito ang ating kultura.  Bilang isang arkipelahikong bansa na may daang wika, magiging daan natin ang pagsasalin tungo sa malawakang pagkakatuklas sa potensiyal ng sinasabi ko kaninang matalik at komplikadong ugnayan ng mga lupalop ng Filipinas.  Hindi lamang manunulat sa rehiyon ang may pangangailangan sa pagsasalin.  Pangangailangan ito ng lahat dahil kailangang sinupin natin ang bawat pag-aakda sa bansa.   Kailangan nang mabasa natin ang isa’t isa! Kailangan nating paguhuin ang mga pader na namamagitan sa ating mga wika.  Ang argumento ko, kailangang ipasalin lalo sa Filipino ang ating mga akda mula sa rehiyon.  Sa kabilang banda, kailangan din namang magbukas ng pinto ang rehiyon sa pakikipagdiyalogo ng Filipino sa kanilang mga pook.  Hindi ito pang-isahang daan lamang.  Tulad ng pagsasalin, ang ugnayan ay pandalawahan, o pang mas marami pa.

Kalatas: Ano ba ang esensiya ng pagsasalin para sa iyo?  Halimbawa, naiisip mo na ba ngayon na isalin sa wikang Ingles ang dalawa mong koleksyon para mas magkaroon ka ng mas malawak na mambabasa?

LJS: Sinimulan na naming trabahuhin ang salin ng ilan sa mga tula ko patungong Ingles.  Katulong ko rito sina Sir Marne Kilates, na pumayag na maging tagasalin ko, at ang dalawang kabataang manunulat mulang UST na sina Del Prado at Tan.  Hindi ko pa iniisip na ipasalin ang mga libro, per se—una, hindi pa panahon.  Paisa-isang hakbang siguro muna.  Sa Kung Saan, may kasamang salin sa Ilocano ng isa kong tula.  Gawa ito ni Tabag, na napakiusapan ko minsang magsalin.  Inilabas niya ang salin sa Bannawag.  Kung titingnan natin ang direksyon ng aking proyekto ng pagpapasalin, nakatuon ito sa Ingles at sa Ilocano, na isa ko pang wika.  Sa kabutihang palad, pinapansin naman ang mga tula ko sa salin, at nakarating na ito sa Amerika at Canada.  Sana’y may iba pang lupalop na marating.

Kalatas: Ano ang dapat asahan ng mga mambabasa mo sa iyo ngayong 2014? 

LJS: May biro ako kay Kristian Cordero, nang minsang magkasama kami sa taksi.  Ang sabi ko, hindi ako kailanman magiging direktor sa pelikula (o auteur tulad niya).  Kaya, wika ko, “gawin mo akong artista.”  Ang totoo, may pitak sa akin ang teatro at pag-arte, at hindi ko pa iyon nasusubukan.  Ini-imagine ko lamang, bagaman wala pa talaga akong lakas ng loob.  Sinasabi ko ito, kasi hindi ko alam kung ano ang naghihintay (at dapat hintayin mula) sa akin sa 2014.  Bagong libro siguro?  Maaari.  May inaabangan akong ipinasang akda.    Naghihintay pa rin ako sa susunod na salita.