Isinagawa ni Noel Galon de Leon para sa Kalatas, ang opisyal na publikasyon ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas, Hunyo 4, 2014.
Kalatas: Paano ka nagsimulang magsulat ng tula sa Filipino? At sino-sino ang mga naging inspirasyon mo sa pagsisimulang ito?
LJS: Mahalagang aspekto ng aking pagsulat ang pagpiling magsulat sa Filipino. Noong high school pa ako, palagian akong nasasabihan na “marunong kang magsulat”. Hindi ko alam ang ibig sabihin noon. Ang alam ko lamang, masarap sumulat ng mga formal theme, at magmakinilya sa aming kaybigat-bigat na Brother (oo, henerasyon ko ang mga huling gumamit ng makinilya, bago pumasok ang epoka ng desktop at laptop). Natuklasan ko na lamang na isang posibilidad ng buhay ang pagsusulat (at pagsusulat sa Filipino) nang sumubok akong sumali sa Varsitarian ng UST. Wari bang dahil doon, nakatagpo ko ang wikang aakay sa akin sa landas ng buhay na ito. Ang UST noong panahong ko (nang buhay na buhay pa si Ophelia A. Dimalanta), ay totoo namang paaralan ng pagmamakata—ngunit sa Ingles. Pinangarap ko noon pa man ang tumula. Ngunit parang sa prosa ako talaga kinailangang nagsimula. Sa kolehiyo ko rin nakilala ang ituturing kong malaong ama sa pagsusulat, si Dr. Michael M. Coroza, na totoong tumunghay sa aking pag-unlad, mula sa sinasabi niyang pagiging “buhaghag” ko sa pagsusulat hanggang sa pagpapatuloy ko’t kasalukuyang pangangarap. Ang pagtula ay talagang dumating na lamang sa akin noong naghahanap-buhay na ako, at minithi kong kumuha ng masterado sa malikhaing pagsulat. Inspirasyon, at nananatiling inspirasyon magpahanggang ngayon ang mga naging guro ko sa graduwadong paaralan—sina Marjorie Evasco at Cirilo F. Bautista. Ngunit ang talagang nakahikayat sa akin na seryosohin ang pagtula ay ang mga naging kaklase sa programa, lalo na si Allan Popa, na unang nagpayo na kailangan kong mag-aral nang malaliman at magbasa hinggil sa tula. Malaki ang utang na loob ko sa kanila.
Kalatas: Sa una mong koleksyon ng mga tula na At Sa Tahanan ng Alabok, ano ang naging inspirasyon mo para matapos ito?
LJS: Lagi kong sinasabi na ang kabuuang panahon ng pagsulat ng aklat na ito ay sampung taon. Minamarkahan ko ang 2000 bilang simula—dahil sa taong ito noong nasa kolehiyo pa ako nagsimula talaga ang lahat. Sumali-sali ako sa mga palihan, nagpalapa sa mga nakatatandang manunulat, dinamdam ang sakit at kirot, ngunit patuloy na nangarap. Nang makatapos ako, noong 2002, nasa isip ko nang magpatuloy magsulat, bagaman nahirapan akong maghanap ng trabaho—palibhasa’y hindi ko inaamin sa sarili at sa magulang na ang gusto ko talagang gawin sa buhay bukod sa magsulat ay magturo. Nang nagtatrabaho sa isang maliit na eskuwela para sa mga Koreanong nag-aaral ng Ingles, nagsimula akong magbasa nang magbasa, at magsulat nang magsulat. Binabasa ko noon sina Benilda S. Santos at Evasco. Hindi ko inisip na may patutunghan ang ginagawa ko. Tula lang ako nang tula sa isang notebook na hindi ko na mahanap ngayon. Nang makahanap ako ng mas magandang trabaho, nakabuwelo ako at nakapagsimulang “bumalik” kung baga, sa pagsusulat. Sa pagitan ng mga panahong iyon, sa pagitan ng pagtatrabaho sa kung saan-saan, ipinangako ko sa sariling magsusumikap ako para sa isang M.F.A., na magsusulat ako. Sari-saring danas ang pinagdaanan ko, kabilang na ang pagdududa sa pinili kong karera. Isang life coaching program ang nakatulong sa aking linawin ang mga bagay na magpapaligaya sa akin. Kasagsagan din noon ng aking pagtapos sa mga kurso sa M.F.A., at nakatakda na akong magtesis. Habang sumasailalim sa coaching program, nagkaroon ng anyo ang At Sa Tahanan ng Alabok, na tumipon sa mga naisulat ko sa mula’t mula.
Naghahanap ako ng aking sarili sa mga taong nabanggit ko bago ko natapos ang aking M.F.A. At habang sumasailalim ako sa life coaching program, natuklasan kong may lusog na naidudulot ang kung baga ay pagbaling sa “dark side”, yaong mga bagay na hindi naman pulos kasamaan kundi mga bagay na puno ng potensiyal, ngunit nasa silong ng ating malay at naririmlan. Nabasa ko na noon ang aklat ni Robert Bly na A Little Book on the Human Shadow, at ang libro ni Tony Perez na Pagsubok sa Ilang: Ikaapat na Mukha ni Satanas, na napakahalagang aklat na nagpamulat sa akin sa pagmutya sa dilim. Naging balangkas ng Alabok ang panunubok ng diablo kay Kristo—na siyang kinatawang pangyayari para sa Kuwaresma, ang panahong ng paglilinis, pagdadalisay ng kaluluwa at mithi bago harapin ang nakatakdang misyon. Sinubukan ko lamang itong tuklasin, dahil na rin sa mahahalagang “shadow work” na pinagdaanan ko sa life coaching. Hindi naglaon, lumitaw na marami pala sa mga tulang nasulat ko sa mga taong ipinagpapatuloy ko ang pagsulat ay pawang sinisikap palalimin, kung baga, ang kabatiran ko sa aking sarili. Sabagay kasi, nalalaman na lamang ang mga bagay na iyan kapag pinagsasama-sama na ang mga tula upang gawing koleksiyon. Noong mga panahon naman na iyon, hindi ko naman talaga iniisip ang tema—siguro, talagang yugto ang sampung taong yaon ng mga paghahanap. Panahon mismo ang humubog sa mga tula.
Kalatas: Matapos ang una mong koleksyon ng mga tula noong 2010, agad itong nasundan ng ikalawa mong koleksyon ng mga tula noong 2013, Kung Saan sa Katawan, kuwentuhan mo kami tungkol sa libro.
LJS: Marahil nga ay maikli ang tatlong taon para sa iba, ngunit ang Kung Saan sa Katawan ay aklat na dala ng aking pagmamadaling gumawa ng bago, matapos ng Alabok. Nagmamadali ako, marahil dahil sa hiya, lalo na nang nagsimula akong pumasok sa palihan ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Ang Kung Saan ay muhon ng mga hinangad kong pagbabago sa tula matapos mag-LIRA. Nag-aral ako ng tugma at sukat, at binalikan ko ang mga araling pampanulaan. Marami akong kinailangang kaligtaan. Bagaman naging isang mabuting supling ang Alabok, at pinalad pa nga itong kilalanin sa Gawad Madrigal Gonzales, marahil ay parang damit itong ang bilis kong nakalakihan. Pinalawak ng LIRA ang aking pananaw sa pagtula, pinalalim ang aking mga pakikisangkot. Siguro, talaga ngang may epekto ang ganoong “ pagpapapiit”. Pakiramdam ko, may bagong sarili at tinig na lumabas matapos akong mag-LIRA. Isang sarili at tinig na may mahigpit na hawak sa anyo at pahiwatig. Harinawa.
Kalatas: Nagsusulat ka rin ng mga kritisismo at rebyu sa wikang Ingles, at alam namin na guro ka sa Ingles. Bakit naisip mong sa wikang Filipino ilabas ang dalawang koleksyon?
LJS: Ang totoo—nagsusulat naman ako nang sabay sa Filipino at Ingles. At mas umigting ang ganoong sabayang pagbaling sa dalawang wika nang magsimula akong magturo sa Department of English ng Ateneo de Manila. Parang may hamon sa akin na patunayan ang sarili dahil nga mas kilala akong nagsusulat sa Filipino (bagaman wala naman talaga, sapagkat malakas na ang ideya ng bilinguwalismo sa maraming larang ngayon). Para ngang ano-ang-nauna-itlog-o-manok ang tanong na ito—pero ang totoo’y halos sabay ko namang ginagamit ang mga wikang ito. Ang Ingles ay wika ng aking propesyon—ang peryodismo. 10 taon bago ako magturo sa Ateneo, nasa mga magasin at pahayagan ako. Ingles ang wika. Nagkataon pang mahihiligin ako sa teorya, at palabasa. Nagsulat ako ng mga suring-basa sa Ingles para sa mga pahayagan. Wika ng aking paglikha ang Filipino—at talagang nakatutula lamang ako sa wikang ito. Kamakailan ko na lamang nakita ang kung anong “tunog” ko sa Ingles kapag tumutula sa pamamagitan ng mga salin nina Marne Kilates, J.A. del Prado, at Edmark Tan. Nais kong isipin na pantay ang pagbaling ko sa dalawang wika, bagaman talagang halos schizopreniko ang aking danas sa kung baga’y pamamangka sa dalawang ilog.
Kalatas: Bilang makata at guro na rin, ano sa tingin mo ang kasalukuyang sitwasyon ng Panitikan ng Filipinas, partikular sa pagsulat ng tula sa wikang Filipino?
LJS: May sinulat ako kamakailan hinggil dito, at ang hinuha ko, mabulas ang panulaan. Kung “wikang Filipino” ang tanong mo, ang basa ko sa praseng ito ay hindi lamang Tagalog kundi mga wikang ginagamit sa Filipinas. Kasama rin sa basa kong ito ang “wikang Filipinong” nililinang, pinauunlad ng mga wikang nabanggit. Higit na kapana-panabik ang panulaan sa wika—o mga wikang Filipino—dahil nagkakaroon ng maraming abenida ng paglalathala at pagsulat. Dumarami rin ang nag-aaral ng poetikang lokal, na sa palagay ko’y napakahalagang gawin dahil nabibigyan nito ng lawas ang ating pag-unawa sa ating pagtula. Malawak din ang paksain ng mga makata, palibhasa’y talagang nakaapak ang kanilang mga paa sa lupa, sa lunan ng tinutulaan. At buhay ang pangangalaga sa mga papausbong na manunulat sa pamamagitan ng mga pormal at impormal na mga samahan. Ito siguro ang bentahe ng panulaan sa “ wikang Filipino”.
Kalatas: Maliban sa dalawang koleksyong ito ng iyong mga tula, ano pa sa tingin mo ang naging mahalagang ambag mo sa pagpapalusog ng panitikan ng Filipinas bilang manunulat?
LJS: Kaybigat na tanong. Ang ambag, sa palagay ko, ay susukatin kapag pare-pareho na tayong patay. Hindi ako masyadong nag-iisip ng pag-aambag talaga, lalo para sa “pagpapalusog ng panitikan sa Filipinas”. Tungkulin nating lahat iyan na hindi na dapat inaalam kung gaano kahalaga, hindi nga ba? Isa pa, palagay ko, ang panitikan naman ay kusang uunlad, sang-ayon sa mga kibot ng panahon. Kung hindi ako nagmakata, magpapatuloy siya sa pag-unlad. Puwedeng naging doktor ako, abogado, o negosyante tulad ng tatay ko. Simple lamang akong tao: nagbabayad ng buwis, bumuboto, umaasa sa sahod at paniniwala sa kabutihan ng kapwa. At nagtuturo at nagsusulat. Sapat nang isipin at problemahing lagi kung nagagawa ko nga ba nang tama at mahusay ang mga bagay na pinili kong gawin. Bahala na kung nakapag-aambag talaga.
Ngunit aaminin ko, lalo sa pag-iikot ko sa bansa kamakailan para magturo ng tula: talagang nakakapanlumo ang lagay ng ating edukasyong pampanitikan. Naririyang nagugulat ang mga guro dahil pawang mali ang kanilang itinuturo. Maraming nalilito, lalo na sa pagdating ng K-12. Ang laki ng problema. Iniisip ko kung papaano pa makatutulong sa mga kapwa guro, lalo na yaong hindi naaabot ng institusyonal na sentro. Galit na galit lamang ako sa tuwing umuuwi ako sa Maynila: parang gusto kong isuplong sa mga gurong ito ang mga may gawa ng mga kahunghangan. May mawawalan ng trabaho sa 2016, tiyak iyon. At parang pinalangoy natin sa malawak, malalim na dagat ang isa’t isa. Kung may gusto akong iambag, gusto kong makatulong nang husto ngayon sa mga gurong ito na unang humubog sa kamalayan ng kabataan. Labas ito sa solitaryong pagsulat. Kailangan nating lumabas sa sari-sariling soledad sa mga panahong ito.
Kalatas: Sino-sino ang kontemporanyo mo sa pagsulat, at paanong naiiba ang klase ng panulat mo sa kanila?
LJS: Kapag binabasa ko si T. S. Eliot, parang may pakiramdam akong lahat ng pinarunggitan niya (allusion), mga ka-kontemporanyo niya. Ang “kontemporanyo” ay isang pagtatakda ng/sa panahon, at para sa manunulat hindi lamang mga kapanahon niya ang talagang kapanahon niya. “Kapanahon” niya rin ang mga awtor na kinakau-kausap niya sa kaniyang mga akda, sa kaniyang pagbabasa, sa kaniyang pangangarap. Magandang bahagi ng iyong tanong ang pagiging “kaiba”—at sa palagay ko, dito talaga natin makikita ang tagisan at diyalogong dinaranas ng manunulat sa piling ng mga minamahal na awtor at akda. Ang akda ay puwang ng tagpuan ng magkakaibang panahon, at lalaging dikalektiko ang proseso ng ugnayan. Paboritong-paborito ko si Harold Bloom sa kaniyang mga paliwanag hinggil sa anxiety of influence, at sa paglalantad sa halos lihim na kaparaanan ng pamimili ng manunulat sa bubuo sa kaniyang lipunan (ala Emily Dickinson, kung baga). “The soul selects her own society/ then shuts the door,” sabi nga ng ermitanyang makata. Parang ganoon ang tingin ko sa dalumat ng kontemporanyo, kung kaya’t kahit sa literal na pakahulugan ay napakahirap nitong ipaliwanag.
Sa kabilang banda, namimilosopo lamang ako, marahil dahil ang tanong na ito’y isang tangka sa paglulugar sa sarili sa isang continuum ng kasaysayang pampanitikan na nakatindig sa kasalukuyan. Una, ang totoo’y hindi ko alam kung saan ko ipopook ang sarili—para bang kailangan ko pang datnan ang espasyo ni Sandra Bullock sa kaniyang pelikula kamakailan bago talagang makita ang “lugar” ko sa panahon. Kailangan ng talagang malayuan, obhetibong pagtingin. At hindi lamang malayuan, obhetibong paningin, kundi tinging maaaring makayanig, makaligaw. Para kasing talagang minamalas ang daigdig sa outer space. Ngunit sa kasaysayan ng Panitikan sa Filipinas, si Alejandro G. Abadilla lamang talaga ang nagkaroon ng lakas ng loob na masdan ang sarili bilang “daigdig” at pangalanan pa itong yaon na nga. At ginagawa niya iyon bilang reaksiyon sa matinding gahum ng Balagtasismo. Ano nga ba ang tinutugon ko bilang manunulat? Para sa akin, ang tula ay isang paraan ng pagsampalataya sa mga posibilidad ng paglikha, at sino mang kapanalig ko rito ay kapanahon ko na nga. Hindi ko na siguro babalingan ang kaibhan ko, dahil talaga namang may pagkakaiba-iba; espiritu ng paglikha ang pagkakaiba-iba.
Kalatas: Dahil hindi na lamang nakasentro ang usapin ng panitikan sa mga manunulat na nagsusulat sa wikang Tagalog at Filipino, bilang kritiko at guro na rin na nagtuturo ng panitikan, paano tinitingnan ng sentro ang panitikang rehiyon? Halimbawa ang mga manunulat at ang mismong panitikang Hiligaynon?
LJS: May pagbabagong nangyayari sa “sentro”. Hindi pa ito ganap na nadedesentro, ngunit nakararamdam na ito ng ibayong yanig sa bugtong nitong kalupaan, gawa marahil ng pagbangga ng lupalop ng mga naigilid. Parang tectonic shifts. Magandang tanda ito, sa palagay ko, dahil naigigiit na marami pang ibang posibilidad at orisonte bukod sa Tagalog/Filipino, at lalo na, bukod sa Ingles. Naipapakita rin nito ang totoong lagay ng ating kalupaan bilang isang arkipelagong may mga lunang may matalik bagaman komplikadong ugnayan. Ito sigurong “lagay” na ito ang madalas nakaliligtaang ipaliwanag sa mga diskurso ng gitna-tabi sa Filipinas. Higit na Kanluranin, at totoo namang Kanluranin, ang ating pagkakaunawa sa sentro-marhen. Kapag binalikan natin ang ating heograpikong katayuan, may mga bago tayong kislap-diwa (insight) na mahahagip hinggil sa kung papaano nga ba nangyayari ang ating pagtitinginan sa isa’t isa (hindi nga ba ang “ pagtitinginan” din ay isang mapahiwatig na tanda ng pagmamalasakitan o pagkakaunawaan?). Ang tingin ko, mayroon ding positibo’t higit na nagpapalakas na posibilidad ang pagbasa sa “tingin” sapagkat ang ugnayang gitna-gilid natin ay hindi kasing itim-puti ng simplistiko’t maka-Kanlurang pakahulugan. Marahil, sa panahon na lamang na ito nagkakaganoon ang pagdalumat sa tingin, at totoo namang talagang nakagagahum ang sentro’t naisasantabi ang rehiyon. Ngunit kapag binalikan natin ang ating pagnininuno, ilan ba talaga sa atin ang makapagsasabing dalisay tayong mula sa ating minulan, para sabihing mas mabulas, maunlad ang isang panitikan kaysa sa isa pa? Lahat naman siguro halos ng Filipino ay hybrid, at talagang “desentralisado”. Ako halimbawa’y hindi naman Tagalog na Tagalog, bagaman ang Tatay ko ay taga-Baliwag, Bulacan. Pinalaki akong Ilocano ng aking Nanay. Ang mga ina ng aking mga magulang naman ay pawang mga Bisaya—ang lola ko sa ama ay taga-Capiz, ang sa ina naman ay taga-Leyte. Ang diskursong gitna at gilid ay gumuguho kapag sinimulan nating talakayin kung talaga nga bang mula tayo sa gitna o gilid. Mahirap ang pagpopook, lalo’t higit ang pagpapahalaga ng kinapopookan, kung lahat tayo ay halos walang-lugar (placelessness).
Sa isang higit na personal na paglilimi, malaki ang paggalang ko sa maraming manunulat mula sa rehiyon na sa aking palagay ay talagang matagumpay sa “pagyanig” sa “sentro”. Sa Bikol, talagang taas ang kamay ko kina Kristian Sendon Cordero, Alvin Yapan, at sa isang kritikong tagapangalaga ng panitikan nitong si Paz Verdades Santos (na dayo rin ng Bikol!), guro ko sa Kasaysayang Pampanitikan. Sa Hiligaynon, hayaan mong pahalagahan ko, una, ang ambag at talino ng namayapa kong kaibigan na si Winton Lou Ynion. Napakaikli ng kaniyang buhay at naniniwala akong kung naipagpatuloy niya ang kaniyang mga proyekto ay marami pa siyang nasabi hinggil sa panitikan sa Hiligaynon (utang na loob ko rin sa kaniya na makilala ang kritisismo ni Lucilla Hosillos). Ang dami pa ninyo sa Negros-Panay! Rosario Cruz Lucero, Vicente Garcia Groyon, Alice Tan Gonzales, R. Torres Pandan, Isidro Cruz, Genevieve Asenjo, John Barrios, John Iremil Teodoro. Kahanga-hanga ang inyong produksiyon, sa totoo lamang. Gayundin ang paghanga ko bilang Tagalog (at hindi talaga Tagalog) sa mga kabagang kong Ilocano, tulad ni Ariel S. Tabag. Magandang tunghan ang mga binitiwan kong pangalan upang makita ang isang magandang modelo ng sinasabi ko nga kaninang matalik at komplikadong ugnayan, “tinginan” ng pinaniniwalaang “sentro” at “marhen” sa Filipinas. Bakit matagumpay ang mga manunulat na ito na “yanigin” ang “sentro”? Sa palagay ko, malaki ang kinalaman ng wikang kanilang ginagamit. Karamihan sa kanila’y nagsisisulat din sa Filipino—na umabot na sa embedding ng rehiyonal na korpus sa wika. Ilan sa kanila’y nagsusulat nga sa Ingles ngunit malay sa at sensitibo sa nuances ng inyong konteksto. Matagumpay ito, hindi dahil sa nativism o kahit sa kaibhan o novelty. Matagumpay ito dahil nakikipagtalastasan, nakikipagtagisan sila, mata sa mata, sa “sentro”. Hindi nila hinahayaang maging sub-altern lamang sila ng “sentro” na ito. Ito ang sa palagay ko’y isang magandang poskolonyal na dekunstruksiyon ng binaryong halagahan na ito, lalo na sa konteksto ng Filipinas. Matagal nang itinanong ni Spivak kung nakapagsasalita nga ba talaga ang sub-altern, ngunit sa heograpikong lagay natin, talagang nangungusap ang mga mata.
Kalatas: Ayon kay Lumbera, puno ng pananalig at malumanay na tinig ang iyong mga tula. Sa tingin mo ba, isa ba ito sa mga rason kung bakit tila naiiba kaya mas angat ang klase at kalidad ng mga tula mo sa ibang manunulat sa wikang Filipino?
LJS: Palagay ko, ang ibig sabihin lamang ni Dr. Bienvenido Lumbera nang sambitin niya iyan ay talagang iyan lamang. Palibhasa’y naipakilala ako kaagad bilang isang “relihiyoso” at “Katoliko” na makata, salamat sa ngayo’y amo ko sa Department of English, at malaong kaibigan na si D.M. Reyes. Marahil, kakaiba nga ito dahil sa mga paksang pinili ko—pananalig, pagdududa, pagdurusa, kaligtasan. Wala sa isip ko ang ideya ng pagiging makatang Katoliko (o lalo na, mistiko; Diyos na mahabagin, huwag mo akong tutulutan ng iyong mga sugat!). Ngunit sa panahong may iba at kakaibang hilig ang mga makata—lalo na sa mga konseptwal na ideya, ang ideya ng metapisikal at mabathala ang naging interesante para sa akin. Siguro, dahil na rin sa totoo namang patuloy kong pagiging Katoliko, at minsang paghahangad na maglingkod bilang pari (na kinalimutan ko na). Ngunit isang buong buhay lamang naman talaga ang itinutudla ko. Hindi ko alam kung nakatutulong ang pagpiling ito sa pagiging “angat” ng aking tula; hindi ko rin tiyak kung nagbibigay ito ng “ kaledad” sa aking gawa. Sa isip ko, marami akong karanasang poetiko na madalas kong kakitaan ng aspektong espirituwal. Marahil, ito ang nagdudulot ng pananalig at pagkamalumanay, na madalas na iniuugnay sa mga ganitong pamamaksa sa panitikan.
Kalatas: Interesante rin ang napansin ni Lumbera sa At Sa Tahanan ng Alabok. Wika niya, sa mga tula mo diumano ay nagsasanib ang tradisyonal at ang bago para makipagtalastasan sa mga Filipino ng kontemporaryong lipunan. Malay ka ba sa paraang ito?
LJS: Para sa akin, propetiko ang sambit na ito ng butihing Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan. Nang binubuo ko ang koleksiyon, wala pa ako sa LIRA, ang malaong pinaniniwalaang balwarte ng “tradisyonal” na panulaan, dahil sa pagkiling nito sa kaalamang katutubo. Basa ito ni Manong Bien, kung kaya’t hindi ko talaga alam kung ano ba ang ibig sabihin niya ng pagsasanib ng “tradisyonal at bago”; sa isang banda, baka nga totoo rin ito, kasi ako rin iyong tipo ng makatang mahihiligin talaga sa klasika at kasalukuyan. Nalulugod ako sa luma; mahalaga ang “luma” sa pagpopook ng sariling sining, at lalong napaigting ang aking paggalang sa “ luma” nang magsimula akong magturo ng Panitikan sa Ingles. Natutuhan kong umibig kina Sophocles, Shakespeare, Blake, Donne, Keats, Hopkins, Browning, Dickinson, Arnold, Frost (sa Filipino, tagahanga akong talaga nina Balagtas, Florentino Collantes, Ildefonso Santos, Jose Corazon de Jesus, Lope K. Santos, Amado V. Hernandez, Teo Baylen, atbp.). Lugod din naman ako sa bago at pangahas, bagaman hindi ako laging sumasang-ayon sa tila hindi gaanong nauunawaang mapamuksang diwa nito. Ang pagpuksa para sa akin ay hindi pagpuksa per se kundi pagbuo mula sa mga ruinas ng pinaniniwalaang naitatag o mga tagapagtatag. May isang kuwento si Graham Greene na lagi kong itinuturo sa klase, ang “The Destructors”, at ang kabataan sa kuwento’y may mga kamay ng pagpuksa, pagwasak. Ngunit ano ba ang kanilang ginawa bago ang pagwasak? Ang naging objective correlative ng kuwento ay ang lumang bahay na ninasa nilang pabagsakin, isang bahay na nakatindig pa rin sa kabila ng pambobomba ng mga Nazi sa London. Napuksa nila ito, hindi mula sa labas, kundi mula sa loob—ibig sabihin, inalam muna nila ang balangkas nito, ang mga bahaging kailangang tungkabin upang talagang makapandestrungka. Ganoon ang pagtatatag ng bago, sa palagay ko: may kabatiran sa tradisyon habang nakamalas sa kasalukuyang kaugalian at kapaniwalaan. Temperament ko siguro talaga ito bilang manunulat.
Kalatas: Sa At Sa Tahanan ng Alabok, napansin namin ang pagsandig mo sa Maykapal, sa paraan at tonong tila mga mumunting panalangin. Ano ang inihahaing bago ng Kung Saan Sa Katawan bilang ikalawang koleksyon mo ng mga tula?
LJS: Ang Kung Saan ay ikalawang yugto sa siklo ng proyekto kong mga matulaing pagninilay. Hindi ko masabi agad kung ito ba ay tungkol sa buhay ng tao sa kasalukuyang panahon. Siguro, tungkol na lamang sa buhay ko muna—bagaman hindi naman ako talaga lantarang nangungumpisal sa mga aklat ko. Ang balak ko talaga ay sundan ang mga panahon sa Kalendaryong Liturhiko sa Simbahang Katolika. Ang Alabok ay nakapook sa Kuwaresma, at ang Kung Saan ay nakatindig sa Semana Santa at Paskuwa. Sa pag-amin kong ito marahil ay talagang mapapako na ako sa Kristiyanong pagbasa. Ngunit gusto kong isipin na isa lamang itong personal na gabay o disenyo sa aking patuloy na pagtuklas sa tula. Hindi ko alam kung talagang parang mumunting mga panalangin talaga ang mga tula, bagaman ayos na sa akin ito kaysa mabansagang nangangaral o didaktiko. Ang buhay ko sa pagtula ay laging nakabatay sa kung ano ang maisulat ko—o maibanghay ko, sakaling gumagawa ng mahahaba o sunurang (sequence) gawa. Wala talagang plano-plano pa sa ngayon. Depende sa saloobin, iniisip, o iyon nga, inspirasyon, hanggang magkaroon ng malinaw na anyo ang lahat, sa tamang panahon. Sa Kung Saan, pinilit kong magkaanyo ang duda—sa lahat ng mga katiyakan, pati na katiyakan ng pananalig—bagaman inililigtas ko pa rin ang tinig, sa paniniwalang hindi kasindilim ng kawalang pag-asa ang lahat. Ang hirap ng paraprase, at sabi nga ni Cleanth Brooks, hindi dapat pinaparaprase ang tula. Ang bawat aklat ay talagang paghahayin ng mga kaisipang maaaring dati na’t baryasyon lamang sa proseso. Mahirap na lamang magsalita.
Kalatas: Isa sa mga napansin ni Santos sa Kung Saan Sa Katawan ay ang konsepto ng “sagradong lumbay” mula sa iyong mga tula. Ano sa tingin mo ang ibig sabihin niya nito?
LJS: Galing sa isang linya ng isa sa mga tula ko ang praseng iyan. At ang tulang iyon, ang “Soltero” ang talagang paborito ko sa aklat. Malungkot ang tula, tungkol sa pag-iisa, at samut-saring rasyonalisasyon hinggil dito. Gaya ng sinabi ko hinggil sa sinabi ni Manong Bien, hindi ko rin tiyak kung bakit umangat ang linyang iyan para kay Ma’am Beni. Ngunit hindi nga ba, sa isang banda, ang pagmamakata ay talaga namang pagpasok sa isang sagradong lumbay? Dahil nag-iisa lamang naman tayo sa paglikha, at sa pag-ibig natin sa sining na ito? Hindi ito paraprase, at nagmumunakala lamang ako.
Kalatas: Para sa iyo, ano ang kahalagahan ng tula sa kontemporanyong lipunan? Kaya ba nito tayong sagipin mula sa mga personal nating trahedya?
LJS: Matagal nang ginagawa ng tula ang tangkang pagsagip sa atin sa ating mga “personal na trahedya”. Kababasa ko lamang kamakailan kay Sharon Olds, sa aklat niyang nagwagi sa Pulitzer, ang Stag’s Leap. Tulad ng mga nagdaang koleksiyon niya, ang aklat ay isa na namang paglaladlad ng sariling drama—ngayon, ang hiwalayan nila ng kaniyang asawa. Mapait ang mga tula, laging bumabalik ang gunita ng nakipaghiwalay dahil may ibang babae. Ngunit naiproseso ito ni Olds. Dumaan siya sa mga yugto ng pagtanggap. Siguro, ang mahihinuha natin sa halimbawang ito ay talagang may kapangyarihan ang tula na bigyang anyo ang damdamin, lalo sa mga pagkakataon ng mabibigat, masasakit na pangyayari o pagbabago sa buhay. Ngunit sa isang banda, isa lamang ang personal na antas sa dapat na mithiing marating, masakop ng tula. May nagbabasa, may kausap ang tula. Hindi nabubuo ang tula kung wala ang lipunan, ang nagbabasa. Ang personal ay nabubura na sa danas ng pagbasa ng iba—nagiging publiko ito, tinataya, “pinakikinggan” ng madla. Ang tula, sa ganang akin, ay talagang anyong nagpapahalaga sa mahahalagang karanasang pantao—kaya nga mahalaga ito. Ngunit sa usapin ng pagsagip mula sa mga “personal nating trahedya”, maganda sigurong isunod na tanong ang: kaninong trahedya ba? Kung sa makata lamang, aba’y nakagawa na siya ng sining, kung baga, nasabi na niya ang gustong sabihin (o naparinggan ang gustong paringgan). Kung sa pangmalawakang lipunan naman, nabibigkis ng tula ang mga lunggati ng sambayanan, lalo’t kung matindi ang danas ng kasawian. Si Merlie Alunan sa kasalukuyan ang ang naiisip kong halimbawa ng ganitong pagtatangkang ilugar ang tula bilang pagsasatinig ng pananahimik (at kamatayan) matapos ng trahedya ng Yolanda. Maaari ngang “mailigtas” tayo ng tula, sa kapaniwalaang katartiko ng panitikan, ngunit higit sa lahat, kailangang mithiin talaga ng ano mang panitikan ang mapagbagong pananaw, o sabi nga ni Herbert Marcuse ay “alternatibo” o higit na may pag-asang bisyon para sa buhay ng tao. Isa pa, ang tula, hinuha nga ni Carolyn Forche, ay makapangyarihan sa pagsaksi sa mga panahon ng masidhing kagipitan ng tao sa kasaysayan. Ang “personal”, sa pag-aaral ng nabanggit na paborito kong makata, ay nalulusaw upang maging “publiko”, maging pagmamay-ari ng lahat.
Kalatas: Dahil katatapos lamang ng season ng workshop sa pagsulat, bilang manunulat na hinubog rin ng pag-attend-attend sa mga ganitong klaseng gawain, ano ang maipapayo mo sa mga batang manunulat na nagbabalak magworkshop?
LJS: “Mag-enjoy sa bakasyon!” Biro ko ito noon, kapag tinatanong hinggil sa “pag-attend-attend” ng workshop. Noong panahon ko, may tawag na sa mga tulad naming ginagawang “Tour of the Philippines” ang palihan: workshopper. Pero bawat workshop na dinaluhan ko ay hindi talaga bakasyon kundi talagang pagpapanday sa akda at pagsulat. Siguro, dapat lamang paghandaan ang mga bagay na maririnig. Maganda rin kasi sa sino mang manunulat na, sa isang banda, may kapasidad ka rin sa pagkritika ng sarili. Naaalala kong sabi ni F. Sionil Jose na tayo mismo ang pinakamabagsik nating kritiko. Kapag dumadalo ako sa workshop, iniisip ko na agad ang maaaring pinakamababagsik na sasabihin tungkol sa gawa ko. Kapag nailista ko na sa isip ang mga bagay na iyan, at naasahang dumating, iniisip ko na lamang bilang pampalubag-loob ang mga ipamimiling pasalubong at mga lugar na bibisitahin. Kasi naman, hindi ba, bakasyon naman talaga ang workshop?
Pero seryoso: hindi naman natin tungkuling paniwalaan lahat ang napupulot sa workshop. Hindi naman lahat ay katotohanang Ebangheliko. Huwag lamang sigurong gaanong mapikon. May mga namamalihang gusto lamang marinig ang kanilang sarili sa pag-aakalang ang ganda ng kanilang boses, o ang talino nila. Sa palagay ko, sa workshop maaaring makatagpo ng mga guro at kabagang na pagtitiwalaan at magiging kaibigan sa mahabang panhon. Maging mabait sa kapwa, masunurin sa tuntunin, ngunit kung may katwiran, sabi nga dati sa telebisyon, “ipaglaban mo.” Ang workshop ay hindi lamang pandayan ng gawa. Pandayan din ito ng sarili. Sa mga workshop ko natutuhan ang halaga ng kababaang-loob, at higit sa lahat, pananalig na sa pagdating ng panahon, may kahihinatnan din ang lahat.
Kalatas: Iyon namang mga manunulat na nagsusulat sa Ingles, paano mo sila papayuhan?
LJS: Sumubok magsulat sa Filipino–o sa alin mang wikang Filipino. Tandaan: dumarami ang mga manunulat sa Filipinong nagsusulat at kasing tatas din nila sa Ingles.
Kalatas: Iyon namang mga manunulat sa rehiyon, iyong mga di nakapagsusulat sa Filipino, halimbawa, iyong mga manunulat sa Akeanon at Kinaray-a?
LJS: Patuloy na makipagtalastasan sa Pambansang Wika. At tiyaking magkakapuwang sa lawas nito. Tandaan: hindi sapat ang Tagalog para ilarawan ang marami nating danas. Mas kailangan kayo ng Filipino.
Kalatas: Pangangailangan ba ang pagsasalin, halimbawa kung ikaw ay manunulat sa rehiyon?
LJS: Sa ngayon, dapat na suportahan natin ang pagsasalin dahil tiyak na payayamanin nito ang ating kultura. Bilang isang arkipelahikong bansa na may daang wika, magiging daan natin ang pagsasalin tungo sa malawakang pagkakatuklas sa potensiyal ng sinasabi ko kaninang matalik at komplikadong ugnayan ng mga lupalop ng Filipinas. Hindi lamang manunulat sa rehiyon ang may pangangailangan sa pagsasalin. Pangangailangan ito ng lahat dahil kailangang sinupin natin ang bawat pag-aakda sa bansa. Kailangan nang mabasa natin ang isa’t isa! Kailangan nating paguhuin ang mga pader na namamagitan sa ating mga wika. Ang argumento ko, kailangang ipasalin lalo sa Filipino ang ating mga akda mula sa rehiyon. Sa kabilang banda, kailangan din namang magbukas ng pinto ang rehiyon sa pakikipagdiyalogo ng Filipino sa kanilang mga pook. Hindi ito pang-isahang daan lamang. Tulad ng pagsasalin, ang ugnayan ay pandalawahan, o pang mas marami pa.
Kalatas: Ano ba ang esensiya ng pagsasalin para sa iyo? Halimbawa, naiisip mo na ba ngayon na isalin sa wikang Ingles ang dalawa mong koleksyon para mas magkaroon ka ng mas malawak na mambabasa?
LJS: Sinimulan na naming trabahuhin ang salin ng ilan sa mga tula ko patungong Ingles. Katulong ko rito sina Sir Marne Kilates, na pumayag na maging tagasalin ko, at ang dalawang kabataang manunulat mulang UST na sina Del Prado at Tan. Hindi ko pa iniisip na ipasalin ang mga libro, per se—una, hindi pa panahon. Paisa-isang hakbang siguro muna. Sa Kung Saan, may kasamang salin sa Ilocano ng isa kong tula. Gawa ito ni Tabag, na napakiusapan ko minsang magsalin. Inilabas niya ang salin sa Bannawag. Kung titingnan natin ang direksyon ng aking proyekto ng pagpapasalin, nakatuon ito sa Ingles at sa Ilocano, na isa ko pang wika. Sa kabutihang palad, pinapansin naman ang mga tula ko sa salin, at nakarating na ito sa Amerika at Canada. Sana’y may iba pang lupalop na marating.
Kalatas: Ano ang dapat asahan ng mga mambabasa mo sa iyo ngayong 2014?
LJS: May biro ako kay Kristian Cordero, nang minsang magkasama kami sa taksi. Ang sabi ko, hindi ako kailanman magiging direktor sa pelikula (o auteur tulad niya). Kaya, wika ko, “gawin mo akong artista.” Ang totoo, may pitak sa akin ang teatro at pag-arte, at hindi ko pa iyon nasusubukan. Ini-imagine ko lamang, bagaman wala pa talaga akong lakas ng loob. Sinasabi ko ito, kasi hindi ko alam kung ano ang naghihintay (at dapat hintayin mula) sa akin sa 2014. Bagong libro siguro? Maaari. May inaabangan akong ipinasang akda. Naghihintay pa rin ako sa susunod na salita.