
“If you don’t learn how to cry, you can’t be good Christians.”
Binalikan ko ang orihinal na panayam ni Papa Francisco sa layong tuklasin ang katingkaran ng ibig niyang sabihin sa mga katagang binigkas niya sa UST, lalo na nang tinutugon niya ang napaiyak na batang babae na nagtanong sa kaniya kung bakit hinahayaan ng Diyos na magdusa ang mga bata. Pinakinggan kong mabuti ang bersiyong Espanyol niya, at ang ginamit niyang salita ay “llorar”, habang inilalarawan ang malawak na kawalang-kakayahan ng kasalukyang daigdig sa pagdama (hindi rin ako tiyak kung tama ang “salin” ko: hindi kaya, kawalang-kakayahan sa pagdamdam, damdamin?). Mahalaga ang pagsasalin sa pagkakatong ito ng pagbisita ng Papa, sapagkat, nakita naman natin kung papaanong nag-iiba siya kapag sinasalita ang, sabi nga niya’y wika ng kaniyang puso—nagiging higit siyang masigla, mabisa. Samantalang naging praktikal na tulay ang Ingles, naiisip kong naging balakid din ito sa pagsasala ng katingkaran ng pakahulugan, samantalang may kasapatan naman, sa ganang akin, ang komunikatibong layon nito upang maipahatid ng Papa ang kaniyang saloobin, sa mga pagkakataong higit niyang piniling maging natural. Kaya nga siguro ito ang pagkakasala ng Ingles ngayon sa atin. Ngunit higit kong problema ngayon ang mga antas ng pagkakaunawa sa “llorar”, na naisaling “to cry” sa Ingles.
Tama naman ito, sa palagay ko, lalo sa pagkakataong iyon: isang maulan na umaga, nakakapote ang mga tao, nakamata lamang sa tanging ispektakulo ng okasyong iyon, na hindi maitanggi ang pagbabangon ng mga multo ng kahapon: tatlong ulit tayong pinagmisahan ng Santo Papa, tatlong ulit na nasermonan, kung baga, kapara ng hiling ng Padre Kura sa pista ng San Diego sa Noli Me Tangere, na pinagtatalunan pa sa Pulong ng Tribunal, ngunit ang utos naman pala ng pari ay hindi mababali: “Aba, ang nais ng Padre Kura… ng anim na prusisyon, tatlong sermon, tatlong misa… at kung may salapi pa, komedyang Tondo at awitan sa pagitan” (salin ni Virgilio S. Almario). Ang tampok na misa sa nobela ni Rizal, na minsang inihalintulad ni Vicente Rafael sa “pangingisda”—pangingisda ng kahulugan, sa panig ng mga nakikinig ng nakaaantok ngunit maatikabong sermon ni Padre Damaso, dahil sinisikap nilang bigyang-saysay ang mga naririnig na Espanyol sa pari (karamihan ay libak) na parang namimingwit sa laot—ay isang interesanteng tagpo ng kung papaano tumutugon ang isang sinasakop na kultura habang sinasalakay ng mga pakahulugang walang kamalay-malay ang tumatanggap ay nagtatakda na pala sa kaniya sa isang puwang ng pagiging bukod, manapa, mangmang. Na nagluluklok naman sa nagsasalita sa pulpito sa espasyo ng taas at kapangyarihan.
Magkawangis ba ang sermon ni Padre Damaso, at sermon ni Papa Francisco [na parehong Espanyol ang wika, lamang ay gáling ang Papa sa Argentina, na tulad ng Filipinas (sa maraming bagay) ay nasakop din ng Espanya]? Sa rabaw, oo, dahil malinaw na sakop pa rin ng kamalayang vertikal at hirarkiko ang ugnayan natin ngayon sa Simbahang Katolika. Maraming pagkakataon na higit tayong minumulto ng mukha ni Padre Damaso sa pagharap sa mga isyung “moral”, tulad na lamang ng kasal para sa magkakatulad ang kasarian, diborsiyo, at kalusugan sa reproduksiyon. Bagaman aktibong Katoliko pa rin ako, at nagpahayag na ako ng sarili kong posisyon hinggil sa mga ito, at sa iba pa (madalas ay hindi ako sumasang-ayon sa Simbahan), matagal ko nang tinanggap na hindi isusuko ng Simbahan ang mga paninindigan nito. Doktrinang di matitinag ang balakid, ngunit hindi naman lamang ang doktrina, sa ganang akin, ang dapat maging batayan ng pagsampalataya. Kaya tulad marahil ng mga nakikinig sa sermon ni Padre Damaso, na isang pigurang pampanitikan na talagang nakatatak na sa ating kamalayan, pinipili kong bingwitin na lamang ang sa palagay ko’y mabuting kakanin sa araw-araw. Kontradiksiyong maituturing ang pagsalalay ng Simbahan sa Roma sa Doktrina, at pananatili nitong “bukás” sa pagbasa, salamat sa Ikalawang Konseho ng Vatikano. Kaya kahit parang wala namang tanda na “magbabago” ang posisyon ng Simbahan sa mga bagay-bagay—at ang pananatili ng “kaayusang” namalas natin sa pagbisita ng Papa ay mabuting basahin bilang pahayag ng patuloy na pagpirme—sasawatahin ko na lamang sa aking sariling málay ang “sakit” ng hirarkiya upang matamasa pa rin ang mabuting dulot ng pagiging Katoliko.
Kaya rin siguro higit akong naging interesado, sa kabuuan ng pagbisita ng Papa sa ulit-ulit na paggamit niya ng Espanyol, sa tuwing mithi niya ang higit siyang maunawaan. Nasiyahan ako sa mga pihit ng wika, na para sa akin ay interesanteng kibot sa sinasabi ko ngang “pirmihang” posisyon ng institusyon ng Simbahan. Bilang mangingibig ng wika, ang pana-panahong pagpili ni Papa Francisco ng wikang kaniyang gagamitin, ang kaniyang Argentinong Espanyol, ay tila ba makahulugang pagkakataon ng pangyayanig sa kaayusang hindi kailanman ikokompromiso ng Simbahan. Maganda sana itong tingnan bilang patuloy na “bernakularisasyon” ng Simbahan, sa diwa ng Ikalawang Konseho ng Vatikano—ibig sabihin, hindi pa ito tapós, at hindi dapat mawakasan. [Kung nagagawa ng Simbahan ay bakit hindi rin gawin ng pamahalaan, na kamakailan ay tinanggal pa ang Filipino sa kolehiyo?] Sa kasaysayan, ang Latin, sa paliwanag ni Rafael, ay ginawaran ng bugtong na kapangyarihang maging natatanging wika ng pribilehiyo sapagkat ito ang “wika ng Diyos”, dahil na rin ang Bibliya sa malaon, ay nasa Latin lamang mababasa; na mismong tinalikuran ng konseho nang, wika nga’y magbukas ng pinto at mga bintana ang Simbahan, sa panahon ni Papa Santo Juan XXIII, para sa modernong daigdig. [Sabay harap sa mga tao, mula sa matagal na pagtalikod.] Ngunit nagiging mabigat, nag-iilang-diwa ang pihit ng wika sa kaso ni Papa Francisco, sapagkat kahit siya’y masasabing bahagi rin ng mga sakóp tulad natin, kinakatawan niya, hindi lamang si Kristo, kundi pati na rin ang kontradiksiyong dulot ng kaniyang naging wika, matapos ng kasaysayan ng pananakop. Tanda rin si Papa Francisco ng kung ano ang maaaring maging táyo, kung pinili ng mananakop na tuluyang burahin ang ating mga wika—baká táyo ang tinatawab na Asya Latina, kung nagkataon. Ngunit kahit ganoon, higit nating piniling mabingwit ang wika nga’y higit pa-sa-nakikita, higit-pa-sa-anyo, na wika naman sa una’t huli.
“Transcendent”, “the content of the message tending towards the transcendent” ang bása ni J. Neil Garcia rito, inaasahan na, sapagkat, sasabihin ng iba, higit na mahalaga ang nilalaman kaysa kataga. Ngunit problematiko ito, bagay na sinimulang siyasatin ni Garcia, lamang ay higit niyang inaabangan ang sasabihin ng Papa sa kaniyang ensiklika hinggil sa Global Warming na nakatakdang ilabas sa mga susunod na buwan. Kaabang-abang, lalo na matapos na magmisa siya sa gitna ng isang bagyo sa Leyte (sa buwang hindi dapat dumarating ang mga bagyo), kaharap ang laksang mamamayang tulad niya’y nakakapote, at umaahon pa lamang mula sa unos at daluyong ng mapinsalang bagyo ng nagdaang taon. Inilantad na ni Garcia ang muling pagmumulto ng higit-pa-sa-nakikita, ang birtud ng hirarkikong kaisipan na siyang puminsala sa ating katutubong kalinangan. Ngunit sa katauhan ni Papa Francisco, tumitingkad ang kabukuran (alterity), lalo’t humaharap siya sa ating nangangapâ rin sa pamamaraan ng pagsasabi; sa ating mamamayan ng arkipelahikong daigdig na pakapâ-kapâ rin sa kung papaanong makikipag-ugnayan sa isa’t isa gayong isang babel din tayo ng mga wika; sa ating naibukod ang mga wika at tuluyang naisantabi dahil sa mga sumapit na daluyong ng kolonisasyon. Palagay ko, ang higit-pa-sa-naroroon na kailangang isawika niya sa wikang malapít sa kaniyang puso, ay ang nakapagpapatahimik na namamalas, habang nakikibahagi sa kabasâan, kadustaan ng mga biktima ng trahedya. Ispektro ang Espanyol, oo, ngunit sa pagpili ni Papa Francisco na wikain, kahit papaano, ang pagkakabukod na kaniyang dinadalaw sa sawing bayan na iyon (kung saan nga pala basâ rin at nilalamig si Imelda Marcos), ipinipihit na niya ang sermon sa panig ng mga tagapakinig, binibitiwan ang didaktibong pribilehiyo na makapangaral, at sa isang masagisag na sandali, hinayaan ang sariling gabaan ng kawalang-katiyakan. Ganyan ang kaniyang pakikibuklod.
Iyan, sa palagay ko, ang birtud ng kaniyang katauhan—ang pihit patungo sa higit-na-bukás na pakahulugan sa mga bagay-bagay. Nang sambitin niyang huwag matakot na usigin ang Diyos, at hindi mali ang magtanong sa Diyos, iniiralan siya ng kibot na kahit sa transcendent, sa higit-pa-sa-nakikita, ay yumayanig, lumalagim, kahit na papaano. Ilang ulit ko na bang binabanggit ang kahit na papaano? Pero wala akong magawa; hindi ko mapigil ang sarili ko. Wala naman akong magagawa dahil ang Simbahang ito, bilang institusyon, ay may mga paninindigang mahirap matibag. Ngunit may pihit pa-wika ang Papa sa di iilang pagkakataon na higit kong naibigan, na lalong humimok sa akin ng pananatili sa kawan: kaligtaan na ang pagtatanong kung nakapagwiwika, nakapagsasalita nga ba talaga ang sub-altern, kung talaga ngang may saysay ang maging tinig sa Ilang, ngunit kung may ganitong matapang na pagsasawika, kung may ganitong uri ng tagpuan ng gawa at salita, sapat na marahil ang kibot na nalikha ng senyal para unti-unting makaliha ng biták sa muog ng mga paninindigan. May panahon ang lahat. Samantalang punò siya ng isang institusyong sangkot, sa malaon, sa maraming pagkakataon ng pagsikil at pananakop, nagagawa niyang magpasaklot ngayon sa mga hindi maipapaliwanag, sa kawalang-lugar, sa sorpresa at pagiging di-mawari, na tagumpay nang lingwistiko, sa ganang akin. Kahit na papaano. Hindi lamang naman tagapamagitan ng Verbo si Francisco; tagapamagitan din siya ng salitang humihinging tunghan nang mabuti. Kaya sa tingin ko, ang pagbisitang ito ng Santo Papa, bukod sa pagiging pastoral at pangkaluluwa (kayâ transcendent), ay isang makabuluhang pagdalaw sapagkat mayaman sa mga lingwistikong pihit na madalas nalilingid sapagkat nalulunod ng masigabong lugod, galak, at palakpakan, galak.
Madali kasi ang maiyak, mapukaw—na hindi naman masamâ. May ilang tao ang hindi naging palagay sa biglang pag-iyak ng batang nabanggit natin, na ang kagulat-gulat, ay mistulang naipagtanggol pa ng Papa, nang bigkasin niya ang kaniyang tugon. Hindi mali ang umiyak, wika niya, ang problema nga sa daigdig ay wala na tayong kakayahang dumamá. Ngunit bakit gayon na lamang ang datíng niya sa marami sa atin? Ang sagot ko: nasa kaniyang wika. Hindi siyempre sa Espanyol, na matagal na nating isinuka, ngunit, kung nakikinig lamang siguro tayo sa Papa ay matutuklasan nating nakasilid pa rin sa ating mga wika—wala na tayong pagtatalunan diyan. Ngunit ano ang ibig kong sabihin ng nasa kaniyang wika? Ang sinasabi ko: ang bawat pihit ng wika niya—halimbawa, ang pagpiling magsalita sa sarili niyang wika, ang paglulugar niya ng kaniyang diskurso sa pananaw ng tumatanggap (na kaiba sa hirarkikong diskurso ng pulpito, bagaman hindi ko gustong sabihing ito nga’y sandali ng pagsasalita ng kabukod), at ang litaw niyang pag-iilang diwa (hindi nga ba nagkaroon na rin ng problema sa mga sinasabi niya sa mga nakaraang pagkakataon, at palagiang “nililinaw” ang mga ito ng Vatikano; halimbawa, may isang mali raw sa salin na mapanganib para sa pinangangatawanan ng doktrina)—ang mga ito ay matagumpay nang pagyanig sa isang rehimen ng pakahulugang hindi papayag namatinag, at kahit man lamang diyan ay nagkakaroon na tayo ng mumunting kibot ng tagumpay na lagimín, kung baga, ang totalisadong pananaw nitong Simbahang itinatag sa petrus, sa bato. Tandaan: ang wika ay pagsasamundo.
Ngayon, balikan natin ang “llorar”. Ang naging salin dito ng butihing kawani ng Papa ay “to cry”, at ito ang naipakalat sa ating midya, na mababaw ang literasi sa wika (ay, kaysaklap!). Hindi naman sila masisisi, dahil nagmamadali sila sa pag-uulat, at iniisip nilang mainipin ang mga manonood at tagapakinig. Pinangangatawanan lamang talaga nila ang kanilang pagbabalita. Na isang kapinsalaan, sa palagay ko, sa ngalan ng “serbisyo publiko”. Ang hindi nila nahagip, na mahalaga sanang naipaliwanag sa madla, ay napakayaman ng “llorar” para maging “pag-iyak” lamang, tulad ng nasaksihang pag-iyak ng batang babae. Hindi nila nakita ang nakita ni Papa Francisco, at dahil iyan sa mismong kamangmangan nila sa wika at kaunawaan. Problema talaga siguro iyan ng pagsasalin, ngunit, bilang mamamahayag din, may pa mataas akong inaasahan sa ilan sa aking mga kabaro, higit sa paglalantad nila ng kanilang kawalang-alam. O ng kitang-kita naman. Maaaring problema rin ito ng kawalan ng likot ng guniguni. O simpleng kakulangan sa riserts, gayong napakadali namang magkompara ng salin gamit ang Google Translate. Sayang. Hindi nakita na maaari rin nitong tukuyin ang “paghihinagpis”, “pagluha”, “pagtaghoy”, “paghagulgol”, “pag-usig”, pati na “pagdarasal”, at “pagsigaw”, kung idadawit pa ang isang salitang Espanyol na“grito”. Sa pagtawag sa mga salitang ito, na umiiral naman sa mayaman ding Filipino, higit na nagkakaroon ng konteksto ang paghimok ni Papa Francisco sa kabataan na “tumangis” halimbawa, kasama ang mahihirap. Konotasyon ng panghihimok ang pakikiisa sa mga dahop, na isang alingawngaw ng ipinamalas na pananahimik niya, ng pag-amin sa kakulangan ng salita, sa piling ng mga nasalanta ni Yolanda (na isa ring makahulugang pihit ng wika). Nakapagtatakang ang mga mainiping ito ang nása larang ngayon ng komunikasyon; wala silang pitak sa wika, sa mga tingkad nito’t pakahulugan. Ang problema kay Papa Francisco, hindi ka maaaring maging mainipin kung mithi mo talaga siyang mabasa. Ang munakala ko, ito ang kaniyang birtud ng paglihis (evade), samantalang umiiwas ding banggain ang sarili niyang muog. Kaya napakasarap niyang basahin. Lamang, magtitiyaga ka.
Ngayon ko pa lamang sisimulang basahin ang kaniyang mga aklat na binili ko noon pa, ngunit bilang texto, mapaglaro si Papa Francisco, bagay na hindi ko rin ipinagtataka sapagkat dati siyang guro ng panitikan, bukod sa pagiging isang kemiko, at bouncer sa bar, at kung hindi ka magiging matalim ay hindi mo makukuha ang kaniyang pahiwatig. Una akong napukaw ng malarong paggamit niya sa halimbawa ni San Jose sa SM Mall of Asia, sa Engkuwentro kasama ng mga Pamilya (may nakahagip sa alusyon kay Jose na Nangangarap, pero saliwa ang bánat). Binanggit niya ang “sueño”, pagtulog, at ang pagtulog ni Jose bilang mahalagang tanda ng buong-buong pananampalataya sa Diyos, habang minimithing maging mabuting ama kay Jesus. Kaibig-ibig ang pagtawag ni Papa Francisco sa sarili niyang imahen ng Natutulog na San Jose sa mesa, na aniya’y dinadasalan at sinisilidan niya ng papel na pinagsulatan ng kaniyang daing upang ito’y “mapanaginipan” ng Santo, maidulog marahil sa Diyos. Maayos naman ang salin ng kawani ng Papa: “to sleep”. Na agad namang iniugnay sa isa pang kaugnay na dalumat, ang “to dream”, o pangangarap. Muli, walang nakapagpaliwanag na iisa ang salita para sa parehong gawain ng pagtulog at pangangarap sa Espanyol, bagay na dalá pa rin ng pagkamainipin, o marahil, kawalang-pakialam, dahil una, Espanyol ang wikang ginagamit (na hindi na natin ginagamit), at sapat na ang Ingles. Nakahihinayang, dahil bibihira tayong makasalamuha ng pigura mula sa pandaigdigang larang na malaro sa/ang wika na tulad ni Papa Francisco, may likot, at palagiang pinagtatalunan ang mga paninindigan (hindi ba kinailangan din ng paliwanag ang sinabi niya hinggil sa usaping Charlie Hedbdo?). Nakakahinayang, sapagkat sumapat na naman (o pinasapat ng midya) sa atin ang interbensiyong Ingles—na hindi naman masamâ—nang hindi man lamang nagtatangkang maglatag ng malikhain at kritikal na paliwanag hinggil sa kakaibang engkuwentro ng mga wika at kulturang nasaksihan nating lahat sa pagdating ng mapagpakumbabang Santo Papa.
Kasi, sapat na ang Ingles, marahil? Sa pagkakataong ito, hinayaan nating pagharian tayo ng hegemonya nito, na naging balakid upang matuklasan natin ang himagsik na tinutapad ng Papa na ito, gamit lamang ang wika, at mga pihit niyang pa-wika. Hinayaang mamingwit ang mamamayan ng kung ano na lamang.
Ang midya, sa ganang akin, ay talagang malubha ang karamdaman— kailangan ding itangis, upang kahit na papaano’y malunasan.