Balangkas ng panayam na binigkas sa panel na “Paghubog ng identidad sa loob ng isang samahan”, ng Hubog: Identity as Cornerstone ng Malate Literary Folio, De La Salle University, Manila, Enero 24, 2015.
Tulad ng lahat, naatasan akong magbahagi ng aking pagninilay hinggil sa indibidwalidad vis a vis pagiging kasapi ng komunidad—o iyon ang aking pagkakaunawa sa paanyaya. Pinipili ko ang higit na makahulugan at mapanlagom na “komunidad” sa halip na grupo, organisasyon, pangkat, klub, atbp., upang ipahiwatig ang higit na malawak at mahalagang implikasyon ng pagpili na maging bahagi ng isang kolektibo sa ngalan ng isang layon at mithi—at sa konteksto natin, para sa mga alagad ng sining. Ang aking perspektibo hinggil sa komunidad ay nag-uugat sa pakahulugan nito bilang nagkakaisang pag-ayon sa isang pananampalataya o paninindigan, “shared by all or many,” wika nga ng etimolohikong minulan nito. Ang indibidwal naman, sa minulang Latin na individuum, ay “the atom, the indivisible particle,” na nakikibahagi sa isahan at malakihang pagkilos ng isang pangkat, matapos na umanib at makibahagi ng isang indibidwal sa “community of relations or feelings,” tulad ng isinasaad sa Latin na comunitatem. Nawa’y patawarin ninyo ako sa pagtawag sa mga orihinaryong pagpapakahulugan ngayong umaga, bagaman tinitiyak kong mahalaga ang mga ito para sa ating kalinawan. Ngunit kung iisipin talaga natin, ang mismong pagsasanib ng danas indibidwal at komunidad ay humihinging maisalaysay nang mabuti, lalo para sa ating ang pinanghahawakan ay salita. Kaya sa salita talaga tayo kailangang magsimula—at sa pagsasamundong nalilikha nito.
Mangha ako sa salitang indibidwal. Sa patuloy kong pagbubulatlat ng minulan nito, lumilitaw ang kalikasan nitong mapagbukod. Mahalaga ang singularidad, ang pagiging hiwalay, ang paghakbang paurong, tungo sa pagkilala ng sarili. Ganyan din ang ipinahihiwatig ng mga salita mula sa ating wika na madalas na iniuugnay natin sa pagiging bahagi ng isang isang kabuuan o lipunan—kapatid, kasapi, kaanib. Ang panlaping ka-, una, ay naghahayag ng pagkakabukod, ng pagiging isang bahagi na nagkakaroon lamang ng katuturan kapag nakapagtindig na ng ugnayan sa isang kabuuan. Ang ugnayan, ay laging dalawahan, lalo na sa ating konteksto, tulad halimbawa ng pahiwatig ng salitang Ilokano na kaddua (kasama), na halos katunog ng kararua, o kaluluwa. Ang dalawahan dito, kahit sa salitang indibidwal-sa-komunidad ay maaaring ituring na tumutukoy sa maramihang ugnayan, bagay na nagpapatag sa mga nagtatagpong pagkakabukod at kaibhan. Nagkakaroon ng kaisahan. Ngunit ang mga salitang tumutukoy sa sariling sumasapi ay makikitang nagpapatuloy na nagsasalaman ng kaakuhan bilang bukod, bilang iba. Bagay na maaari nating paghanguan ng kislap-diwa hinggil sa pakikipag-ugnayan sa isang samahan: nananatiling indibidwal ang indibidwal, lalo sa harap ng kabatirang likas sa komunidad, sa samahan (na salitang tumutukoy sa pagsasama-sama), sa pangkat, ang kung baga’y magpantay ng kaibhan sa bisa ng kaisahan, sa ngalan ng ano mang lunggati, mabuti man o masama. Na may dala ring panganib kung hindi malilinang.
Kaya ang sagot ko marahil sa napakahalagang tanong ng talakayan na ito, sa kung ano ang pinakahalaga, pinakaideyal na katangian ng indibidwal na sumasali sa isang komunidad, ay ito: ang maging buong indibidwal muna, higit sa lahat. Kailangan makatiyak muna sa sarili, bagaman ang pagkilala sa sarili ay hindi naman madali at agad-agad. Mahalaga rin ang panahon. Ang pakikihamok sa ano mang partikular na paninindigan, posisyon, o paniniwala, ay nararapat na natutugunan ng isang indibidwal na pananalig, ng isang kakanyahan na handang umiral sa kontradiksiyon ng pagiging kasapi ng isang pangkat, at pagiging isang nakapagsasariling indibidwal. Ang kasapian ay mahalaga, at mahalaga rin ang mga pagpapahalaga ng pangkat. Ngunit kailangang malay ang isang indibidwal na mayroon siyang sariling kailangang ibinubukod, upang marinig niya ang kaniyang budhi, sa tuwing nakikibahagi sa ano mang kolektibong pakikihamok. Ang tinig na ito ang dicere sa contradicere ng minulang Latin ng kontradiksiyon. Ito ang “tinig ng pananalungat”, ang balintuna ng kasapian, na hindi lamang yaong tumutukoy sa pagiging kritikal sa isang konteksto ng kaisahan, kundi higit bilang pag-iral sa isang espasyo ng krisis, tulad ng ipinahihiwatig ng minulan ng salita na krinein, na nangangahulugan ng pagkilates, pagninilay, pagpapasya. Ito sa palagay ko ang birtud ng kamalayan sa kabukuran, sa konteksto ng isang kapangkatan: isang kritikal na kasapian.
Ngayon, sinasabi ko ang mga ito hindi sapagkat talagang mapanganib ang magpangkat, ang maging bahagi ng isang komunidad: napakaimposible ng hindi makihalubilo sa kapwa, lalo na para sa ating nagugumon sa soledad ng ating paglikha. Ang salita naman ay kailangang tanggapin ng isang kapwa upang maging ganap. Ngunit hindi kailangang maging isahan lamang ang daloy ng ugnayan, na nagmumula lamang ang paghubog mula sa samahan patungo sa indibidwal. Hirarkiko ito, bertikal, at mapaniil. Higit na ideyal para sa akin ang nagtatagpong tinig ng indibidwal at ng kolektibong mithi, na hindi palagiang mapayapa, bagkus natitigib ng salungatang makapagpapadalisay sa mithi. Ganito ang iniisip kong mas mabisang ugnayan, na kumikilala hindi lamang sa mas mataas na lunggati ng samahan, kundi nagtataguyod din sa kapakanan ng indibidwal bilang isang kaanib na may sariling bait, budhi, at pananaw-sa-daigdig. Sa konteksto ng manlilikhang sining, ang komunidad ay makabubuting magbigay sa indibidwal ng puwang upang lumago, nang hindi sinisikil ang kakanyahan nito’t tinig, nang sinisikap ding tunghan ang lapit ng indibidwal bilang isa sa mga posibilidad na umiiral sa munting lipunang iyon ng komunidad. Sa ganitong paraan, nakikibahagi rin ang pangkat sa diwa ng balintuna, ng kontradiksiyon, na susi rin sa higit na mga masusing pagtuklas.
Ang panukala ko ngayon sa pag-unawa sa lugar ng indibidwal at ng komunidad sa isa’t isa ay ito: ang kapwa panatilihin ang mga pagkakabukod, hindi lamang sa diwa ng pluralismo, kundi lalo’t higit sa pagpapanatili ng integridad ng mga indibidwal na nakikilahok, lalo sa mga gawaing malikhain. Para naman sa indibidwal, mabuti rin ang wika nga ng kasabihan na may isang paa sa loob, may isang paa sa labas. Hindi naman ito yaong kawalang paninindigan sa pagiging kaanib. Sapagkat ginagamit ko ito bilang talinghaga: naroong nasa loob ka’t nasa labas, may kakayahan sa patuloy na pagsuri sa iyong pagigiing kabilang, at dahil dito’y higit na nagiging kapaki-pakinabang na kasapi ng pagtitipong iyon, ng katipunan, kaipala. Hindi ito paggitna. Isa itong pagposisyon, samantalang pinahahalagahan at isinasapuso rin ang pagiging bahagi. Sa ganito nagkakaroon ng kakayahang magbahagi ang indibidwal sa mas malakihang pangkat, sa palagay ko—isang malikhaing estratehiya: ang pag-iral ng isang sarili na may maibabahagi, na may bahaging sarili, na may bahagi ng sarili. Kung sinasabing ang layon ng paglikha ay pagpapalaya sa tao, at pag-usig sa lahat ng balakid sa kaganapan ng kalayaan, isang pangangailangan talaga ang pagkakabukod, na hindi lamang pagiging iba, kundi kalayaang maging isang indibidwal sa piling ng isang lipi. Tanging malayang indibidwal lamang ang may kakayahang makisalo at makibahagi sa komunidad. Sa ganang akin, ang lunggati sa bawat pagsali sa isang komunidad ay ang pagtuklas sa kalayaan. Pribilehiyo ng kaniyang pagiging malaya ang maging kasapi ng mga komunidad, karapatan sa isang lipunang malaya. At dahil dito, ang ubod kung gayon ng komunidad ay kalayaan din.
Sa huli, ano ngayon ang layon ng kasapian para sa indibidwal at komunidad sa mga ganitong pakahulugan? Para sa akin, higit na kapaki-pakinabang na tunghan ng komunidad ang isang katangian ng indibidwal bilang bukod at sarili: ang interiyoridad. Ang komunidad, tandaan natin, ay hindi lamang isang kilusan, isang pagkilos na nakabaling sa daigdig, sa paligid. Ang aksiyon mula sa minulang actio ay paggawa, na maaaring iugnay din natin sa paglikha, sapagkat ang pinag-uusapan natin ay ang mga manlilikhang sining. Bago umiral ang isang pagkilos, kinakailangan nitong madalisay, kinakailangan nitong malinang ang mga pinagsanib-sanib na kalayaang nagtagpo, nagpingkian upang buuin ang komunidad. Sa madaling sabi, mahalaga ang papaloob na pagdalisay bago ang ano mang pagkilos. Sa ganito natin nakikita na ang mismong komunidad ay naghuhunos bilang isang indibidwal din na nagpapakilala ng sarili nitong bait at kakanyahan. Sa akin, ang komunidad ay isang indibidwal ding hinuhubog ang sarili nito sa pamamagitan ng sarili nitong likha, ng sarili nitong paghubog sa mga handog nito sa daigdig, ng sarili nitong kalayaan. Isang pangangailangan sa palagay ko ang kakayahang mapagnilay at mapangilates sa interiyoridad kahit namumuhay sa konteksto ng isang pangkat. Lalo na para sa ating ang mithi ay magsakataga, at magsabuhay nang mismong diwa ng laya, na siyang kislap-diwa ng bawat nating pagsusumikap, at siya ring palagay ko’y mabuting alingawngaw na laya, lalo para sa mga lipunang umiiral sa daigdig na dahop o tumatalikod dito. Ito sa palagay ko ang tunay na politika ng indibidwal sa kaniyang pagsanib sa isang komunidad.