Kahon-kahong kinumutan ng watawat
Ang inilipad ngayon mula sa iyong lupain—
May dilig ng dugo matapos ng malaong
Pagpapataba ng pulbura at mithiing
Mapatalilis ang pangangaligkig na kubli
Ng mga mais na maaari nang gapasin.
Silang ikinahon ang nagmistulang laglag
Na mga bunga, nangagkalat sa taniman,
Dinapurak ng mga nagsapesteng bala.
Walang babala, sumasagitsit sa pagpingas
Sa dahong dilawin, sa pagtarak sa laman.
Ibinababa ang kanilang labi’y nalalabi
Sa isip ang hulagway ng pangangalirang
Ng buong maisan, ang kapatagang walang-
Habag na inilantad sila sa mga sumalakay,
At maya-maya’y ihahanay sila: isang dakilang
Pagtatanghal ng lubhang kataksilan, bagong
Hango’t inilalakong matamis na kabayanihan.
Enero 29, 2015