Bagong Tula: Dung-Aw


Di man siya gaanong kilala, siyang tinatawag na Franklin,
Natunghayan ko sa kaniyang ataul ang kahinahinayang
Na tikas na pinarangal ng wari’y almiroladong uniporme.

Gunita ko’y isang malagim na engkuwentro ang ganap
Na nagpabalik sa kaniya sa kandungan ng bayang ito,
At sa inang halos masiraan ng bait, nakaupo sa gilid

Ng puting ataul. Kaysinop ng pagkakabihis, kontrapunto
Ng terminal na paghimbing: banaag pa sa kaniyang noo
Ang tila kirot ng pagkubkob sa kaniya ng rebeldeng bala.

Ililibing na siya noon, pinasisilip ang buong baryo sa huling
Pagkakataon; naglulupasay ang ina, tanghal ang dalamhati
Habang nagbebelo ng itim ang kamag-anakang kasama—

Sumilip din ako, at sumulak sa dibdib ang isang di kilalang
Damdamin. Isang musmos, tumitingkayad sa harap ng ataul,
Nakikibahagi sa luksang mapanakop, minamalas ang labi

Ng di kilalang kapitbahay—kinislutan ng habiling mistula
Tandaan, tandaan ito. Isinara ang ataul. Nagpugay-putok
Ang mga kabarong tutók ang nguso ng mga armas sa lupa.

Pebrero 1, 2015


3 responses to “Bagong Tula: Dung-Aw”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: