Papaanong bibilangin ang mga bituin sa langit
Sa ganitong laksang kalawakan—pag-ibig
Ng magsasaka’t heredero, pag-ibig na sininop
Ng pangitain at paglilo, ngunit pagbabayaran
Ang pagsapit nitong paghahawakang inaasam?
Kaybigat ng halaga: ang lihim na kaugnayan
Ng inyong mga anak na ibinababa sa hukay,
Lihim na kayo ang napag-iwanan matapos nilang
Lundagin ang bangin dahil bagabag ng pagtutol
Sa naganap na lamang na pagmamahalan.
Nahigitan mo na ang iyong irog, at ayon sa anda,
Sino mang di kumilala sa iyong ngalan ay aso
Lamang. Kaysaklap: kahit ang kinang ng yaman
Ay walang gawad na kislap sa iyong mga mata.
Batid niya iyon nang magtuos kayo’t magharap.
Gunita mo pa ba iyon, nang ang mga aso mo’y
Naglalaway, handang manakmal? Tanaw mo siya
Sa iyong terasa at amoy ng mga alaga ang poot
Ng bugtong na poon. Baliktad na nga ang mundo—
Dumudulog siya’t hangad ang katiting na habag.
Ngayon, sa pagpapantay ng paa ng mga anak,
Inaabot niya ang iyong kamay, nababalabalan
Ng belong itim. Mistulang tinatawid ang pagitan
Ng uri’t panahon, at sa karimlan, pinasasapit
Sa wakas ang malaong lakbay ng liwanag-taon.
Pebrero 3, 2015