Bagong Tula: Sa Birheng Basang-Basa sa Ulan

—Larawan sa Pagbisita ni Papa Francisco sa Tacloban, Leyte, 2015

Naririto sila ngayon sa inyong harapan, Inang Mahal,
Nangangatog sa lamig, mga basang-sisiw na nakikinig
Sa inyong Pastol, ngayong araw. Peregrino ang lahat—

Tanging kapoteng dilaw ang pananggalang sa tila
Pagbugso-na-muli ng ulang nilunod itong bayan.
Minamalas ka rin nila ngayon, at yaong iyong kipkip

Na musmos, waring pilit inaabot ang nagpapasaklolo
Sa inyong paanan, pagunita sa sumpang araw ng dilim
At daluyong, sa di akalai’t hininagap na unos at ragasa.

Nagtatanong pa rin sila kung bakit. Hindi sila masagot
Ng Pastol. Sa gayong halinhinan ng hangin at ulan,
Pinagsaluhan, hindi lamang dugo at katawan, gayundin

Ang tanging katiyakan: hindi sila naliligtaan sa kanilang
Kadustaan, may kamay ang diyos na inaabot sila, gaya
Ng sa iyong musmos, kahit tumikom na ang pananaghoy

At inaalingawngaw na lamang ng bawat tibok ng puso.
Kaming nasa malayo’y nakamalas lamang, nababagbag
Sa maaaring hikbi, sa dampi ng ambon sa kanilang pisngi.

Sinikap ng inyong Pastol na hagkan ang lahat nang iyon,
At sa kaniyang pagdamay, mistulang umapaw na muli
Ang tubig, lulunurin ang lahat, at sa paghupa’y lalantad

Ang mga labi, singyagit ng putikang kalsada, ng dibdib
Ng mga bangka at bapor na naligaw sa lungsod, habang
Naghahari ang kalam at walang kinikilalang kawastuhan.

Wari’y nangyayari pa ang lahat; nakapangyayari habang
Binibigkas ng Pastol ang hikayat na usigin ang panginoon,
Na tunghan ang malalawak na balintuna, tulad ng dagat

Ngayon na may banta ang hampas-alon; kayhirap ninyong
Mamalas noon, Inang Mahal. Naririto kayo ngayong sagisag
Ng habag, ngunit dala ng bagyo ang laksang sakit, ginutay

Ang buhay ng bawat isla, pinasuko ang kaytatayog na niyog
At kahit simbahan ay tinanggalan ng bubong. Anong rikit,
Anong amo ng inyong mukhang naglalaho habang nalulunod

Ang anak at asawa, magulang at kaanak, kaibigan at kakilala.
Ngayon, nakabaling ang mga mata mo sa mga sinasaklolohang
Wala na roon, kahit kayrami pa ring naroroon at sumasamo,

Nagpapakalinga, silang naririto ngayon, habang huli ng lente
Ang mga dambuhalang patak, ang iyong sulyap, ang akmang
Pag-aabot-palad ng musmos, ang Pastol na napayuko’t wari’y

Nagbalabal ng sariling katahimikan, matapos sumaksi sa tila
Himala ng mga pag-usig at paubaya, benditado ng lumbay
At pinatingkad ng pintang-burda sa laylayan ng iyong saya.

Marso 25, 2015

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s