Ano nga ba itong nilalang na ginawa ni Jack Alvarez sa Ang Artgoioufbaia ng Iabng Lady Gaga: Kooeksiyln ng mga Danligg Tstiemyona at Rleesayobn Ng Isnag OFW, Maktaa, Kpataaid, Aank, Blakaa, Renya, Ptua, Ecteera? Ang sabi ng iba, dagli, ang dakilang kathang pamasak-butas ng pahayagan ng lumang panahon. May nagsabi pang flash fiction, kuwentong kislap para sa ilan. Sa akin, isang kasiya-siyang transgresiyon (linguwistiko pa nga) kahit sa una nitong pagpapangalan sa sarili, sa pagiging “Artgoioufbaia” (autobiografia), ang kaniyang aklat, na maugong sa pagtatatag at paggigiit ng patuloy na pag-iral ng isang tinig ng nangibang-bayan, habang buong tapang na isinasalaysay ang pasyong diasporiko, gamit ang danas ng pagiging kabukod (other, dahil banyaga) at perspektibang kakatwa (queer). Sa iba’t ibang nibel, tinutupad ng aklat ang kayraming kontrapuntal na operasyon—mula sa salaysay ng pakikipagsapalaran sa banyagang lupain bilang isang kabukod at kakatwa, hanggang sa madulas na pag-iwas mismo ng anyo nito sa mga tipolohiyang pampanitikan na maaaring maisip. Kapuri-puri ito, at kung tatayain bilang sunurang pakumpisal na salaysay, makikitang naglalaro ng apoy, habang tinutuklas ang hanggahan ng pasalaysay na anyo, sa pamamagitan ng matalik na pagpulso sa parikala, at katangi-tanging kakayahan na distansiyahan mismo ang danas upang sinupin at itanghal nang maluwat ang mga natatanging sandali ng kabatiran.
Tulad ng kaniyang iba pang persona (sang-ayon na rin sa pamagat), nag-iilang-diwa ang sumpa ng pananatili ng tinig ni Alvarez, isang tinig na kung sa una’y nangangako lamang na magpapatuloy umiral para sa pamilya, ay tinig na ring nagsasabing hindi pagagapi sa mga pagsubok ng banyagang init at buhangin: “Nandito lang ako. Isang OFW sa disyerto ng Saudi.” Mabuting anak ang tinig, tumutulong sa pamilya, kahit sa madalas na durog na kapatid, ngunit buhay sa malay niya ang isang malikhaing kislot na lumikha rin, na itala, kung baga, ang kaniyang mga sapalaran, gamit ang baklad ng sanaysay. Kayraming mga pag-aasam ng persona sa mga sunuran, tulad ng sa ama na halos hindi nadamhan ng pagmamahal at kinamuhian, at lalo na, para sa matalik na ugnayan sa minamahal, na maigting na ipinagbabawal ng lipunang homopobiko at patriyarkal, kung saan pinili niyang magtindig ng ikabubuhay at siya ngang kinapadparan. Walang nakatatakas sa mata ng personang ito, na hubog ng banyaga at lokal na kulturang popular, at sa panahon ng aklat ay inaanyuan ng estrikto’t siklikong daloy ng buhay (tulad ng limang ulit na pagdarasal bawat araw) sa Saudi. Buhay sa bokabularyo ng persona ang kaniyang pagkakabukod habang pinipilit maging katanggap-tanggap, at kinakabaka ang kaniyang pagiging kakatwa sa lupaing iyon: Ramadan, iqama, Saudization, telemoney, remittance, atbp. Samantalang wala siya sa kaniyang bayan ay masasaksihan siya sa aklat na nananatiling buhay, nagpapapalit-palit ng isinasalaysay, bumabangong muli sa bawat mistulang kamatayan dahil sa pagkakalayong nararanasan, waring Scheherazade sa klasikong mga kuwentong Arabe na kinakatawan ang bawat kasabik-sabik na lunggati at tibok ng pagpapatuloy magsalaysay.
Mahusay sa pagkasangkapan ng kagamitang pangkatha si Alvarez, magaan at masiste sa pagtalakay sa mabibigat na isyung diasporiko, pati na rin sa domestiko. Walang kakurap-kurap siyang magtanong, tulad ng sa isang bahagi ng aklat: “Sa kasalukuyan, kumusta naman kaya ang halaga ng mga OFW na tulad ko.” Paglalaruan niya ang salitang “halaga”, sapagkat naitatabi sa usapin ng pagpapadala ng pera sa Filipinas ng mga gaya niya. Ganyan din ang gagawin niya habang pinagninilayan ang kaniyang kapiling na pag-ibig, na kaaaliwan ang kahihinatnang bagsak ng kataga: “Pero kailangan kong bayaran ang aking Pag-ibig fund.” Makulay, totoong napakakulay ng buhay pag-ibig ng persona ni Alvarez (na siya rin naman, kung pagbabatayan ang pamagat), at bilang Scheherazade, halos maging sumpa niya ang birtud ng mga lingid na kalibugan. Siya bilang kabukod ay nuno ng kakatwang kagandahan, isa ngang ibang Lady Gaga, ang patron niya at matris ng pagkatha sa sarili. Ilang ulit ba siyang susundan-sundan ng kung sinong Arabe, inaaari ang katawan, at maaari’y pati pag-ibig? Nararating ng kaniyang katawan mismo ang hanggahan ng obhetipikasyon, at ang tangi niyang pagbalikwas sa lubhang paniniil na ito ay ibunyag ang krimeng tila siya ang kapwa biktima at tagapagpaganap. Papaano ba ang humarap sa trahedya ng mistulang paulit-ulit na pagkakagahasa? “May limang check-point pa sa unahan,” sasambitin niya sa sarili nang minsang mahuli sila ng kasintahang Arabe na naglalakbay sa isang kotse (ipinahihiwatig na “kahinahinala” lagi ang magsama ang dalawang lalaki sa sasakyan), pikitmatang tatanggapin ang palad, na bahagi ng kaniyang sapalaran sa Saudi. Ngunit ilalahad niya ito, isusuplong sa pahina.
Umiigting tuloy ang pagiging company secretary ng tinig ni Alvarez, sapagkat hindi na lamang siya kalihim ng amo, kundi tagatala rin ng maaaring mga pinipiping kuwentong disyerto. Sa isang biglang tingin, tila nakatuon lamang ang aklat sa pagbubunyag ng ugnayang matalik ng tinig sa mga Arabe, na naglalaro lamang sa relasyong corporate/industriyal at karnal. Ngunit nagtutuon din siya ng pansin sa mga abang kababayan na madalas ay kulang sa pag-unawa at mapanghusga. Sa isang bahagi ng aklat, natatagpuan ng tinig ang sarili na minamalas na nga na may paglulunggati ng isang Arabe, ay wala pang mapagkublihang ligtas na pook, sapagkat kahit sa restawran na dinarayo ng mga kapwa Filipino, itinuturing na salot ang mga tulad niyang bakla. May sariling pagkakabatid naman ang persona, at sa isa pang bahagi, aamin siyang nagkamali na pumatol sa isang Arabeng “maysabit”. May isa lamang siyang hiling: “Sana walang sabit nang hindi ako mamura na puta.” Napakakinang ng kislap-diwang ito, lalo’t binabalikan ang gunita ng tula ni Jose F. Lacaba, bagay na nakatanim din sa malay ng persona, sampu ng iba pang nabasa bilang isa ring nagsusumikap maging manunulat. Ngunit hindi naman lahat ng Filipino sa Saudi ay gayon, at may balanse rin sa pagkukuwento ang tinig ni Alvarez. Nasasaksihan pa rin, sa kabila ng banta ng inggit at pangungutya, ang batid nang mga kuwento ng kabayanihan, tulad ng sa sastre, at sa isang Filipina na binitay sapagkat nakapatay ng isang Arabe. Sa isip, ipinagtatangol niya ang kababayan: “Hindi siya papatay kung walang rason. Lahat ng bagay, may dahilan,” habang nababatid na sa gayong trahedya ng pagkakasiil at kontradiksiyon sila nabubuhay. Naroroong nakamalas din ang persona sa mga kaguluhan sa Gitnang Silangan, at itinuturing ang mga ito hindi bilang periperal na mga pangyayari bagkus mismong ubod ng mga internal na tagisan.
“Alam kong isang krimen ang pakikipagrelasyon sa kapwa lalaki,” wiwikain ng persona ni Alvarez, sa isang bahagi ng aklat. “Lalo na dito sa Saudi Arabia. Maaaring mahatulan ng pagkakulong, kasong prostitusyon, at sa tulad kong OFW ay deportasyon.” Ngunit katangi-tangi ang katapangan ng tinig, ng persona ni Alvarez, hindi lamang sa pananatiling matatatag, kundi pati na rin sa pagiging masugid na mangingibig. Nadarapa siya, bumabangon, at umiibig, muli at muli, kung kaya’t higit na nagliliyab ang pasyon sa dibdib. Kahit niyayakap na ang mga siklo at sikdo ng pamumuhay sa Saudi, at maging sa aruga ng niyakap na Islam, nananatili pa rin siya sa kakatwaan; nababasahan ng karapat-dapat para sa kaniyang perspektiba ang lunggating hindi maitatatwa’t maipagpapaliban, lalo na sa pinakamamahal na si Salman: “Ngayon, alin man sa tatlong share na nabanggit (share sa langit matapos ng Eid Al-Adha o Feast of the Sacrifice) ang paghahatian, sigurado akong may karne si Salman na sa akin ay nakalaan.” Ganap sa katawang kakatwa ng tinig ang gayong katapangan, at kailahasan, kahit nagbabanta ang relihiyosong lipunan na lipulin ang kaniyang uri at balikan ang bawat mapanghusgang sipat. Bilang isang kabukod, malaon na siyang nasa gilid, pasahuran, umaasa sa awa ng mga amo, kailangang magbanat ng buto para sa pamilya sa Filipinas. Ngunit makapangyarihan ang kaniyang salaysay at nadedesentro ang lahat ng sumisikil sa kaniyang kalayaan. Ang tugon niya sa lahat ay ang kaniyang kakatwaan, mapanlansi (ngunit tapat, walang astang manlinlang), mahiwaga, isang bagong mukha ng lokal na tradisyon ng pusóng. Tulad marahil ng kaniyang patrong si Lady Gaga, naghuhunos siyang paulit-ulit sa bawat kuwento, higit na may maalab na pag-ibig, at mithing igiit ang tunay na sarili.