Batay sa larawang kuha ng ABS-CBN News Channel.
Hindi mailalarawan ang iyong dalamhati.
Ang kuwadrong ito’y walang kakayahang
Sinupin ang lahat ng iyong saloobin,
Waring kusang tinatalikdan ang daigdig,
Tulad mong nakahalukipkip, nakayuko,
Sa pader lamang ng pabrika nakabaling.
Sa bandang itaas, nakamarka pa ang dila
Ng apoy sa tila lumúlutóng nang takip-yero.
Sa iyong paanan, tipak ng durog na uling.
Nagkakasya ang larawan sa paliwanag
Na dalangin para sa asawang natupok
Ang pakay mo roon. Ngunit ang malinis
Na pader na iyon ay naghuhunos bilang
Muog ng pagkasawi, walang maikukubli,
Nagbabalita, muli at muli, na kahapon,
Walang pinatakas ang lagitik at lagablab
At bumangon ang haligi ng itim na usok
Mula sa nilamong salasalansang tsinelas;
Salasalansang natagpuan sila, obrerong
Papatakas, napasubsob, napahandusay,
Nagsabato sa saklot ng sulasok at lapnos.
Kaytahimik mo sa iyong larawan, ngunit
Nang-uusig ang tanging pader, nakikinig
Sa iyong pagtangis, isa lamang sa laksa,
Itinitindig ang bukambibig ng linggatong
At silab, ng nahúling hulíng tinig ng saklolo,
Ng akmang pagsakop ng liyab sa buto’t balat—
Pawang patotoong may nananatili sa nawala
At bumalik sa abo, at ang holokawstong ito
Ay rusing sa kamay ng mga lubhang palalo.
Mayo 17, 2015