Bagong Tula: Tempus Per Annum


Larawan mula sa University of Notre Dame website.

Nagsasabit ng estola ang pari sa balikat, hinahagkan
Ang lungti na parang dayong dumaratal sa bagong
Lupang may hamog, ay sumasapit ang isang hiwaga—

Lumalapat ang lahat ng rubdob at rurok, pinapatag
Ng kung anong tumatahang katahimikan ngayon,
Ulit-ulit mang magsuntok ng dibdib, umamin sa sala.

Ganitong paglunggati sa lungti ang humahapon
Sa dibdib, habang humahakbang ang mga sakristan,
At ang madla’y humihimig ng bagong awit sa diyos.

Sapagkat naroon na raw siya sa nakapinid na tabernakulo
Na maya-maya’y bubuksan, luluhuran ng mga ministro,
Upang siya’y maiabot sa hugás na kamay ng tinawag

Na may dulot na bigkas upang magsalaman ang tinapay
At magsadugo ang alak. Minsan sa isang taon, lantad
Ng tabernakulong ito ang makinang na kahungkagan,

Wari’y mga dibdib nating walang lamáng kapanatagan
Habang gunita ang lumbay ng panginoong mag-isang
Tinatangisan ang palad na hindi na maipagpapaliban.

Lumipas na ngang muli ang lahat tungo sa karaniwang
Panahon at ebanghelyong muli ang kaniyang paglalakbay
Sa mga lupalop ng pangangaral. Nagaganap ang inog

At tumutugon ang mga alagad. Ngunit nananatiling ganap
Ang pagkapinid ng tabernakulo, walang handog na tugon.
May pagbásang magpapabaling sa kaniyang pag-akyat

Sa langit, at paggawad ng kapayapaan ay nagtitilang
Napanatili akong nagbabantay sa gabi ng sisidlang bukás,
Sa gabi sa Getsemani kung saan napatirapa ang diyos.

Doon pa rin ako nagtatanod, kahit nakakikita na ang bulag,
Gumagaling na ang maysakit, at bumabangon na ang patay.
Nais kong katukin ang tabernakulo sa gitna ng pag-awit

Sa pangakong pagdiriwang sa pag-ibig ng panginoon.
Nais kong maaninag ang kaniyang mailap na mukha
Habang nadaramtan ang altar ng karaniwang lungtian

At nagyuyugto ang lahat sa payak na pagpapatuloy.
Nais kong itanong sa kaniya kung bakit karaniwang
Puspos ng ligalig at alinlangan ang panahong karaniwan.

Setyembre 20, 2015


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: