Panayam sa Heights Creative Talk, Nobyembre 6, 2015, Pamantasang Ateneo de Manila
Kahapon ay ipinagdiwang ng programang Eat Bulaga ang “17th week-sary” ng samahang Aldub. Ang tagal na pala talaga, kung tutuusin, at talagang naitaguyod at napanindigan nito ang kasikatan, kung susumahin ang milyong tweets nang itanghal nito ang sinasabing “Tamang Panahon” sa Philippine Arena, ang kabi-kabilang talakay at pagpansin sa iba’t ibang daluyan ng lokat at internasyonal media, at ang sa ngayong walang sawang pagtangkilik ng mamamayan dito. Mahalaga ang pagbibigay-diin sa pariralang sa ngayon dahil nilalang ang Aldub ng kontemporaneong panahon. Dahil kasama naman talaga rito ang usapin ng “panahon”, nais kong magsimula ng aking pagbabahagi hinggil sa mga kahingian ng ating kontemporaneong panahon, na mahalagang pinag-uukulan ko ng sa kasalukuyan ngayon habang sinisikap kong buuin ang mga ideya ko hinggil sa isa pang kontemporaneong anyong pantelebisyon na nauna ko nang ipinaliwanag, ang Teleserye. Mahahalagang susing salita ko sa aking kasalukuyang pag-aaral ang kontemporaneong panahon, at ang Teleserye, sapagkat binibigyang kahulugan nila ang isa’t isa bilang kulturang popular ng ating panahon. Ang Teleserye, sa isang banda, ay ang anyong pasalaysay ng ating kontemporaneong panahon, na nagtatanghal ng mga kasalukuyang kuwento at drama (na maaaring ilarawang “aksiyon”, “pagkilos”, o “pagtatanghal”, sang-ayon sa etimolohiya ng salita). Ang kontemporaneong panahon naman, ang panahong kasalukuyan, ang siyang lumikha at humubog sa Teleserye, batay sa kaligirang pangkasaysayan ng brodkasting sa Filipinas at iba pang pag-aanyong pangkultura na nagbibigay-anyo sa ating mga napapanood ngayon sa telebisyon. Ang tinaguriang “Kalyeserye”, ang pangkalahatang etiketa ng samahang Aldub, ay malinaw na hango sa dalumat ng Teleserye, ang siyang itinatawag natin ngayon sa mga lokal na soap opera. May kasaysayan ang mga salita at pagbabansag, kung kaya mahalagang mapahalagahan ang mga sandali ng pagpapangalan. Nitong nakaraang linggo, nagbahagi ng kaniyang matalim na paliwanag si Dr. Soledad S. Reyes sa Rappler.com hinggil sa kaniyang pagbasa sa Aldub. Pinahalagahan niya ang pag-uugat ng phenomenon sa kasaysayang pampanitikan at diskurso ng kulturang popular. Hindi naman na natin mapapasubalian ang kaniyang nakitang matalik na kaugnayan ng pangyayaring ito sa telebisyon sa napakaraming tinangkilik na aliwan at panitikan mula pa man noong unang panahon. Ngunit sa ganang akin, hindi pa gaanong naisisiyasat o nadadalumat ang pagpapangalan, kahit naman sa Teleserye, na tinangka kong gawan ng paliwanag noong isang taon, nang buksan ng Kagawaran ng Ingles, Pamantasang Ateneo de Manila, ang kursong The Philippine Teleserye (na muling magbubukas sa susunod na semestre). Ang pagbigkas ng host ng Eat Bulaga na si Joey De Leon ng salitang “Kalyeserye” sa isa sa mga unang episode ng phenomena—dahil nga ang mala-mala Teleseryeng umuusbong sa pagitan nina Alden Richards at Maine Mendoza aka Yaya Dub, ay nagaganap sa kalye, sa labas ng malamig, komportable, at makinang na studio ng noontime show—ay isang muhong dapat nating balikan, sapagkat laman nito ang makapagpapaliwanag hinggil sa telebisyon bilang nagpapatuloy na kulturang popular sa Filipinas. Mabilis ang mga paghuhunos sa telebisyon, at ano mang makapagkamal ng tagal sa eyre ay dapat nang itangi, tulad ng salitang Teleserye, na inilungsad 15 taon na ang nakalilipas, nang ipalabas ang unang Pangako Sa ‘Yo. Ang tagal na natutunghayan natin sa Aldub sa kasalukuyan, at ang samut-saring diskursong nalilikha nitö—positibo man o negatibo—ay tanda ng isang mahalagang katangiang dala ng mga telebiswal na teksto ng kontemporaneong panahon: ang katangiang ito ay ang pagiging rebolusyonaryo, mapagbago.
Ano nga ba ang lumikha sa Kalyeserye bilang isang Teleserye? Marahil, isa munang maikling pagbabalik-tanaw sa ating kontemporaneong kasaysayan. Nasabi ko nang ang Teleserye ay rebolusyonaryong lohika ng rebolusyon sa Edsa noong 1986, na nagpabalik at nagtatag na muli ng demokratisadong brodkasting. Mahalaga ang kalayaan sa brodkasting sapagkat hindi lamang nito nabuksan ang mga posibilidad ng mga pagtatanghal na telebiswal; binuksan din nito ang industriya sa daigdig, habang sa isang banda, iniinda pa rin ang pagkakakalat ng mga Filipino sa iba’t bansa dahil sa naunang itinaguyod na diaspora at kulturang balikbayan ng napatalsik na rehimen. Sa yugtong iyon, nagkaroon na tayo, hindi lamang ng tanaw na pambansa, kundi tanaw na planetaryo, wika nga ni Gayatri Spivak. Magsisimulang magkaroon ng kaakuhan ang soap operang Filipino sa pagyugto ng bagong milenyo, at matapos magsimulang magkaroon ng edukasyon sa pamamagitan ng mga kapanabay na “Tagalisadong” telenovela mula sa Amerika Latina at mga Asianovela mulang Taiwan at South Korea, uusbong sa 2000 ang pangalang “Teleserye” (na pagtatambal ng mga salitang “tele” mula sa telebisyon, at serye, na tumutukoy naman sa pangunahing katangian ng soap opera, ang pagiging tuluyan) sa pamamagitan ng Pangako Sa ‘Yo, na masasabing hindi lamang unang yugto ng paggulang ng soap opera matapos ang Rebolusyon ng 1986, kundi pagsapit din ng soap opera sa pagiging kulturang popular na Filipino sa antas na global. Tandaan natin na nag-trending din Pangako Sa ‘Yo sa iba’t iban panig ng daigdig, matapos itong mailako sa merkadong pandaigdig. Ang pag-tetrending o pagsikat sa isperang pandaigdig ay isang mahalagang idinulot ng rebolusyong pantelebisyon sa Filipinas, na nagsilang nga sa Teleserye. Kung tatanungin ako hinggil sa kahanga-hangang pagsikat ng Aldub, madaling maipapagunita ang birtud ng Pangako Sa ‘Yo, na sumikat at pinag-usapan sa di ilang bansa sa Africa, sa America, at sa mga karatig-bayan sa Timog Silangang Asya. Ngunit ang planetaridad na aking sinasabi rito ay hindi lamang dapat ituring na nakatuon lamang ang lansin sa banyagang awdyens. Dahil nga nangagkalat tayong mga Filipino sa lahat ng lupalop ng daigdig, hindi kataka-takang makagawa tayo ng ingay bilang isang kultura, lalo na kung mayroon tayong sabay-sabay na tinatangkilik tulad ng Aldub. Ganitong trend, kung baga, ang nakita sa isang narinig kong pagsusuri sa bilang ng tweets ng Aldub, noong kasagsagan ng natatanging pagtatanghal ng “Tamang Panahon”, ang kauna-unahang pagtatagpo ng ating mga bida mula sa kanilang estading split-screen. Sa panahong ito, matapos ng pagbabalik ng demokratisadong telebisyon sa Filipinas, nakatuon na tayo sa pandaigdigang ispera, kahanay ang mga tinatangkilik din nating serye mula sa US, America Latina, at Silangang Asya. At may bentahe tayo dahil nangangkalat ang mga Filipino sa buong mundo. May agarang awdyens na tayo saan mang lupalop na maging mabenta ang ating mga Teleserye. Totoo, nakatulong nang malaki ang social media sa walang puknat na diskurso hinggil sa Aldub, at hindi na natin ipagtatanong pa ang dalang kasikatan ni Mendoza mula sa kaniyang kalát na mga Dubsmash. Ngunit sa isang masusing pagsusuri, makikitang ang tagumpay ng Aldub ay isang pinagsama-samang pormula ng estratehikong pagpapalawak ng sakop ng telebisyon/ mainstream media sa plataporma ng social media at ng isang makasaysayang proseso ng paghuhunos ng soap opera matapos ng 1986, na naghandog nga ng isang pangalang hindi natin akalain ay maitatawid ang sarili matapos ang 15 taon. Kaya talagang nasiyahan ako sa pagdating ng Aldub. Para sa akin, patunay ang patuloy na pagsikat nito, at ang pagiging pandaigdigang phenomenon into, sa nararapat na pagpapahalaga sa Teleserye bilang isang genreng telebiswal na sariling atin. Nang maisip ni De Leon na ipihit ang wika ng umuusbong na pag-iibigan nina Richards at Mendoza patungo sa Teleserye, sa pamamagitan ng katagang “Kalyeserye”, wari’y naigiit ang panimulang haka ko noong isang taon sa umiiral na pagkamalaganap ng konsepto, at ng pagiging ikoniko nito sa kulturang popular.
Ngunit ano pa nga ba ang rebolusyonaryo sa Aldub, bukod sa pagiging supling nito ng Teleserye, na supling na telebiswal naman ng rebolusyong 1986? Una, wari bang ipinaramdam nito sa noontime show, sa pamamagitan ng Eat Bulaga, isang muhong telebiswal mula sa sumakabilang panahon (tandaang sumilang ang palabas noong 1979), ang tatag nito bilang isang kontemporaneong genreng telebiswal. Agad-agad na masisilayan dito ang agon o tagisan ng dalawang genre na ito, na bumubuo sa institusyong telebiswal sa Filipinas. Nang una akong hingan ng pagsusuri hinggil sa Aldub, ang bagay na ito ang aking pinuna. Ang wika ko, mukhang isinusuko ng genre ng noontime show ang sarili nito sa hegemoni ng Teleserye, na siyang bumubuo sa halos pangkalahatan ng ating araw-araw na danas ng panonood ng madla (tandaang may mga teleserye na nga sa umaga bukod sa traditional na mga teleserye sa hapon; natural na natatangi ang mga teleserye sa gabi). Mag-iisang buwan pa lamang noon ang Aldub nang isulat ko ang pagsusuri, at ang totoo, pinagdudahan ko ang bisa ng walang-plano-plano at biglaang kiligan sa kilalang segment na Juan for All, All for Juan, na sinusundan ko noon pa man sapagkat nakatatawa ang tatlong nagdadala nito na sina Jose Manalo, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros. Ang sabi ko pa nga, baka kailangang planuhin na ang takda, ang tamang panahon ng pagwawakas nito. At dahil Teleserye naman ang hulmahan nito, dapat itong magtapos sa isang maatikabo at kapanapanabik na paraan. Mahirap ipanukala ang inaasahang kasal dahil may hibong kusang nangyayari ang lahat sa palabas, nakabatay sa siste at galing ng palitan ng diyalogo, at may epekto ring mala-mala totoo. Kaya kahanga-hanga ang bawat metapiksiyonal na pagpihit ni Bayola, aka Lola Nidora sa tuwing nadadala ang magkapareha sa kantiyawan: aktingan lamang ito, hoy! At saka niya ibabalik ang gunita ng namayapang si Babalu sa kaniyang paggaya sa pagsasalita nito, na magiging hudyat naman sa pagtatanong ng “asawa ni”, na batid naman natin ang sagot. Tuluyang binago ng kiligan ang segment upang maghunos bilang isang Teleserye sa tanghali, isang Teleserye sa kalye, sa ilalim ng sikat ng araw. Ang pag-iral ng segment sa labas ng studio ay isa na ngang inobasyong masasabi: inilabas na ang ispektakulo, inilapit sa mamamayan, at sumusugod pa sa kabahayan ng masusuwerteng tinatawagan upang makapagpamigay ng papremyo. Marami nang dramang inilantad ang Juan for All, All for Juan, at sa ganang akin, malaon nang nagtatanghal ng mga Teleserye ng tunay na buhay, na unang pinauso ni Willie Revillame sa Wowowee, at kahit sa kasalukuyan niyang Wowowin. Marami nang umiyak sa palabas bago at matapos mapapremyuhan. Isa lamang ang Aldub sa inobasyon ng mismong segment, na naghunos na rin nang makailang ulit, sa pamamagitan ng pagpapakilala ng iba pang host, tulad ng aktres na si Marian Rivera, at nito ngang huli, ng paglikha ng samutsari at kakaibang karakter tulad ni Lola Nidora, na lola ng naunang ipinakilalang manggagamot at manlalakbay na si Dora the Explorer. Pinangatawanang tuluyan ng Juan for All, All for Juan ang paglitaw ng isang Teleserye sa palabas, at bumuo na nga ng iba pang karakter na makapagpapatingkad sa paglalahad ng nakakikilig na pag-iibigang Aldub, na karaniwang pag-iibigan sa pagitan ng isang guwapong binata at isang katulong. Nabasa at napanood na natin ang mga pigurang ganito, kaya madaling sundan, at madaling paunlarin. Naging lunsaran pa ito ng didaktikong mithiin nang magsimulang bumigkas si Lola Nidora ng mga aral sa buhay, at hindi lamang sa buhay-pag-ibig. Ikinatuwa ito ng mga taong-simbahan at ginawaran ang Eat Bulaga sa mga handog na pagpapahalaga. Katanggap-tanggap pala ang pagbibihis-babae sa Simbahang Katolika, basta may dala kang aral, ala Urbana at Felisa. Sa maikling salita, ang dami nang nangyari sa loob ng 17 linggo ng pagtakbo ng Aldub. Marami na ring nasabi, at sinasabi pa, tulad ng sa pagkakataong ito na ibinigay ninyo sa akin. May nagbago ba sa unang munakala ko? Marami. At marami rin akong kinamanghaan sa araw-araw na pagsubaybay ko rito, bukod sa likas nitong pagkaintertekstwal at pagkamalikhain. May araw din namang parang walang latoy ang dramahan. Ngunit napatunayan ng 17 linggong pananatiling tinatangkilik ng Aldub hindi lamang ang kontemporaneong bisa ng Teleserye; napatunayan din nito ang tibay ng genre ng noontime show, sa pamamagitan ng Eat Bulaga, na makasabay sa takbo ng panahon.
Subalit, ang totoo, hindi madaling makita ng maraming nasusuya at nagtataas ng kilat ang mga sinabi ko na, maging ang mga inilatag na patunay ni Dr. Reyes sa kaniyang artikulo noong isang linggo. Hindi madaling makita sapagkat mas pinipiling huwag makita. Hindi pa rin tayo makahulagpos sa mababang tingin natin sa mga tekstong tulad ng Kalyeseryeng Aldub at ng mga Teleserye sa pangkalahatan. Nang ipakilala ng Kagawaran ng Ingles ang kursong Philippine Teleserye Elective, pinagtaasan kami ng kilay ng marami sa social media at binansagan pa nga tayo sa Ateneo de Manila bilang kapritsoso sa paglalaan ng panahon sa halos walang kawawaang bagay tulad ng dramang pantelebisyon. Malaki talaga ang kinalaman ng panahon sa usaping ito, sapagkat maraming bahagi ng kultura ng pang-araw-araw ang madalas na ituring na karaniwan at hindi na kailangang pag-isipan pa. Noong isang araw, napakamot ako sa ulo nang mabasa ang isang letter to the editor mula sa Inquirer, kung saan nagrereklamo ang lumiham hinggil sa “lubhang kababawan” ng Aldub. Siyempre, narinig na natin ang mga ganito nang makailang ulit. Nabasa ko rin ito sa kung saan-saan nang ilungsad ang Philippine Teleserye Elective. Malalim na paratang ang kababawan sapagkat bukod sa matagal nang nagkaroon ng paglilinaw ang mga tagapagtaguyod ng Araling Pangkultura o Cultural Studies hinggil dito, nakapagtatakang babaw pa rin ang ating isyu sa kabila ng dami ng talakay na nahalukay ng pag-iibigang Alden at Yayadub. Binaybay na ng phenomenon ang usapin, mula sa tagumpay nito bilang isang brand sa merkado, hanggang sa pagiging panitikan nito, na tinupad nga ni Dr. Reyes noong isang linggo, at sinisikap tuparin ng inyong lingkod sa pagkakataong ito. May binabanggit si Michel Foucault hinggil sa transdiskursibilidad (transdiscursivity) ng mga teksto. Ang mahusay na teksto, sang-ayon sa basa ko kay Foucault, ay hindi lamang nakapapaslang ng awtor (na siya ngang nangyayari sa mga kasalukuyang Teleserye, na may mga “awtor” mang naka-byline ay talagang pinatatakbo ng makinarya ng produksiyon); nakapagtutulak din ito ng iba pang diskurso. Hindi na marahil pagmamalabis ang sabihing angkin ng Aldub ang transdiskursibilidad, hindi lamang dahil laman ito ng usapan, mulang palengke hanggang pulpito. Sa isperang madalas nating binabalingan, ang ispera ng talakayan, marami na itong nasabi, at marami pa ngang sinasabi, bukod sa natural na pagkiling natin sa mga pigura ng api at marhinal tulad ni Yaya Dub, ang kakatwang katulong, na noong una’y hinahadlangan ang kaligayahan at halos wala ngang tinig maliban sa kung ano ang ipatugtog para sa kaniya, na siya namang kaniyang ida-dub. Sa kawalang-tinig ni Yaya Dub, maraming mga naisatinig, tulad halimbawa ng kapangyarihan ng mga tagasunod ng Aldub, na hindi naman makatarungang bansagan na lamang na “bulag” na mga tagatangkilik ng nasabing sikat na textong telebiswal. Sa panahong nalalapit ang pambansangb halalan, wari bang pinasisilay sa ating lahat, lalo na marahil sa mga nagtataas ng kilay, ang potensiyal ng mistulang kilusang ito, na nakapagpapuno ng dambuhalang Philippine Arena matapos ng ilang oras ng paglalako ng tiket at nakapagpatrend sa phenomenon sa social media sa buong mundo. Laos na, para sa akin, ang pag-alipusta sa mga textong telebiswal tulad ng Teleserye, dahil binubuhay lamang nito ang tinalikdan na’t nilumang pagpapahalaga sa pag-uuri ng mga sining at kultura. At hindi tayo nangangatwiran sa paraang ad populum dito; ang sinasabi ko lamang, kung nakapagpapakilos nang ganito ang isang textong telebiswal, malaki ang potensiyal ng mga tulad ng Teleserye na makapagtulak ng maraming mithi o kabaguhan sa bayan nating sawi. Kapuri-puri, sa ganang akin ang “kilusang” inilungsad ng pagtatanghal ng “Tamang Panahon”: ninais nitong magtayo ng mga aklatan. Sabihin na nating pinakikilos pa rin ito ng kamay ng komersiyo, na nakauumay ding laging marinig, lalo sa bayang ito kung saan hindi magawang masugpo ang isa pang nagtetrending ngayon sa social media, bukod sa Aldub: ang tanim-bala sa mga airport. Isa sa mga epektong transdiskusibo ng Aldub ay ang paghuhunos nito bilang isang pagkilos para itaguyod ang edukasyon, bagay na bahagi ng malaon nang proyekto ng All for Juan, Juan for All na mangolekta ng mga plastik na bote para gawing silya sa mga paaralan. Sapat nang negosasyon sa para sa akin ang gayong mithiin, kahit kailangang kabakahin ang lintsak na kapital. Sa akin, higit na isang matalinong pagharap sa pagtatakda ng kapital ang gayong mga interbensiyon, kaysa isang lubos na pagpapalamon dito. May sariling etika ang ating telebiswal na konteksto na kailangang lubos na unawain, lalo’t madali itong problemahin sa paninging Kanluranin. Ang hirap kasi sa mga arkanghel ng media ethics, nakaliligtaan nila, o marahil ay hindi talaga nila nakikita, na likas sa midyang Filipino ang interbensiyon, ang matalik na ugnyana ng midya sa awdyens, lalo’t kinakabaka araw-araw ang pagkainutil ng mga institusyon ng estado. Oo naman, may masama itong epekto sa tao, lalo kung umaasa ka na lamang sa mabuting gulong ng palad. Kaya katanggap-tanggap din sa isang banda ang pagsasabing problematiko rin ang palagiang pag-asa sa suwerteng dala ng mga pakontes ng palabas na tulad ng Eat Bulaga, o mga reality show kung saan maaaring maging daan sa pag-ahon mula sa kahirapan ang pag-aartista.
Sa huli, kailangang maigiit ang ilang bagay. Likas na mapaglaro ang Aldub, parang pusóng, naghuhunos araw-araw, dala na rin ng inobatibong katangian ng mga magulang na genre nito na noontime show at Teleserye. Mahirap tuldukan ang hindi pa natatapos na pangungusap nito, at araw-araw na pangungusap sa taumbayan. Ang hula ng ilan sa amin sa Kagawaran ng Ingles, baka umabot pa ito ng Valentine’s Day. Marami pa sa hanay namin ang ngayon-ngayon pa lamang nakasusumpong sa birtud at kilig ng Teleseryeng aksidenteng sumulpot sa pusod ng noontime show, at hindi iilan ang hindi nakaiwas magulumihanan sa pangyayaring sinakop ng drama ang isang institusyonal na palabas na nakamihasnan nang may sarilng anyo at katangian. Sa yugtong pos-estruktural at posmoderno, madaling bigyang pakahulugan ang Aldub bilang isang imbensiyon ng kontemporaneong pag-aanyo ng kultura, kung saan kaibang-kaiba na ang mga danas ng panahon at espasyo. Iyan ang itinuturo sa atin ng romansang split-screen na masasabing pangunahing balakid sa pag-iibigan nina Richards at Yaya Dub. Ngunit sa mga yugto ring nabanggit, totoo, walang forever, at kayhirap makita nito. Papaano kasi, lahat ay nangyayari ngayon, sa kasalukuyan, at hindi agad-agad mapipiho ang bukas. Kaya rin, sa aking palagay, noong papasimula ang Kalyeserye, naging mahalagang bahagi ng karakterisasyon ni Lola Nidora, na tiyak namang sagisag ng luma, makalumang pahahon, ang nostalgia niya sa nakaraan. Hindi nga ba iniugnay pa niya ang kaniyang sarili kay Adolf Hitler? Nakakagitla, nakatatakot, lalo ngayong parang hinahangad ng taumbayan ang pagkakamit ng pamahalaang may kamay na bakal dahil na rin sa lubhang pagkabigo ng mga institusyon sa bansa. Iyon kaya ang subliminal na mensahe sa atin ng mga pagbabalik-tanaw ni Lola Nidora, ng paglitaw ng kaniyang mga retokadong larawan sa social media, na pangunahing plataporma ng pagsikat ng Kalyeserye? Mahirap talagang ilugar ang mga sinasabi ng phenomenon ng Aldub. Kaya talagang ipinagtataka ko ang palagiang paimbabaw na paghusga rito. Mahirap manatili sa nibel ng rabaw nito sapagkat puspos ito sa siste at parikala sa kaibuturan, may puso pang naghahangad ng paglilingkod sa panahong natatalikdan ng estado ang mga responsabilidad nito sa mamamayan. Siyempre, may politikal na ambiguwidad din naman ito, lalo’t kung isasaalang-alang ang mga kakatwang posisyon sa ispera publika ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III, na nananatiling ispektro ng palabas sa pagiging tanging monumento ng tagumpay ng Eat Bulaga sa larang ng politika. Matagal nang may politikal na kapital ang Eat Bulaga sa katauhan ni Sotto, na makailang ulit na pinulaan dahil sa kaniyang pangongopya ng teksto, maipagtanggol lamang ang kaniyang inaagiw na paninindigan hinggil sa Reproductive Health Law. Ganitong mga polaridad, ng paglingap sa mamamayan at pamomosisyon sa politika ang napanagumpayan ng Eat Bulaga sa higit tatlong dekada nitong pamamayagpag, bukod sa pagiging muog na hindi matibag-tibag sa oras nito ng pagpapaligaya. Papaano mang tanawin, isa lamang ang Aldub sa isang libo’t isang tuwang naihandog ng palabas, matapos nitong itawid ang genre ng noontime show mula sa lumang panahon ng Bagong Lipunan patungo sa bagong panahon ng mga milenyal. Tulad ng sa pamamayagpag at pagkamalaganap ng Teleserye, ang sa Aldub ng Eat Bulaga ngayon ay lohika rin ng rebolusyong dala ng Rebolusyong 1986 sa daigdig ng telebisyon sa Filipinas, kung saan makikita ang lakas ng taumbayan bilang isang pamayanan ng mga manonood. Lohika din ito ng paggigiit ng Teleserye sa kaniyang sarili bilang isang umiiral na kulturang Filipino na nakasumpong ng sarili nitong bait at kakanyahan. Napakaraming sinasabi ng Aldub hinggil sa kalakarang pangkultura at panlipunan na humihinging tunghan. Hindi na makasasapat ang pagtataas ng kilay o paghuhusga rito bilang “unmitigated kababawan” at “idiotization” na lamang ng masa. Hindi ba sila bahagi ng masang tinatawag nila, silang mga naunang pumukol sa hitik sa kahulugang phenomenon ng Aldub? Ang salitang “masa” naman, sa etimolohiko nitong pakahulugan ay ang kabuuan, bagaman sa matagal na panahon ay tumutukoy sa pangkatin ng mabababang uri. Kung mayroong ganitong uri ng texto na mapaglaro, nakalilinlang, at malikhain, kailangang sumabay tayong lahat at magtakda ng mga praktika ng pagbasang higit na magdudulot ng kritikal na pananaw sa tinaguriang “masa” na ito na sa ganang akin ay hindi mangmang, bagkus may angking ahensiya at tigib ng katalinuhan. Ang Aldub ay isang mataginting na handog na pagkakataon na makapagbahagi ang lahat, mulang kanto hanggang bulwagang akademiko, ng mga diskurso hinggil sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Mahalaga ang diskurso sa ano mang panahon dahil patunay ito na talaga ngang nag-iisip, napapaisip pa tayo. Ang kasalukuyan ang laging tamang panahon para rito.
2 responses to “Ang Sinasabi ng Aldub”
[…] A copy of the text of Louie Jon Sanchez’s talk may be read on his website: Ang Sinasabi ng Aldub. […]
LikeLike
ang ganda po.ang galing nung pag connect sa politics/estado ng ating lipunan sa ALDUB.
buti nabasa ko to sa subject naming Kulturang Popular
LikeLike