
Nabása ko ang iyong reaksiyon sa tulang “Valediction sa Hillcrest” ni Rolando S. Tinio, at nabasa ko rin ang reaksiyon ng ilang tao na bumasa sa iyong lumang-lumang tumblr entri (Agosto 11, 2011 ang petsa, sa kalagitnaan ng Buwan ng Wikang Pambansa). May ilang pumuna sa mistulang kamangmangan ng iyong palagay, at may ilang nagsabing masyado ka raw “purista” sa pagsasabing bakit hindi na lámang mag-Tagalog kung magta-Tagalog at mag-Ingles kung mag-i-Ingles. Ang higit na pumukaw sa akin sa iyong reaksiyon ay ang iyong pagtingin sa teksto bílang isang praktikal na diskurso—na sa ganang akin ay hindi naman mali. Nang pangatwiranan mo na kailangang maipaliwanag sa iyo ang “pros” at “cons” ng pagtuturo at “pagpapalaganap” (“promoted” ang paglalarawan mo) ng mga tulang tulad nito (at marahil, nagtataká ka nang sulatin ang entri kung tula nga ba talaga ang nabása), malinaw sa akin na may hinagap ka hinggil sa kalikasang komunikatibo ng wika. Para saan nga naman ba ang gayong pagpapalit-wika, o yaong tinatawag sa linggwistika na “code switching”? Napukaw din ako sa iyong sinasabi hinggil sa kawalan ng orihinalidad ng mga Filipino, na iyong iniuugnay sa “tisoy” (o mestizo, sakaling hindi mo rin alam) na pagsasawika ng “tula” na ito ng isang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan (sana ay nalaman mo na ito sa ngayon, kung hindi’y talagang kaysaklap). Oo, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan si Tinio, at hindi lámang sa Panitikan, kundi pati na rin sa Teatro, dahil sa kaniyang pagkababad sa dulaan at pagsasalin sa Filipino ng di iilang dulang pandaigdig. Isinalin niya ang ilan sa mahahalagang dula ni Shakespeare, at baká maging interesado kang hanapin ang ilan ditong nalathala na bílang aklat. Marahil, iniisip mo na ang pag-uumingles ng persona ni Tinio rito ay tanda ng ating matinding pananalig sa lubhang kagalingan ng lahat ng pamanang Amerikano, tulad ng wikang Ingles. Hindi iyon malayong isipin, lalo pa kung malalaman mong nag-aral din si Tinio sa America. May talim ang iyong paghinagap, at dapat lámang, wika nga, na ibigay din sa iyo ang baling sa bagay na ito. Ngunit bakit nga gayon ang iyong naging reaksiyon nang makaharap ang “tulang” ito? Bakit sinasabi nilang lisya ang iyong tinuran? Ang gusto kong sabihin sa mga nagbahagi ng iyong palagay sa Facebook, kung lisya man ang tinuran, hindi mo iyon kasalanan. Hindi ka dapat sisihin, sapagkat hindi ka naman nag-iisa sa gayong kalagayan. Oo, sablay ang iyong palagay—ngunit habang buháy naman ang tao ay laging may pag-asa. Hindi pa naman huli ang lahat. Magandang pag-isipan sa ngayon ang kung saan mo nakuha ang ganyang pananaw at kung ano ang maaaring magawa pa.
Nása paaralan kasi iyan, sa uri ng edukasyong pampanitikan. Patawarin mo kaming mga guro na marahil ay hindi ganap na nakapagpapakilala sa iyo ng kagandahan ng tula, at ng panitikan sa pangkabuuan. Marami kaming dahilan—marahil, marami rin sa amin ang biktima ng edukasyong pampanitikan na iyong nasagap sa paaralan. Marami rin sa amin ang walang panahong mag-aral na muli—bagay sanang makapagwawasto sa ano mang nasagap naming mali. Kitang-kita ang buktot at bulok na sistema ng edukasyong pampanitikan sa Filipinas sa tinuran mo: hindi narating ng iyong maganda sanang hinagap sa kalikasan ng wika ang isa pang nibel ng pakahulugang naroroon din sa mga salita. Sa simpleng paliwanag, ang narating lámang ng iyong pagbása ay ang nibel ng denotasyon ng totoo namang matulaing diskurso ng tula. Kaya hinahanap mo ang saysay ng paggamit ng ganitong “Taglish” na wika. Maganda ang tanong mo hinggil sa mistulang “matuwid” na paggamit ng wika. Mahabang paliwanagan ang kakailanganin hinggil sa usaping ito, subalit ito na lámang marahil: ang wika ay likas na dinamiko, kung kaya’t maaari niyang biglang-biglang ariin ang iba pang wika at diskursong nakapaligid sa kaniya. Na ang ibig sabihin ko lámang naman ay ito: naghuhunos, nagbabago ang wika, at hindi basta-basta maipipirmi, gustuhin man natin. Sa denotasyon-konotasyon pa lámang ng wika ng tula, makikita na nating gumagalaw, kahit ang kahulugan, ang nilalaman (at dapat mo ring malaman, sa ganang akin, na konotasyon ang nagpapatula sa tula). May anyo pang masasabi ang wika, kung kaya’t hindi rin uubra ang “purismo” na ipinukol sa iyo ng mga nakabása sa reaksiyon mo (kapag sinabing purismo, iyon ay iyong paniniwala na may dalisay na uri ng wika at paggamit ng wika; isang halimbawa niyan ay ang paniniwala na kailangang gamitin ang mismong mga dalumat sa wika bilang panumbas sa mga terminolohiyang banyaga). May pinanggagalingan ang iyong palagay, kung kaya’t hindi mo maaaring solohin ang sisi. Ang ganyang tinuran ay hubog ng isang edukasyong pampanitikan, maging pangwika, na nakaliligta sa tunay na kalikasan ng wika. Ang tula ay isang diskursong pangwika, at may mga sinusunod na kayarian upang masabing isa ngang tula. Ang sabi pa nga ng isang paham, nakabatay sa metapora ang tula, at dahil dito, nakalalagpas ang tula sa kaniyang literal o pantalastasang nibel. May higit pa sa naroroon sa tula, halimbawa sa makikitang pagta-Taglish ng persona ni Tinio, at mahirap kung tatasahin lámang ang kaniyang gawa bílang isang tuwirang pagsasabi, bílang isang paraan lámang ng pagsasabi. Dito ko nais igiit na tula nga ang iyong nabasa; may talinghaga sa likod ng pagpapalit-wika at iyon ang kailangang talagang mahagip. Ngunit hindi nga ba, kahit sa karaniwang usapan, may mga sinasabi tayo kahit sa mga hindi sinasabi? Hindi naman lahat ng paggamit ng wika ay pagtatalastas lámang ng gustong ipahatid. Hindi ganoon ang wika.
Ang totoo, lumang-luma na ang taguring “Taglish”, maging ang usapin hinggil sa kalikasan nito, at napakarami nang pag-aanyo ng Filipino sa mahabang panahon. Ang pagta-Taglish ni Tinio ay dala ng paghuhunos ng wika noong mga panahong lumabas ang tula (at kanino mo nga pala nalaman na si Tinio ang “ama ng Taglish”?; sa guro mo ba, o sa guro ng iyong pinsan na hindi itinurong mabuti ang tula?). 1965 nang lumitaw ang tula, matapos makabalik ni Tinio sa Filipinas matapos mag-aral sa America. Nagtuturo na siya noon sa Ateneo de Manila University, at bahagi siya noon ng isang “kilusang” pampanulaan sa pamantasan na naglalayong higit na pagaanin ang wika sa tula habang nakamalas sa katangian at kislap-diwa ng mga bagay-bagay. Sa paliwanag ng isa pang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan, si Virgilio S. Almario (na sana ay mabása mo rin), naglalaman ang tulang ito ng pagdadalawang-loob habang nagsesentimental sa pagbabalikbayan. Ani Almario, may mahabang tradisyon na tayo ng “pagsasalin-salin” ng mga kataga sa tula, tulad ng sa mga ladino noong panahon ng Espanyol, na nagtangkang itawid sa Tagalog at iba pang wika ang mga aral at panalanging Kristiyano. Dumako ang ganitong kagawian kay Tinio na hindi na lámang nag-aangkop ng kahulugan, bagkus nagtatanghal pa nga ng sinasabing “pagdadalawang-loob”: heto ang isang persona, matagal na namalagi sa America, at kailangan nang umuwi; napamahal na siya sa maraming bagay sa banyagang lugar ngunit dumating na ang panahon ng pagbabalik sa bayan. Ano ang kaniyang gagawin? Ano pa nga ba kundi ang mamaalam? Sa kaniyang pamamaalam, inilahad ang kamalayang malinaw naman ay “kolonisado” ng danas sa ibang bayan—bahagi na ng kaniyang pagkamalay sa wika ang wika ng banyagang bayan. Kung mamasdan mo ang pagsasawika ng tula, napakadulas ng pagpapalit-wika, walang pagkatisod at talagang umaakma sa bawat pagsasakataga. Magaan na magaan din ang ganitong estratehiya, hindi tulad ng wika ng mga tulang laganap noong panahon ng paglitaw ng tula. Maghanap ka ng Liwayway noon at tingnan mo kung papaanong talagang “napakapuro”, at napakalungkot din ng mga tulang lumalabas (alam mo ba ang Liwayway?). Malungkot din naman ang persona sa tula ni Tinio, ngunit kontrapunto ng gayong kalungkutan ang pagtatanghal sa mismong “katatawanan” sa kaniyang sentimentalism. Inuuyam mismo ng persona ang kaniyang sariling kalungkutan, at lalong yumayaman ang pakahulugan ng tula dahil dito. Ipinakikita niyang halos schizophrenic ang kamalayan nito, walang isahang kaakuhan. Lahat, sa paraang ilahas at madulas. Sa kadulasan ding iyan matatagpuan ang sinasabi ni Almario na “pagdadalawang-loob”, na sa ganang akin ay higit na pagkakalugar sa kawalang-lugar. Isang liminal na nilalang ang persona ni Tinio, paalis sa banyagang bayang napamahal na rin sa kaniya at kailangang bumalik sa bayang tinubuan, na hindi rin niya tiyak kung papaanong muling iaangkop sa kaniyang kamalayan at pagkatao. Hindi nga ba ganito ang nangyayari kapag masyado kang napalayo sa iyong bayan? Kilala mo ito ngunit hindi na rin talaga. Nagbabago ang mga bagay-bagay at maaaring maging banyaga rin ang ano mang daratnan. Bagay na bagay ang salitang “sentimental” bílang panlagom na dalumat sa tula. Itinanghal ng tula ang pagiging sentimental hindi sa pagbigkas ng lubhang kalungkutan at pangungulila sa lilisaning banyagang bayan; hindi rin ito ipinarinig gamit ang mabubunying papuri sa kung ano man ang daratnan sa bayang tinubuan. Ipinakita ng tula ang pagdadalawang-loob, ang pagiging liminal, sa wikang humuhubog sa kamalayan ng persona. Nagta-Tagalog at nag-i-Ingles. Nag-i-Ingles at nagta-Tagalog. Walang katiyakan sa pag-alis at pagdating, ngunit isang nilalang ang pinalitaw ng wika ng tula: isang personang pakapa-kapa sa dilim ng kaniyang sariling pamamaalam sa kabanyagaan, habang kumakaway sa kaniyang napipintong pagbabalik ang maparikala (ironic, parikala ang salita natin para sa tayutay na iyan) na kabanyagaan, kakatwaan ng bayang pinanggalingan. Kaysaklap, kaybigat na kalagayan na pinagagaan ng Taglish, na maaari’y wika ng mga nakaririwasa noon na babad din sa kolonyal na edukasyon (tandaang papasók na ang bansa noong 1965 sa matinding paghahanap ng pambansang kaakuhan).
Gayunpaman, natutuwa pa rin ako dahil sinipi mo ang tula ni Tinio, marahil dahil nais mo ring maliwanagan hinggil sa iyong reaksiyon. Dapat kang purihin doon, dahil pinahunan mong tipahin ang tula o maghanap ng kopya mula sa internet. Gusto kong isipin na may puwang sa puso mo ang panitikan, lalo sa pag-aalala mo hinggil sa “paglaganap” ng ganitong uri ng panulaan, at pag-iisip hinggil sa epekto ng pakana ng tula sa karaniwang paggamit ng wika. Ibig sabihin, kahit papaano, ay isa kang mambabasang Filipino na may pakialam sa mga babasahin. Ang problema ngayon ay talagang mahihirapan na kaming mga guro na paramihin pa ang iyong lipi. Batid mo naman siguro na sa kolehiyo ngayon, hindi na hinihingi ang pagtuturo ng Panitikan/Literature, Filipino at English, mga kursong makatutulong sana sa pagtutuwid ng mga maling nasagap mo mula sa hayskul na magpahanggang ngayon ay problemado pa rin ang kurikulum sa Wika at Panitikan, bukod pa sa makalilinang ng kritikal, makatao, at maka-Filipinong kamalayan. Sa ngayon, hindi ko alam kung saang akademikong pook pa matatalakay ang mga tulang tulad ng kay Tinio, na oo, maaari naman talagang talakayin sa paraang interdisiplinaryo, gaya ng mithi ng Department of Education at Commission on Higher Education, ngunit higit sanang mapayayaman kung mamalasin, unang-una bílang isang tekstong pampanitikan. Marahil ay narinig mo ang pagsasara ng maraming kagawaran ng panitikan o mga wika sa maraming pamantasan. Kahit pa sinasabing may naghihintay na hanapbuhay sa mga gurong mapagsasarhan ng kagawaran dahil sa pagbubukas naman ng mga senior high school, wala pa ring kasiguruhan ang kanilang kabuhayan. At tulad nila, nananatiling walang kasiguruhan ang edukasyong pampanitikan. Estado na rin ang nagtakda ng lugar ng panitikan at wika sa iskema ng mga bagay-bagay—wari’y wala raw pakinabang sa mga ito, lalo’t nagmimithi tayong umangat bílang isang ekonomiya. Sa sistema ng edukasyong nakabatay sa panunukat at istandard, mahirap talagang ilugar ang wika at panitikan. Ano nga bang kakayahang pantrabaho ang naidudulot ng pagkatuto sa pagbabasá ng tula? Magiging madali nga ba ang makakuha ng trabaho kung marunong kang magsiyasat ng operasyon ng talinghaga? Kung ako ang guro mo, pasado ka na sa akin dahil nakita mo kaagad ang kaibhan ng wikang ginamit ni Tinio sa tula at ng karaniwang wika. Ikatutuwa iyon ng mga Rusong Pormalista (mga kritiko ito mulang Russia na ang mithi ay patunayan ang pagkapanitikan ng panitikan), dahil, wiwikain nila, natagpuan mo ang pagsasakakatwa ng wika sa pakana ni Tinio. Ngunit kapag hindi ka nga maalam sa pagtasa sa diskurso, na sa ganang akin ay isang mahalagang kaalaman sa búhay, magiging walang saysay ang nakaharap na wika, ituturing na ingay lámang o pagsasakatagang banyaga.
At bakit mahalaga sa búhay ang kakayahang tumasa ng diskurso ng wika? Dahil ang mundo natin ay inaanyuan at binibigyang-saysay ng wika. Sabihin mang teknolohiya na ang nagpapatakbo sa daigdig, nakasalig pa rin ang lahat-lahat sa wika. Sasabihin ng mga tagapagsulong ng mga kakayahang pang-siglo 21, isa pang balangkas na hiram natin mula sa mga Americano para sa repormang K-12, na mahalaga ang pagkamalikhain sa daigdig na ito. Ngunit bakit isa sa unang tinanggal sa kurikulum ng kolehiyo ay ang panitikan? Nakaligtaan yata ng mga bumalangkas sa bagong sistema ng edukasyon na isang mahalagang ambag ng pag-aaral ng panitikan ay ang pagkamalikhain, lalo na, ang kakayahang magharaya. Ang danas pantao ay hindi laging maliwanag at busilak, kung kaya’t kailangang matuto ang tao na magharaya, na mag-asam ng kaniyang ikabubuti, ng kabutihan. Kung dumaraan ka sa sinasabing pagdadalawang-loob, tulad ng sa persona ni Tinio, maaari mong ikabaliw ang pagiging liminal, ang desorientasyon sa paglisan at pagbabalik. Ang sabi nga nila, hindi maaaring ensayuhin ang búhay, kaya mabuting bumaling sa Panitikan upang masaksihan ang mga posibilidad ng mga bagay-bagay. Babalik ako sa tinurang may higit pa sa nababása natin ang naroroon sa Panitikan, kung kaya’t mahalagang matuto ang lahat na tumaya ng diskurso ng wika, lalo pa ng wikang matalinghaga. Hindi maikukulong sa tuwirang pagsasabi at deretsahang komunikasyon ang Panitikan, at sakali mang makulong ito, isa itong bigong tangkang tukuyin ang mga posibilidad, ang mga maaari, sa ating búhay. Nananalig ang Panitikan na mayroong umiiral na higit pa sa naroroon sa teksto, kahit pa dumaraan ang daigdig sa patuloy na pagguwang sa mga kahulugan. Ang tula ni Tinio ay paghahanap ng kahulugan sa gitna ng isang naghuhunos na búhay, na lagi’t laging kailangang bigyang-saysay, saan mang lupalop makarating. Ang hiling ko, bílang guro ng Panitikan, ay huwag mawalan ng pagkakataon ang marami pang mag-aaral na maranasan ang buti ng birtud na ito ng gawain ng pagbabasa ng tula. Hiling ko rin na magkaroon sila ng kakayahang tumasa sa mga diskurso ng wika upang makasangkapan bílang isang masaklaw na kagamitan sa pakikipagtalastasan, pamamahayag, at pakikipagkapwa. Natuwa akong biglang masapol ngayon ang pakikipagkapwa dahil isa pang dulot ng Panitikan ang pagkakaroon ng hambal sa kapwa, ang maunawaan ang kanilang pananaw sa daigdig, ang matarok ang kanilang pinagmumulan habang itinatanghal ang mga sarili. Ang Panitikan naman kasi ay tungkol sa mga tao, at madalas, pagpasok sa kamalayan ng mga tao upang maunawaan ang kanilang motibasyon, pasikot-sikot ng isip, at pinakamalalalim na damdamin. Sa madaling salita, tinuturuan tayo ng Panitikan, at ng tula, lalo na, na makaramdam, kahit minamahid na táyo ng ating globalisadong panahon. Umibig ako sa tula sapagkat may matindi itong bisa na tutukan ang mga danas sa isang siksik na paraan. Gaya na lámang ng sa persona ni Tinio, na naghihinagpis sa kaniyang mag-isang lamentasyon na isa ring paraan upang pagtawanan ang sariling mga pagbabago, gayong simple lámang naman ang sitwasyon: kailangan na niyang umuwi, at hindi naman talaga niya tahanan ang America. Nakagawa si Tinio ng isang personang may split personality—isang Americanong-americano na ngunit sagad sa buto pa rin ang pagka-Filipino. Papaanong hindi mo iibigin ang personang ito, na batid na batid ang kaniyang kawalang-lugar? Ang hiling ko naman, para sa iyo, sana’y nagbabasá ka pa rin ng tula, at tumutuklas ng mga makatang Filipino, kahit malaki ang pagkukulang namin na nagpakilala sa iyo ng Panitikan. Hindi dahilan ang kakulangan upang tupdin ang sariling pagtuklas. Masyadong mayaman ang tula ni Tinio para saklawin ng tangka kong talakay dito, pero sana, nasimulan nito ang isang pagbabalik-aral para sa iyo, sa gayong paraan na napabalik-aral ako ng pagkakataong ito sa tulang ito ni Rolando Tinio, na isang makatang talagang minamahal ko.