Binubuklat ko ang Western Wind ni Nims habang kalmot
Ng alinsangan ang aking mukha. Nasa bandang simula
Ako ng aklat kung saan iginigiit ang ipakita; huwag sabihin
Ay biglang lumitaw sa harap ko ang binatilyong lango
Yata sa kung ano at inusisa ako, anong kuwento iyan ha,
Anong kuwento niyan? Salat ng gitla ko ang gaspang,
Di lámang ng kaniyang mukha, pati na ng nakasisindak
Niyang tapang. Mapilit siya, ano, ano, Wild Wild Western
ba iyan, at akmang hahablutin na ang libro kundi lámang
Nakalayo ako nang bahagya at nagsabing ano ka ba?
Mistulang nais magbakod pati balintataw ko habang dinig
Ang pabulong-bulong niya na nagpasyang lumayo na rin,
Pakunwang may ikinakasang baril sa pagsulyap ko, tutok
Sa akin ang daliri, at ang sabi’y bang, bang, babarilin kita,
Ano? Ha? Sabay kindat at karipas patungo sa hindi ko na
Alam. Patuloy ng libro, nang balikan ko, mabuti pang
Magsalaysay ng mga halimbawa ng matulain kaysa
Magkasya sa bahaw ng pakahulugan. Hindi ko tiyak
Kung ibig lámang bang ipamalas sa akin ng uniberso
Ang bagabag na maaaring magsakatawan, magpahamak,
Nakatayo ka man sa kanto, nag-aabang ng masasakyan.
Ang tula, kunsabagay, ay isa ring bagabag, nakamasid
Sa kislot ng imahen, at sa akmang sandali, sasaklutin
Ito upang sa mithing paghuhunos ay ganap na dahasin.
Dapat na bang mabuhay na saklot ng takot sa nakaabang?
Maaari’y baka nga parang búhay lámang ang pagbuklat
Ng teksbuk ng mga tula; nakaapak ka sa mga pagkamalay
Na dala ng turo hinggil sa tula, ng pahiwatig sa mga tula,
Maging sa bawat pagkagisíng sa daigdig na laging handa
Sa mga pangyanig na di mawaring huwad o tunay na banta.
Pebrero 24, 2016