Dalawang magkaibang konsepto ang nais kong iharap sa inyo ngayon—magkaiba sapagkat nagmumula sa magkakaibang pampang ng daigdig, bagaman sa isang banda ay kapwa binuo, dinalumat, at nagkaroon ng saysay dahil sa panonood ng mga Filipino ng mga soap opera, na tinatawag na nga natin ngayon na Teleserye. Malinaw na angkat at banyaga ang “Koreanovela” (pagsasanib ng “Korea”, ang pinamumuhatang bansa ng mga dramang paksa ng ating talakay, at “novela”, na tumutukoy naman sa pagiging de-serye ng salaysay), ngunit isa itong katawagan na ipinanukala at pinasikat ng GMA 7 nang ipakilala nila ang network bilang “Heart of Asia” sa pagpapalabas ng mga de-seryeng drama mulang Asya noong unang mga taon ng bagong milenyo. Bagong salita ito na buhat din sa “telenovela” (pagsasanib naman ng “tele” para sa telebisyon at “novela”), na tawag naman sa mga soap operang angkat mula sa America Latina, na ang pinakatampok ay ang Marimar, na noong 1996 ay yinanig ang brodkasting sa Filipinas, at nagtakda ng paglaganap at pag-unlad ng lokal na soap opera. Ngunit sadyang inangkop at inangkin na natin ito, hindi lamang dahil pinangalanan na natin ito, kundi dahil na rin patuloy natin itong tinatangkilik samantalang sa maraming panig ng daigdig, pinag-uusapan na ang kung mapaparam na ba ang bisa ng hallyu o ng Korean pop culture “wave”. Palibhasa siguro, isa tayong bansang tropiko’t hindi nilulubayan ng tag-araw, kaya tanggap natin ang mga wave wave na iyan. Sa kabilang banda, isa sigurong dahilan ng pananatili ng kasikatan sa bansa ng mga Koreanovela, at ng hallyu sa pangkabuuan, ay ang pagiging bahagi na ng mga Koreano ng ating lipunan. Sa loob ng halos 10 taon, hindi lamang sila dumayo sa iba’t ibang lupalop ng bansa, namuhuhan, o nag-asawa. Sa pamamagitan ng kanilang pangkulturang kapital—ng mga produktong hallyu, mulang mga Koreanovela hanggang boy o girl bands—matagumpay silang nakipagtalastasan sa atin, kahit anneonghaseyo lamang ang madalas na masambit natin na pambati sa kanila. Ano ngayon sa iyo, ang tunog nito, na isang tanong ng pagpapahalaga. Bakit nga ba mahalagang pag-usapan ang mga ito? Ang paksa ko ay ang Teleserye, ngunit napakiusapang magbigay ng pokus sa Koreanovela, at sa kung papaano nito inaanyuan ang ating pagtanggap sa romanse. Sa panahon ng mabababaw at malalalim na hugot ng kulturang popular ngayon, masasabi nating malaki ang naging ambag ng mga Koreanovela sa mga kasalukuyang pagkakaunawa natin sa samutsaring usaping maikakawing sa romanse. Araw-araw tayong sinasabik ng mga Teleserye habang parang hindi magkakatuluyan ang mga sinusundan nating loveteam. Humaharap sila sa maraming pagsubok, at maaaring pagdadalisay ang mga iyon ng kanilang pag-ibig sa isa’t isa. Ngunit hindi naman natin kailangang manghula pa nang manghula dahil alam naman natin ang kahihinatnan ng pagmamahal at debosyon sa isa’t isa ng mga magsing-irog. Kung babalikan natin ang tradisyonal na pampanitikang dalumat ng romanse, malalaman natin na ito iyong mga kuwento ng pag-ibig na may pagtatangi sa kadalisayan nito, higit sa sinasabing mga karnal na lunggati (carnal desires). Sa mga nobelang romanse, kailangang maitanghal ng kuwento ang mga ugnayang romantiko at magwakas ang salaysay sa ligaya. Kung sasangguniin, halimbawa, ang Romance Writers of America, na nagmamalaking sila ang “Voice of Romance Writers” sa Estados Unidos, dalawang bagay lamang ang dapat isaalang-alang hinggil sa romanse: “a central love story and an emotionally satisfying ending.” Romanse, noon at ngayon, ang humuhubog sa mga soap opera, kung kaya’t hindi na dapat pagtakhan ang mga padron o estereotipikong moda na nakatanim sa mga ito. Ito ang mabuting paliwanag sa ilan sa ating daíng nang daíng hinggil sa pagiging gasgas ng mga istorya ng Teleserye. Dahil sa ekonomikong kahingiang nakatanim noon pa man sa romanse (kailangan nitong lumaganap at kumita para sa naglaan ng kapital), kailangang maging pamilyar ng salaysay nito. At higit sa lahat, nakapagdudulot ng aliw dahil dinadala ang mambabasa—ang manonood ngayon—sa langit-langitan ng pag-ibig.
Batay sa kolektibong danas ng panonood ng mga Koreanovela, tulad natin ang mga Koreano na masikhay na naisalin ang mga ideya, at ideyal ng romanse sa mga soap opera. Ito marahil ang isang pangkulturang tagpuan na dapat nating titigan sa pag-unawa, hindi lamang sa phenomenon ng Koreanovela sa Filipinas, kundi pati na rin sa mga Teleserye. Sa proseso ng pagsasalin—sa pamamagitan ng pagpili sa mga Koreanovela, hanggang sa pag-aangkat, hanggang sa dubbing o Tagalisasyon—nag-uugnay, nagsasanib ang mga kultura ng Korea at Filipinas dahil sa malaong pagkahumaling sa romanse. Isa itong henerikong katangian (generic quality) na madalas nadadaan-daanan lamang sa usapin ng pagtanggap (reception) ng mga Filipino sa Koreanovela, batay na rin sa tangka kong pagsinop sa mga nagawang pag-aaral hinggil sa phenomonon na nabanggit. Laging sinasabi na kapwa naaantig ang mga Filipino at Koreano ng mga kuwento ng pag-ibig, paglalakbay, at pag-asa, kung kaya’t hindi na dapat ipagtakang mahalin din natin ang mga Koreanovela, gaya ng minsang marubdob at makasaysayang pagmamahal natin sa mga telenovela mulang America Latina. Nabanggit nang parehong may kasaysayan ng pananakop ang Filipinas at Korea, bagay na nagdala ng maraming banyaga o hiram na kultura sa kanilang kagawian (gayundin ang buong America Latina, na tulad natin ay sinakop at binusabos ng imperyong Espanyol). Sa pinagsasaluhang kasaysayang ito maaaring iugat ang pagpasok ng romanse bilang moda o estilo ng pagsasalaysay, na tiyak namang nagsimula sa mga panitikang pasulat, na naisalin sa mga popular na palathalaan, at di naglaon, sa mga drama sa radyo, at sa huli, sa pelikula at telebisyon. Magandang pag-aralan ang kasaysayan ng paglatag ng romanse sa Korea, at marahil, sa mga susunod na panahon ay tutupdin ko iyon, sa ngalan ng metodo ng paghahambing (comparative method) na isang mahalagang pananaw lalo’t ang mga soap opera ngayon ay hindi na lamang soap operang lokal kundi mga soap operang global (hindi nga ba naglalako na rin tayo ng mga teleserye sa ibang bansa, at nakapukaw na ng manonood?; higit na makauugnay tayo sa ibang kultura kung magagamit natin ang metodo ng paghahambing, na noon pa ma’y ginagawa na sa larang ng panitikan, sa ngalan ng pagbulatlat sa mga tinatawag na “world literature”). Ngunit sa ngayon, masisipat natin sa maraming paliwanag, halimbawa, sa pagkakasaysayan ni Clodualdo del Mundo Jr. sa telebisyon, at ni Elizabeth Enriquez sa radyo, na tiyak na nanalaytay ang romanse sa mga ugat ng mga binanggit kong mga midyum, dahil na rin sa buháy na mga tradisyon ng salaysay sa Filipinas, at sa mga manunulat na tinalunton ang mga midyum na ito sa kanilang paghahanap-buhay. Isang tampok na halimbawa rito ang manunulat na si Lina Flor, na inilarawang minsan ni Soledad Reyes na hindi nahirapan sa paglipat mulang pagsulat ng katha patungo sa pagsulat ng mga soap opera sa radyo noong Dekada 50. Madaling ismiran ang mga tulad ni Flor—isa sa mga utak ng dakilang soap operang Gulong ng Palad—dahil na rin, wika nga ni Reyes, bahagi siya ng komersiyal na tradisyon ng panitikang Filipino na malaong sakmal ng New American Criticism, at dahil nga roon ay higit na nagpapahalaga sa mga akdang may artistikong katangian at mga manunulat na may artistikong mithiin. Salamat na lamang kay Reyes at nailigtas si Flor mula sa matagal at di makatwirang pagkakasantabi sa panitikang Tagalog, na sa ganang akin ay nagligtas din sa genre ng soap opera sa pangkalahatan, mula sa pagiging isang “lightweight” entertainment without enduring (artistic) qualities.” Dahil sa edukasyong Americanisado at may pagkiling sa ano mang panitikang nasusulat sa wikang Ingles, minaliit ang mga tulad ni Flor, sampu ng lahat ng mga panitikang popular na tubog sa tradisyon at moda ng romanse, na itinuring na makaluma at ang masama pa, ideolohiko’t naglalako lamang ng mga lisyang kamalayang nagpapalimot sa mamamayan sa kanilang kalagayang panlipunan. Na totoo naman, kung tutuusin. (Salamat din kay Reyes dahil nagkaroon ako ng dahilan na ipaliwanag, sa kritikal na ispera, ang sarili kong pagkahumaling at pagtangkalik sa mga soap opera.) Sa pagninilay na ito, muli kong binabasa ang K-Drama: A New TV Genre with Global Appeal ng Korean Culture and Information Service, at nagkakaroon ako ng hinalang marami pang pagkakatulad ang naging kasaysayan ng paglatag ng romanse sa Filipinas at Korea, kung uungakatin ang naging lugar nito sa pag-unlad ng mga popular na panitikan ng huli, na nagluwal nga sa mga tinatawag nating Koreanovela ngayon. Ngunit sa ngayon, isa ang hindi na natin pagtatalunan pa: kapwa sumasalok sa batis ng romanse ang mga soap opera ng Korea at Filipinas, at isa iyon sa mga dahilan ng ating naging madaling pagtangkilik sa mga Koreanovela. May iisang wika ang mga soap opera natin na nakapagpapatibok ng ating puso at nangungusap sa ating malay, kahit may harang ng wika at kultura, na madaling natatawid ng pagsasalin at dubbing. Sa sistema at gramatika ng romanse, nagkakaintindihan ang bawat kultura.
Ngunit hindi ko maaaring iwan na lamang ang isa pang termino na sinasabi ko ngang nasa kabilang pampang ng talakay na ito: ang kilig, na madalas nating nararamdaman sa panonood ng mga Koreanovela, at kahit ng ating mga Teleserye. Ito ang damdaming nararanasan natin kapag naglalambingan ang mga bidang magsing-irog, Filipino man sila o Koreano. Sa UP DIksiyonaryong Filipino, isa itong pangngalan at tumutukoy sa “panginginig ng katawan na tila nalalamigan o para itaktak ang tubog pagkatapos maligo.” Maganda ang halimbawang pangungusap na naibigay ng isa pang diksiyonaryo, ang Diksiyonaryong Adarna para sa salita: “Kinikilig ang dalaga tuwing dumaraan ang sinta.” Sa tanyag namang Tagalog-English Dictionary ni Fr. Leo English, heto ang masaklaw na pagpapakahulugan: “shudder; tremble; shiver.” Samantalang may kinalaman nga ang salita sa pagkatakot, pagkasindak, batay sa halimbawang pangungusap ni English na “Kinilig si Maria nang makita niya ang ahas”; o pangingilabot naman, sa halimbawang “Hindi pa naalis ang kanyang pangingilig sapagka’t mataas pa ang lagnat”; malinaw namang tinutukoy din nito ang “a thrill of emotion or excitement; a shivering, exciting feeling.” Ang mga pakahulugang ito, lalo na ang kay English, ang nagpapatibay sa isang nauna kong panukala hinggil sa kilig, nang minsan ko itong ipaliwanag kaugnay ng kamakailang sumikat na teleseryeng Be Careful With My Heart. Ang sabi ko roon:
A way to deepen this notion of being entertained is to look at the affect of aliw, particularly in watching the likes of Be Careful With My Heart: kilig, that electrifying, loving feeling, but in itself a term that is pretty much untranslatable because it speaks of a sustained almost electrical bliss in moments of oneness. When we watch (the teleserye’s protagonists) Maya and Sir Chief catching each others’ gazes, there is that automatic energy that transfers the image’s ideas of the unsaid and the kept to our cultural sense making. The energy shows so much of our romantic ideals as a culture: a love bridged despite differences of age, class, and geographic location, a love that is possible. Maya and Sir Chief are worlds apart, but serendipity had its way in bringing them together, in one house, in one family, in one story. Kilig is a popular cultural energy that empowers hopes and dreams. To feel kilig is to once more feel alive despite the different forms of sadness in this republic.
Ipinaliwanag kong enerhiya, lakas ang kilig, isang epekto sa may katawan, sa manonood, habang nakasasaksi ng nakakakilig. Ano mang kaniyang napapanood ay nagiging impetus, bumubuo ng bugso ng damdamin na magpapaigting sa karanasan ng panonood. Enerhiya itong nagmumula sa imaheng nasasaksihan; enerhiya rin itong binubuo ng lengguwahe ng romanse, na kahit sa mga Koreanovela ay pumupukaw sa atin. Sa katawan nagsisimula ang lahat, sa ano mang nakakatok sa loob ng tao ng eksena o kuwentong nagpapamalas ng kuwento ng pag-ibig o pagtatagumpay sa kabila ng mga pagsubok. Gumuguhit ang epekto nito, marahil, sa ating gulugod hanggang mabigyan ng tanda ang utak na nagkaroon na nga ang danas ng aliw. Kapag nangyari na ito, marahil ay sisinupin pa ng isip ang kung ano nga ba ang naganap. Bakit may kakaibang enerhiyang umakyat sa katawan, at nagdulot ng isang kakatwa’t katakatakang pakiramdam. Ngunit sasabihin marahil ng isip na hindi na dapat magtaka sapagkat ang nasaksihan ay makailang-ulit nang namalas. Ang moda ay lalaging pamilyar, at kahit ang pamilyaridad dito ay nakaaaliw sapagkat hinuhulaan pa rin natin ang magaganap sa salaysay na paulit-ulit nang napanood. Ipagugunita marahil ang kauna-unahang pagkakataon na naranasan, nasaksihan ang nakakikilig, at mayroon itong nakalulugod na pakiramdam. Nagmumunakala lamang ako sa proseso ng pagtakbo ng enerhiya mula sa nakakikilig na imahen o eksena, ngunit, tiyak kong ganitong pakiramdam din—ganitong dating din—ang nahinagap ng marami, halimbawa sa karaniwang masuyong pagpapasan ng mga lalaki sa kanilang kasintahan sa mga Koreanovela. Iba ang kahulugan sa atin ng pagpapapasan sapagkat tinatawag nito ang sakripisyong inihandog ng Kristo sa Pasyon, na larawan ng laksang kahirapan ng sambayanan. Ngunit pagdating sa espasyong Koreano, nagiging kakilig-kilig ito sapagkat kung babasahin, nagiging tanda ito ng ganap na pagtalima sa kahinaan at pagsuko ng minamahal. Pinapasan ng nagmamahal ang irog sapagkat naubusan na ng lakas sa pagpapatuloy ng paglakad—na masasabing sagisag din ng paglakad para sa relasyong hinaharangan ng iba’t ibang uri ng sibat: halimbawa, mga humahadlang na biyenang hilaw, isang kaagaw, o ang mismong palad na madalas naghaharap ng sari-saring kamalasan. May wika ring masasabi ang kilig na nasa larang ng pagtanggap. Sa pamamagitan ng kilig, na natatanging katutubong paliwanag natin hinggil sa mga danas ng pagkalugod sa mga katuparang romantiko, natatawid natin ang mga pagitang pangkultura at pangwikang balakid sana sa bawat panonood ng mga Koreanovela. At iyon sa palagay ko, ay isang emotionally satisfying ending.