
Laging isang makapangyarihang drama ang halalan sapagkat nagiging tagpuan ito ng pagtatanghal ng katauhan, hindi lámang ng mga tumatakbo, kundi pati na rin ng mga naghahalal. Makabuluhang balikan ang etimolohiya ng drama upang higit na namnamin ang pakahulugan ko rito. Kung sinasabing ang “drama” ay mula sa Griyegong “dran”, na may pakahulugang “to do” o “gumawa”, at may mga ka-pakahulugan itong “act, perform”, “gumanap, magtanghal”, higit na yumayaman ito kapag nadadawit sa laging magulo at magalaw na usapin ng halalan. Gumaganap ang mga tumatakbo ng iba’t ibang papel, nagsasatao hindi lámang ng kanilang mga sariling bisyon para sa bayan kundi pati na rin ng mga pagpapahalagang nais nilang maibigan sa kanila ng madlang botante. Gumaganap din ang naghahalal: sa una’y lumilitaw na siya ang pinaglilingkuran at pinapangakuan ng napakaraming kabaguhan, pati na ang langit, ang buwan, at mga bituin. Habang nakikilahok siya sa proseso ng pakikinig sa plataporma, pakikipagpalitan ng pananaw, o pakikipagbangayan kung kailangan, gumaganap din siyang nagsasakatawan ng mga pagpapahalaga ng kaniyang napupusuang kandidato. Ang sabi minsan ni Roland Barthes hinggil sa mga larawang elektoral, mistulang ibinebenta ng kandidato ang lahat-lahat ng mga pagpapahalaga ng madla sa botanteng “bumabaling” sa kaniyang larawan. Sinasalamin ng kandidato ang mismong botante, at ipinakikita sa kaniya ang lahat ng kaniyang mithiin habang “isinasatao” ang mga ito, gamit ang mga larawan sa poster na naglalaman ng mga tinawag ni Barthes na “mito”, o mga argumento hinggil sa katauhan ng mga kandidato bílang pigurang politikal. Ang mga pagganap na ito ay ginagawa ng kandidato at botante sa ugnayang mistulang romantiko, kung kaya talagang umaangkop ang salitang “lígaw”, “panlilígaw” sa diskurso ng kampanya.
Kung sasamain, maaaring iligáw ng kandidato ang kaniyang mga botante sa lisyang pasya. Ngunit talagang romanseng palagian ang halalan: may hinahangaan dahil sa angking kisig ng mga pangako, may kinauumayan dahil napaglumaan ang plataporma, may talagang kinababaliwan dahil may asta ng kabaguhan. Isang drama ang halalan sapagkat hindi lámang ito isang pagganap sa proseso ng inaaruga’t pinoprotektahang demokrasya; isa rin itong drama ng pag-iibigan, na madalas, sa kasaysayan ng Filipinas, ay nauuwi sa masalimuot na hiwalayan. Masdan na lámang ang romanse natin kay Benigno Simeon Aquino III, na pababa na sa puwesto sa mga susunod na araw, na noong 2010 ay halos idambana ng marami sapagkat táyo raw ang kaniyang mga boss at dadalhin daw niya táyo sa tuwid na landas. Ang problema lámang sa ganitong politikal na drama ay parang may mga pag-uulit nang baka maipagkibit-balikat na naman. Pagbabago ang palagiang tema, ngunit bakit mistulang bigong-bigo lagi ang lahat? At, heto, heto na naman ang isang nagsasabi na “change is coming”, paparating na ang pagbabago, na binili naman ng marami, sang-ayon sa mga sarbey, at nagsasabing mas gusto ng tao ngayon ang “matapang na solusyon, mabilis na aksiyon”, kaysa sa tumuwad nang “tuwid na daan”. Saan kaya hahantong ang tagpong ito, wika nga sa ating mga teleserye, dahil tapos na ang palabas at kailangang mag-abang búkas.
Makailang-ulit nang ipinanood sa atin ng mga teleserye ang halalan, at marami ring palagiang imahen at temang lumilitaw. Romanse rin ang halalan sa mga teleserye, bagaman madalas natatabunan ng romanse ng mga tauhan. Ngunit buháy sa mga pagtatanghal ang lagi’t laging namamalas: ang makulay na pangangampanya at pagsuyo sa mga botante, mabulaklak na pananalita’t mga pangako, tagisan ng mga pamilyang naglalaban upang makamtan ang hinahangad na puwesto sa pamahalaan. Ganitong kuwento ng halalan ang itinampok ng muling paglalahad ng Pangako Sa ‘Yo kamakailan, kung saan muling tumakbo at natalo ang karakter na Gob. Eduardo Buenavista (Ian Veneracion) sa kaniyang probinsiya ng Punta Verde. Binakbak ng kalaban ang kaniyang reputasyon gamit ang kung ano-anong paninira: pangangaliwa sa kaniyang asawa dahil sa muling pagsibol ng kanilang pag-iibigan ng bidang si Amor Powers (Jody Santamaria), at sa huli, ang paglabas ng mga bidyong lihim na kuha ng isang pribadong imbestigador na minamanmanan siya nang mga panahong mahilig pa siyang mambabae. Natalo si Gob dahil sa eskandalo. At lalong nadikdik sapagkat nabunyag ang mga ilegal na gawain ng kaniyang asawang si Madame Claudia Buenavista (Angelica Panganiban). May miting de abanse ang postura at nakabarong na gobernador, may sumasayaw ding babae sa entablado para sa ikaaaliw ng manonood, at may eksenang nagkagulatan sina Amor Powers at Claudia Buenavista dahil umakyat sa entablado’t nagkalituhan nang sabay na maipakilalang “asawa” ng gobernador. Ngunit ang mga botante ay hindi gaanong kinukunan, at pa-sinekdokeng napapanood lámang na nagpapalakpakan, sumisigaw, o nagbubulungan. Subalit kahit ganito, sila pa rin ang nagpasya sa kinabukasan ng kathang bayan ng Punta Verde: natalo nga si Gob, na larawan pa naman ng kalinisan, pagiging matuwid at malasakit, at nakulong dahil sa kapipirma ng mga kontratang ipinipilit sa kaniya ng asawa. Tuluyang nawala sa politika ang lalaking bida dahil sa tumabang, pumait na romanseng politikal.
Malinaw sa teleserye ang kapangyarihan ng madla na magtakda ng katapusan para sa kanilang mga politiko. May mga pagpapahalagang kailangang mapanatili, kung hindi’y tiyak na sasapitin ang trahedya. Ayaw ng mga tao sa inmoralidad, wika ng Pangako Sa ‘Yo, dahil bumaba ang ratings ni Gob. nang kumalat ang tsismis at maipalabas ang bidyo. Sa personal na nibel, interesante ito, sapagkat mistulang isa itong sapin ng katauhang batid na kailangang kilatisin. Sa nibel na politikal, na isa kaugnay na sapin, napag-alaman sa huli na nagpagamit si Gob sa tiwali niyang asawa, na ang mithi lámang ay magkamal ng salapi para sa kaniyang angkan at imperyo sa negosyo. Hindi lámang dinastiyang politikal ang pamilya Buenavista; oligarko pang maituturing dahil nagmamay-ari ng malalaking mall sa lokalidad. Sa panahong ipinakukulong ang tulad ni Janet Lim Napoles, tamang-tamang katarsis ang pagpapakulong kay Eduardo Buenavista. Napapangarap, nakakatha sa teleserye na mapagbabayad ang mga tiwali, bagay na para bang kaylayo sa pamahalaang nagnanasang maging matuwid, ngunit parang hinaharangan ng sibat upang matupad ito sa lahat ng dako. Mabuti ito para sa karakter na si Eduardo Buenavista, na napilitan lámang naman na tumakbo upang maipagpatuloy ang paghahari ng politikal na pamilya ni Madame Claudia. Sa edisyong ito ng Pangako Sa ‘Yo, pangarap ni Madame Claudia na maipanalo si Gob sa Senado, bagay na lagi nilang pinagtatalunan sa kabuuan ng teleserye. May pihit-Imelda Marcos si Madame Claudia at pinapangarap na marating ang Malacañang pagdating ng panahon. Malinaw naman marahil sa kaniyang pangalan.
Malinaw na naipasalamin ng teleserye ang lagay pampolitika ng bansa habang naghahanda ito para sa halalang nakatakdang maganap. At kahit napakatahimik ng pagkakalarawan sa madlang sinusuyo sa botohan, at parang wala naman silang reklamo sa kanilang kalagayan, minumulto ang halalan sa teleserye, hindi lámang ng inmoralidad at katiwalian, kundi pati ng mga trahedyang tulad ng pagguho ng minahan, na siyang magiging dahilan ng pagkakawalay ni Amor sa kaniyang anak na si Yna, ng malawakang tagisan ng mga uri na pilit na pinalalabnaw ng romanse nina Amor at Eduardo, at ng ekonomikong pagkaganid, na puno’t dulo ng mga giriang magaganap at ng masasabing malawakang kawalan ng pagkakapantay-pantay sa lipunan ng teleserye. Oo, nasa pusod ng teleserye ang ekonomikong katungkulan nito na kumita, at kailangang ibenta ng drama ang romanseng nagpapaigting sa ilusyon ng mobilidad (lalo sa katauhan ng probinsiyanang si Amor, na nagkamit ng salapi at kapangyarihan matapos ng laksang paghihirap at pagkakaapi; ito ang nagdudulot ng pagkamakahulugan sa kaniyang bagong banyagang apelyidong “Powers”). Ngunit mistulang hinahayaan din nitong umiral ang diyalektikang dulot ng mga kairalang panlipunan upang patuloy na magmulto sa málay ng manonood, na siyang bubuo sa mga botante ng paparating na halalan.
Nakapaghahandog ito, kung gayon, ng pagkamalay sa manonood, bagaman mahirap mapatunayan sa ngayon kung may kinalaman ito sa umalab na gálit ng mamamayan sa mga nasaksihang lubhang katiwalian, kawalang-tugon sa maliliit at malalaking suliraning pambayan, at lalong paglubha ng kahirapang parang hindi sumasabay sa ano mang pagtaas ng mga bílang sa mga pagtatasang pang-ekonomiya. Bílang mag-aaral ng teleserye, parang gusto kong isiping may kontribusyon ito. Isa lámang talaga ang tumatak sa akin sa paggunita kong ito: trapik ang dahilan kung bakit halos hindi magtagpo sina Amor at Eduardo. Trapik sa lupalop na iyon ng Punta Verde, na maaaring paglalarawan nga ng abang lupalop ng Metro Manila, na umaapaw sa mga dayong taga-probinsiya at halos hindi na makahinga sa polusyon at kasikipan. Ay, urbanidad! Ngunit parang probinsiya ang Punta Verde, kaya hindi ko rin maintindihan ang kombinasyong iyon na tinupad ng teleserye para sa kaniyang tagpuan. Labas ito sa kategorya ng sentro at laylayang batid na natin at sinisikap na baguhin. Subalit iyon nga ang hindi naman talaga tinatalakay ng mga halalan sa teleserye: ang pagbabago. Marahil sapagkat tama nga ang mga kritiko ng genre: paulit-ulit lámang naman ang lahat sa teleserye.
Kahit sa bagong edisyong ito ng Pangako Sa ‘Yo, pareho pa rin naman ang mga naging pangako ng mga politiko. Walang ipinagiba sa mga nauna at nakamihasang padron ng pagsasalaysay. Wala talagang nagbago, 15 taon matapos ang unang produksiyon ng Pangako Sa ‘Yo, na siyang unang nagpakilala ng konsepto ng teleserye sa bansa. Naririto pa ring bumabagabag sa mamamayan ang kawalan ng lupang masasaka sa kabila ng Comprehensive Agrarian Reform Program (nagbukas ang unang Pangako Sa ‘Yo sa pagkilos ng mga magbubukid ng Hacienda Buenavista laban sa hindi makataong palakad ng pamilya); naririto pa rin ang hindi matugonang problema sa basura (tampok din sa unang Pangako Sa ‘Yo ang pagguho ng isang dumpsite, isang pagpaparunggit sa trahedya ng Payatas sa Lungsod Quezon, kung saan di iilan ang namatay); naririto pa rin ang pagmamangmang sa mga botante na ang akala ay madadala sa pasayaw-sayaw at pakanta-kanta ng mga kandidato. Pinanonood ko ang ilang sipi ng naunang Pangako Sa ‘Yo at buháy na buháy ang kulturang piyesta sa tampok na halalan. Pinalilimot ang mga botante sa kanilang laksang kahirapan. Parang teleserye na kinauumayan ng maraming palaisip sapagkat talaga ngang sa una’t huli ay opyo lámang para makatakas sa mga pagkakadusta. Lalo sa panahon ng ABS-CBN TV Plus na madaling maikabit sa mga bus o FX habang usad-pagong ang biyahe sa Edsa.
Nasabi na nang makailang beses na baka nga ito ring kawalan ng pagbabago—o pag-iwas sa bagong landasin ng mga salaysay—ang siyang sarili nitong kritika. May dulot nang epekto ng pamumuna sa sarili ang mga pag-uulit, na siyang dapat makita rin sana natin sa kasaysayan. Ang pagbabago ay nangyayari kapag natutuklasan ng sarili, ng may málay, na nadaanan na niya ang muhon sa landas at siya ay mistulang namamatiyanak. Naliligáw. Takót ang produksiyon na lumayo sa mga hulmahan sapagkat kakarampot ang iniisip na kabatiran ng madlang manonood. Iyan ang pahiwatig ni Theodor Adorno noon pa man, habang nililibak niya ang kulturang popular. Ngunit ang mga pag-uulit na ito ay nagtatanong ding: hindi ka ba nagsasawa? Nakita mo na itong romanseng ito noon pa. Nalígawan ka na’t nailigáw. Dapat sumilay sa kaisipan ng nanonood ang pagnanasang malaman kung papaanong makahuhulagpos, kung papaanong maipipihit ang padron. Ganitong pakikipaglaro ang dapat na gawin ng manonood, ng naliliwanagang manonood, sa isang sistemang pinatatakbo ng sinasabi ng nangungunang iskolar ng soap opera na si Robert Allen na “economic imperative”. Ganitong pakikipaglaro—at maaari pa, pagtataya—ang kaniyang dapat gawin sa kaniyang sariling kasaysayan. Minsan na akong tinanong kung may kakayahan ba ang teleserye na mapagbago ang kamalayan ng manonood nito. Ang tugon ko siyempre ay oo. Ngunit kailangang munang makita ang salaminang ito ng mga pakikipaglaro sa dalumat ng pagbabago, lalo’t ulit-ulit ding inilalarawan ang halalan bílang drama ng paulit-ulit na mga romanse. Kailangang lagpasan ng panonood ang aliw at maging kasangkapan ang aliw ng pagkamálay sa indibidwal at kolektibong palad. Kailangang matutuhan ang panonood na may kakayahang maituro ang sinasalaming suliraning panlipunan at mahanapan ito ng lunas. Patuloy mang igiit na walang katuturan ang mga isteryotipo, padron ng banghay, at pagbaling sa romanse ng teleserye, naniniwala ako na sa mga sangandaan ng kasaysayang katulad ng Halalan 2016, ang mga pag-uulit ay pagunita sa makatwirang paghahangad sa, at posibilidad ng pagbabago. Naipakulong na nga natin si Janet Lim Napoles, hindi nga ba? Sino pa kaya ang maisusunod natin?
Gusto kong balikan ngayon ang tema ng pagtataksil na una kong binukasan kanina. Paulit-ulit din itong lumilitaw sa iba’t ibang kontekstong dramatiko, at siya ngang isa sa mabigat na dahilan ng pagbagsak ng mga Buenavista sa halalan sa teleserye. Malinaw sa halagahan na masamâ ang magtaksil, lalo sa iyong asawa, na pinakasalan sa simbahan at pinangakuan ng habampanahong pag-ibig. Sa mga Griyego, trahedya lámang ang naidudulot ng mga napapakong pangako. Ngunit ang habambapanahong pag-ibig naman talaga ni Eduardo ay si Amor, at kung hindi nga lámang sa kahirapan ng babae ay wala naman dapat na magiging kaso ang pagmamahalan. Naging totoo si Eduardo sa kaniyang damdamin, at nang magkaroon ng pagkakataon ay binalikan at pinakasalan si Amor. Nangyari iyan sa parehong bersiyon ng Pangako Sa ‘Yo. Ngunit hindi kaagad liligaya ang mapagmahal na Amor. Nariyang lalamunin siya ng kaniyang poot sa pagtataksil sa kaniya ni Eduardo at pang-aapi sa kaniya ng pamilya ng minamahal. Naririyang magtatagumpay siya sa paghihiganti at hahalakhakan ang pagbagsak ng tanging lalaking pinag-alayan niya ng kaniyang sarili. Naririyang handa na siyang magsimulang muli kasama si Eduardo, ngunit biglang babangon mula sa hukay si Madame Claudia upang gambalain ang kanilang romanse. Ano nga ba ang nagpapanatili sa kaniya na umibig, na patuloy na umibig, sa kabila ng kayraming pagtataksil na nakamit mula kay Eduardo, at mula sa búhay sa pangkalahatan? Tinatanong ko ito sapagkat ito rin ang mabuting itanong sa atin habang nagtatayang muli ang lahat para sa kinabukasan ng bansa. Hindi ba pasông-pasô na tayo sa maraming nangako ng pagbabago? Hindi ba pasông-pasô na tayo sa mga pangako ng katapatan? Napako na ang kayraming pangako sa kasaysayan ay naririto pa rin tayo, handang ilaban ng patayan ang pinaniniwalaang paninindigan para sa kandidato. Binabása kong muli ang halalan sa dalawang Pangako Sa ‘Yo ay lumilitaw nang paulit-ulit ang pangako ng mga pagtataya.
Nasa pagtataya, nasa pagsusugal ng lahat ang kahihinatnan ng palad, at para sa teleserye, palad ng tao ang siyang una at huling paksa. Kailangang magpasya, kailangang pumili ang tao ng kaniyang palad, at ang bawat sandali, sa teleserye man o sa tunay na búhay, ay sandali ng pagpapasya. Kung nais niyang baguhin ang kaniyang palad, magagawa niya ito. Isa itong bagay na natupad ni Eduardo nang piliin niyang maging isang mabuting preso habang binubuno ang mga taóng pataw ng kaniyang pagkakasangkot sa katiwalian ng asawa. Natupad din ito ni Angelo Buenavista (sa pagganap nina Jericho Rosales at Daniel Padilla), ang itinuring na panganay niyang anak. Natutong magbanat ng buto at bumangon na muli ang bersiyon ni Padilla, samantalang natuto namang lumaban para sa kaniyang pag-ibig ang bersiyon ni Rosales. Palad din ni Amor na maging maligaya, kaya hinayaan niyang malusaw ang kaniyang gálit. Maalab ang gálit sa mga araw na ito ng kaguluhan, at mga gabi ng ligalig, ngunit tandaan nating may teleseryeng humahantong sa pag-igting ang kailangan nating antabayanan at pagmatyagan sapagkat naglalaman ng kolektibo nating palad bílang bansa. Ang teleserye bílang genre ay likas na paulit-ulit sapagkat deserye at nagsasalaysay nang padugtong-dugtong. Sa pagsipat na ito sa isang halimbawang dramang halalan, nilulunggating matagpuang ganap, at maunawaan ang drama ng ating panahon, na hindi lámang dapat manatiling ispektakulo (na ang ibig sabihin ay pinanonood lámang at kinaaaliwan), bagkus ay matalik at buong-puso, buong-katauhang kinasasangkutan.
Sa bawat paglitaw ng halalan sa mga teleserye, hindi lámang ipinagugunita ang kabanalan nitong biyaya ng ating kalayaang ipinaglaban ng maraming nabuwal sa dilim. Ipinagugunita rin ang kakayahan nating baguhin ang mga siklo ng kasaysayan, ang ating kadalasa’y malumbay na búhay sa Ikatlong Daigdig na perpektong materyal para sa mga teleserye. May mabuting pangako ang ganitong kaisipan, lalo’t nabibigyan ng pagkakataon ang kolektibong málay na harayain ang mga posibilidad. May pangako rin itong magiging mabuti ang lahat, sa kabila ng maraming mga danas ng pagtataksil, sapagkat kailangang magpatuloy tayo sa búhay nang may pag-asa, at magpatuloy na handang magtaya. Ganito talaga marahil ang mabuhay, kaya ito at ito rin ang itinatanghal na búhay sa ating mga teleserye. Sa huli, marami ang kailangang gawin upang ganap na matupad ang romanseng politikal na ito. Lalaging kailangan ang ating pagganap, bukod sa pananalig at pagtataya.