May makatang agad isasara mo ang aklat sa anino
Pa lámang ng taludtod; may makatang bubulatlatin
Ang bawat pagsasanga ng salita sa pahiwatig.
Kaninong makata ako umibig? Isang gabi, tinunghan
Ko ang isang tinig na kaylayo sa irog, at sa paghibik,
Dagat na bumulwak ang pangako ng katapatan,
Bumabangga sa dibdib ng mga dako, humahangga’t
Nag-aantanda sa paanan ng mga antigong templo
Ng lupaing kinatatayuan ng sinta. Sa sandaling iyon
Ako nahulog sa makata, buklat ang aklat, dama
Ang gaspang ng mahal na pahináng tinitibukan
Ng pananalig ang milyang tinatawid ng pag-ibig.
Sa rubdob ako naantig, isang palagiang himig, binubuno
Man ang hirap sa pagsulat ng kaligayahan, humahalik
Sa kamay ng magulang, o nakatanod sa tarangkahan
Ng panibagong pagmamahal. Papaano akong mamumuhi
Sa kaniya na hinandugan ng pag-ibig? Ngayong gabi,
Binubuklat ko naman ang sariling mga aklat, at habang
Hapis sa mistulang kamatayan ng mga paninindigan
Ng makatang mahal, pilit kong tinatarok kung papaanong
Naghunos ang salitang iniaalay para sa nása laylayan,
Kung papaanong nasikmurang bumati ng magandang araw
Gayong isa-isang nabubuwal sa gabi ang mamamayan.
Ayaw nang magpahabol ng kaniyang pulso, naglalayo
Ang mga pintig, pahinà nang pahinà, habang sa aking
Mga pahiná, hindi ko naman masawata ang inibig na sidhi,
Ang niyakap na lumbay, ang pananahan sa mumunti’t
Dambuhalang pagdiriwang. Siya na ba ito, untag ko
Sa sarili, habang sinisikap makilala ang kaniyang bagong
Pahiwatig. Pumaparikala kayâ? Bakâ nagsasangang-dila?
Habang tanaw-tanaw siya sa kaniyang piniling panig,
Di maiwasang maisip na ganito marahil ang damdamin
Ng persona niyang malas ang isang lumilisang kaibigan:
Biglang binabalot ng lamig, binabalabalan ng lungkot;
Kinikitlan ng abot-tanaw, ng ugnay, ng talik, inuubusan
Ng mga imaheng maisisilid sa mariringal na katalogo—
Masisinsing sipi ng gunitang pangungulilaan mula ngayon,
Banayad na isinakataga, patuloy na mauulinig, ibilang
Man itong kaloob sa mga kalabisang maaari nang iwaglit.
Disyembre 22, 2016