Ang Mabubuting Teleserye at ang Mabubuting Pagganap ng 2016


Ito ang pangatlong taon ng seryeng ito, na sinimulan kong isulat sa Ingles para sa website ng isang nangungunang pahayagan. Ngayong taon, at marahil, simula ngayon, sa Filipino ko na pahahalagahan ang sa tingin ko ay mabubuting teleserye at mabubuting pagganap ng nagdaang taon. At bakit nga ba hindi? Tiyak na higit na yayaman, hindi lámang ang aralin ng kulturang popular, kundi pati na rin ang aralin ng teleserye, kung sa wika mismong kinakasangkapan nito ipaliliwanag at bubulatlatin ang mga teksto nito. Ipinag-adya lámang sigurong mawalan ito ng puwang sa website, ngunit hindi naman ito malaking bagay talaga. Para sa isang mag-aaral ng teleserye, ang taunang pagpapahalagang ito ay isang pagpasan sa tungkuling ipagtanggol ang kalinangan at kultura ng teleserye mula sa malawak na mapanlibak na tingin dito. Marahil ay kinailangang gawin muna sa Ingles ang proyektong ito—nakadalawang taon din ito, at naging katuwang ko rito ang patnugot na si Chuck Smith, na kabalitaktakan at kolaborador ko sa pagtatasa ng mga teleserye. Maraming salamat sa pagkakataon, Chuck. Pukaw ng Ingles ang mga edukado, at isang hakbang na ring pasulong ang maglatag ng mga pagpapahalaga sa teleserye sa isang platapormang Ingles, na may mga sukatan ng pagtanggap. Kung may dapat simulang muling papag-aralin hinggil sa kulturang popular ay ang mga talagang nakasagap ng Kanluraning edukasyon, na nagtatatag ng mga “matataas” na pamantayan at madalas nagsasantabi ng mga kulturang pambayan. Iyon ay ang nakaiintindi ang gumagamit ng Ingles. Naging isang pagpapalawig ang pagsulat ko ng seryeng ito ng aking taunang pagtuturo ng Teleserye Elective sa Department of English ng Ateneo de Manila University—na isa pang dahilan kung bakit “kinailangang” maisulat ang mga pagpapahalaga sa Ingles. Kailangan ko rin ng magagamit na materyal. Ngayon, panahon na marahil para ibalik sa wika ang talakay, sa layong makapag-ambag din sa lalong lumalalim at lumalawak na diskursong Filipino. Ang teleserye, sa una’t huli, ay isang diskursong Filipino, isang diskursong may lokalidad at harayang nakapook sa danas at kamalayang Filipinas. Ang dramang napanood ng madla ay sa Filipino itinatanghal—at dahil nga roon ay talagang nararapat lámang na basahin sa Filipino, bagaman sinikap namang gawin ito sa Ingles sa loob ng dalawang taon kong pagsusulat. Hindi na lámang karaniwang pandiwang imperatibo ang “basahin” dito, kundi isa na ring artikulasyon ng metodo, ng pamamaraan ng pagbása, na nakapook sa kasalukuyan at lunang Filipino. May paniwala ako bílang isang mag-aaral ng teleserye na ang teleserye ay higit na magkakaroon ng bisa at katuturan kung mabubulatlat, hindi lámang ng kamalayang nabanggit, kundi lalo’t higit, gamit ang daluyan ng talastas at mismong kaanyuan ng kamalayang sinasabi, ang wikang Filipino (o mga wikang Filipino, kung mamarapatin). Sa isang banda, mistulang ganitong uri ng pagbabago sa pamamaraan ang hinihingi rin sa akin ng mga napili kong teleserye at mga pagganap noong 2016. Marami sa kanila’y tunay na sumasalamin—at nagsasalaman—ng mga danas sa pook at harayang Filipino sa kasalukuyang panahon. Naging mabuti itong mga teleserye sapagkat sinikap nilang lagpasan ang mga kombensiyon sa pamamagitan ng pagtukoy sa Filipinong kasalukuyan bílang puno’t dulo ng mga dramatikong pagtataya. Ngayong taóng ito, nagdarasal akong matatapos ko na ang aking disertasyon hinggil sa kontemporaneong kasaysayan ng soap opera sa bansa, na nagrurok, sa ganang akin, sa pag-usbong ng teleserye. Matapos ng tatlong taon ng pananaliksik, mag-isa man, katuwang ang mga kasamahan, o kasama ang mga mag-aaral, iniisip ko kung ano na nga ba ang mga dapat matutuhan hinggil sa anyo ng teleserye bilang telebiswal na genreng Filipino. Minamalas ko ang mga teleseryeng napili kong pahalagahan para sa táong 2016, ay parang sinisinop din ng mga ito ang mga katangiang heneriko na sinikap kong unawain sa loob ng mga táong ginugol ko sa pag-aaral.

Anim ang napili kong pahalagahan para sa 2016 dahil sa kanilang mabuting pagtatanghal. Ano ba ang ibig sabihin ko ng “mabuti”? Madaling sagutin ito sa pormalistikong pamantayan: isang banghay na buo, nagtataglay ng nakapupukaw na pagbabago (at katanggap-tanggap na pagsasabúhay) sa panig ng mga pangunahing tauhan, at bagaman nakasalig sa mga nakamihasnang padron ay nagsisikap magtaguyod ng mga paglagpas sa pagtatayang nakalangkap para anyo nito. Malinaw naman sa atin na ang teleserye ay isang pagsasanib ng mga elemento ng romanse at melodrama, pati na rin ng iba’t ibang tradisyong pasalaysay at dramatiko ng ating kultura. Malinaw ding pinatatakbo ng mga institusyon ng kita at tangkilik ang teleserye, na isa pang saklaw ng aking nosyon ng anyo. Ang lahat ng ito ay kompleks ng pag-aanyong telebiswal ng teleserye, at dahil nga rito ay nagiging puwang ng interogasyon at negosasyon ang bawat pagtatanghal. Papaanong bubuo ng kuwentong may kuwenta habang kinukuwenta naman ang kikitain at pagtangkilik? Posible nga ba itong pagkakatanghal ng “mabuti”? Posible ba ang pag-aanyo o pagsasaalang-alang sa anyo gayong pinagsisilbihan, sa una’t huli, ang sagradong aliw ng manonood? Nais kong isipin na oo, posible itong lahat, kahit palagian pa rin táyong minumulto ni Adorno na minarkahan na ang lahat ng mga kulturang popular bílang opyo ng masa at malawakang panlilibang at pandaraya (mass deception). Gasgas nang paratang ang ganitong pagtataya sa kulturang popular tulad ng teleserye, ngunit bakit hindi ito mamatay-matay? Marahil sapagkat hindi rin talaga sapat ang purong “pormalistang” dulog (yaong ginagamit natin madalas para sa mga panitikan) para tasahin ang kabutihan ng mga tekstong telebiswal. Humihinging tunghan ang mga kontradiksiyong nilalaman ng mismong “pormalismong” aking inihaharap, sa kaso ng teleserye. Hindi maaaring tingnan lámang ang mismong anyo, ang teleserye mismo, bagaman iyon ang pinakamadaling paraan ng pagbuo ng artikulong ito. Kailangang tunghan din ang sinasabing mga aspekto ng produksiyon, ang maaaring tawagin na proseso pag-aanyo, mulang konseptuwalisasyon hanggang sa pagwawakas ng pagtatanghal. Naroroong nakatanghod ang pag-aabang sa kita, ang pagpapanatili ng tangkilik. Naging “mabuti” ang teleserye hindi lámang dahil naghahandog ito ng halinang estetiko, o nakapagdudulot ng ibayong aliw sa pagpapatuloy ng hirap sa búhay. Naging “mabuti” ang mga teleserye ito hindi lámang dahil talagang inabangan ito ng madla. Sa ganang akin, naging mabuti itong mga teleseryeng ito sapagkat nakatulong ang mga ito sa pagtataguyod ng isang masusi at matalim na pag-uusisa ng budhing pambayan, sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa kakayahang ngangayunin na nakatanim sa heneriko nitong katangian. May binabanggit na noon si Fredric Jameson hinggil sa utopikong saysay ng kulturang popular, kung saan mahahagip, hindi lámang ang ideolohiya o kalisyaang itinuturo ng teksto, na siyang palagian at nakagawiang binabalingan sa mga naunang pag-aaral. Naroroong matatagpuan din ang masasabing “suhol” na pantasya, na hindi lámang pantasya talaga kundi isang politika ng posibilidad. Kung ang tunay na búhay ay walang maihandog na karampatang wakas sa masigalot nitong daloy, makukuha natin, halimbawa sa panonood ng teleserye, hindi lámang ang sinasabing mga karampatang wakas, kundi lalo’t higit, ang isang maayos at orkestradong pagkakabalangkas ng salaysay na maaaring titigan at pagnilayan ng tumatanggap. Isang sintesis ng búhay? Maaari. Ang kapangyarihang ito ng salaysay ang nananatiling birtud ng teleserye, kayâ maaaring tasahin ang kabutihan. Habang nagkukuwento ang teleserye ng kasaysayan ng mga tauhang kinapapanabikan, nakabaling ito sa daigdig ng kasalukuyan at inihaharap sa madla, sa paraang halos alegoriko at matalinghaga, ang halos walang kawawaang mga pangyayari ng araw-araw. Sa yugto ng post-truth at post-fact nagiging mahalaga ang tungkulin ng teleserye: mukhang sa katha na talaga natin kailangan hanguin ang mga katotohanan, sa layong maunawaan at malirip ang komplikadong kasalukuyan.

Mabuti ang isang teleserye ngayong taon kung tumutulong itong maipaunawa sa madla ang mga “katotohanan” ng kasalukuyan. Mabuti ang pagganap kung nagtatanghal ito ng makatotohanang pagsasalaysay ng kilos, saloobin, at motibasyon ng kasalukuyan. Ang mga ito ang aking namalas na kislap-diwa sa panonood ng mga teleserye sa panahon ni Trump, Tokhang, at trolls. Hindi na lámang nakasalaylay sa berosimilitud ang “katotohanan” dito, na supling ng tradisyong realista na buháy din naman sa ating katutubong haraya. Masyadong magalaw ang kahulugan ng kategoryang “katotohanan” sa mga panahong ito, kung kayâ’t kailangang maisaayos sa isang organisadong paraan upang patuloy na matunghan. Isang plataporma ng orkestradong salaysay ang teleserye, at dahil hindi ito nalalayo sa balita, wari bang kailangan nitong papadaluyin sa pook nitong katha ang hindi masusing naipoproseso ng limitadong genre ng pag-uulat. Matagal ko nang napapansin ang ganitong katangian sa mga teleserye, ngunit higit itong tumingkad ngayong taon, marahil dahil na rin sa pagpasok ng ating daigdig sa yugtong madamdamin na pinaniniwalaang higit na kailangang pakibutin, kaysa sa matagal nang pinahahalagahang sisidlan ng mga katotohanan, tulad ng facts, datos, at pinag-aralang opinyon. Isang parikala kung gayon na ang itinuturing kong pinakaangat sa mabubuting teleserye ng 2016 ay ang harap-harapang tumalakay sa problema ng malaganap na krimen sa buong bansa. Hindi ito balita, ngunit mistulang nagbabalita, naghahandog ng damdamin at mukha sa kolektibong layon na masawata ang kaylawak na network ng kriminalidad, na sinisikap ngang masawata ng pamahalaang Duterte at ng kasalukuyan nitong digmaan laban sa droga. Katha pa ang kailangang tumupad ng gawain, dahil wari bang nása yugto na rin táyo ng pos-balita. Maparikala ang mga teleserye, samantalang naglalahad ng karaniwang romanse at melodrama: nariyang inihaharap ang dahas sa mga itinuturing na nása laylayan na patuloy sa kanilang pakikipagsapalaran; ang paghaharaya sa mga lababan ng mga pagpapahalaga gamit ang mga kathang daigdig; ang patuloy na pasyon ng Overseas Filipino Workers; ang pag-unawa sa literal at piguratibong mga sakít ng paggunita sa indibidwal at kolektibong nibel; at ang alegorikong pagtatawid sa mga pagitan ng uri. Binanggit ko nang nangunguna sa aking talaan ang FPJ’s Ang Probinsyano (ABS-CBN), na mahigit isang taon nang tumatakbo at sinasabing nakatakda nang matapos ngayong mga unang buwan ng 2017 (Set. 28, 2015 ito unang umeyre). Hindi ko ito isinama sa aking talaan noong isang taon sapagkat bagong-bago pa lámang. Mukhang tama ang hinala ko na higit itong titingkad, hindi lámang sa pinili nitong pabago-bagong istorya at tema kada linggo, kundi dahil sinikap nitong maging matalik na larawan ng kasalukuyang lipunang may pulisyang nagsusumikap kilanling muli bílang sandigan at tagapagtanggol ng mamamayan. Nahindik ako nang simulang tahakin ng Ang Probinsyano ang usapin ng droga, sa gitna ng pagtataguyod ng kasalukuyang pamahalaan ng isang mabangis na programang anti-droga, na sinasabing pumapatay ng laksâ at mahihirap. Nahindik ako dahil inilantad, hindi lámang ang lalâ ng katiwalian sa pulisya, kundi pati na rin ang kapangyarihan at kasamaan ng kriminal. Sa kasalukuyan, ang “tagapagligtas” na si Cardo Dalisay, na mahusay na inangkop at sinakop ni Coco Martin mula sa orihinal ni Ferndando Poe Jr., ay nakapiit matapos ng isang frame-up. Inaabangan ng lahat ang kung papaanong aahong muli ang tagapagligtas, habang sa labas ng kathang daigdig, sinisikap pa ring maunwaan ang isa-isang pagkabuwal ng mga taong pinaghihinalaang sangkot sa negosyo ng droga. Sinasabayan ng mga kaanak ni Cardo sa pagsigaw ng hustisya ang maraming mga balo at naulila ng tinatawag na extra-judicial killings. Kapwa una sa aking talaan ang Ang Probinsyano at si Martin sa kapuri-puring tagumpay ng kanilang teksto. Napaslang na ni Martin ang bisa ni Poe Jr., at nasakop na niya ang karakter na ito, na sa ganang akin ay isang di malilimutang pagganap.

Larawan mula sa Filipino Police Reviews

Habang patuloy ang madla sa pag-unawa sa mga kabaguhan, naging kapanapanabik ang muling produksiyon ng ikalawa sa aking talaan ng mabubuting teleserye ng 2016. 2005 nang unang tangkilikin ang “telefantasya” na Encantadia (GMA), na kasaysayan ng isang harayang kaharian na pinamumunuan ng apat na magkakapatid na prinsesa. Takâng-takâ pa rin ako hanggang ngayon kung bakit hindi binabanggit ang impluwensiya ng Lord of the Rings ni J.R.R. Tolkien sa teleseryeng ito, na nagtatanghal sa birtud ng apat na prinsesa gamit ang mga hiyas ng kaharian. Ngunit sa pagbabalik nito sa eyre, at sinasabing paglalapat ng makabagong teknolohiya at animasyon, nagkakaroon ng kakaibang bisa ang Encantadia (nagsimulang umeyre Hulyo 18, 2016) sapagkat sumasapit ito sa mamamayan bílang isang daigdig kung saan maaaring uriin, muli at muli, ang mga pagpapahalagang kailangang piliin, sa gitna ng maalab na mga digmaan (muli, nása gitna nga raw táyo ng digmaan laban sa droga, wika ni Pangulong Duterte). Dahil ito nga ay supling pa rin ng romanse at melodrama, malinaw ang mga panig ng labanan: ang mabuti, at ang masama. Nakasisiyang makita na habang lumalapot ang banghay ng kuwento, at nagdaragdag ng mga brilyante sa naunang apat, higit na tumitindi ang tanong: saan ba dapat pumanig? Madaling tanong iyan, ngunit dahil isang kompleks ang bawat labanan, ipinamamalas ng telefantasya ang nag-uumpugang motibasyon at pag-iisip ng mga karakter na mithing panatilihin ang integridad ng Encantadia, o ganap na wasakin ito upang magtatag ng mga bagong paghahari at rehimen. Hindi nga ba ganito ring tagisan ang nagaganap sa politika ngayon? Higit kong minamalas bílang kitsch ang telefantasya na ito dahil sa kapangyarihang iangkop ang lahat ng mga impluwensiya ng kulturang popular at panitikan. Ngunit sa panahon ng pagsisinop sa mga pagpapahalagang panlipunan, nakikita ko sa Encantadia ang isang operasyon ng pagdulog sa ating mga pagpapahalaga, isang kontrapunto sa lantaran at realistang pamamaraan ng Ang Probinsyano. Ang pag-usig sa mga katotohanan at pangyayari ng ating panahon ay nangangailangan ng iba’t ibang moda, kung kayâ marahil, kailangan ang dalawang ito upang siyasatin nang mahusay ang samutsaring digmaan na ating kinasasangkutan. Sa isang banda, ang digmaan sa droga ay digmaan din sa pagitan ng mabuti at masama. Ngunit kailangang lumagpas doon ang mga pagtataya sa halagahan, at diyan nagtatagumpay ang mga teleseryeng ito, sa pagpapakilala ng mga tauhang may mga bagaheng kuwento at minulan. May panahon ang salaysay ng teleserye sa mga ganitong pagsiyasat sa katauhan, di tulad ng mga pag-uulat na mainipin at lalaging nagmamadali. Sa Ang Probinsyano at Encantadia naisasalang na muli ang mga tagisang mahirap usigin kung plataporma lámang ng 24 Oras o TV Patrol ang sasaligan. Mula nang mapakaiksi ang balitaan noong kalagitnaan ng Dekada 90 ay unti-unting naging paraan ng pagtingin sa daigdig ang soap opera, na magiging teleserye noong 2000. Kung isasaalang-alang ito, matagal nang naganap sa telebisyong Filipino ang post-fact at post-truth, hindi dahil wala nang saysay ang katotohanan, kundi dahil ang fact o truth ay sumasailalim na sa mediyasyon ng dramang telebiswal. Produkto niyan ang paglalarawan sa “kuwento” ni Pangulong Duterte bílang “Duterteserye”. Sasabihing nagdudulot lámang ito ng lubhang pagkakalayo sa katotohanan, ngunit kung ako ang tatanungin, ang mga operasyong tinutupad ng Ang Probinsyano at Encantadia ay operasyong higit na nagpapalapit sa mamamayan sa mga usaping pambayan. Pinupukaw ng mga ito ang lahat upang makialam. Matapos na panoorin ang palabas ay lumalabas din nga ang diskurso sa bibig ng mga manonood, tinatalakay ang namalas na labanan sa loob ng masukal na bilangguan o mahiwagang kagubatan. Hindi iyon basta-basta mga labanan lámang, kundi pagtatanghal ng mga tagisang halos walang kawawaan, at nangangailangan ng mga dramatikong iterasyon upang magmarka, maglatay sa isipan. Dalisay ang kalooban ni Dalisay, at ngayon, lalo itong inuurian sa loob ng kulungan upang higit na maging handa sa pinakahuling pagtutuos—hindi ba nakaparebolusyonaryo nito, kung sasanguniin si Ileto? Ganito ring pagdadalisay ang pinagdaraanan ng mga Sang’gre na prinsesa sa Encantadia, habang sinisikap magpakatibay habang dinudurog ng kanilang mga kalaban ang kaharian. Isang mahalagang pasyon ang dalawang tampok na teleseryeng ito ng nagdaang taon, isang taon na wari’y masamang panaginip para sa nakararami.

Larawan mula sa Starmometer.com.
Larawan mula sa Starmometer.com.

Ikatlo sa aking talaan ng mabubuting teleserye ay ang The Greatest Love (ABS-CBN), na nagsimulang umeyre noong Setyembre 5, 2016. Kuwento ito ni Gloria, isang babaeng may masalimuot na nakaraan, at ng kaniyang mga anak na hiráp siyang mapagbuklod. Lihim ng búhay ni Gloria ang kaniyang relasyon sa dalawang lalaki, na mga ama ng kaniyang mga anak, at ito ang magpapatakbo sa istorya ng teleseryeng ito na minsang binansagan ng isang kritiko na lubhang dramatiko para sa isang ipinalalabas sa hápon. Sandamakmak na domestikong awayan ang napapanood ng madla sa The Greatest Love, na may simpleng proposisyon ang pamagat: ano pa nga ba ang hihigit sa pagmamahal ng isang ina? Ang pagmamahal ng ina ang siyang magiging tagapagbuklod ng pamilya, daanan at wasakin man ito ng pagsubok. Higit pang titingkad ang tunggalian ng teleserye sa babatahing hírap ng pamilya—matutuklasang may Alzheimer’s Disease si Gloria at nanganganib na mabura ang gunita. Makikipag-unahan si Gloria sa panahon upang buuin ang kaniyang pamilya. Sinasabing ang teleseryeng ito ang pinakamalaking “break” ni Sylvia Sanchez na gumaganap na Gloria, at katangi-tangi naman talaga ang kaniyang pagganap sa papel ng babaeng unti-unting nakalilimot. Kasiya-siya ang episodyo ng biglaang pagkaligta niya sa kaniyang patutunguhan matapos makipagkita sa ama ng isa niyang anak. Naitanghal niya, hindi lámang ang sakít, kundi pati na rin ang isang katauhang binabata ang sákit habang unti-unting ginugupo nito. Pumapangalawa siya kay Martin sa aking listahan ng mabubuting paggaganap sa taóng ito. Ngunit sa panahon ng orkestradong paglimot, lalo sa madidilim na yugto ng kontemporaneong kasaysayan, ano ba ang sinasabi ng The Greatest Love? Hindi kayâ si Gloria ay nagiging kahalili ng Inang Bayan na nakikipaghabulan din sa panahon upang mapanatili ang gunita at kabuuan ng bansa? Hindi kayâ ang mga anak niya ay kahalili ng buong sambayanan sa gitna ng mga sigalot? Biktima rin si Gloria ng pagkakalapastangan, at ito ang lihim na kaniyang pinakaiingat-ingatan at tunay na nais makaligtaan. Ano ba ang sinasabi ng pagkakalapastangan na ito sa isang kontrapuntal na pagbása? Bakit ito multong bangon nang bangon? Mahirap na hindi basahin ang The Greatest Love sa paraang tinupad ko, sa paraang kontrapuntal na sinasabi, dahil ang bawat teleserye, kung tutuusin, ay isang talinghaga ng kasalukuyan, pati na rin ng kasaysayan. Sa panahong walang pagkakaisa ang bansa, ang Inang Bayan, sa katauhan ni Gloria, ang walang pagod na nagsisikap para sa pagkakabuklod. Siya rin ang bumabatá sa pagkakabura sa gunita. Kapag siya ang namatay, kasama niyang malilibing ang gunita. Isang kasiya-siyang mikrokosmo ng Filipinas ang The Greatest Love, at makikitang sumusunod ito sa padron ng mga katangi-tanging dramang pampamilya sa pelikula at telebisyon, tulad ng Tanging Yaman (2000), na pumaksa rin sa Alzheimer’s Disease ng matriyarka, at Filipinas (2003), kung saan ang matriyarka ay maaaksidente habang pilit na inililigtas ang kabuuan ng kaniyang pamilya. Isa pang matriyarka ang itinanghal ng ikaapat na mabuting teleserye

Larawan mula sa Bandera.
Larawan mula sa Bandera.

sa aking talaan, ang Little Nanay (GMA), na masasabing ikaapat ding teleserye ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor. Samantalang Alzheimer’s ang paksa ng The Greatest Love, ang sa Little Nanay naman ay intellectual disability. Dalawang nanay ang itinatanghal ng palabas—si Annie Batongbuhay, na ginampanan ni Aunor, at si Tinay, na ginampanan ni Kris Bernal. Maglola sina Annie at Tinay, at lumaki sa poder ng matanda ang dalagitang may karamdaman dahil naulila na sa magulang. Matapang ang teleserye, hindi lámang dahil muling inihaharap sa madla ang kondisyon ng desabilidad; itinanghal din nito ang kung papaanong higit na nalulugmok ang mga may kondisyong ganito habang sila ay tinataya ng mapaghushang mundo. Magiging “Little Nanay” si Tinay sapagkat magiging biktima ng pananamantala ng isang kaibigan. Magkakaanak siya at tutulungan ng kaniyang lola at pamilya. Naging interesante ang materyal ng teleserye nang sikaping tuklasin ang aspekto ng kakayahan sa pagiging magulang ng mga may intellectual disability, bagay na inspirado marahil ng pelikulang I am Sam (2001) na pinagbidahan ni Sean Penn. Inasahang magiging tanghalan ng pag-arte ni Aunor ang palabas, ngunit ang totoo, naging tanghalan ito ng talento ng lalong humuhusay na si Bernal. Sa aking talaan ng mabubuting pagganap, pumapangatlo si Bernal sapagkat nabigyang-hustisya niya ang kaniyang papel, hindi sa isang paraang mala-karikatura, kundi sa isang paraang masugid at tumatantiya sa kibot at motibasyon ng uri ng katauhang naibigay sa kaniya. May kislap sa mata ni Bernal na naghahatid ng kapaniwalaan sa kaniyang katauhan bílang si Tinay, ang dalagitang punô ng kawalang-muwang at pag-asa. Samantala, tinatanong ko pa rin sa sarili kung midyum nga ba talaga ni Aunor ang teleserye. Pang-apat na niya ito, at hindi pa rin siya nakatatagpo ng akmang materyal na huhuli sa kaniyang natatanging pag-arte sa pelikula. Hamon pa rin sa telebisyon ang hulihin ang pagkamatulain ni Aunor. Umaasa pa rin akong maiaangat sa teleserye ang kaniyang obra, na obrang lalaging nagtatanghal sa lagay ng mga nása laylayan.

Larawan mula sa Pep.ph.
Larawan mula sa Pep.ph.

Ikalima sa aking listahan ang The Story of Us (ABS-CBN, umeyre noong Pebrero 29, 2016). Isang mayamang paksang panteleserye ang danas diasporiko at OFW, marahil dahil nananatiling kausap at audience ng mga network ang mga Filipinong nása iba’t ibang panig ng daigdig. Kasaysayan ang teleserye ng dalawang magsing-irog, sina Tin at Macoy, na ginampanan ng nagbalik-tambalang Kim Chiu at Xian Lim. Kapwa sila mula sa isang baybaying nayon, at nangangarap ng pag-unlad. Naunang umunlad si Tin sa Estados Unidos, kung saan niya kinatagpo ang inang doon na namamalagi. Samantala, patuloy na nagbanat ng buto at naghirap si Macoy upang makarating doon. May pangako ng katapatan ang dalawa, ngunit nang matupad na ang pagtatagpo at pagsasama, komplikado nang lahat ang sitwasyon, at naharap si Tin sa pagpili sa pagitan ng lahat ng kaniyang naipundar, at sa kaniyang wagas na pag-ibig kay Macoy. Birtud ng palabas ang pagkasangkapan sa materyal ng romanse habang inilalangkap dito ang karanasang OFW, na higit na nagpapagitaw sa iba’t ibang antas ng pagmamahal na maididiskurso mula rito. Hindi ko alam kung nananadya ang teleseryeng ito, ngunit sang-ayon sa mga tala, ang buong pangalan ni Macoy ay Ferdinand Sandoval Jr. Hindi ko tiyak kung nagpapasaring, ngunit sa kasaysayan, sino nga ba ang dahilan ng balikbayan at diasporikong phenomenon sa bansa? Isa kayâng paraan ng pagpuksa sa bisa ng lihim na naipalibing ngayong taon ang pangalanan siya sa teleseryeng ito na tungkol sa sákit at sapalaran ng mga kinakailangang mangibang-bayan? Tungkol ang teleseryeng ito sa mga paglalayong dulot ng mga ekonomikong hamon sa pamilyang Filipino, at sa isang banda, maaaring isang tungkulin din ng teleserye ang matalinghagang pagbakas sa kasaysayan ng mga paglalayong ito na totoong istorya natin, istorya ng ating bansang Filipinas. Nakabatay sa romanse ang palabas, sa patuloy na pagtatawid sa mga pagitan. Ngunit habang pinanonood ko ang episodyo kung saan kusang nagpahuli sa US Immigration Police si Macoy, noon ay isa nang TNT (tago nang tago) sa America, namalas ko hindi lámang ang romanse sa minamahal, kundi ang romanse sa lahat ng iba pang minamahal na naiwan dito sa Filipinas, matapos ng paglayo at pagsali sa danas diasporiko. Lahat ay babatahin ng isang diasporiko para lámang sa mahal. Isang sakripisyo ang umalis sa bansa, ang malayo sa pamilya, isang sakripisyong minsang hiningi ng diktadurya sa mamamayan nito, habang nagpapasasa sa kalabisan ang mga namumuno at iilan sa kabang-yaman ng bansa. Kapuri-puri ang paggulang ni Lim sa papel na Macoy, at nadama sa kaniyang sapalaran ang tampok na pathos ng kumakapit pa rin kahit sa gahiblang pag-asa. Pumapang-apat si Lim sa aking listahan ng mabubuting pagganap sapagkat nabigyan niya ng bagong mukha, hindi lámang ang datihan nang mukha ng mangingibig, kundi lalo’t higit, ang Filipinong nakikipagsapalaran sa ibang bansa, na handang isugal ang lahat, para lamang mapatunayan ang kaniyang wagas na pagmamahal sa kaniyang pamilya. Tulad niyang nangangarap ang pangunahing tauhan sa ikaanim na mabuting

Larawan mula sa Kapamilya.com.
Larawan mula sa Kapamilya.com.

teleserye ng taon, ang Magpahanggang Wakas (ABS-CBN), na unang umeyre noong Setyembre 19, 2016. Isa ring istorya ng wagas na pag-ibig (kita naman sa pamagat), isinalaysay nito ang maalab na pagmamahalan nina Aryann at Waldo, na ginampanan nina Arci Muñoz at Jericho Rosales. Sa baybayin din ang pangunahing tagpuan, at dito mapatutunayan ni Waldo ang kaniyang pagmamahal kay Aryann. Ililigtas niya ang dalaga mula sa pagsasamantala (napakarami naman palang pinagsamantalahan sa teleserye ngayong taon!), bagay na magdudulot ng kaniyang pagkakapiit. Magsisikap si Aryann na iligtas si Waldo, at magiging abogada na tutulong sa pagtatanggol kay Waldo. Magkakaroon ng komplikasyon ang kuwento sa pagpasok ng isa pang tauhan na susubok sa pag-ibig ng dalawa, si Tristan, na ginampanan ni John Estrada. Hiwalay sa asawa si Tristan at siyang tutulong upang maging matagumpay sa búhay si Aryann. Mawawalay na muli ang dalawa, at sa pag-aakalang patay na si Waldo, ganap nang papayag sa alok na pag-ibig ni Tristan si Aryann. Ang muling pagtatagpo ng dalawa ang magiging punò’t dulo ng tagisang iinog sa magiging sigalot ng tatlo. Birtud ng teleserye, hindi lámang ang matapat nitong paglalahad, kundi pati na rin ang sinematograpiyang naghatid sa madla ng kakaibang bista ng mga tanawin ng tagpuan, bagay na hindi gaanong natatatap ng mga teleseryeng talagang pinatatakbo ng banghay at tauhan. Tumitingkad ang pakana nito lalo kung babalingan ang mga katangi-tanging pagkakataon ng pagganap, lalo na sa panig ni Rosales, na nagpinta para sa kaniyang Waldo ng isang katauhang punô ng gravitas, sugatan, ngunit nananatiling tapat sa sinumpaang pag-ibig. Panlima si Rosales sa aking talaan ng mabubuting pagganap ngayong taon, at bagaman siya ay nagmumula sa isang matagumpay na paggganap sa nakaraang teleserye, ang Bridges of Love (2015), nakapaghatid siya ng isang ibang karakter na nakatungtong sa mga payak na pangarap na maiahon, hindi lámang ang sariling dangal, kundi lalo’t higit, ang kaniyang pamilya. Dapat ko ring banggitin ang mahusay na pagganap bílang mga kontrabida nina Rita Avila (sa papel na Tiyang Rosing ni Aryann) at Gelli de Belen (sa papel na Jenna, ang dáting asawa ni Tristan). Ang kanilang bawat tagpuan ay mistulang kapanapanabik na pagtatagpo nina Doña Victorina at Doña Consolation sa Noli Me Tangere. Itinatanghal nila ang tunay na kahulugan ng bangayan.

Larawan mula sa Abante.Huli sa aking talaan ang romanse-komedyang Poor Señorita (GMA), umeyre noong Marso 28, 2016. Tampok dito ang mang-aawit na si Regine Velasquez, na lumabas na rin sa iba pang teleserye noong mga nakaraang taon. Agad na alegoriko ang proposisyon ng palabas: anong gagawin ng isang matapobreng mayaman kung malaman niyang biláng na ang kaniyang mga araw dahil sa sakít? Totoo, isa itong didaktikong proposisyon, ngunit isa itong sitwasyon na magdadala sa katauhan ng ulilang lubos ngunit herederang si Rita (ang papel ni Velasquez) ng kakintalan hinggil sa kung ano ang dapat na pinakamamahal at mahalaga. Para sa isang táong tinuruang mag-ingat at huwag magtitiwala sa iba, isang kakaibang danas ang iginawad para kay Rita ng tadhana: ang hayaang kumilos ang pagkakataon, habang sinisikap niyang takasan, hindi lámang ang kaniyang sakít at mortalidad (na maiwawasto matapos matuklasan ang naunang maling diagnosis), kundi pati na rin ang nagmimithing unahan si Kamatayan sa pagtubos sa kaniya. Ganap ang pagpapasamâ ng kasakiman, at sa pag-aakalang mamamatay din naman si Rita, nais nang kamkamin agad-agad ng nag-iisa niyang tiyahin ang kaniyang negosyo at kayamanan. Kumuha siya ng isang hitman upang paslangin ang pamangkin. Makatatagpo naman ng kaligtasan at tahanan si Rita sa píling ng limang mahihirap na kabataan. Sa píling ng mga kabataang ito, na walang ano-ano’y magpapaalaala sa atin ng mga Batang Yagit, matatagpuan ni Rita ang kaniyang mga malalalim na paghahanap. Papanaw ang Rita na ubod ng materyalistiko at kinatatakutan ng mga táong nakapaligid sa kaniya. Ang tunay palang pagpanaw ay magaganap sa metapisikong nibel, at hindi sa antas ng laman. Isinasama ko ang teleseryeng ito sa aking talaan, sa kabila ng pagiging payak, dahil sa politika ng posibilidad na inihahayin nito. Sa panahon ng post-fact at post-truth, posible pa ba ang kislap-diwa at pagbabagong loob? Hindi kayâ nása pos-metanoia na rin táyo, at lahat ng pag-ahon mula sa sikmura ng balyena ay simulacrum na lámang, mga nostalhikong pagbabalik-tanaw sa sumakabilang-búhay na kakayahang makilatis at mapagbago ang sarili? Gustong-gusto ko ang katawa-tawang eksena ni Rita habang literal na hinahabol ng kabaong sa isang episodyo: ganyan kasi talaga magbiro ang búhay, minsan mapahiwatig, minsan nananampal. Kinailangan ng operasyon ng pagmamalabis sa Poor Señorita sapagkat kailangang maghatid ng isang maparikalang baling habang binabata natin ang mga pagkaguwang ng mga katotohanan at kahulugan. Marahil, sa ganitong paraan táyo matututo ng “imagination” at “creative interpretation” sa pagtasa natin sa mga naririnig natin, hindi ko alam. Ngunit nang masundan ko ang Poor Señorita, kasiya-siyang maisip na sa dakong huli, sa mga yugto ng pamimili, sinisinop at inihahayin pa rin ng salaysay ang mga pagpapahalaga at mahalaga. Doon nagsisimula ang tunay na pagbabago. Kayrami-raming nakaliligta at naliligtaan, ngunit ipinagugunita, sa halos anyong pauyam, ang mga dapat usigin: ang kasakiman sa iba’t iba nitong anyo, ang pagpapatag ng mga kalagayan sa harap ng mortalidad, at ang patuloy na pagdalisay sa loob bílang paraan ng pagtuklas sa búhay na ganap. Tampok na tagisang politikal sa teleserye ang tagisan ng mga uri, ngunit nagsasapin-sapin ito’t nagdudulot ng larawan sa iba pang suliraning panlipunan, na sa isang banda ay aksidenteng naawit ng bidang songbird. Sa teleseryeng ito ko unang muling nakita ang halos burado nang gunita ng mga barong-barong. Samantala, ikaanim kong tampok sa mabubuting pagganap ang kay Velasquez sa kaniyang matalik na pagkabatid sa mga ligaya, lumbay, luwalhati, at liwanag ng búhay ng karakter niyang si Rita, na sa ganang akin ay higit na hindi malilimutan kaysa sa mga nauna niyang ginampanan sa mga teleserye. Kahanay niya hindi lámang ang mga naunang nabanggit, kundi pati na rin ang iba pang nais kong purihin sa kanilang kahusayan sa pagganap: JC Santos bílang Ali sa Till I Met You (ABS-CBN, umeyre noong Agosto 29, 2016); Julia Montes bílang Kara at Sara at Maxene Magalona bílang Alex sa Doble Kara (ABS-CBN, umeyre noong Agosto 24, 2015); Glaiza de Castro bílang Pirena sa Encantadia; at Melai Cantiveros bílang Maricel at Pokwang bílang Wilma sa We Will Survive (ABS-CBN, umeyre noong Pebrero 29, 2016). Kailangan ko ring pahalagahan ang napakamadamdaming pagganap ni Kean Cipriano bílang Binggoy sa Dolce Amore (ABS-CBN, umeyre noong Pebrero 15, 2016); napatunayan niya ang kaniyang husay sa pag-arte, isang kontrapunto sa maganda ring karakterisasyon ng kaniyang naging kapatid sa palabas, si Tenten, na ginampanan ng bidang si Enrique Gil. Sa ganang akin, patuloy namang humuhusay si Isabelle Daza, batay sa kaniyang pagganap bílang ang kontrabidang si Clara sa Tubig at Langis (ABS-CBN, umeyre noong Pebrero 1, 2016). Samantala, nananabik ako sa gagawing pagbabangon ni Sunshine Dizon sa kaniyang telebiswal na karera, at sa kaniyang aping karakter na si Emma, sa kapapalabas pa lámang na Ika-6 na Utos (GMA, umeyre noong Disyembre 23, 2016).  Karangalang-banggit din ang aking nais igawad kay Vice Ganda sa kaniyang papel na Ella, ang “sextortionist” na nakaharap ng Paloma ni Cardo sa Ang Probinsyano.

Sa ngayon, mabunga, malusog ang teleserye noong 2016, sa panahon ng maraming kabaguhan.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: