Lunsad-Aklat ng Pagkahaba-haba Man ng Prusisyon sa LIRAhan sa Conspiracy Bar, Enero 17, 2017

Magandang gabi po sa ating lahat. Nagpapasalamat ako sa Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) sa patuloy na pagtangkilik at pagkalinga sa akin at sa aking panulaan. Ito ang ikalawang lungsad-aklat para sa Pagkahaba-haba Man ng Prusisyon, at ikalawa ring lungsad-aklat na itinanghal ng LIRA para sa akin dito sa LIRAhan sa Conspiracy Bar. Ang Pagkahaba-haba Man ng Prusisyon ang aking ikatlong aklat, at unang aklat ng malikhaing sanaysay, isang bagong ambag sa patuloy kong pagbuo ng lawas ng mga akda. Ang totoo, singtanda ng title essay ng aklat ang aking unang At Sa Tahanan ng Alabok, sapagkat magpakatid talaga sila: ang pangunahing sanaysay na pinagkunan ko ng pamagat ang sanaysay na kumakatawan sa aking poetika o paliwanag hinggil sa aking pagkakalikha para sa tesis na naging At Sa Tahanan ng Alabok. Ang totoo, hindi lámang iyon paliwanag kundi kabuuan ng paliwanag hinggil sa aking naging búhay-manunulat, isang pagbakas sa halos maglalabimpitong taóng karera, kung karera man itong maituturing. Nilahukan ko na lámang ito ng iba pang sanaysay na naisulat matapos ng 2007, ang taon ng pagtatapos ko ng aking MFA sa De La Salle University Manila. 2017 na ngayon, at tinatapos ko naman, sa De La Salle din, ang aking doktorado sa panitikan. Parang pagsasara ng arko ang paglulungsad na ito at ang kasalukuyang pinagkakaabalahan.
Nakikita ninyong nagbibilang ako, at napapatanong marahil kayo kung bakit. Isang pagsisinop ang pagbibilang, pagtatangkang unawain ang mga napagsumikapan o mga narating, kahit papaano, matapos ng ikatlong libro. Hindi ko alam kung gaano na nga kalayo, ngunit mas interesado ako kung gaano kalalim at kalawak ang naihatid nito sa aking búhay. Anong lalim at pagpapalalim ba ang nagawa sa akin ng mga paglilibrong ito? Noong maibalik sa akin ang aklat bílang isang pruweba, nakita kong isa nang ibang tao ang tumatasa at nagpapakinis sa mga sanaysay na ito. Kayrami na rin naman kasi ang nangyari sa aking búhay. Matapos ng maraming bagay na dumaan, parang may mga bago na ring paninindigan at pananampalatayang umusbong sa kaibuturan. May mga bagay sa aklat na ikinagulat ko, ikinatawa, at ikinatuwa. Bakâ nga natututuhan ko na ang distansiya. Ngunit, sa ngalan ng kasaysayan, kinailangan kong panatilihin ang kabuuang lawas ng aklat—kasama na ang tila pagiging “kontrabida” ng aking mahal na guro at katrabaho sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) na si Michael M. Coroza. Tinawag itong “intelektwal na kasaysayan” ng nagsuri, isang talaan ng aking pag-unlad bílang makata at manunulat, at nagandahan naman ako sa bansag. Kayâ ang ginawa ko, naglapat na lámang ako ng ilang metaprosang talâ upang igiit ang aking mga paunawa, maging mga pagpapalawig, lalo sa mga bahaging ang nagsasalita pa ay ang batang-batang ako. Harinawa, tanda naman ng sariling paglawak ang ginawa kong ito na muling pagnenegosasyon sa aking sariling teksto. May mga bagay na naisulat ko na, maaaring burahin, ngunit hindi ko binura sapagkat papatungan ko ng panibagong mga talâ. Interesado ako sa naging “anyo” ng Pagkahaba-haba Man ng Prusisyon na mistulang palimpsesto. Bahala na kayong mambabasa na tumaya sa “tagumpay” o “kapalpakan” ng pakanang ito.
Sa aking pabalat, makikita natin ang itutok ng Katedral ng Maynila, na noong panahon ng Espanyol ay ang siyang kilometro zero ng panukatan ng bansang Filipinas. Pagkaraan, nang sumapit ang pananakop ng mga Americano, ibinaba ang kilometro zero mula sa relihiyoso patungo sa sekular na dambana ni Jose Rizal sa Luneta. Mahalaga ang kilometro zero sa panunukat ng mga narating, pagkahaba-haba man ng mga prusisyong dinadaluhan natin sa búhay. Ngunit naiisip ko rin na itong mga kilometro zero na ito ay mga pananda rin ng mga tagal ng pagbabalik, ng mga tagal ng paglilimayon na kailangang batahin. Hindi ba sinasabi rin sa isang kasabihang Tagalog na tanda ng dunong ang pagbabalik? Ang sabi ng matanda sa nagdudunung-dunungang bata: papunta ka pa lámang, pabalik na ako. Nagkukulang, sa ganang akin, ang lahat ng panunukat ng narating, kung ang layo lámang mula sa minulan, o sa kilometro zero ang sinusukat. Sinasabi sa atin ng kasabihang Tagalog na kailangan ding bumalik, na kailangan ding sukatin ang mga hakbang-pabalik, upang maging karapat-dapat sa kung ano mang napanagumpayan. Nakahahakabang ba tayo pabalik? Marunong ba tayong humakbang pabalik? Inisiip ko, habang nakatingin tayo sa sarili nating mga kilometro zero, hindi dapat natin malimutan ang mahiwagang paghila sa atin pabalik ng ating mga minulan. Ito marahil ang bisa ng kasabihan, na mistulang sinususugan ng kilalang binigkas na “ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan, di makararating sa paroroonan.” Sa akin, sang-ayon sa aklat na ating inilulungsad ngayon, dalawang bagay ang pinagmumulan ng mga paglilimayon: ang Simbahang Katolika at ang ating pagiging Filipino. Saan man ako magtungo, lalaging mag-uugat ang aking mga paa sa dalawang ito. Nawa’y sa pagbisita ninyo sa simbahan ng aking panulat, mahanap din ninyo ang mga pinupuntahan at binabalikang lunan.
Maraming salamat.