Panayam na binigkas sa paglulungsad ng Pagkahaba-haba Man ng Prusisyon (University of the Philippines Press), at muling pagpapakilala sa At Sa Tahanan ng Alabok at Kung Saan sa Katawan (University of Santo Tomas Publishing House), Marso 11, 2017, European Documentation Center, De La Salle University Manila. Sa kagandahang-loob ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center.

Hindi ko mithing biguin ang mga kaibigang nahirati sa lahat ng “mahaba” tungkol sa aking mga akda. Mayroon ako ngayong napakahabang pamagat, isang pamagat na may mga terminong kailangang bulatlatin, at manapa, pagnilayan. Ipagpaumanhin ninyo ang moda ng pagdalumat; kaaahon ko lámang po mula sa pagpapása ng aking panukalang disertasyon, at tiyak na ipagtataka ninyo ang aking himig. Hatiin natin sa tatlong bahagi: (1) Mga Pagtatapat at Pahayag ng Pananampalataya; (2) Sa Tula at Sanaysay; (3) Sa Panahon ng Walang-Katiyakan. Ang una, malinaw naman po, ay mula sa aking bagong aklat, ang una kong aklat ng malikhaing sanaysay na inilulunsad natin ngayon mula sa University of the Philippines Press, at kung saan ako nagtatapat at naghahayag ng mga pananampalataya bílang makata at Katoliko. Sa ikalawa nakatakda ang mga kinasasangkutang panulatan sa loob ng 17 taon na ipinagdiriwang at muling binabalikan ngayon sa aking unang dalawang aklat mula sa University of Santo Tomas Publishing House, ang palathalaan ng aking minamahal na unang alma mater. Sa ikatlo, nakapook ang lugar sa kasaysayan ng mga pagsusumikap na ito: ang madilim, mapanglaw na gubat ng ating panahon, ang ating kasalukuyang panahon, sa kasawiampalad. Sinabing minsan ng makatang Roberto T. Añonuevo na may elegansiya ang ligoy, at maaari, sa mga ganitong kahabaan, may makikita ring elegansiya na nabanggit nga ng nasabing tarikang makata hinggil sa tula. Ngunit higit sa elegansiya, higit kong nakikita ang minsang naisulat kong taludtod na “walang pagmamadaling pananatili” sa ganitong mga kahabaan. Isa itong paboritong linya mula sa isa sa aking mga tula, na sa ganang akin ay naghunos bílang isang personal na praktika at pananampalataya habang patuloy ako sa paglikha. Isang linya ito na nahango kong kislap-diwa sa pagninilay sa harap ng rebulto ni San Ignacio de Loyola sa kapilya ng pamantasang pinananahanan ko ngayon. Kailangan kong ipagpauna itong talâ hinggil sa haba, sapagkat bagaman itong panayam ay ipinangangako kong hindi ko hahabaan at lalabis sa katanggap-tanggap, nais kong igiit na kung may natutuhan man po ako sa lahat nang ito, iyon ay ang birtud at pangako sa bawat “walang pagmamadaling pananatili,” sa pasyensiya, sa pagtitiyaga sa pagdalumat, sa pagtitiis sa di madaling pag-iisip, lalo pa’t kung masusi o malalim, hinggil sa mga bagay-bagay. Kayâ samahan po ninyo ako.
Sa ganito ko marahil maisasalaysay ang aking sariling panulat sa loob ng 17 taon—isang mahabang “walang pagmamadaling pananatili,” at kung minsan, wala ring pagmamadaling paglilimayon, na kung tutuusiin ay, para sa akin, isa lámang permutasyon ng nauna. Talambuhay ko itong “walang pagmamadaling pananatili,” itong walang humpay na pag-aabang sa mga susunod na salita at sa sarikulay ng mangha. Sa mga taóng ito, maraming bagay ang ipinagpasa-Diyos ko ang pagkakamit at pagkahinog. Nakaapak ako kung gayon sa mga pananatili at pagpapatúloy, sa larang na iyon ng mga kontradiksiyong nagtatagpo’t lumilikha ng mga mataginting, makahulugang pananaw, na kailangang hintayin ang akmang panahon upang sumilang, sumilay. Sa Pisika, maaaring magunita natin sa mga pananatili’t pagpapatúloy ang Batas ng Inertia kung saan, nakapananatili ang mga bagay sa pamamahinga o pag-andar hanggang hindi nakatatagpo o nakahaharap ng isang kakontrang puwersa (unbalanced force) na babago sa estado ng pananatili o pag-andar. Depende sa bigat (mass) ang puwersang dapat ipantalab kung ibig natin itong mapagalaw—ito ang sinasaklaw ng Batas ng Akselerasyon. Sa pagpapagalaw naman nito, samantalang itinutulak ng kakontrang puwersa, gumaganti o tumutugon din ito ng puwersa. Ito ang Batas ng Pantay at Makahidwang Puwersa. Sa ubod ng maikling pagbabalik-tanaw na ito kay Isaac Newton at sa mga batas sa Pisika na kaniyang ipinamana sa daigdig (na isa ring kumpisal ng aking pagiging isang lihim na mahihiligin sa Agham, ang siyensiya ng mga danas), matatagpuan ang isang susing salita na tiyak na makapupukaw rin sa inyo ngayong pinag-uusapan natin ang pananampalataya, panulat, at walang-katiyakan: ang pagbabago o change. Napakasarap sabihin. Ang bandera nga ng mga propeta ng kauupong administrasyon, “change is coming”; ngunit nitong hulí, parang may pakiramdam ang di iilan sa atin na totoo rin ang sinasabi ng pun nito: “change scamming.” Mula rito, sinasabi ko ngayong ako, at táyong lahat, ay nakapook sa “Panahon ng Walang-Katiyakan” na tinatawag dahil mula sa ating mga walang pagmamadaling pananatili o paglilimayon sa búhay, biglaan táyong itinulak ng kasaysayan, nagitla ng talagang kaylakas na puwersa ng pagbabago, at nadalá sa isang estado ng pagkalito, pagkasuklam, at pagkabagabag. Sa hinaba-haba ng prusisyon, at ng pamagat ng panayam na ito, nalinlang nga ba táyo? Nang isa-isang mangagbuwalan ang maraming sinasabing sangkot sa droga bago umupo ang dinarakila’t itinuturing na Tagapagligtas, natigalgal na ako. Hindi na ako gaanong nagtakâ nang mga sumunod na pagkakataon, bigla’y ibig nang busalan ang mga kritiko. Ngunit nakatakot ako. Nakatatakot naman talaga ang Tokhang. May pakiramdam na rin naman akong mapalilibing ang diktador sa Libingan ng mga Bayani sa sobrang bait nitong ating punò sa pamilyang mandarambong. Tumaas lámang talaga ang asido sa sikmura ko nang hikayatin kaming lumahok sa walkout sa gilid-kahabaan ng Katipunan dahil lihim na naipalibing na nga ang lintek. Bakit ba táyo hinihinging magpatúloy na lámang, mag-move on, wika nga? At, bakit ba nila táyo ibig patahimikin, o lunurin sa laksang kabulaanan at kasinungalingan? Para hindi na natin isipin kung táyo ay nalinlang?

Madaling mapoot sa mga panahong ito na sampu-sampera ang mga katotohanan at makapamimilì (at makapamimilí) ang kahit sino ng maaaring paniwalaan. Ngunit ito marahil ang dapat kong ipagtapat at ipahayag: kumakapit pa rin ako sa pananampalataya, gaano man ito kaliit at kasindak ngayon. Walang pangangaligkig ang makapipigil rito. Totoo naman na may mga araw na gusto ko na lámang magkulong sa silid at pagsarhan ng pinto ang daigdig na, o talagang kaygulo. Tulad ng marami rito, marahil, hindi ko naman maiwasang hindi mag-social media, at kahit anong gawin kong unfriend at unfollow—kahit sa matatalik na kaibigan o kadugong hindi ko mawari ang tatag at hiwaga ng pananampalataya sa nakikita ngayong Dakilang Poon ng Kabulastugan at Kabastusan ng bansang Filipinas, hindi ko pa rin ganap na malinis ang mga sariling espasyong birtwal mula sa mga kabesado na nating kabulastugan at kabastusan. Hindi ko rin naman mapigilan ang sariling makisangkot, kahit katakut-takot na sermon sa Facebook ang inaabot ko sa tuwina mula sa sarili kong tiyahin na sagad sa butó ang pagiging Marcos Loyalist at dinadakdakan ako hinggil sa o kaygalíng na panunungkulan ng diktador. Hindi naman daw niya nakita ang sinasabing karahasan. Nasambit ko tulóy minsan sa kaniya: e papaano po ninyong makikita ay lahat ng maaaring pagdaluyan ng impormasyon ay hawak ng diktador? Tápos, Ilokano pa táyo, nakinabang táyo sa infraestrukturang ipinagmamalaking “pamana” niya? Maaari namang manahimik na lámang, lumabas ng bahay, tumingala sa langit, at sabihing, ay maganda pa rin nga ang araw at daigdig, ngunit kapag laksâ ang ibinubuwal gabi-gabi at ginagawang karaniwan ang dugo, dahas, at digmaang dinadapurak lámang ang maliliit; at dinedepensahan ang mga kakamping may salapi o impluwensiya kahit maysala, palagi akong napatatanong ng saan ba ako dapat lulugar? Naitulak na táyo sa mga ganitong realidad ng ating kasaysayan, sa ganitong mga anyo ng pagbabago, subalit kailangan pa rin nating maniwala, kahit hindi na natin alam minsan kung sa ano, kung saan, o kung kanino. Kailangan pa rin natin maniwala, hindi man natin nakikita, sabi nga ni Kristo. Kahit walang sugat na nasasalat ang ating mga daliri kundi ang mga sugat ng mga nabuwal na pinaslang dahil sila raw ay mga hayop. Hindi sila tao. Hayok. Walang humanidad. Kahit marami táyong hindi nakikita, tulad ng pag-asa. Huwag na iyong pagiging disente, o iyong pagiging matuwid. Nakababato naman talaga ang mga tuwid na daan, itanong pa ninyo kay Robert Frost. Kahit pag-asa na lámang. Ayokong masanay, at makaramdam na, tunay nga, sanayan lámang ang pagpatay, wika nga ng Heswitang makata na Paring Albert Alejo. Hindi maaaring makasanayan ang pagkabalisa upang sa huli’y panawan ng pandama.
Sa mga ganitong kabatiran ko tulóy naitatanong sa sarili kung para saan ba itong mga pagtatapat at pahayag ng pananampalatayang ito, itong mga pagsusumikap manalinghaga at magsaysay sa gitna ng panahon ng mga sukaban. Bílang manunulat, kailangan ko ng masasaligan, ng pananampalataya, at maaari, sa malikhain at mapaghubog na birtud ng pagsulat ko iyon natatagpuan. Sa tula, nababalikan ko ang bisa ng komposisyon ng poiesis: ang kumatha, ang masangkot sa imbensiyon, hindi lámang ng mga posibilidad, kundi ng mga posible, lalo sa buháy nating halos lustayin, abuhin ang ating kakapiranggot na pag-asa. May mga mundong higit na mapag-aruga, mapaglinang, at makatwiran sa dulo ng panulat. May mga paraan itong magsasabi at magsasabi ng totoo. Kayâ kahit kailan, bagaman etimolohikong nakatindig sa gawain ng imbensiyon (counterfeiting) ang poiesis, hindi ito maaaring magsinungaling. Ang imbensiyon, sa anyo at sa nilalaman, ay nakalaan lámang sa higit na matalab na paglalahad at paghaharap ng katotohanan. Sa kabilâng dako, sa sanaysay ko naman nababalikan ang potensiyal ng pagsubok, ng paninimbang, ng pagtuklas. Essais, wika nga ni Montaigne, trials in thought. Kay Alejandro G. Abadilla, mga pagsasanay, mga paghahagilap sa kabatiran, sa ngalan ng kasanayan, ng pagiging sanay sa pakikihamok, pakikipagbuno sa mga ideya. Bagaman sinasabing nabubuhay na táyo sa daigdig na posmoderno, at ganap nang baság ng pagdalumat ang mga absolutong katotohanan (na sa ganang akin ay siya ring nagluwal sa mga halimaw na “alternative truth” at “post-fact”) naniniwala ako na ang tunay na saysay ng dekonstruksiyonistang deferral ay ang pagpapaliban ng kahulugan, hindi para sa saysay lámang ng pagpapaliban ng kahulugan (gaya marahil ng gustong ipagawa sa ating “creative interpretation” ng mga hunghang sa Palasyo), kundi para makahakbang táyo nang paurong at mamasdan at mamasdang muli ang lahat. Upang masuri ito. Isang walang pagmamadaling pananatili sa kahulugan, kung gayon. Marahil ay pagbiglang-liko rin ito sa diwain (o kawalang-diwain) ng dekonstruksiyon, patawarin ako ng Poong Jacques Derrida, na tiyak na susumpain ako sa pagtawag sa kaniya na “poon.” Ngunit sabi nga kamakailan sa Facebook ng pantas kong si Thomas Moore, awtor ng tanyag na Care for the Soul: “Humans have an instinct for religion and spirituality in some form. Ignore it and your well-being and health suffer.” Isang personal na pangangailangan para sa akin, bílang tao, at bílang manunulat, ang maniwala upang manatiling malusog, matino, at nakapamumuhay. Iyon ang pangunahin kong relihiyon. Oo, mayroon naman akong relihiyon, ang aking Katolisismo, batay sa aking pagkakaunawa rito’t personal na ugnayan sa Diyos, ngunit upang matupad itong mga tungkulin at pangako ng pagsulat, kinailangan ko ring ituring ang opisina ng pagsulat bílang isang katambal na simbahan at tabernakulo ng aking mga pananampalataya. Kinailangan kong ituring na misa ang aking bawat pagkamangha, at pagtatalâ ng mga pagkamanghang nabanggit sa anyo ng tula at sanaysay. Batbat ng kontradiksiyon o diyalektika itong pamumuhay na ito, sa ngalan ng pag-asa, maaaring sabihin ninyo. Ngunit ito ang puso ng pananampalataya, ng aking pananampalataya. Kung ako ang inyong tatanungin, kailangan talagang magkaroon ng sapin-sapin at kung minsan ay nagbabanggaang kabatiran kung ibig talaga nating maniwala. Isang anyo ng pagdadalisay.

Lalo ngayong nahaharap táyo sa sinasabi ngang “Panahon ng Walang Katiyakan.” Hindi natin piho ang búkas: bakâ magising na nga lámang táyo na wala nang mga karapatan. Ang butihing komentador ng Zen Buddhism na si Allan W. Watts, tinawag ang ganitong kawangis na panahon minsan na “Age of Anxiety.” May dunong umanong mahahango sa “insecurity,” sa panahong walang kasiguruhan ang lahat at parang ano mang oras ay may sasabog, sasambulat, sa “time of unusual insecurity.” Kayâ iminumungkahi ni Watts na mabuting pagtuunan natin ng pansin itong panahong ito, itong ating kasalukuyan, kaysa mag-asam nang mag-asam lámang para sa mas mabuting búkas. Napakabagsik na mungkahi: manahan sa ngayon sapagkat ang búkas ay paparating pa lámang (kung darating nga iyon sa atin). Ang kahapon naman, tapos na. Mahirap itong gawin, itong pananatili sa ngayon, itong pagyakap sa kasalukuyan, at kahit noong sinusubok kong matutuhan ito sa pamamagitan ng arawang praktika ng zazen, ang pagsasanay sa mapagnilay na pag-upo at pananahimik ng espirituwalidad na Zen, sumusuko talaga ako. Bagaman wala akong naging agam-agam sa pagdaragdag nito sa aking nakamihasnang espirituwal na praktika, natuklsanan kong ang hírap talagang magpatubo’t magpalago ng pasiyensiya. Maingay ang isip, bukod sa likás talaga akong maingay (alam ninyo iyan, mga kaibigan ko). Masakit pa sa tuhod at hita ang pag-upo. Umiiyak ang kaluluwa’t katawang lupa ko sa tuwing nagninilay. Minsan, isang Linggo ng umaga, habang nása isang zazen, may kumislap na diwa sa akin sa piniling pag-upo’t pagninilay sa silya, sa halip na pag-upo sa zabuton, o yaong matigas at pabilog na unan na nakapatong sa malambot na sapin sa sahig. Walang tigil ang ingay sa isip, kung saan-saan ako dinadalang mga alalahanin at kailangan gawin, habang sinisikap kong tupdin ang turo sa aming mga nagninilay sa zendo na ituring ang mga ito bílang dumaraang ulap. Langhap, buga. Langhap, buga. Wala akong nagawa. Ingay. Tápos, isang biglang katahimikan. Gumaan din bigla ang aking madalas na masakit na mga balikat. May dumakong pagkabatid, isang hindi ko kilaláng kaliwanagan. Sa kabatirang ito, parang may kung anong pagmamatigas, pagmamatuwid ang nabali, animo’y isang patpat, at umalingawngaw sa aking bungo ang malutong na malutong na halakhak, na hindi ko naman nadamang inuuyam ako. Tumatawa lámang, humahagalpak. Parang sinasabing suko na, suko na ako. Akala ko nga’y nababaliw na ako. May bumitaw sa akin—at hindi iyon ang katinuan, sa palagay ko. Marahil ang matinding kapit sa pinakaakmang praktika ng paghahanap ko sa kabatiran, sa mismong pagtitiis na umupo nang pagayon nang 25 minuto araw-araw, at kung Linggo, apat na beses nang gayong katagal din. Nagmumunakala lámang ako. May naging paliwanag doon ang aming sensei o guro, na parang gayon nga, ngunit hindi ko rin talaga naunawaan ang episodyong iyon ng pag-alingawngaw ng halakhak. Inaalaala ko iyon at iniisip na bakâ iyon din ang tugon sa aking pinakatanong: ano ba ang nangyayari sa atin ngayon? Hindi ko maintindihan, gaya marahil ng pagkalito ng marami sa atin. Ngunit, kailangan nga ba nating maintindihan? Hindi ko rin alam. Pero kung pagbabatayan ko ang aking sariling danas, maaaring may bumitaw din pagdating ng tamang panahon; maaari, ang ating kolektibong mithiin na mapatigil itong mga kahangalan; maaari ang kahangalan mismo, na hindi kakayanin ang ating mismong pananampalataya sa mga pinahahalagahan at pinakaiingatan; maaari rin ang sarili nating mga bait, hindi ko tiyak. Basta, magtiwala lámang na may bibitaw. Iniisip ko, bakâ ito talaga ang paraan ng pamumuhay sa panahon ng walang katiyakan—ang yakapin mismo ang walang-katiyakan, at isiping may katapusan din ang lahat, lumilipas, dumaraang parang ulap.
Matapos ng 17 taon at tatlong aklat (at kung ano-ano pang sulatín), ano kayâ ang maibabahagi ko sa inyong nag-abalá para samahan ako ngayong hapon? Hindi ko rin alam, gaya marahil ng mistulang pagngangá lámang ng tinanong sa isang koan o piraso ng matalinghagang aral sa Zen hinggil sa tunog ng pagpalakpak ng isang kamay lámang ang gamit. Ano nga ba ang tunog niyon? Isang hiwaga. Hindi ko alam. Hindi ko pa rin alam, sapagkat hindi pa nagtutuldok ang aking mga pangungusap, at tinitiyak ko sa inyo na susulat pa rin ako ng susulat, ng tula at sanaysay, at magtuturo ng panitikan, dahil ang mga ito lámang po ang alam at káyang gawin ng inyong abang lingkod. Ang mga ito lámang ang alam kong paraan upang bigyang-anyo ang mga pagninilay, upang magkaroon ng panghahawakang pananampalataya sa mga mahaba’t pusikit na gabing kapwa natin pinagdadaanan. Nagtataya ako, kahit inilalantad ang lalaging kakulangan ng Salita, ng kawalang-katatagan at kapanatagan ng logos. Nananalig ako, kahit may ilan nang tumatalikod sa mga pananampalatayang ito, sa iba’t ibang dahilan. Nananalig ako sapagkat iyon ang aking nakasanayang gawin—ang manalig. Nananalig ako dahil ang pananalig ay isang pagsasanay, isang walang katapusang aprendisahe o pagpapakatuto, isang buong búhay na pag-aaral hinggil sa búhay, na hindi naman táyo palagiang binibigyan ng kapanatagan. Noong nakaraang Linggo, ebanghelyo sa pasinaya ng Kuwaresma ang 40 araw na pananatili ni Jesus sa Ilang—isa sa pinakapaborito kong episodyo ng búhay ni Kristo, at siya ngang paksain ng aking unang dalawang aklat, na mga aklat ng tula. Ang episodyong iyon ay kasaysayan ng tukso, at kung papaanong napanagumpayan ng anak ng Diyos ang mga pagsubok na nagpain sa kaniya ng nakapananariwa sanang kapanatagan sa gitna ng katuyuan at kahungkagan ng lupain. Hinarap niya ang kaniyang mga anino at nakapagdalisay siya ng sarili, bago niya hinarap ang misyon ng pangangaral at pagbatá sa pasyon. Diyos si Kristo, at alam niya ang lahat; ngunit baon niya ang kontradiksiyon ng pagiging tao, kayâ nása ubod din ng kaniyang pagkatao ang kawalang-kaalaman, ang pagsuko sa niloloob ng Diyos, at mistulang maging isang nagtitiwalang musmos. Nilisan niya ang Ilang na batid na kailangan niyang ipaubaya ang lahat sa ama, at dumaan ang dapat dumaan sa kaniyang maikling buháy. “Ama,” wika pa niya na tigib ng hapis sa bundok ng mga olibo, sa Halamanan ng Getsemeni, habang hinihintay ang mapanugis at magkakanulong halik: “kung maaari’y ilayo mo sa akin ang kalis na ito. Gayunma’y hindi ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” Gumaba rin sa kaniya ang alinlangan, ang hindi niya alam, habang tinutulugan ng antuking alagad. Ang daan ng krus, ang via crucis, ang nagsilbing huling daan ng edukasyon ni Kristo, ang kaniyang pinakamahalagang bildungsroman. Isa iyong bildungsroman, isang edukasyon sa pagpapakataong may pagtanggap at pagkamálay sa kawalang-katiyakan. Sa huli, ang mga alagad naman ang dumaan sa bildungsroman hinggil sa pagpapakatapang, pagpapakatatag, at pananalig. Talagang napakahusay na halimbawa ni Kristo.
Huling kuwento na lámang: noong nakaraang Lunes ng Pagkabúhay, bumalik ako sa klase ko sa Poetry sa Ateneo na may báong ispiker. Ipatutugtog ko sana ang ipababásang liriko ng “Morning Has Broken” ni Cat Stevens. Tamang-tamang talinghaga para sa umagang iyon pagbalik mula sa mahabang bakasyon; talinghaga rin siyempre para sa nagdaang pagdiriwang sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. Habang sinisimulan namin ang pakikinig, biglang umugong ang sirena sa aming kampus at umalingawngaw ang anunsiyong noong una’y hindi namin naintindihan. Mahaba ang anunsiyo na nagsasabing maghanda raw kami sa paglikas. Nása koro na si Cat Stevens nang maunawaan namin na may seryosong sitwasyong hinaharap ang unibersidad. Nabalitaan naman po siguro ninyo ang madalas na pagtanggap ng Ateneo ng mga “bomb threat,” kayâ hayun, kahit gitla at takót at nagsisimula nang magsitawag-magsitext ang mga mag-aaral sa mga magulang, tahimik at panatag kaming lumabas sa mga silid upang magtipon sa mga pook kung saan dapat lumikas. Medyo sanay na kami, bukod sa pinagsasanayan talaga ang mga emerhensiya sa Katipunan ngayon (tandaang may bahagi po ng pamantasan na dinaraanan ng Marikina Valley Fault). Matagal-tagal din ang itinayo namin sa initan bago nalamang may bomb threat nga. Sa gitna ng pagtitsismisan ng mag-aaral, pagtiyak na kompleto ang mga kasapi ng aming klase, at pakikipagdaop-palad sa mga kaguro, bigla’y parang naulinig kong muli ang pinatahimik ko na’t ipinasok sa bag na si Cat Stevens, at ang kaniyang praise for the singing, praise for the morning, praise for the springing fresh from the world. Kaylaking parikala, bukod sa parang wala namang nakaka-fresh sa mabilad sa araw. Papaano nga kayâ kung sumambulat na lámang ang lahat noong umagang iyon, at gaya nga ng tangka sa text na natanggap ng aming mga administrador, dumanak ang dugo? Ano pang magiging kapuri-puri? Walang natagpuang bomba sa pagsuyod sa unibersidad, awa ng Diyos, bagaman nang mga sumunod na araw, nasanay na kaming dinadalaw-dalaw ng K-9 na nagpapanatili ng aming kaligtasan. Ngunit paano nga kayâ? Kung nagkaganoon, bakâ isinusumpa ko na si Cat Stevens; o marahil, hindi rin naman ako makabibigkas pa ng sumpa dahil kasama ako sa sumambulat. Bumalik kami sa klase kinabukasan at pinakinggang muli si Cat Stevens nang mistulang may bagyong pagkabatid sa búhay. May bago pang umagang sumapit sa aming lahat! Kayâ may saysay pa ang papuri, lalo na ang mga linyang ito: Praise with elation, praise every morning; God’s re-creation of the new day. Wala talagang nakaaalam. Walang nakaaalam ng panahon. Ang tanging maaasahan sa una’t huli ay ang katiyakan na muling nililikha ang mga bagay, na lalaging may umagang sisikat. Sa tanyag na tula ng Heswitang Gerard Manley Hopkins, namumugad ang Espiritu Santo sa anyo ng kalapati, at nakabantay, nakaantabay sa isang “bent/world,” sa isang daigdig na wasak, buktot, at gastado, na kahit ang pangungusap at taludtod ay ipinakikitang balî. Hindi natin alam ang panahon, lalo pa ang búkas. Marami táyong hindi alam, at mabuti na ring kabatiran iyon, marahil. Pumapagaspas ang kalapati sa katiyakang pinagpapanibago ng Diyos ang lahat. Sa panahon ng walang katiyakan, nakasusumpong ako sa tula, sa sanaysay, at sa panitikan sa pangkabuuan, na may nagpapagalaw pa rin ng lahat, may primum movens o prime mover pa rin, sang-ayon nga kay Santo Tomás de Aquino, at ang dakilang dunong na ito ang nag-adya na madala táyo sa panahong ito, hindi lámang upang madalâ sa ating mga pagkukulang, kundi marahil upang sumibol ang mga bago’t higit na kapaki-pakinabang na mga kabatiran.
Sa huli, nais kong ibahagi itong pagunita hinggil sa panahon ng lahat. Ang haring si Kohelet/qōheleṯ, ay nakahango ng mga sarili niyang kabatiran at naikalat itong mga ito bílang ang aklat ng Ecclesiastes. Ano nga ba ang sinasabi niya roon? Pana-panahon ang pagkakataon. Narito ang aking muling pagsasatula na halaw mula sa King James Version, na inihahayin kong pangawakas, bílang pasasalamat sa inyong pakikibahagi, at bílang abo-sa-noong pagunita na rin hinggil sa kalikasan ng ating búhay at pagkatao:
ECCLESIASTES, KABANATA 3
Sa bawat bagay, may panahon, may oras sa bawat hangarin sa ilalim ng araw:
Panahon para maipanganak, at panahon para mamatay; panahon para magtanim, at panahon upang hanguin ang ano mang itinanim;
Panahon para pumaslang, at pahanon para maghilom; panahon para sa pagwasak, at panahon para sa pagbuo;
Panahon para lumuha, at panahon para humalakhak; panahon para manangis, at panahon para sumayaw;
Panahon para iwaksi ang mga bato, at panahon para tipunin ang mga bato; panahon para yumakap, at panahon para talikdan ang pagyakap;
Panahon para magkamit, at panahon para makapagwaglit; panahon para manatili, at panahon para magliwaliw;
Panahon para gumiyagis, at panahon para mag-ayos; panahon para manatiling tahimik, at panahon para magsalita;
Panahon para umibig, at panahon para mamuhi; panahon para sa digma, at panahon para sa kapayapaan;
Ano ba ang pakinabang ng siyang nagsumikap sa kaniyang pagbabanat-buto?
Nakita ko ang hámon na inihanda ng Diyos para pagdaanan ng kaniyang mga anak.
Ginawa niyang maganda ang lahat ng bagay, sa kaniyang panahon; at inilagak niya ang daigdig sa puso ng mga nilalang upang hangaan nila ang kaniyang gawa mulang simula.
Walang ibang makabubuti sa kanila liban sa sila’y magpuri at mamuhay nang matuwid.
At, bawat tao’y kailangang kumain at uminom, at malugod para sa lahat ng kaniyang pinagsumikapan; biyaya ito ng Diyos.
Batid kong ano man ang gawin ng Diyos, ito’y walang hanggan; walang makadaragdag o makababawas dito; at ginawa ito ng Diyos upang magkaroon ng tákot sa kaniya ang tao.
Ano man ang nangyayari ay ang kasalukuyan; at ang makakamit pa lámang ay magaganap pa lámang sa hinaharap; ano mang inadya ng Diyos ay nása pangnagdaan.
Bukod pa rito, nakita ko sa ilalim ng araw, sa lunan ng paghuhukom, na naroroon ang pagkabalakyot; sa lugar ng katuwiran, ang katampalasanan.
Sa aking puso, huhusgahan ng Diyos ang matuwid at balakyot: sapagkat may panahon doon para sa lahat ng mithi at bawat gawa.
Lahat ay nagtatapos sa isang lunan; lahat ay alabok, at magbabalik sa alabok.