Mga Istorya’t Histerya at ang Pagrereyna ng mga ‘Dahaserye’ sa 2017


Ang táong 2017 ay taon ng dahas para sa mga teleserye. At marahil, hindi na ito pagtatakhan. Kung nakakasangkapan nga ang mga dramang de-serye bílang pantulong sa pagbalangkas sa ating realidad, sa táong 2017, isang taon matapos mahalal si Rodrigo Roa Duterte, kinailangan nating lahat marahil na unawain ang umiiral na poot na naghahati-hati sa bayan, pati na rin ang malaganap na maliliit at malalaking karahasang araw-araw na kinakaharap. Nagpapatuloy ang giyera sa droga na di lang iilang libo na ang pinatumbang karamihan ay mahihirap at nása laylayan; at, nakubkob ng mga maka-teroristang pangkat ang maringal na Islamikong Lungsod ng Marawi, Lanao del Sur, at dinurog ito. Walang kapayapaan ang táong 2017, tigib ng bagabag, kayâ marahil, wala ring kapayapaan sa mga teleseryeng tinangkilik sa araw at gabi.

Kinailangang ipahayag sa pamamagitan ng mga istorya’t histerya ang gálit ng isang bansang hati-hati na’y pinamumuhay pa sa laksang panlilinlang at patuloy na pagkakasadlak sa mga namamayaning mapang-aping sistema ng lipunan. Kinailangang magkaroon ng sityo kung saan makahuhulagpos, at ang larang ng imahinasyong dulot ng mga teleserye bílang kulturang popular ang naghandog nito sa mamamayang unti-unting gumigising sa katotohanang nakapaghalal sila ng isang halimaw na sumasamba sa poon ng rehimeng nagdulot ng pinakamadilim na panahon sa ating kontemporaneong kasaysayan. May di iilang nagisíng na sa pagdatal ng bagong panahon ng dilim sa panunungkulan ni Duterte, lalo nang ipataw ang pagpapatupad ng Batas Militar sa Mindanao dahil sa pagkakakubkob ng Marawi. Nagbibilang na lámang ba táyo ng mga araw?

Kung mahihiwatigan lámang sana ng laksang mamamayan ang ibig sabihin ng ngitngit ng mga karakter sa mga natatanging serye ng taon, bakâ mapatunayan na nga ang malaon ko nang hinala sa pinakamalaganap ngayong teksto at produkto ng kulturang popular: na ito talaga’y isang rebolusyonaryong panoorin na di lámang sumasalamin kundi kumakatawan talaga sa ating panahon. May kakayahan itong balangkasin, hindi lámang ang realidad, bagkus ang mga pangangailangang aksiyon mula sa mga tagapanood, lalo’t kung igigiit na sila’y may ahensiya’t may kakayahang kumilos at makapagpasiya.

Hindi naman marahil kailangang tugunin din ng dahas ang dahas, bagaman nauunawaan kong may pipili sa ganitong opsiyon. Malápit na ang halalan, at kung isasaalang-alang natin ang ating lubhang pagkabigo, na madali ring naikukubli gámit ang sari-saring spin o creative interpretation, bukod pa sa bayaráng fake news, bakâ may magawa táyo upang mabago ang lahat sa pamamagitan ng ating balota [HUWAG BUMOTO NG MGA KONSINTIDOR!]. Sa mga halalan sa teleserye, madalas na nagwawagi ang mabuti, tinutugis man ng dahas ng tiwali ang makatwiran. Ipinahihiwatig na sa atin ng mga teleserye ang nararapat na disposisyong hinihingi ng ating panahon, subalit wari’y hindi pa natin nalalagpasan ang mangha sa ispektakulo ng dahas. Naaliw lámang ang marami sa atin.

Ang Wildflower at Ika-6 na Utos bílang Mga Teleserye ng Taon

GOLD IS IN. Ang pagbabalik ni Ivy Aguas bílang Lily Cruz (Larawan mula sa ABS-CBN News.com.)

Sa ganitong balangkas ng pagbása, kapwa nangunguna sa aking talaan ngayong taon ang Wildflower (ABS-CBN) at Ika-6 na Utos (GMA). Ang una’y kuwento ng isang babaeng maagang nakaranas ng pandarahas at pagkakawalay sa kaniyang pamilya, at nagbalik sa kathambayan na Ardiente upang gantihan ang pamilyang Ardiente [masdan ang lubhang pagkanarsisistiko ng mga antagonista] na nagdulot sa kaniya ng matititinding sákit sa búhay. Ang ikalawa naman ay istorya ng isang babaeng naagawan ng asawa dahil sa kaniyang masasabing pagkalosyang at pagbigat ng timbang. Kung tititigan ang mga saligan ng salaysay ng mga ito, malinaw ang pandarahas sa pigura ng babae bílang pigurang marhinal, naisasantabi, naipapapatay pa nga [sa kaso ng una], o napapalitan [sa kaso ng ikalawa]. Papaano tumutugon ang mga kababaihang nabanggit?

Si Ivy Aguas, na di naglaon ay umaming ang siyang nawawalang karakter na si Lily Cruz sa Wildflower (Maja Salvador), lumalaging nása moda ng femme fatale–may guns, goons, at gold, at bagaman napaliligiran ng tatlong matitipunong lalaki na pawang may lunggati sa kaniya [ngunit nagmimistulang mga obheto lámang ng lunggati para sa manonood, lalo na sa “queer gaze”], ay nakalalábang mag-isa, ilibing man ng buháy. Isa siyang literal na masamang damo na matagal mamatay. Dahil politikal na pamilya ang kaniyang kalaban, kinailangan niyang maging tuso sa pakikipagsabayan. Sa isang halalan sa bayan ng Ardiente kung saan naging halos tagapagtanggol siya ng pulutong ng mga nása laylayan, matalino niyang pinasok ang kuta ng kalaban upang maging wari’y anay na ngangasab sa mga tindígan. Tinapatan niya ang pagkatuso ng mga Ardiente, at bumangon sa literal na paglilibing sa kaniya nang buháy. Kinapanabikan ang kaniyang pagbabalik sa isang piging kung saan naghunos siyang nakagintong gown, isang kontrapunto sa kinamanghaan at pinag-usapang itim niyang trahe de boda, sa pagpapakasal sa nag-iisang anak na laláking Ardiente.

TRIANGULO. Sina Emma (Dizon), Rome (Concepcion), at Georgia (Cenon). (Larawan mula sa Pinoyflix.org.)

Samantala, higit na pisikalan naman ang dahas sa panig ng bidang si Emma (Sunshine Dizon) sa ikalawa. Kailangan niyang igiit ang kaniyang pagiging asawa kay Rome (Gabby Concepcion), na inaagaw ni Georgia (Ryza Cenon). Tipikal na walang-hiyang mang-aagaw si Georgia, subalit nagawa niya ang napakaraming pagpapahirap sa loob ni Emma, tulad ng pagpatay sa unang anak nito at pagnanakaw sa ikalawang anak. Alin pa bang sitwasyon ang mas lulubha sa babaeng hindi na yata liligaya? Ngunit, gaya nga ng alam natin, hindi na uso ang nguyngoy na inaapi.

Naging pangunahing katangiang kinapanabikan sa seryeng ito, na umaabot ang pag-eeyre hanggang araw ng Sabado, ang laksang paghaharap nina Emma at Georgia na palagiang nauuwi sa matinding sakítan, na kailangang langkapan ng props batay sa tagpuan. Kung sa isang seafood restaurant, mga alimango’t lobster ang maipambabato; kung sa parke, ang lahat ng tindang balut ng mga tindero. Nagiging komiko, sa hulí, ang mga labanán, bagay na naglalapat dito ng isang maparikalang hagod. May hilig din sa paglilibing ang seryeng ito, at wari’y dalawang beses na mahuhulog si Georgia sa isang hukay sa memorial park sa pakikipagsampalan kay Emma. Kung sintoma ang libingan sa serye ng kung ano man sa lipunan, sino ba ang gustong ipalibing ng mga Filipino? Sino naman ang nais ipahukay?

Labanáng Masamâ at Mabuti sa The Better Half, Haplos

Ang Wildflower at Ika-6 na Utos ay mga seryeng panghapon, bagay na interesante sapagkat, sa ganang akin, higit na tinutunghan ng mga ito ang mas maraming manonood na “masa” na nananatili sa mga tahanan o ginagawang ugong ang serye sa maghapong paghahanapbuhay. Higit na pang-gitnang uri ang tinutunghan ng mga serye sa primetime [mga gáling sa eskuwela at opisina], at higit na sumusunod ang mga ito sa dikta at layaw ng mga kasapi ng uri na ito na may kapangyarihang gumasta. Dahil dito, nagiging masyadong limitado, sa tingin ko, ang mga materyal na naihahayin–kundi man may love team [sa daigdig ng realidad o pantasya] na maraming tagasunod [at ibig pang makialam sa kung ilang ulit lalabas ang kanilang mga hinahangaan sa bawat episodyo] ay mga Koreanovelang may mga tanyag at hinahangaang aktor ang mapapanood. Bumalik na yata ang pagrereyna ng mga serye sa hápon, ang malaon nitong pook sa kasaysayan ng telebisyong Filipino.

AGAWAN. Ang apat na bida ng The Better Half: De Vera bílang Rafael, Magdayao bílang Camille, Aquino bílang Marco, at Laurel bílang Bianca. (Mula sa LionheartTV.net)

Ngayong taon, higit na nakalikha sa timeslot na ito ng mga higit na kapana-panabik na konsepto, tulad ng The Better Half (ABS-CBN), na agawán man ng asawa’y nagsikap papagbaguhin ang nakamihasnan sa materyal sa pamamagitan ng pagtatanghal ng sikolohiya ng kabaliwan. Kabaliwan nang maituturing ang premise na makikiapid ang bidang babae na si Camille (Shaina Magdayao) sa asawa niyang si Marco (Carlo Aquino). Subalit alin pa ba ang mas babaliw sa mga pakana ng pandarahas ng kaagaw niyang si Bianca (Denise Laurel) at sa paghila rin sa kaniya’t pagpapakonsiyensiya ng laláking nanatili sa kaniyang tabi sa gitna ng pangungulila, si Rafael (JC De Vera). Natapos na trahiko ang The Better Half, na sa tingin ko’y hindi gaanong kagigiliwan kung sa primetime inihapag. Tulad ng dalawang nauna [at nanguna], punô rin ng histerya at pandarahas ang The Better Half; inabangan dito ang karakter ni Laurel dahil sa rubdob at kahusayang pumapantay sa kasamaan ng Georgia ni Cenon.

Title Card ng Haplos. (Mula sa Wikipedia)

Isa pang agawán sa lalaki ang dapat na banggitin, kung saan naman ang dahas ay nagaganap sa mahiwaga’t metapisikal na nibel, ang Haplos (GMA). Ito, sa tingin ko, ang pinakaorihinal na konsepto sa lahat ngayong taon, kung saan pinagsasabong ang dalawang magkapatid sa ama, ang mabuting loob na si Angela (Sanya Lopez) at ang nagngingitngit sa inggit na si Lucille (Thea Antonio). Kapwa sila nakapagmana mula sa kanilang lolang si Biring (Celia Rodriguez) ng kapangyarihang maaaring magamit sa pagpapagaling. Gagamitin nila ang kanilang angking kapangyarihan sa hilahang magaganap, lalo pa’t iibig sila sa isang lalaki, si Gerald (Rocco Nacino). Ang dahas ay higit na mararanasan ni Angela, lalo pa’t gagawin ni Lucille ang lahat, di lámang upang magapi ang kaniyang kapatid sa larang ng pambabarang at panggagayuma, kundi upang magantihan din ang amang si Renato (Emilio Garcia) na tumalikod sa kaniya. Sa mga agawang nabanggit matutunghayan ang palagiang marahas na paghihilahan ng mabuti at masama, na sa lente ng teleserye at ng katangiang melodramatiko nito, ay lalaging nangangailangan ng resolusyon. Sa huli, kailangang mangibabaw ang mabuti. Mapapatawan ng poetikong hustisya si Bianca at mapapaslang sa pinakahuling paghaharap. Nagpapatuloy naman ang tagisan nina Angela at Lucille, at tiyak namang sa hulí, lalo sa nibel na mabathala, liwanag ang gagapi sa dilim.

Paghahanap ng Katarungan sa Legally Blind, The Good Son, at Super Ma’am

ULIRAN. Si Rivera bílang si Minerva aka Super Ma’am. (Mula sa It’s Me, Gracee Blog).

Sa panahon ng dahas, kailangan ang ganitong mga pananalig sa pag-asa, at hindi nagkukulang ang teleserye sa pagpapagitaw nito. Sa isa pang mahusay na serye sa hápon, ang Legally Blind (GMA), waring isinasakatawan ng bidang si Grace (Janine Gutierrez) ang pagiging bulag ng katarungan, makatwiran at walang kinikilingan. Metapora siya ng pigurang ito sa kaniyang kadustaan: habang siya’y nagsisikap kumuha ng abogasiya, magiging biktima siya ng panggagahasa matapos makainom sa bar ng inuming may halong pampatulog. Ang matinding trauma ng panggagahasa ang magiging dahilan ng kaniyang pagkabulag. Manlulumo siya sa kaniyang sinapit, bagaman babangon muli upang ipagpatuloy ang búhay at ang pag-aabogado. Sa kaniyang pagpapatuloy, matutugis niya ang salarin sa pagyurak sa kaniyang dangal, ang may-ari ng bar na si William (Marc Abaya), at makatatagpo din ng bagong pag-ibig kay Edward (Mikael Daez).

Sa primetime naman mapapanood pa rin ang The Good Son (ABS-CBN), na kuwento ng dalawang pamilya ng isang lalaki, si Victor (Albert Martinez), na mapapaslang sa bungad ng kuwento. Maging palaisipan ang dahilan ng at salarin sa kaniyang pagkamatay, bagay na magdudulot ng hidwaan sa pagitan ng dalawang babaeng kaniyang inibig, ang mayamang si Olivia (Eula Valdez) at ang gitnang uri na si Mylene (Raquel Reyes). Magiging dahilan din ito ng salpukan sa dalawa niyang panganay na sina Enzo (Jerome Ponce) [kay Olivia] at Jopet (Joshua Garcia) [kay Mylene]. Masigalot ang kuwento’t magsasangkot sa bawat pamilya bílang posibleng may pakana sa kamatayan. Subalit nagpapatuloy ang paghahanap ng katarungan para sa dahas na sinapit ng kapwa panig.

Pinakarurok ng pahiwatig sa paghahanap sa katarungan, para sa akin, ang primetime na pantaseryeng Super Ma’am (GMA), na pinagbibidahan ni Marian Rivera, sa papel na Minerva, ang lampang guro na mabibigyang-pagkakataong maging tagapagligtas ng mga kabataang dinudukot ng mga mahiwagang “tamawo.” Itataas niya ang kabayanihan ng guro bílang tahahubog ng kaisipan ng kabataan, at kakaharapin niya ang ilan pang mahihiwagang kalaban gámit ang kaniyang sandatang buntot-pagi. Kapuri-puri ang Super Ma’am di lámang sa pagtatampok sa pigura ng aping gurong Filipino [api sa trabaho, api sa K-12, api sa dami ng loan], kundi pati na rin sa paglalahok ng mitolohiyang Filipino sa isang kontemporaneong kuwento. Bagaman sa kasawiampalad, kailangan pa rin ng isang pigura ng bayani upang makapagpagitaw ng posibilidad ng pag-asa [ano nga ba ang sabi ni Brecht hinggil dito?], naipapamalas ng superhero na si Super Ma’am na may kapangyarihan nga ang nása laylayan [ang guro, ang lampa] na humulagpos mula sa mga puwersang mapaniil at mapagtakda. Kailangan lámang dalisayin ang loob at pagbukalan ng bait ang kakanyahang arál sa kultura’t kasaysayan. Dinarahas man sa literal o matalinghagang paraan, makakamit ang katarungan, isa man itong mahabang sapalaran tulad ng sa isang teleserye. Pangunahing halimbawa sa kakayahan at pagpupunyaging ito ang mga karakter nina Grace, Mylene, at Minerva.

Iba Pang Natatanging Serye: My Korean Jagiya, The Promise of Forever, A Love to Last, at Impostora

ROMANSA PA RIN. Ang “Andeng” Loveteam ng A Love To Last. (Mula sa Pinoy Showbiz Daily Blog)

Ginamit ko lámang sa mga pagbásang ito ang dahas bílang balangkas na pantulong sa pag-unawa sa mga serye ngayon taon, subalit may apat pang seryeng hindi man maiuuri sa ganitong tematikong konsiderasyon ay nararapat na banggitin dahil sa bait ng konsepto. Una na rito ang teleserye sa primetime na My Korean Jagiya (GMA). Kuwento ito ng isang dalagang kinatatakutang di na makapag-aasawa ng kaniyang sambahayan, si Gia (Heart Evangelista). Humalíng o adik si Gia sa Koreanovela, at fan din ng isang dáting superstar sa South Korea, si Jun Ho (Alexander Lee). Magkakaroon siya ng pagkakataong makapag-aral sa Seoul, South Korea, at inisip niyang pagkakataon na rin ito upang matunton ang hinahangaan. Subalit walang mangyayari sa kaniyang pagsusumikap at babalik siyang luhaan sa Maynila, kung saan pala talagang magkukrus ang kanilang landas. Isang gabi, ililigtas niya ang isang lasing at bugbog saradong Koreano, at matutuklasang si Jun Ho pala. Dito magsisimula at magpapatuloy ang kanilang romanse. Magiging natatangi ang serye, hindi lámang sa pagtatampok ng sikát na Koreanovela tourist spots sa Korea, kundi pati na rin sa matalino at metapiksiyonal na pakana nitong nagsusuri sa praktika ng Koreanovela fandom na malaganap pa rin sa bansa.

Ikalawa ang The Promise of Forever (ABS-CBN), isa pang panghapong pantaserye na nagtatampok sa karakter na si Lorenzo (Paulo Avelino). Isinumpang maging inmortal ang bida. Malaon na niyang tinalikdan ang pag-ibig bílang posibilidad ng kaniyang búhay, hanggang sa makaengkuwentro si Sophia (Ritz Azul), na una niyang nakilala bílang isang bata. Sa hulí, pipiliin ni Lorenzo ang maging mortal upang matupad ang kaniyang pangako ng pag-ibig.

Sa larang naman ng romanse at melodrama, dapat ding banggitin ang patok sa primetime na A Love to Last (ABS-CBN). Kuwento naman ito ni Andeng (Bea Alonzo), na iibig sa isang laláking may mga anak at legal na hiwalay sa asawa, si Anton (Ian Veneracion). Kakabakahin ng dalawa ang kanilang pag-ibig dahil sa pagtutol ng kanilang mga partido sa namumuo nilang ugnayan. Subalit maghahari ang pag-ibig at magkakatuluyan ang dalawa. Makukuha ni Andeng ang loob ng mga anak ni Anton, at makokombinse naman ni Anton ang konserbatibong partido ni Andeng sa kalinisan ng intensiyon, at kakayahang magpanatili ng isang relasyon. Magiging malaking hadlang lámang sa tuluyang pagligaya ng dalawa ang pakikisawsaw sa kuwento ng dáting asawa ni Anton na si Grace (Iza Calzado). Sa muling pagpapakasal ng asawa, mararamdaman niyang mahal pa rin niya ito, at lalamunin siya ng kaniyang ngitngit. Magpapakana siyang sirain ang ugnayan ng dalawa upang makuhang muli si Anton, sa kunwang mithi na mabuong muli ang kaniyang pamilya. Subalit makapangingibabaw ang pag-ibig ng dalawa, at matututuhan ni Grace na tanggapin ang kaniyang kasalukuyang lugar sa búhay ng kaniyang pamilya.

Hulí kong babanggitin ang Impostora (GMA), na salin mula sa kuwentong komiks at pelikula na “Sa Isang Sulok ng mga Pangarap.” Kakaibang kuwento ito ng dalawang babaeng may iisang mukha, sina Nimfa at Rosette (Kris Bernal). Sa pagmimithing matakasan ang kahirapan at ang pangungutya sa pangit na mukha, pumayag si Nimfa na magparetoke, na gagaya naman sa mukha ni Rosette, na layon namang takasan ang kaniyang walang-kaligayahang búhay-asawa. Magiging sanhi ng ibayong hidwaan ang pagkukrus ng landas ng dalawa, lalo pa’t iibig si Nimfa sa asawang noong una’y ibig takasan ni Rosette, si Homer (Rafael Rosell). Personal kong nábasa ang “Sa Isang Sulok ng mga Pangarap,” at noon pa man, humahanga na ako sa mapagsapantaha nitong bisyon. Natuwa ako sa pagkakasalin nito sa anyo ng serye.

Ilan Pang Pagninilay sa Teleserye sa Panahon ng Dahas at ang mga Kapuri-puring Pagganap

Sa panahon ng dahas, at unti-unting paggapang ng dilim, na maaari pa namang masawata ng pagkamulat ng lahat, naging tampok na katangian ng mga seryeng nabanggit ang malaon ko nang sinasabi na “kontemporanidad” o pagkangangayunin. Sa katangiang ito makikita ang kakahayan ng mga serye na sumabay sa mga kasalukuyang realidad ng manonood, sa pamamagitan ng alusyon o direktang pagbabanggit sa mga ito sa banghay ng kuwento. Tinutupad ito hindi lámang upang umagapay sa masagitsit na pang-araw-araw na búhay ng manonood; ginagawa rin ito upang lalong maging kontemporanyo o ngangayunin nga ang katha, sa pamamagitan ng pagpapatalik sa ugnay nito sa parehong búhay, sabihin mang ilusoryo ito. Nagiging plataporma ng pagninilay sa pag-iral ito, kung gayon, na lalong nagpapatalim sa pagdama at kamalayan ng manonood, at tumataliwas sa nakamihasnang pagturing sa panonood ng dramang de-serye bílang pagtakas lámang mula sa mabibigat na realidad.

Isa itong matalinong katangian na hindi gaaanong napagtutuunan ng pansin, lalo’t patuloy na iniismiran ang teleserye bílang gasgas na asemblea ng drama at salaysay. Hindi kasi itinatanong kung ano bang mga realidad ang pinaghuhugutan ng serye. Hindi tinititigan kung ano ang mga kalakarang inilalantad at ibinubunyag. May mga sinasabi kasi itong dapat tunghan. Kailangan lámang talagang matutuhang lagpasan ang paghahanggahan ng aliw. Nasabi ko nang nakakasangkapan ang ganitong katangian sa pagbabanghay ng manonood sa kaniyang realidad, lalo pa’t sangkot siya sa mediyasyon ng telebisyon at ng lalo pang lumalakas, lumalaganap na social media.

Kung sinasabi ni Shakespeare noon na ang daigdig ay isa ngang entablado, at ang lahat ay pawang nagsisiganp ng kani-kanilang papel, masasabi naman ngayon, sa konteksto ng kulturang popular sa Filipinas, na ang daigdig ay isang dramang tumatakbo na hindi lámang tinutunghayan ng tao, bagkus, kinasasangkutan ang bawat aksiyon. Ang mabúhay sa realidad na Filipino–masigalot, marubdob, makulay–ay ang mismong drama ng ating búhay. At bílang mga nagsiganap, kapuri-puri, sa pagsasaalang-alang ng kaisipang ito, sina Salvador, Dizon, Gutierrez, Alonzo, at Bernal sa kanilang pagtatanghal ng mga birtud ng katwiran at kakayahang humulagpos sa mga hinarap [o hinaharap] na tunggalian. Naging mahusay na kontrapunto sa kanilang mga pigura ng birtud ng katwiran ang lubhang kabaligtarang kinatawan nina Aiko Melendez bílang Emilia Ardiente sa Wildflower, Cenon, at Antonio.

Nararapat lámang palakpakan lalo si Cenon, sa kaniyang papel bílang Georgia, na isang naglalakad at buháy na desesperasyong gagawin ang lahat upang maagaw ang mga nilulunggati. Sapitín man niya ang komikong bugbog sa kamay ng Emma ni Dizon o mabulid sa hukay sa isang memorial park sa kaniyang pakikipagsabunutan, niloob niya bílang aktres ang kalabisan ng kaniyang karakter. Kalabisan ang kailangang kamuhian, lalo sa lipunang Filipino, at lumilitaw ito sa iba’t ibang anyo tulad ng korupsiyon, kawalang-pagpapahalaga sa karapatang pantao, at orkestradong pagpapalimot sa madidilim na yugto ng kasaysayan. Dahil dito, masasabing isa sa matatagumpay na seryeng kumasangkapan sa camp sa loob ng mga nakalipas na taon ang Ika-6 na Utos. Pinanood ito ng masa subalit naghandog naman ng isang maparikalang komentaryo sa mga pagpupumiglas na kailangan nating gawin ngayong sinisiil táyo ng mga puwersa ng dilim. Sa ganang akin, tumatalab din ang ganitong pakana ng Wildflower, na sa pananaw ko’y higit na makinis na bersiyon ng pagpupumiglas na binabanggit. Kailangan nating lahat ang isa at ang isa pa, lalo ngayong humihingi ang pagkakataon ng mga mas malikhaing paraan ng paglaban sa mga kalabisan ng kasalukuyang rehimen.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: