
Para kay Jerry B. Grácio
I.
Tutal, desidido kayóng busalan ang mga pumupuna, lubos-lubusin ninyo na. Kasuhan ang mga gumagawa ng mga teleserye dahil parang ibig kayóng isahán araw-gabi. Nagkukuwento nga ng mga kagila-gilalas na sapalaran o pag-ibig na walang hanggan ay parang pinarurunggitan ang mga nangyayari sa kasalukuyang kahit anong orkestradong tanggi, tatwa, o pagtatakip ninyo’y kusang umaalingasaw. Parang mga bangkay na nangabubuwal sa gabi, may bálot ng masking teyp ang mukha at katawan, nasasabitan ng karatulang humahatol at nagbababala. Ipapanood ninyo sa mahal na pangulo si Lily Cruz tuwing hápon. Sa kaniyang daigdig, alay niya ang kaniyang búhay sa pagpapabagsak ng makapangyarihang politikal na pamilyang Ardiente na isinunod ang pangalan ng balwarteng bayan sa kanilang apelyido. Talagang kaytapang. Naaalaala ko tuloy ang kababaihang inyong sinusupil. Isa siyang masamâng damo, si Lily Cruz, kayâ mahirap mamatay. Pero sa ngayon, gulong ng palad niyang magapi ng mga Ardiente, iharap sa publiko bílang kontrabida, bugbog na parang Kristo, at may bintang ding pasabit sa kaniyang leeg. Kundi pa ninyo nalalaman, batas sa teleserye ang manatiling buháy ang bida. Makaaahon siya, tulad ng ginawa niyang pag-ahon sa hukay nang minsang ilibing nang buháy. Kayâ tagibang talaga ang timbangan sa panig na inyong kinabibilangan. Hinding-hindi nananalo ang mga tirano’t halang ang kaluluwa.
II.
Matagal na po akong nanonood ng teleserye, at kamakailan, sinubukan ko po itong pag-aralan. Ito ang ilan sa mga natuklasan kong bakâ kapulutan ninyo ng áral:
(1) Matagal nang humahango ang dramang de-serye sa mga pangyayaring panlipunan, at kagawian nito na papagsanibin ang mundo ng katha at ng manonood. Naaalaala ba ninyo ang mga drama sa radyo na kung bumabagyo ay sinasalanta rin ng unos ang mga tauhan? E ang mahabang-mahabang-mahabang pagdurusa nina Flordeluna at Anna Liza sa yugtong papabagsak na ang rehimen? Ang sabi ni Charo Santos Concio, ina ng teleserye, ang mga ito raw ay larawan ng “helpless mood of the times.” Ang kaso, bakâ di naman mahihiligin sa mga ito ang pangulo; bakâ masyadong nakakabakla ang mga ito para sa kaniya, at para sa inyo ring nagkukunwa-kunwarian. Sayang at bakâ hindi niya narinig man lámang ang kuwento ni Isabel, ang sugo ng birheng nagtatagalog nga ay makapal naman ang puntong Sinugbuanong Binisaya. Kababayan, ka-wika pa naman niya, at ng marami sa inyo ang dalagang iyong pinaghihimalaan ng Birheng Maria noong dekada 90 sa telebisyon. Ang áral lámang po siguro, para sa inyo, at sa dakilang lider, ay ito: materyal ng teleserye ang araw-araw. At, madalas, isinisingit ng mga prodyuser ang mga iniiwasang pag-usapan. Sadya o hindi, walang makatitiyak. Maaari lámang táyong magmunakala. Mahirap ding mabatid ang kanilang dahilan. Papaano na lámang kung itatakda na ninyo ang mga katanggap-tanggap na itanghal, gámit ang praseng “responsableng pamamahayag” na pílit isinisingit ng inyong mga alipores sa Kongreso sa Talâan ng mga Karapatan? Mailulusot po ang maraming ikinukubli sa teleserye nang hindi ninyo nalalaman! Marami pa naman sa inyo ang mapupurol ang utak. Bakâ hindi po ninyo agad magagap. Mabababaw pa naman ang iyong kaligayahan.
(2) Gaya ng nasabi, araw-araw na danas nga po ang teleserye, kahit patuloy na pinandidirihan ng mga edukadong lihim namang sumusubaybay. Dahil nga isa itong danas ng araw-araw, nakatutulong ito sa pagbalangkas ng mga pananaw-daigdig sa pangmalawakan, at ng mga personal na pananaw sa aspektong pang-indibidwal. Sa maikling salita, hindi lámang aliw ang inihahatid nito kundi paraan ng pagtingin at pag-unawa sa búhay. Halimbawa, napakalinaw pa naman ng kaibhan ng mabuti’t masamâ sa teleserye. Dalá iyan ng mga elemento ng melodrama, na nauunawaang lubos ng inyong mahal na poon nang bansagan niyang “drama” ang mala-Pietang eksena sa diyaryo ng isang babaeng kalong ang kaniyang asawang sinasabing “nanlaban.” Sa usaping moral, etika ang pinahahalagahan ng drama kung saan mahalaga ang dangal, bait, at katwiran. At, lalo na, katarungan. Sa pagitan ng mga bidang kontrabidang sina Amor Powers at Madame Claudia Buenavista, malinaw kung sino ang dapat panigan. Paulit-ulit iyang igigiit, tulad ng sinasabing mga gasgas na estropa ng mga de-seryeng drama; magsawa ka man, hindi ka lulubayan hangga’t hindi nagbabago ang kalakarang panlipunan. Pakibulong ho sa punòng ubod-dunong, mahirap kalabanin ang ganitong arawan at paulit-ulit na kalakaran ng salaysayan. Laging nakaabang ang matulaing hustisya. Babalikan at babalikan ng pagkakataon ang lahat ng nagkasala. Kahit pabahain ninyo ang pera upang lumaganap ang pagkamangmang sa pamamagitan ng huwad na balita sa social media, mananatiling magandang balita pa rin ang pananaig ng kabutihan sa telebisyon, mulang bayan ng Bagong Pag-asa sa May Búkas Pa ni Santino, hanggang sa mariringal na kaharian ng Encantadia. Araw-araw mang pagpasanin ng hírap ang mga tao, mananalig pa rin ang mga ito na walang walang hanggan. Matatapos din ang lahat, pati na ang mga kahangalan ng tunay na búhay. Iyan ang ebanghelyo ng teleserye.
(3) Kayâ mahirap iasa sa pagkakataon ang lahat. Kailangang makasiguro. Lalo pa’t bukod sa pagiging pang-araw-araw, isang malaganap na anyong pangkultura ang teleserye. May mga teleserye sa umaga, sa tanghali, at sa gabi. May teleserye rin online at offline. Isa na itong ganap na industriyang pangkultura na nagsisilbi sa laksang para sa ilang palaisip ay mga bulag na tagasunod ng pagkonsumo. Totoo naman, lalo’t kung tutunghan ang mas mahaba pang oras ng mga patalastas kaysa sa mga kuwento. Subalit may ahensiya ang manonood, at may birtud din naman ang teleserye na maaaring mag-udyok ng pagkilos tungo sa mga makatwira’t makatarungang adhikain. Kahit sa di-tuwirang paraan. Halimbawa na, ang pagsanayan ang pinakamalalalim at kolektibong luksa upang sa hulí’y maglungsad ng karampatang aksiyon, tulad nang pumanaw ang bidang si Julie Vega at hindi na nagawang tapusin ang kaniyang serye dahil sa pagkakasakit. Sinundan siya ng mga tao hanggang libing. Dalawang taon bago niyon, lumabas ang libo upang ihatid ang pinaslang na bayaning senador na arkinemesis ng butihing diktador na idolo ng inyong amo. 10 segundo lámang ang naibigay ditong airtime ng balitaan, sa tákot sa tirano. Ilang buwan matapos mailibing si Vega, lumabas na muli ang mga tao sa kalye upang isigaw ang tama na, sobra na, palitán na, at napadpad nga ng Hawai’i ang butihing idolong diktador ng inyong amo. Hindi ba parang nagsasanay nga ang mga tao noong mga panahong iyon upang sama-samang magluksa at kumilos? Maaaring pagtawanan ang aking ilustrasyon, ngunit tandaang lahat ng bagay ay nagsisimula sa haraya. Haraya ang unang larang ng teleserye. Kasunod lámang nito ang negosyo, ang “economic imperative” na tinatawag ni Robert Allen, ang pangunahing iskolar ng soap opera sa America.
Ibinadya na ni Reynaldo Ileto ang ganitong lohika sa kaniyang pagbása sa isa pang popular na teksto ng panghabampanahon, ang Pasyon. Matapang niya itong iniugnay sa ginawang paghahanda, pagdadalisay ng loob ng mga nakisangkot sa rebolusyon para sa kalayaan. Sa hulí, nag-uugnay-ugnay ang mga bagay-bagay, nagsasabanghay, wika nga, at nakatutulong sa pagbalangkas ng pag-unawa [at maaari rin, pagdama] ang idawit ang mga dramang de-serye ng panahon. Ngayon, nagluluksa ang buong bayan habang tinatanggalan ng piring ang katarungan, at bawat luhang pinababalong ng mga bida sa mga serye ay inihahandog sa lahat ng nananangis, na sa hulí’y inaasahang magkukusang kumilos upang makamit ang tagumpay o ikaliligtas. Ang bawat sampal, tadyak, at sabunot naman ay pagpupumiglas para sa lahat ng paninikil at paniniil. Hindi maaaring hindi lumaban, kahit hindi patas ang laban. Lahat ng mga Georgia ay may katapat na Emma. Lahat ng mga Ardiente, saan mang lupalop sila nagmumula, ay tatapatan at tatapatan ng mga Lily Cruz. Sasabog ang lahat na parang himagsikan. Maaanod ang mga nagsasatulos ng di mapipigilang daluyong. Lalaging may kapangyarihan ang mga mumuting lumot. Maaari silang pumulupot.
III.
Kayâ utang na loob, huwag nang lumingon-lingon pa’t tumitig sa iba. Huwag nang magpatumpik-tumpik. Ano ba naman iyang Rappler.com? Si Leila, wala na iyang magagawa, parangalan man siya ng buong daigdig sa kaniyang kamartiran sa piitan. Mauuna pa kayóng maasar sa hinahon nina Maria Leonor, Conchita, at Maria Lourdes, pustahan táyo. Lahat sila’y parang mga bida sa teleserye. Babangon at babangon upang durugin kayóng lahat. Unahin ninyo ang mga teleserye, ipakulong ang mga manunulat at kawani, ipasara ang mga estasyon, at idistiyero ang mga artistang hindi papanig at magkukuyom ng kamao sa hangin. Para naman makita na ninyo ang talagang hinahanap ninyo, at makita na rin namin ang hinahanap namin. Sa mga serye, walang lihim na hindi nabubunyag. Nahahanap at nahahanap din ang mga diary na naiwawaglit at naipapatong sa kung saang tokador. Awit pa nga sa Mara Clara: “Katotohana’y lilitaw.” Malalantad at malalantad din ang mga sinungaling at magnanakaw. Nagawa na iyan ni Ápo sa marahas sa Voltes Five, at pati raw sa parang lubhang mapulang mga dibuho sa komiks ni Coching, na nararapat likhaing teleserye. Gawin na rin ninyo nang umalsa na ang dapat umalsa.
Pebrero 1, 2018