Marami na ang nasabi at sinasabi pa sa pantaseryeng nakatakdang i-eyre búkas, ang Bagani. Sa social media, inakusahan ang palabas ng pagiging iresponsable dahil sa paggamit ng konsepto ng “bagani,” isang dalumat na katutubo, sampu ng iba pang punang mabubuod sa mga susing salitang tulad ng cultural misappropriation, bastardisasyon, kawalang-orihinalidad, atbp. Lalo pa itong lumalâ dahil sa maalab na pagtugon ng isa sa mga bida na sing-Filipino raw ng kaniyang pagka-Filipino ang produksiyon ng serye. Hindi umubra ang patunay niyang lubhang pagmamahal sa sinigang. Sa kabilâng banda, sa pananaw ng public relations, isa itong tagumpay na maituturing. Wala namang mabuti o masamâng publisidad. Nakalikha ng ingay ang palabas bago pa man umeyre. Mukhang magtatagumpay ito’t tatabo ng ratings.
Naiintindihan ko ang pinanggagalingan ng mga pumupuna, lalo sa panahong lubhang isinasantabi, at dinarahas pa nga, ang mga lumad. May pakiramdam ng ninakawan ang ilang sektor sa pagkakasalin ng konseptong “bagani,” sa isang panibagong kathang-daigdig na pinatatakbo ng kalakal at itinataguyod ng tangkilik at aliw. Noon at ngayon, nananatiling problema ang politika ng representasyon sa malawak na kulturang popular, at ang totoo, hindi na bago ang ganitong pamumuna. Kayâ sa simula, hindi ko na binalak magbigay ng dagdag na puna, kahit man pagtatanggol. Una, hindi pa naman umeeyre ang serye. Wala pa táyong dapat pag-usapan.
Ngunit para sa isang mag-aaral ng teleserye, isa itong sandali ng edukasyon, at nakita ko ang pangangailangang pataasin ang antas ng diskusyon. May isang interesanteng pamumunang lumitaw kahapon na sintomatiko sa maraming bagay na nagpapaliwanag hinggil—at muli at muling naglalantad—sa tingin natin hinggil sa teleserye, at sa kulturang popular sa pangkalahatan. Isa itong pagpapalagay na mababa, dahil wika ngang minsan ni Soledad S. Reyes, ang mga tulad nitong kulturang popular ay malaong kinikilala na “bakya, baduy, at basura.” Tinutukoy ko rito ang liham-reklamong may petsang Marso 2, 2018, na ipinadala ni Komisyoner Ronald L. Adamat ng Komisyon ng Mas Mataas na Edukasyon sa pangulo ng ABS-CBN na si Karlo Katigbak.
Bílang “leader and former member of the House of Representatives representing the Indigenous Peoples,” lumiham siya sa punò ng network upang humingi ng “immediate clarification and explanation…as to how and why the term “Bagani”…ended up being used in a teleserye that I suspect is devoid of real meaning and substance.” Mabigat ang kaniyang hinihiling sa network sa mga hulíng pangungusap ng liham: “Further, as CHED Commissioner, I cannot tolerate the public showing of the said teleserye as long as ABS-CBN would not revise the format and concept in order to render “Bagani” to become as educational as it can be, and make the same as historically-accurate and culturally-correct presentation of what the real “Bagani” is from the IP perspective.”
Matitindi ang paratang ng mabuting komisyoner. Talagang parang nakagawa ng isang malaking krimen ang mga prodyuser. Sabi pa niya: “It is not enough for writers and producers of movies and teleserye to come up with concepts, titles, and characters that would sell and create blockbusters yet carry with them half-truths and lies that destroy and negate the real essence of an IP terminology, as in the case of “Bagani,” and instead bring injustice to the 14 million IPs.” “Half-truth” at “lies” agad, wala pa mang seryeng sinusundan.
Mahalagang teksto ang liham na ito para sa akin sapagkat patunay ito ng dalawang bagay: (1) sa kabila ng pagkamalay sa sari-saring anyo ng pagsasalaysay na nailako ng global na panitikan at kulturang popular [tulad ng mga pamamaraang ispekulatibo at magic realism], nananatili táyong makiling sa realismo [at marahil, dahil na rin kay José Rizal, sa sosyorealismo] bílang pangunahing moda ng representasyon sa naratibo; at (2) dahil nga rito, at sa kabila ng patuloy na pagrubdob ng mga banggaan ng pananaw sa teorya, hindi pa rin natin mabaklas ang binubukbok nang halagahang mataas na sining/panitikan-mababang sining/panitikan.
Malinaw ang una sa mga katagang kasisipi natin, kayâ ang pinoporoblema ay ang pagkamakatotohanan ng serye, at ang sinasabi ko nga kaninang politika ng representasyon. Inaakusahan ang serye na nagpapawala ng “half-truth” at “lies” at wumawasak sa “real essence of an IP terminology.” Ito ay sa kabila ng katotohanang ang napanonood pa lámang naman ng marami ay ang trailer ng teleserye. Hindi ko alam kung papaanong agad na nahinuha ito ni Kom. Adamat. Ngunit kung pagbabatayan ang kaniyang teksto at konteksto ng mga usapin, isa lámang itong mainiping pamumuna. Susing salita ang salitang “suspect,” at kung magiging empiriko táyo ay hindi talaga makatatayo ang kaniyang argumento. Hindi naman lahat ng suspetsa ay napatutunayan.
Bagaman totoo, bílang “leader and former member of the House of Representatives representing the Indigenous Peoples,” may karapatan at tungkulin siyang igiit na ang “bagani” ay hindi lámang isang “bayani with magical powers,” gaya ng masagwang pagkakalarawan dito ng bida ng serye. Datapwa may hanggahan ang pagtuligsa, sa tingin ko, sapagkat hindi lámang naman ito usapin ng representasyon, kundi isyu rin ng pakikipagpingkian dito ng malikhaing interbensiyon sa panig ng mga prodyuser, na batay sa mga patikim ay mukhang wala naman talagang balak pasukin/ipasok ang representasyon ng katutubo sa palabas, kahit ang pagtatanghal ng isang mahiwagang drama “from the IP perspective.” Labag sa mga protokol ng pagbása ang labis na pagbása (overreading); mas lalong labag ang paglalapat ng pagbásang, sabi nga, wala sa teksto ang makapagpapatunay. Sa kasawiampalad, kaso talaga ito ng overreading at overreaction.
Ang paghahanap sa “truth” at pagpuna sa sinasabing “lies” ay talagang kakatwa at kapuna-puna, dahil nakaliligtaan yatang katha, fiction ang pinag-uusapan. Isang katha ang teleserye/pantaserye na umuubra ang hiwaga at haraya sang-ayon sa mga tunguhin nito bílang naratibo’t pagtatanghal. May sariling lohikang sinusunod ang katha, at totoo, maaaring sabayán o salaminin nito ang takbo ng tunay na búhay at daigdig. Subalit ang itinalagang lohika ng salaysay nito ang nagpapatotoo rito, at hindi ang pagiging matapat na repleksiyon sa katotohanan o realidad. Kayâ nga, totoo, may pagsisinungaling o “lies” din sa katha, lalo pa’t kung isasaalang-alang ang etimolohiya ng salita, na nagdadawit sa dalumat ng paglikha at pabrikasyon. Kailangan ding igiit ang malikhaing lisensiya, sa pagkakataong ito.
May mga “pagsisinungaling” na tinutupad ang pagkamalikhain upang mabuhay ang katha. At hindi ito pagsisinungaling sa ngalan ng karaniwang pagsisinungaling, tulad ng pagkakalat ng fake news ng administrasyong ito, o ng hinihinging “creative interpretation” ng mga alipores sa panig ng media sa tuwing magbibiro o magmumura ang mahal na poon. Sa likhang daigdig, halimbawa, inaasahang higit na magkakamalay ang mambabása—sa kaso ng pantaserye, ang manonood—sa mga katotohanan nasisiwalat hinggil sa kanilang búhay at mundong iniiralan. Hindi kayâ ito ang kinatakutan ni Kom. Adamat, kayâ niya sinusulatan ang ABS-CBN at hinihimok na baguhin ang palabas? Hindi kayâ tumigatig sa kaniya ang estropa ng pag-ibig, pagtatraydor, digmaan, at tagisan ng mabuti at masama na ipinatikim sa trailer, at naisip na bakâ sa sobrang mapagpahiwatig ng mga ito hinggil sa mga kasalukuyang sigalot-panlipunan ay makapagpasiklab ng totoong rebolusyonaryong pagkilos laban sa mga lilong nása kapangyarihan? Siyempre, anong panig ba ang laging nagwawagi sa hulí sa daigdig ng teleserye/pantaserye? Kung totoo ang tsismis hinggil sa Voltes Five noong araw, lumang tugtog na iyan, Kom. Adamat. Ginawa na iyan ni Marcos.
Totoong isang isyung dapat isaalang-alang ang pagkawala ng “real essence of an IP terminology,” lalo’t magulo’t magalaw ang panahon ngayon. Maaari itong tugunin ng ABS-CBN, kung nanaisin nito, hindi man sa Bagani, kundi sa iba nitong plataporma. Ngunit hindi rin naman katanggap-tanggap na ipilit ang nag-iisang pananaw at pagpapakahulugan sa mga bagay-bagay, lalo pa’t fluwido ang galaw ng mga kahulugan, kahit ng mga pagpapakahulugan sa mga halagahan at dalumat [at dahil nga sa pagkafluwidong ito’y ayaw kong tatakan ang mga galaw na nabanggit bílang mabuti o masamâ]. Ang nakikita ko lámang, nananatiling buháy ang dalumat na “bagani,” at maisasama pa rin ito sa kasalukuyang diskurso. Niyayakap ito ngayon ng kulturang popular, na sa tingin ko’y magtitiyak ng patuloy nitong pagiging gamitín sa larangan ng talastasan at pook ng imahinasyon. Mananatili itong buháy, may idinagdag mang bagong pakahulugan. Hindi ito kabawasan sa kahulugan, na sa isang banda ay hindi naman dapat ikahon lámang sa “IP’s meaning of it.” Hindi ganito ang sistema ng pagpapaunlad, pagpapayaman ng isang arkipelahikong kultura.
Sa usapin ng teleserye/pantaserye, lalong hindi rin katanggap-tanggap ang pagtatalaga lámang sa isang moda ng representasyon bílang katanggap-tanggap, bílang “educational,” bílang “historically-accurate,” lalo kung ang kuwento ay hindi naman nagbabandera ng isang makasaysayang pagsasalaysay. Maaari itong akusahang may bulagsang mitolohiya, kagaya ng minsang pabirong puna ni J.R.R. Tolkien sa kaniyang matalik na kaibigang si C. S. Lewis hinggil sa Chronicles of Narnia. Ngunit kung hindi naman ito “historical,” bakit maghahanap táyo ng katumpakang historiko? [May binabanggit si Kom. Adamat na “culturally-correct,” pero hindi ko tiyak kung ano ang ibig sabihin niya dito. Kayâ nagtuon na lámang ako ng pansin sa usapin ng pagkamakatotohanang historiko.] Bakâ namamali táyo ng inaabangang programa. Teleserye/pantaserye ito, hindi dokumentaryo. Ang may problema kung gayon ay ang nagbabasá/nanonood.
Patuloy kong binabása ang liham ni Kom. Adamat ay hindi ko maiwasang isipin na sintoma rin ng masasabing pagkalito niya ang malalâng lagay ng edukasyong sa Filipinas. Saan ka ba naman nakakita ng pamumunang ginagawa bago pa man maipalabas ang teleserye? Sapat na bang batayan ang trailer upang mahulaan ang “negative impact [nito] among Filipino viewers especially the young students”? Sapat na ba ang mga poster, press release, panayam, atbp., upang husgahan ang palabas bílang “devoid of real meaning and substance”? Puwede kayâ itong “distant reading,” yaong ipinakilalang lápit [o layòng] pampanitikan ni Franco Moretti? Hindi ko tiyak. Sa akin, reaksiyonaryong tugon lámang ito, isang malaking pagwawaldas ng letterhead ng ahensiya, bukod sa paghahambog lámang, batay sa himig ng liham, at sa talâan ng copy furnished nito.
Larawan din ito, unang-una ng masamâng uri ng edukasyong pampanitikang isinasalaksak sa lalamunan ng mga Filipino sa kasalukuyan—nakaasa sa mga sinopsis o pinagaang na bersiyon/salin ng akda; nagsisimula ang pagtalakay sa pagpapahalaga sa nararamdaman ng mag-aaral matapos magbása o sa aral na napulot dito; at gumagamit lámang sa panitikan bílang lunsaran ng mga gawaing pangwika tulad ng pasalu-salungguhit o pagbi-pagbilog sa mga pangngalan, pang-uri, pandiwa, atbp. Winawala, winawalang-hiya ang panitikan sa edukasyong pampanitikan. Wala ang teksto, kayâ sa kasong ito, kahit wala pa ang teksto [hindi pa ipinalalabas], kung ano-ano na ang sinasabi ng madla. Hindi naman kasi mahalaga, at pinahahalagahan ang makaharap ang teksto.
Ang edukasyong pampanitikang sa bansa ay walang pakialam sa panitikan bílang paksa ng aralín. Kayâ tuloy, mayroon táyong kaaawa-awang tulad ni Kom. Adamat, na kulang yata ang hinuha sa kaibhan ng dalumat ng karakter at ng aktor, gaya ng makikita sa bahaging ito ng kaniyang liham: “I would like to point out that in one of the interviews the main character of the teleserye was quoted to have said of “Bagani” as, “Para siyang bayani. It’s a story about how the Philippines, ‘di ba archipelagic tayo, how the Philippines was born. It’s about our culture.” He further added revealing more details about his character, “Superhero ako at ang pangalan ko po doon ay si Lakas.”
Samantalang makikitang may malîng hinuha ang bumidang aktor sa kabuuang konsepto ng kaniyang palabas [daldal kasi nang daldal], higit na kapuna-puna para sa akin ang paggamit mismo ni Kom. Adamat sa salitang “character,” na sa aking bása’y punô ng pagkalito sa kung sino ang kaniyang tinutukoy na nagsasalita. Simple lámang naman ito kung tutuusin: tauhan ang karakter, at ang aktor ang gumaganap sa karakter. Singlito niya, sa pagkakataong ito, ang gumaganap na Lakas na si Enrique Gil. Kasi naman, wala talaga ang “teksto” sa kaniyang diskusyon. Wala pa ito’t búkas pa lámang makahaharap.
Subalit ibig kong balikan ang sa ganang akin ay pinakamabibigat na binitawang salita ng mabuting komisyoner ng Komisyon ng Mataas na Edukasyon, na nagtataguyod nga sa kapakanan ng mga katutubo ay namamali naman ng pangangatwiran: devoid of real meaning and substance.
Kung susundan natin ang minimithing lohika ng mabuting komisyoner, “devoid of real meaning and substance” ang palabas sapagkat sa kaniyang pahapyaw na panonood sa mga pasilip, (1) nililihis nito ang tunay na dalumat ng bagani, at (2) nakasasakit ito sa damdamin ng mga kasapi ng kulturang pinagmumulan ng dalumat. Subalit may hindi matawid si Kom Adamat sa pagitan ng kaniyang hatol at ng patunay. Sa pinakaubod kasi ng kaniyang pamumuna—bukod sa pagtuligsa niya sa “reimbensiyon” sa bagani na pinaniniwalaan niyang hindi makatotohanan o historiko “from the IP perspective”—tingin ko’y talagang mababa lámang ang tingin niya sa pantaserye at mga teleserye sa pangkabuuan. Kinakatawan niya rin ang intelihensiyang nagpapanatili sa halagahang mataas na sining/panitikan-mababang sining/panitikan, by default. Isang mabalintunang prehuwisyo para sa kaniyang nagbabandera ng kapakanan ng mga nása laylayan. Kayâ nga marahil ibig niyang iparebisa at pakialaman ang “format at concept” nito, upang gawing itong “educational.” Kasi iyon ang tanging makapagliligtas dito, sa kaniyang palagay. Wari’y wala pa sa hinuha niya ang pagiging kultural na teksto nito, tigib ng ambiguwidad, polisemiko, at bukás sa maraming pagbása. Wala rin sa hinuha niyang napakalawak ng larang ng pag-aakda at posible ang maraming bagay, tulad ng mga muling paglikha sa mga bagani.
Ayos sa akin ang iadhika ang mga programang “educational” sa telebisyon, ngunit hindi ba naninikad ang ganitong pagliham at mistulang nagsesensura? Sa tingin ko, hindi nakikita ni Kom. Adamat ang implikasyon ng kaniyang mga pagliham. Sa hulí, ang mahihiwatigang lubha niyang pagkiling sa realismo, na pinarurubdob ng kaniyang ligáw na pagmamalasakit sa kinakatawang mga katutubo, ang nagpapalala sa pamumunang ito na dapat niyang ikahiya.
Larawan ito, hindi lámang ng kaniyang paninindak bílang opisyal ng pamahalaan kundi pati na rin ng kaniyang kakulangan sa kaalaman, na kitang-kita sa pagmamaliit niya sa anyo ng teleserye, partikular na sa pantaserye, na siyang anyo ng Bagani. Kasi nga, nakatuon lámang ang kaniyang pagpapahalaga sa nauunawaang “pagkamakatotohanan” ng katha. Hindi ko lámang tiyak kung para saan. Maaari’y talagang kaisa niya ang mga naunang pumuna’t nagsabing isa na naman itong pagkakataon ng walang-hiyang panghihiram at dekontekstwalisasyon ng mga ikonong pangkultura, na karapatan niyang punahin. Ngunit hindi lámang ito tungkol dito.
Sa mga taóng nakalipas, ulit-ulit na naigigiit sa akin ang katotohanang napakahirap talagang iwaksi ang natutuhang halagahan sa pagitan ng “matataas” at “mabababang” sining/panitikan. Sintindi nito ang bisa sa atin ng namanang pagpapahalaga sa realismo, at sa inaakala nating isahang korespondensiya (one-to-one correspondence) ng panitikan sa ating realidad—isang lisyang pagkakaunawa sa dalumat nito.
Paminsan-minsan, sarili ko mismo’y nahuhúli kong ulit-ulit na napalulukso sa bitag, kapag nakikita sa estante ng mga bookstore ang laksang instagram/social media poet na tinatangkilik ng maraming kabataan ngayong humaling sa panitikang hugot. Hindi nag-iisa si Kom. Adamat sa ganitong karamdamang burgis. Mababa ang tingin ng marami sa teleserye dahil sa maraming dahilan, tulad ng ulit-ulit na paggamit nito sa mga nakamihasnang moda ng romanse at melodrama; ng pagiging produkto nito ng telebiswal na kapital; at ng pagiging malaganap na “panitikan” ng masa. Subalit may mahihiwatigan din sa pagiging malaganap nito na hindi basta-basta mabubulatlat kung mananatili na lámang sa pagtanaw sa kulturang popular bílang “devoid of real meaning and substance,” hindi man ito napanood o nabása nang masinsinan. Kailangan ding bitiwan ang mga pagkukunwari natin, kung may time.
Ang Cultural Studies nga, tinalikdan din kalaunan ang hinuhang “mass deception” ng “culture industry” ni Theodor Adorno. May iba pang nakita sa mga popular na teksto, bukod sa pagtataguyod at pagpapanatili ng mga ito sa ideolohiya ng status quo. Tulad halimbawa ng sinasabing “subversive potential” at “opening the horizon of change” sa diskurso sa sining at kritika ng estetikang Marxista ni Herbert Marcuse; o ng “utopian” o “transcendent potential” na natuklasan ni Fredric Jameson sa ilang pelikulang sinuri niya. Hindi na lámang sapat ang ismiran ang mga ito [sa kasong ito, sindakin] sapagkat hindi na lámang basta “isang sistema o produkto [ang mga ito] kundi isang masalimuot na proseso sa lipunan,” wika nga, muli, ni S. S. Reyes. Lubha kasing pang-araw-araw ang tekstong ito, ang teleserye, kayâ talagang parang hindi na kailangang titigan pa. Familiarity breeds contempt, wika nga.
[O bakâ kayâ nga siya sumusulat sa ABS-CBN ay nakita na niya ito? Maaari.]
Sa hulí, ang maalingasngas na kasong ito ng Bagani, na búkas pa lámang ipalalabas, ay talagang kakatwa, sapagkat naitulak ang di iilan na papag-isipang muli ang mga pananaw hinggil dito. Isa itong edukasyonal na sandali, na marahil ay mas matimbang kaysa sa hinihinging “educational” na bisa ni Kom. Adamat mula sa teleserye/pantaserye. Isang sandaling nagpapatunay, at muli at muling naglalantad, sa mga hindi natin mabitiwang paninindigan at pananaw sa daigdig, na gayumpaman ay kailangang usigin at usigin, lalo sa panahon ngayon ng ligalig, na hindi mabigyan-bigyan ng pamahalaang ito ng “immediate clarification and explanation,” subalit tinatanggap, nagagawang ma-tolerate ng mga nakaupo at nakikinabang, at ng mga tagasunod na nagbubulag-bulagan.