
Ebanghelyo ngayong hápon
Ang paglakad ni Kristo sa tubig
At paglubog ni Pedro,
Ay parang may kung anong
Dumadaluyong sa dibib,
Ibig humampas, gumiba,
Násang manalasa’t rumagasa
Sa paglunod sa bawat nakatindig.
Nagsasamuog ang mga alon,
May pakanâng lupigin ang lahat,
Nang biglang madama ang dalisay
Na dantay ng baták na talampakan,
Kusang sinasalo ang hakbang
Ng nakakikilalang rabaw.
Waring walang kaalam-alam
Ang naglalandas sa dibdib
Kung gaanong laksang uli-uli
Ang balak kong pag-alimpuyuhin.
Ako paláng maydibdib
Ang talagang walang kaalam-alam.
Sa pagtawid ng bigkas sa salamat
Sa Diyos, wari’y himalang naiabot
Sa sariling lunod ang aking kamay.
Ako’y napaahon—hindi sa pagliligtas.
Sa aking harapán, ang sabay-sabay
Na pagsisiupuan ng tao, animo’y
Along hahalik sa banal na pampang.
Agosto 7, 2018