
Sinisinta ko ang mga pusikit na oras ng aking búhay
Na nagpapasigla’t nagpapalalim sa aking pagdama,
Habang, tulad ng napaparam na halimuyak ng tuyong rosas
O dilawing liham, mahiwaga kong nailulubog
Ang sarili sa mga lumipas na araw: muli’y iniaalay
Ang sarili sa nakaraan:—muli, ako’y nabubuhay.
Mula sa aking mga pusikit na oras, kagyat na nagbubukang-
Liwayway ang dunong, at inilalatag ng Sukdol-Búhay
Ang kaniyang walang hanggang linang.
Kayâ’t ako’y liglig, wari’y nananalasang unos,
Yinuyugyog ang punòng hinog, mayabong sa ibabaw
Ng isang puntod, may basâng lupang kandugan
Ng mga pag-uugat—at ang maririkit na mithi
Ng Kabataang may giting, kumikinang,
Mga pangarap na pinakaiingatan nang matagal,
Ay naglalahong muli sa lumbay at kundiman.