
Higit sa lahat, manalig sa malumay na pagkilos ng Diyos.
Táyo’y medyo likás na mainipin sa lahat ng bagay
At ibig na agad magwakas ang lahat, walang antala.
Higit na mimamarapat natin ang paspasan.
Wala táyong tiyagang magpalamon sa karimlan
Ng walang-katiyakan, ng bagong karanasan.
Ngunit ganoon talaga ang lahat ng batas ng pag-unlad,
Nakakamit lámang ito sa pagbaba
Sa mga yugto ng kawalang-tatag—
At bakâ talagang napakatagal nito.
Ganito rin naman ang nangyayari sa iyo, tingin ko;
Ang iyong mga kaisipan ay unti-unting mahihinog—
Hayaang mahusto’t magkahubog, huwag sa pílit.
Huwag papagmadallin ang mga ito,
Na para bang kailangan nang kamtin mo ngayon
(Sabihin nang umaayon sa iyong mabuting layon
Ang biyaya at pagkakataon)
Ang itinalaga ng panahon para búkas.
Diyos lámang ang nakaaalam kung ano
Ang kalalabasan ng bagong diwang marahang
Sumisibol sa iyong loob. Pagbigyan ang Diyos
Ng iyong tiwala na kamay niya ang umaakay sa iyo,
At yakapin ang pagkabalisa sa pakiramdam
Ng alinlangan at walang katugunan.