
1.
Turuan mo ako ng iyong pagbaling sa kapwa:
Tulad ng pagsulyap mo kay Pedro matapos ng pagtatatwa,
Tulad ng pagbihag mo sa puso ng mayamang binata,
At sa puso ng iyong mga alagad.
Nais kong makatagpo ka sa tunay mong katauhan,
Sapagkat binabago ng iyong wangis ang lahat
Ng iyong nakahaharap.
Tanda mo pa ba ang unang paghaharap ninyo ni Juan Bautista?
At ang panliliit ng senturyon?
At ang pagkamangha ng lahat ng nakasaksi sa mga himala
At iba pang dakilang gawa?
Napukaw mo ba ang iyong mga alagad,
Ang mga miron sa Hardin ng Oliba,
Si Pilato at ang kaniyang maybahay,
At ang senturyon sa paanan ng krus…
Nais ko ring marinig at mapukaw
Sa mayhambal mong pananalita,
Habang halimbawa’y nakikinig sa iyong pangangaral
Sa sinagoga sa Capharnaum
O sa Sermon sa Bundok kung saan naturol
Ng mga nakikinig na “nagtuturo kang may kabatiran.”
2.
Itulot mo nawa, O Panginoon, na masilayan ang lahat ngayon
Nang may bagong pananaw, na makilatis at madalisay
Ang mga simbuyo na tutulong sa akin na basahin
Ang mga tanda ng panahon; ang ibigin ang lahat na mula sa iyo’t
Ipamalita ang mga iyon sa iba. Tulutan nawa ako
Ng liwanag na kay Ignacio’y siya ring iginawad.
3.
Higit kailanman, naisusuko ko ngayon ang sarili
Sa kamay ng Diyos. Pangarap na ito mulang pagkabata.
Ngunit may kaibhan ngayon; Diyos na lahat
Ang ganap na nagpapakilos sa aking búhay.
Kayâ’t tunay na isang malalim na mabathalang danas
Ang mabatid at madamang lahat-lahat, nása kaniyang kamay.