
1.
Masdan at hindi iyon makikita.
Makinig at hindi iyon maririnig.
Abutín at hindi iyon makukuha.
Sa itaas, hindi iyon maliwanag.
Sa ibaba, hindi iyon madilim.
Tuloy-tuloy, walang ngalan,
Nagbabalik ito sa pook ng kawalan.
Anyong sumasaklaw sa lahat ng anyo,
Imahen na walang imahen,
Mapahiwatig, lagpas sa mahihinuha.
Dulugin ito at wala itong simula;
Tugisin ito at wala itong wakas.
Hindi iyon magagagap, ngunit magiging
Ikaw ito, maalwan sa iyong búhay.
Magkamalay sa iyong pinagmulan:
Ito ang kaibuturan ng karunungan.
2.
Humakbang nang walang hakbang;
Magsikap nang walang pagsasakit.
Isiping ang maliit ay malaki
At ang kakaunti’y kaydami.
Harapin ang mahirap
Habang ito’y madali;
Tupdin ang malaking tungkulin
Nang paunti-unti.
Di talimuwang sa kadakilaan ang Dalubhasa;
Sa gayon niya nakakamtan ang kadakilaan.
Kapag siya’y nahaharap sa kahirapan,
Humihimpil siya’t nagpapahinuhod rito.
Hindi niya kinikipkip ang sariling ginhawa;
Kayâ’t sa kaniya, ang suliranin, di suliranin.
3.
Ang kawalang-alam ang tunay na karunungan.
Isang sakít ang mag-akalang may-alam.
Una’y tanggaping ikaw ay may karamdaman;
Sa gayon lámang makatatawid tungo sa kalusugan.
Ang Dalubhasa ang siyang sariling manggagamot.
Napagaling na niya ang sarili mula sa lahat ng pag-alam.
Kayâ siya’y totoong ganap.