Dasálin 7: Desiderata ni Max Ehrmann


Larawan ng rebulto ni Max Ehrmann mula sa Tribune Star.com.

Mahinanong magpatúloy sa gitna ng ingay at apura,
At tandaang payapa ang natatagpuan sa katahimikan.
Hangga’t maaari at makakaya,
Magkaroon ng mabuting ugnayan sa lahat.
Magsabi ng totoo nang tahimik at malinaw;
At makinig sa iba,
Kahit sa mapurol at mangmang;
Maging sila’y may istorya.

Iwasan ang mga táong magulo’t mabalasik,
Sila’y mga bagabag sa kaluluwa.
Kung iyong inihahambing ang sarili sa iba,
Maaari kang maging palalo’t may pait;
Sapagkat lalaging may hihigit at bababà sa iyo.
Namnamin ang iyong tagumpay, pati na rin ang mga balak.

Manatiling masigasig sa sariling karera,
Gaano man kamunti; ito’y isang tunay na yaman
Sa nagbabagong takbo ng palad. Maging maingat
Sa iyong mga kasunduan; sapagkat ang daigdig
Ay punô ng panlilinlang. Ngunit huwag itong
Hayaang lambungan ang umiiral na mga kabutihan;
Marami ang nagpupunyagi para sa matataas na katangian;
At sa paligid, buháy ang kabayanihan.

Magpakatotoo ka.
Lalo na, huwag manghuwad ng malasakit.
Huwag ding magduda sa pag-ibig;
Sapagkat sa harap ng lahat ng pagkatuyot at pagkabigo,
Nagkálat itong parang damo.

Tanggaping maluwag ang dunong ng mga taon
Na magiliw na isinusuko ang layaw ng pagkabatà.
Linangin ang tatag ng diwa upang maging kalasag
Sa biglaang kasawian. Subalit huwag mangamba
Sa multo ng dilim. Maraming pangamba na luwal
Ng págod at lumbay. Higit sa wastong paghutok,
Maging mabuti sa sarili.

Isa kang anak ng uniberso
At kapantay ng mga punò’t talà;
May karapatan kang umiral dito.
At malinaw man sa iyo ito o hindi,
Walang dudang nalalantad ang lahat batay sa takda.

Kayâ makipagkasundo sa Diyos,
Anuman ang hinuha mo sa Kaniya,
At anumang mga pinagsisikapa’t hinahangad,
Sa linggal at gulo ng búhay, makipagsakundo sa budhi.

Sa lahat nitong pagkukunwari, bigat,
At wasak na pangarap, nananatiling maganda
Ang daigdig. Maging masiyahin.
Magpunyaging lumigaya.

,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: