
Ito ang pag-ibig: pumagaspas hanggang langit,
Sa bawat sandali, sumipak ng daang lambong;
Sa unang pagkakataon, bumitaw sa hininga—
Sa unang hakbang, itakwil ang mga paa.
Ang kaligtaan ang daigdig, ang makita lámang
Yaong ang sarili lámang ang nakatutuklas.
Wika ko, “Binabati kita, Puso, sa paglahok
Sa katipunan ng mga mangingibig, sa pagsipat
Sa yaong naaabot ng tanaw, sa pagtalunton
Sa landas ng mga tibok.” Saan nga ba nagmumula
Ang lakas, o Puso? Saang kaibuturan pumipitlag
Ang tibok? Ibon, bumigkas sa wika ng mga pakpak;
Mahihinuha ko ang iyong pahiwatig! Tugon ng Puso:
“Ako’y sumapalihan habang nása kaínítan
Ang hurnuhan ng tubig at luwad. Palipad-lipad
Ako rito habang ito’y nagsasahubog.
Nang ganap akong masukol, dinukot nila ako.
Papaano ko maibubunyag ang paraan ng pagkabihag?”