
Ang totoo, maaari naman talagang tanungin ang awtor hinggil sa ipinababatid na ideya o kislap-diwa ng kaniyang akda. Ngayong mga panahong ito ng pag-iral ng social media, napakadali na nitong gawin. Nangyayari na ito ngayon, dulot ng kabaguhan sa kurikulum sa batayang edukasyon, at lalo dahil sa pagkakapakilala sa senior high school ng asignaturang 21st Century Literature from the Philippines and the World.
Sa kataka-takang dahilan, isang aralín sa aklat hinggil sa asignaturang nabanggit, na pinamunuan ko ang pagbubuo at pagsulat, ang humingi ng ganitong takdang aralín sa mag-aaral [hindi namin ito ipinagawa sa aralín; mukhang pasya ng guro]. Ang tampok na awtor ng aralíng nabanggit ay tumanggap ng napakaraming tanong sa kaniyang Facebook messenger, kabílang na ang isang pag-usig sa kung ano nga ba ang kaniyang problema at sumulat siya ng gayong akdang napakahirap daw maintindihan at hindi malirip. Ang alam ko, hindi ito ang tanging kaso, at may iba pang ulat ang ilang manunulat hinggil sa paghingi sa kanila ng paliwanag ng mga mag-aaral na tumatalakay sa klase ng kanilang mga akda.
May tawag sa ganitong pamamaraan ng interpretasyong pampanitikan—ang pagsasaalang-alang sa layon ng awtor (authorial intent). Kayâ hindi naman talaga ito masamâ o malîng tanong. Sa katunayan, bahagi ito ng mga kinikilalang lápit sa panitikang malaganap noon at ngayon.
Sa lápit na ito, na tinawag minsan ni Meyer H. Abrams (1953) na lápit na ekspresibo (nagpapahayag), higit na makiling ang interpretasyon sa ugnayan ng akda at alagad ng sining, ang manunulat. Sa oryentasyong ito, ipinagpapalagay na ang pinakasusi sa pag-unawa sa akda ay ang manunulat na siyang lumikha rito. Lohiko namang isipin sapagkat sino pa nga ba naman ang makapagpapahayag ng tamang pamamaraan ng pag-unawa sa sulatín kundi ang kumatha rito?
Sa malaon, higit na nakilala ang ganitong paraan ng pagdulog sa panitikan bílang kritisismong biograpiko (biographic criticism). Binabása at inuunawa ang akda sa liwanag ng talambuhay o mga kronikang personal ng awtor. May paniniwala na nakatutulong ito sa pag-unawa sa talagang ibig sabihin ng binabása. Ipinagpapalagay ng lápit na bakas ng henyo at paglikha ng manunulat ang akda, kung kayâ mauunawaan ito sa pamamagitan ng pag-uugnay rito sa naging kabuuang búhay at kaisipan ng sumulat. Kung ang akda ay isang sulyap sa kamalayan ng manunulat, nararapat lámang na isaalang-alang ang mga layon, simbuyo, at damdaming humimok sa manunulat na kumatha ng partikular na akda.
Nagsasanga pa ang oryentasyong ekspresibo sa masalimuot na sikoanalysis ng akda, na nagtatangkang alamin ang mga nilalaman ng kubling-málay (subconscious) ng manunulat sa pamamagitan ng kaniyang akda. Ang akda, sa ganitong lápit ay pinaniniwalaang naglalaman ng bagay-bagay na sinusupil (repressed) ng may-akda sa kaniyang tunay na búhay [halimbawa, ang kaniyang totoong kagustuhang pangkasarian (sexual preference) dulot ng mapanghusgang lipunan at panahon; pagkayamot sa di matakasang anino ng magulang; tákot sa kung anuman; o matinding pagkapoot sa sariling naitutudla sa ibang tao]. Kung gayon, masasabing itinuturing ang akda dito bílang manipestasyon ng sa iba’t ibang kadahilanan ay mga pílit ikinukubli, kinaliligtaan, o pinapantasya ng sumulat. Dito lubos na nakakasangkapan ang talambúhay ng awtor na nagiging batayan ng pag-unawa sa mga paglitaw ng mga itong kinakatawan ng akda.
Madaling gamítin ang ganitong lápit kung buháy pa ang manunulat o marami siyang nasulat hinggil sa matalik na ugnayan ng kaniyang pagsulat at búhay. Kailangan lámang ng masusing pananaliksik. Mapanghamon ito kung ang manunulat ay nagmumula sa isang malayong panahon at lalo pa, kung sumakabilang-búhay na. Bakâ kailangang pumasok sa gawaing artsibal ang sinumang ibig iugnay ang naging búhay ng awtor sa mga pag-aakda. Maaari ring pagbatayan ang mga pananaliksik ng mga iskolar na pumaksa sa awtor. Ngunit kailangang tanggapin na may limitasyon ang bawat metodo. Kayâ nananatiling isang pangangailangan ang malalim na kabatiran sa akda bílang pangunahing obheto ng pag-aaral ng panitikan.
Ganitong oryentasyon ang karaniwang dalá natin, halimbawa, sa pag-aaral ng mga nobela ni José Rizal, na palagiang pinahahalagahan sa klase bílang mahahalagang tagapagpasiklab ng rebolusyon noong panahon ng kolonyalismong Espanyol. Madalas, iniuugnay pa nga ang mga karakter sa mga totoong pigura sa kasaysayan at talambuhay ng pambansang bayani. Hindi na nga rin maiwasang ilarawan si Crisostomo Ibarra sa mga pagsasadula bílang wangis ni Rizal.
Sa kurikulum ng Filipino, sinisimulan ang pagpapahalaga sa mga nobela hindi sa pagiging akdang pampanitikan ng mga ito kundi sa pamamagitan ng pagiging pinahahalagahang mga sulatíng tuluyang bumago sa ating kasaysayan. Hindi ito mapagtatakhan lalo pa’t ang pagpapabása kay Rizal sa mga paaralan ay naipatupad sa bisà ng Republic Act 1425 o Batas Rizal noong 1956. Marahil, isa táyo sa iilang bansa sa daigdig na itinatakda ng batas ang pagiging “kanonigo” ng ilang akdang pampanitikan.
Sa usaping ito, hindi ko tuloy maiwasang iugnay ang halaga ng manunulat sa ating kultura—sa kabila ng paggigiit ng ilan na isa táyong bansang hindi palabasa. Maaaring totoo ito kung sasaligan ang kakulangan sa akses sa aklat at palimbagan. Ngunit bukod kay Rizal na nakapukaw sa ating imahinasyon at nagtulak sa mga kapwa manunulat-rebolusyonaryo na mag-aklas laban sa mga mananakop, pinatutunayan ng ilan pang manunulat sa kasaysayan ang naging pagpapahalaga ng publiko sa mga alagad ng panitik.
Naiisip ko ang tanyag na mambabalagtasan at dakilang makata na si Jose Corazon de Jesus, na mayroong cult following noong kaniyang panahon at nakapagpalitaw ng daang tagahanga nang mamatay at ilibing sa North Cemetery noong 1932. Ang ganitong kasikatan ay tatamasahin din ng mga tulad nina Bob Ong sa kasalukuyan, marahil dahil sa kaniyang pananatiling misteryoso at mailap; at ng spoken word artist na si Juan Miguel Severo, na pinasikat ng kaniyang paglitaw-litaw sa mga komersiyal at teleserye. Ilan lámang sila sa mga kasong nagpapatunay sa sinasabi kong kultural na pagpapahalaga sa mga manunulat. Kayâ sa isang banda, naging madali ring ipayakap sa atin ang oryentasyong makiling sa manunulat.
May hinala akong hubog ng ganitong oryentasyon sa panitikan sa pangmalawakan ang patuloy na “pagpapahalaga” ng ating mga guro sa layon ng awtor. Kayâ nagiging default ang pagpapatakdang-aralín, lalo ngayong mga panahong ito, ng mga interbyu sa mga manunulat hinggil sa kanilang mga isinulat. Sa ganang akin, may kinalaman din sa layon ang totoong problema ng ganitong kagawian. Ano ba kasi ang layon ng guro sa pagpapatanong sa awtor hinggil sa ibig sabihin ng akda?
May birtud ang pakikipanayam sa manunulat, lalo kung marami itong panahon at mapagbibigyan ang estudyante. Sa tingin ko, makahihikayat ito ng patúloy na pagbabasá, at maaari, sa hinaharap, pagsulat. Magandang tagpuan at pakikiugnay ang mga pakikipanayam [at hindi lámang iyong karaniwang pagtatanong sa Facebook] sa pagitan ng manlilikha at mga mambabása.
Ngunit kung ito ay ginagawa lámang talaga upang makaiwas ang guro sa trabaho ng interpretasyon—na siyang kaniyang pangunahing tungkulin sa klase—marahil ay hindi ito makabubuti sa pagpapalakas ng panitikan sa paaaralan. Nauunawaan ko kung kailangan itong gawin bílang paglinang sa kakahayan (skill), at kung nakatutulong itong makagaan sa mabigat nang trabaho ng mga guro. May pakiramdam akong ginagawa lámang ito sapagkat kulang din sa kahandaan ang mga guro sa talagang pagtuturo ng panitikan. Ngunit wala na táyong magagawa sapagkat heto na nga ang bagong kurikulum. Kailangan nating harapin ang mga bagong hámon, lalo na ang mga kailangang baguhin sa mga dáting kagawian ng pagtuturo ng panitikan.
Maaari naman talagang tanungin ang awtor, pero hindi agad tungkol sa kaniyang ibig sabihin. At dito, magsasalita ako bílang isang awtor na nakaranas din ng mga nasabing pag-uusisa. Para sa akin, higit na interesante ang unang mapakinggan ang interpretasyon ng mambabása, o kahit ng interpretasyon ng guro sa akda. Maaaring magsimula sa usaping iyon ang pakikipanayam o paghaharap ng mag-aaral at manunulat.
Sa hulí kasi, sa tingin ko, anuman ang interpresyon sa akda, lalo pa kung ito ay produkto ng mahusay na pagtuturo sa silid-aralan, higit na mahalaga ang makapagpapayamang tagpuan ng manunulat at mambabása. Kung matutupad nang maayos ang gawain [at hindi lámang sa paraang patanong-tanong na parang nagtatanong lámang sa isang kabarkada], magiging kapaki-pakinabang ang pagdadaupang-palad ng manunulat at ng mag-aaral na binigyan ng gayong takdang aralín.
Ngunit bago ito gawin, maaari marahil ipagawa ng guro ang mga sumusunod:
-
- Papanaliksikin ang mag-aaral hinggil sa búhay at akda ng manunulat bago ang panayam. Tiyakin na marami silang alam hinggil sa kanilang paksang manunulat. Maaaring sangguniin, halimbawa, ang Panitikan.ph na may maiikling talâ hinggil sa mga pangunahing manunulat ng bansa.
- Turuan ang mga mag-aaral na lumiham nang maayos sa kakapanayaming manunulat. Huwag silang hayaang basta makipagpalitan ng mensahe sa manunulat sa Facebook nang walang pormalidad. Igiit na kailangan ding irespeto ang manunulat, lalo kung hindi niya ibig magbigay ng panayam. May ilan kasing naniniwalang wala nang paliwanag pang kailangang gawin; naroroon na lahat sa akda ang kanilang ibig sabihin.
- Gabayan ang mga mag-aaral sa paglikha ng mga tanong na maaaring magmithing mag-usisa hinggil sa pagiging manunulat ng paksang manunulat; mga prinsipyo sa pagsulat; at kung ibig talagang magtanong higgil sa akdang pinag-aralan, kuwento ng pagkakasulat nito. Sa pagkakataong ito, maaaring iharap ng mag-aaral ang kaniyang pagbása sa akda. Maaaring sumang-ayon o hindi ang kinakapanayam. Ano’t anuman ang maging tugon, ang mahalaga’y nagkaroon ang mambabásang estudyante ng makabuluhang interaksiyon sa manlilikha.
Sa tingin ko, mas wasto ang tanong na bakit hindi dapat unang tinatanong ang awtor hinggil sa ibig sabihin ng akda? Sapagkat sa totoo lámang, maraming maaaring unang tanungin sa manunulat kaugnay ng akdang tinatalakay sa klase. Bakit ka nagsusulat? Papaano ka naging manunulat? Papaano ka nagsusulat? Ano ang layon mo sa pagsusulat?
Dahil interpretatibo ang gawain ng pag-aaral ng panitikan, ang interpretasyon ay isang bagay na malilikha naman sa pamamagitan ng isang matibay na pagdulog sa akda mismo. Kung mayroong mahusay na pagbása sa akda, anumang makukuha mula sa pakikipanayam sa manunulat ay lalong makapagpapayaman sa pag-unawa sa likha, at pagpapahalaga sa panitikan. Sa klase, higit kailanman, dapat na maging pangunahing batayan ang malalim na pagkaunawa sa akda bílang akda. Isa lámang pagpapalawak ng interpretasyon ang pagdulog sa manunulat. Kung hindi napatitibay ang kasanayan ng pagbása sa akda, wala ring saysay ang pag-uugnay dito sa layon ng awtor.
One response to “Palaisipan 1: Bakit Hindi Dapat Tinatanong ang Awtor Hinggil sa Ibig Sabihin ng Akda?”
Tinanong ako ng isang education student kung may mas malalim na kahulugan ang aking sanaysay na “Silat”. Ang sagot ko, “Read it closely, iha.”
LikeLike