Palaisipan 2: May Áral ba ang Panitikan?


Larawan ng Pixabay sa Pexels.com.

Oo. Lalo pa ang talagang mahuhusay, mapagbagong-málay, at makayanig-daigdig na panitikan. Kung naniniwala kang tulad ko na ang bawat pagbabasá ay isang transaksiyon sa pagitan ng manunulat at ng mambabása, natural na umaasa ka, bílang mambabása, sa iyong bawat pagbabasá, na may mapupulot ka man lámang na kung anong mahalaga [o pagpapahalaga] sa nabása. Mga kuntil-butil ng kabuluhan, wika nga. Naglalaan kasi ang mambabása ng mapagkukunan (resources) at oras para sa akda. Bumibili siya ng libro sa bookstore, o sumasadya sa aklatan. At imbes na gumawa ng iba pang makabuluhang bagay, nagbabása siya. Sa ganitong pananaw, dalawang bagay ang sinasabing madalas na inaasahan ng mambabása—ang maaliw sa sandaling himpil na dulot ng pagbabása o makapulot ng áral dito. 

Lubhang klasiko ang ganitong pananaw, na mababakas sa makatang Romano na si Horace, na nagsabi, sa kaniyang akdang Ars Poetica, na nararapat lámang na sumakatauhan ng manunulat ang magkasanib na kamalayan sa dalawang pangunahing katangian ng panitikan—ang dulce et utile, sweetness and beauty, o sa aking salin, tamis at saysay [mula sa utile, na sa Latina ay “kapaki-pakinabang, makabuluhan, praktikal”]. Sa ganitong pananaw, nabibigyang-diin ang nasabi kaninang kalikasan ng panitikan na maging mapanlibang sa isang bandá, at maging mapanghubog ng kaisipan sa isa pa. Ang ganitong pananaw ay sumisipat sa masasabing “epekto” ng panitik sa mambabása, isang aspekto ng danas-pampanitikan na nararapat lámang pahalagahan sapagkat sa isang bandá, nagkakaroon lámang ng pagkaganap ang isang sulatín kapag napasakamay na ng pinatutunghang mambabása.

Sa kaniyang masaklaw pagpapaliwanag hinggil sa teorya at kritisismong pampanitikan, unang-unang dulog na tinalakay ni Soledad Reyes (1992) ang tinatawag niyang “moralistikong pananaw,” na siyang sumasakop sa usapin ng áral. Sa pananaw na ito, aniya, “ipinagpapalagay na ang akda ay may kapangyarihang maglahad o magpahayag hindi lamang ng literal na katotohanan kundi ng mga pang-habambuhay at unibersal na mga katotohanan at mga di-mapapawing pagpapahalaga (values).”[1] At dahil nga ang áral ay “nasa larangan ng etika o moralidad,” sinasabi din niya na para sa moralistikong pananaw, “(t)ahasan at di mapasusubalian ang ugnayan ng tao at ng teksto… Sa kanyang pagbabasa o pakikinig, magkakaroon ng bisa sa buhay ang mga kaisipang binigyan ng dugo at laman ng mga elemento ng likhang-isip.”[2]

Ang Problema…

Sa kasawiampalad, may dalawang problema akong nakikita hinggil sa usapin ng áral sa pagtuturo at pagbabasá ng panitikan sa kasalukuyan. Una, kulang sa pagpapalalim ang ating paghinuha rito, lalo pa sa panitikang Filipino, na kung tutuusin ay tubog dito. Kung maituturing lámang sana muli ito bílang isang pagpapahalagang pampanitikan (literary value) na malaon nang buháy sa ating kultura bago pa man dumating ang mga mananakop. Kailangan talaga nating balikán ang halaga ng, at ibalik ang pagpapahalaga sa áral sa kabuuang panitikang Filipino. Makabubuti ito upang hindi naman basta-bastang nagagamit ang ipinagwawagwagang “kalabisan” ng áral, halimbawa, sa pag-alipusta sa mga panitikang popular [at lalong pagpepedestal sa mga “dakilang panitikan” o dili kayâ’y mga banyagang akda].

Makabubuti rin ito para masawata ang ikalawang problemang ibig kong talakayin. Sa isang kataka-takang dahilan, maraming guro sa panitikan ang nakamihasnang higit na bigyang-priyoridad ang pagtatanong sa mga mag-aaral ng kung ano ang kanilang natutuhan matapos magbása ng akda. Madalas, pinalalagom pa sa mga pobreng mag-aaral ang mga áral sa isang pangungusap o tesis. At iyon na iyon. Tapos ang talakayan. 

Sa tingin ko, isa ang ganitong kagawian sa naging dahilan ng pagiging mabuway ng pangkalahatang kasanayang pampanitikan ng mga mag-aaral. Papaano’y ang alam ko, nakaliligtaan [o kinaliligtaan talaga] dito ang pagtitig sa akda sapagkat nagiging diskusyon na lámang ang klase hinggil sa mga natutuhang áral. Nauulila ang akda at tuluyang naiiwan sa isang tabi. Ganito ang sarili kong danas sa hayskul, kayâ’t sa isang bandá, parang ito ang iniisip kong dahilan ng aking pagiging late bloomer sa pagkahumaling sa panitikan [humabol na lámang ito sa kolehiyo at nang makapaghanapbúhay na ako’t nakabibili ng libro]. Hindi ko ibig manisi, sa gayong paraang hindi ko rin ibig humanay sa ilang kritiko na panay ang mainiping giit na walang áral sa panitikan o ang pag-aaral ng panitikan ay hindi pag-uusisa sa áral. Sa akin, makikitid na pagtanaw ang mga ito sa konsepto ng áral. 

Pahapyaw na Pagsipat sa Kasaysayan ng Áral  

Hinggil sa unang usapin, makabubuting balikáng-áral ang kasaysayang pampanitikan. Tatangkain ko ito kahit pahapyaw. Buháy ang áral sa mga panitikang bayan tulad ng sa mga inaawit at isinasalimbibig na mga epiko, lalo pa’t mithing maitatak sa maláy ng bawat kasapi ng komunidad ang mga birtud ng mga bayaning kinatawan ng mga pagpapahalagang nagbibigkis sa mga pangkat. Ang mga sapalaran ay nangangaral hinggil sa pananaw ng kolektibo hinggil sa sarili at daigdig. Masasabing tootoo ang bagay na ito, mula kay Lam-Ang ng mga Ilokano hanggang kay Agyu ng mga Ilianon. Patunay dito ang isang pag-aaral ng antropologong si Nicole Revel (2008) sa mga epikong mula sa Mindanao, Tawi-tawi, at Palawan. Mula sa mga ito, nakahango siya ng maituturing na “notion or exercise of leadership,”[3] na maaaring pagtindigan ng mga modelo ng pamumuno na búhay sa katutubong kultura.

Pinakamahusay namang halimbawa ng malinaw na pagkasangkapan sa áral ang mga salawikain, na para kay Virgilio Almario, sa ilan niyang mga sulatín, ay kumakatawan sa tinatawag niyang “palabas” na uri ng pagtula, o yaong nagmimithing magpaunawa sa umugnay sa kinakausap.[4] Ang salawikain bílang palabas na “mukha ng pagtula” ay naiiralan ng áral na gumagabay sa pamumuhay ng mga nagwiwika at nakaririnig nito. Nakatanim ang salawikain sa lupain ng araw-araw ng katutubo, at kumakasangkapan sa kapaligiran bílang pangunahing talinghaga o palahambingang nagsisilbing ilustrasyon ng mga pamantayang panlipunan at diwaing makatwiran. 

Magandang halimbawa ang tanaga [may súkat na pipituhin bawat taludtod, apat na taludtod bawat saknong, monorima] sa ibabâ hinggil sa kung papaanong naghuhunos ang tanawin ng bukirin—mulang panahon ng pagtatanim hanggang paggapas—patungo sa isang áral hinggil sa karunungan ng edad at pusok ng kabataan. Sa hulí, ang paghapay ng palay ay nagiging tanda ng pagpapakumbabang inaasahan mula sa mga “pabalik na,” isang bagay na ipinahihiwatig para sa mga sumisibol at “papunta pa lámang.” Isa lámang ito sa napakaraming salawikaing maaaring balikán upang mahinuha ang mga nabanggit na paeanalinghaga at palahambingan:

Nang walang biring ginto
Doon nagpapalalo;
Nang magkaginto-ginto
Noon na nga sumuko.

Kakasangkapanin ng mga Espanyol, lalo na ng mga misyonero, sa kanilang gawain ng “pagliligtas” sa mga kaluluwa ng mga paganong katutubo, ang diwain ng áral upang halinhan ng mga áral ng Kristiyanismo, na noong una’y inasahan nilang ganap na makapagpapaamo sa mga sákop at magpapayakap sa kanila sa palad ng pagiging sakóp. Ito marahil ang pinakaunang “misedukasyon” at paglalayo sa katutubo sa nakamihasnan niyang pagkakaunawa sa áral. Mula sa kaniyang pang-araw-araw na pag-iral, iniligaw ito’t nakarating na nga sa mapagtakdang mga pulpito bílang nakaabitong prayle.  

Subalit hindi maipipirme ang pakahulugang itinakda ng mga prayle, at kahit ang áral ng Pasyon ay matututuhang basahin ng mga katutubo bílang paraan ng pagdalisay sa kanilang loob upang sa panahon ng ganap na pangangailangang makipagkapatiran ay matagumpay na makalas ang mga tanikala ng kaapihan.

Kung sasaligan natin ang sinasabi ni Reynaldo Ileto (1979) tungkol sa Pasyon, nagsilbi itong naratibong humubog sa kamalayan sa pakikibaka ng mga nasa laylayan at lumagpas nga sa salaysay ng maamong tupang si Kristo. Ito rin sa tingin ko ang nagpalagpas sa mga naging hanggahan ng pagbása sa Florante at Laura ni Balagtas, na sa simula’y maaaring nakita lámang [lalo na ng mga sensura sa paglalathala] na nagtatanghal ng palagian at mas iniibig na pangingibabaw ng mabuting panig ng mga Kristiyano. Pinahalagahan ni José Rizal ang anyo nito bílang tula at sa isang bandá ay itinuring ding mapagpahiwatig hinggil sa mga totoong “kaliluhang nangyayaring hari” sa kolonya batay sa masusing pagbása sa kaniyang mga nobela.       

Sa pagdating naman ng mga Americano, panibagong “misedukasyon” at paglalayo mula sa katutubong katuturan ng áral ang naipataw sa atin. Dahil ang mga manunulat noong araw ay lumaban sa bagong mananakop, ipinagbawal ang pagpapahayag ng mga sentimiyentong makabayan at anti-kolonyal, kabílang na ang mga dulang tinawag na “sedisyoso” tulad ng mga naisulat ni Aurelio Tolentino. Laman ng mga ito ang mga alegorikong panghihimok sa mamamayan na huwag basta pumayag na masakop muli, at tiyak, pati na rin ang mga buháy na áral ng naudlot na rebolusyon. Pumasok din ang ganitong diwain sa panulaang tatawaging “Balagtasista” ni Almario (1984), di lámang dahil itinuturing na padron si Balagtas sa panulaan, kundi lalo’t higit, tinutuligsa ang “makabagong” diwaing dala ng Americanisasyon sa pamamagitan ng pagsalig sa tradisyon.  

Sa pagpapakilala naman sa Ingles bílang wika ng edukasyon, naipamana sa atin ang kababaang-tingin sa katutubong kalinangan, kabílang na ang áral, na bagaman magiging malaganap na disposisyon sa mga akda at palathalaang popular ay maipopook bílang isang temperamentong bakya at makaluma dahil na rin sa ipayayakap na paradigma ng Americanong New Criticism sa panitikan.

Sa New Criticism kasi, na isa pang dulog-pampanitikan na makiling sa akda, kinauumayan ang lubhang pagiging madamdamin at lalo na, pagiging didaktiko ng pagsulat. Higit na masining ang pagiging matimpi, mapahiwatig, at tigib ng dunong. Sa ganitong pamantayan, maraming panitikan natin ang hindi nakapasá. Mababalikan lámang muli ang pagpapahalaga sa áral sa mga pagsisikap sa paghahango sa ating mga katutubong panitikan.

Ang Halaga ng Áral

Kailangang mabalikan ng sinumang nagtuturo ng panitikan sa Filipinas ang kasaysayan at pangkulturang katuturan ng áral upang talagang magamit at mapakinabangan sa klase. Hindi lámang kasi ito isang bagay na maaaring ipalagom sa isang pangungusap na maaaring hinging pangatwiranan sa mga diskusyon. Hindi lámang ito basta-basta kabatirang maaaring agad na tumuldok sa aralín, lalo pa’t napakarami pang kailangang talakayin. Sa pahapyaw na pagbakas na ginawa natin, may tatlong maihahaying kaisipan na maaaring lumagom sa mga nararapat na pagpapahalaga sa konseptong ito na higit sanang makapagpapayaman sa ating danas-panitikan:   

1. Nilalaman ng áral di lámang ang etika o moralidad ng kolektibo kundi lalo’t higit ang mga kabuuang pananaw at pagpapahalaga ng isang lipi. Ibig sabihin, susi ang áral sa kung papaanong ibinalangkas ng akda ang karanasang itinanghal nito. Kung susi nga ito, may tatlong tungkulin ito ngayon kaugnay ng panitikan—

a. Hubugin ang málay ng mambabása hinggil sa mga pagpapahalagang panlipunan upang maging isang kapaki-pakinabang na mamamayan.

b. Papahayuhin sa kaniyang daigdig ang mambabása na may matalim na pananaw sa danas-pantao gámit ang mga nahangong pananaw at pagpapahalaga mula sa akda.

c. Palawakin ang kamulatan ng mambabása hinggil sa panitikan, sa halaga nito sa kaniyang lipunan, at sa kung ano ang maituturing na “mahalagang panitikan.” Sa pamamagitan nito, matitiyak hindi lámang ang pagpapahalaga sa panitikan, pati na rin sa pagbabasá.

2. May katangiang mapagpalaya ang áral kung pagbabatayan ang kasaysayan. Halimbawa, napapangaralan nito ang mamamayan hinggil sa mga nararapat na gawi at pagkilos sa pana-panahon ng pagkakasiil. Sapagkat nakatanim ang pag-unawa sa áral sa mga panahong kinauusbungan nito, maaari ring maging paksa ng paghahambing ang mga kasalukuyang “pangangaral” ng panitikan at mga áral sa mga akda ng nakalipas. Masdan na lámang ang isa pang tanaga sa ibabâ na kung sa panahon nito’y naglalarawan ng áral para sa mga naghahari-harian sa isang lipunan ay kilaláng nagsilbing pampanitikang babala ng taumbayan sa diktador noong panahon ng kaniyang rehimen:

Katitibay ka Tulos,
Sakaling datnang agos;
Ako’y mumunting lumot
Sa iyo’y pupulupot. 

3. Sa kontekstong Filipino, hindi masamâng katangian ng panitikan ang pagkakaroon nito ng áral. 

Ibig kong palawakin ang hulí sa pamamagitan ng pagmumungkahi sa ating mga guro ng munting pagpihit sa isa pang konseptong madalas ipanghalili ngayon sa áral—na kailangang tanggaping talagang pumasan ng napakabigat na negatibong konotasyon dahil sa naging kasaysayan nito bílang dalumat.

Ang tinutukoy ko ay ang kislap-diwa. Direktang salin ito ng insight, na sa tingin ko’y higit na katanggap-tanggap para sa kasalukuyan dahil hubad sa moralistikong katuturan at tumutukoy sa mga mahahangong katotohanan, o maaari pa, mga kontradiksiyon o kabalintunaang umiiral sa búhay habang itinatanghal sa panitikan. 

Kislap-diwa, sapagkat sa pagbása ng panitikan, pinaniniwalaang sumisilay ang liwanag ng kabatiran hinggil sa danas at kondisyong pantao. Sa una’t hulí, ang panitikan naman kasi ay tungkol talaga sa búhay ng tao, mapagpahiwatig sa mga tuklas at maaari’y mapakikinabangang dunong hinggil sa mahahalagang pangyayari, damdamin, mithiin, at sapalaran sa búhay. Ano’t ano pa man, tulad ng áral sa pinakaubod nito, inuusisa ng kislap-diwa ang mga sagot sa mabibigat na tanong ng búhay habang sinusuri ng panitikan ang mismong búhay ng tao: bakit malalalim na danas ang pagsilang at kamatayan? ano ang pag-ibig? bakit may mahirap? nagtatagumpay nga ba talaga ang mabuti? talaga bang likás sa tao ang maging mapangwasak? 

Imbes na unawain lámang ang panitikan bílang tagapagsulong ng áral, bakit hindi natin ito ituring bílang matapang na paraan ng pagtugon sa mabibigat na tanong ng búhay? May pakiramdam akong higit nating mananamnam ang mga áral ng panitikan sa ganitong paraan.

Mga Talâ

[1] Reyes, Soledad, “Ang Moralistikong Pananaw,” Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan (Lungsod Mandaluyong: Anvil Publishing Inc., 1992), 13-14.

[2] Ibid, 14.

[3] Revel, Nicole, “Heroic Characters as Models of Leaders in Philippine Oral Epics,” Indonesians and their Neighbors: Festschrift E.V. for Revunenkova and A.K. Ogloblinu (St. Petersburg: Kyhctkamepa, 2008), 205.

[4] Basahin sa Almario, Virgilio, “Palabas at Paloob: Tambalang Mukha ng Pagtula,” Ang Tungkulin ng Kritisismo sa Filipinas (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2014), 101-150.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: