Bagong Tula: Isang Tangkang Paglalagom sa Paggulang


Larawan ni Kaique Rocha mula sa Pexels.

May babala’t pangako ang taóng ito.
Sa hula ng almanake, mungkahi
Ang mangubli, ang maghunos-dili.
Makabubuting pakalmahin ang Unggoy
Sa kaibuturan [ang senyal ng aking taon],
Pigilin muna itong lumambi-lambitin
Sa mga sanga-sanga ng sapalaran.

Parang nagpapaalaala noon na dahan-
Dahanin ang lahat sa kabila ng kagyat
Na pangangailangang tapusin ang taon
Ding pagdadalubhsa’t pagsusunog ng kilay—
Na ganap na nagpahimpil sa aking búhay—
At iba pang alalahaning sige sa pagbuntot
Kahit pa iligaw, itaboy sa kung saan.

May babala ng karamdaman at biglang
Kailangang habúlin ang presyon, matapos
Ang deretsong tatlong buwang puyatan
Sa pagsulat. Patuloy ang tanggi ko
Sa di maipagpapabukas na palad pagkat
Wala naman talaga akong nararamdaman.
Ngunit ang totoo, basag ang kaibuturan
Sa tuluyang paghabol ng gulang at simula
Ng paggagamot. Ang hírap tanggapin.

May babala rin hinggil sa mga inaasahan—
Kung ibig magtagumpay, huwag makampante’t
Magbuhos ng sikap [para namang hindi
Ko ginagawa]; Kaiingat din sa pakikisama;
Tandaang sa Taon ng Aso, nakikilatis
Ang katapatan ng iba—at ng sarili, lalo na.

At ang pangako? Sa kabila ng mga hámon,
Malayo ang mararating ng abang
Unggoy na ito. Walang makahahadlang
Sa pagpapalipat-lipat niya ng sanga,
Sa pagtanaw-tanaw sa orisonte ng maaari
Kahit walang-habas sa paglamon ang sukal.

At ano nga ang narating? Tuldok sa wakas
Ng apat na daang pahina? Magkabilang dulo
Ng mga isla ng Hong Kong sa lamig ng Enero?
Pamamaluktot sa kumot ng lubhang taas-presyo?
Luksa sa mga katotong nilimas ng pagyao?
Pananatiling humaharaya sa mesang ito?

Napakalabong pangako, kung tutuusin.
Nagpapakanang magpatitig, magpahiwatig,
Maaari, hinggil sa leksiyon ng pag-alalay,
Pamamahinga, pananahimik. Tuloy sa pagsasanga-
Sanga ang búhay. Kailangang magbagong-lakas
Upang sa muling lukso, matatag pa rin ang kapit.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: