
Kababasa ko lámang muli ng sanaysay ni Caroline Hau (2000) sa kaniyang tanyag na Necessary Fictions: Philippine Literature and the Nation 1946-1980, na tumalakay, sa isang bandá, sa naging pagpapahalaga ng nobela ni Amado Hernandez, ang Ibong Mandaragit (1969), sa paghubog sa kaisipan ng mamamayang inaasahang magkakaroon balang araw ng pagkatuto’t kabatirang makapagpapalaya sa kanila mula sa kadustaan; at sa kabilâng bandá ay pumuna rin sa matayog sanang mithiin ng estado na humubog ng kamalayang makabayan sa pamamagitan ng pagsasabatas ng pagpapabasá sa mga mag-aaral ng mga nobela ni José Rizal.[1]
Ginawa ito ni Hau dahil sa matalik na ugnayan ng kuwento sa nobela ni Hernandez at ng mga nobela mismo ng pambansang bayani. Mahihiwatigang itinuturing ng mga karakter ang pagbása kay Rizal bílang paraan ng pag-unawa sa kasaysayan at saka-sakali, sa pagsugpo sa mga di-makatwirang kairalang panlipunan.
Maugong ang isang kaisipang inihayin ni Hau sa kaniyang pagsusuri, at iminumungkahi kong basahin ninyo mismo ang kaniyang sanaysay. Sa kasaysayan umano, malinaw na nakasangkapan ang panitikan [sa halimbawa ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo] bílang pedagohikong plataporma upang, wika nga niya, ay makabuo ng isang kamalayang pambansa na maaaring maturuan, makapagsuri, at makapaghanda ng pagkilos tungo sa ikababago’t ikagagaling ng bayan. Masasabi kung gayon na ipinook ng ganitong mithiin ang panitikan—pati na rin ang pagtuturo nito—bílang pagsusulong ng kalinangan at pagkamakabayan. Sa ganitong katwiran, mahahango ang masasabing dalawa nitong tungkulin sa ating konteksto—ang etikal at ang panlipunan.
Hindi katakâ-takâng lumitaw sa sulatín ni Hau ang ganitong pakiwari, lalo pa’t sinasabi niya rin sa aklat na binanggit na lalaging “minumulto” ng kasaysayan ng Filipinas ang panitikang Filipino.[2] Kayâ’t sa isang bandá, sa pamamagitan ng ganitong katwiran, mauunawaan ang dahilan ng malaganap na pagpapahalaga sa áral na naibabahagi ng mga akdang pampanitikan.
Ang panitikan, sa kasaysayang sinikap balangkasin ni Hau, ay itinuring na pormatibo sa kamalayan ng nagbabasá at nagdadala rito—sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kaniyang orisonte—di lámang ng mga bagong kaalaman o pagtanaw sa danas-pantao, kundi lalo’t higit, ng kakayahang makabatid ng mga kawastuhang inaasahan upang maging isang kapaki-pakinabang na mamamayan.
At dahil nga mamamayan ng isang lipunan ang mambabása, nakikipagkapwa siya sa mga tulad niyang kasapi din ng katipunan ng mga táong bumubuo, “humaharaya” pa nga, sa paliwanag ni Benedict Anderson (1983), sa isang lipunang tinatawag na “Filipinas.”[3] Kayâ bílang mamamayan, kailangan niyang ganap at mahusay na katawanin ang lahat ng mga adhika, kalinangan, at pagpapahalaga ng bayang ito. Kung pagtuturo ng panitikan ang pag-uusapan, masasabing nararapat lámang, upang matupad ang aking binanggit, na bigyang-diin ang dalawang bagay—una, ang pagtuturo ng panitikan sa paraang sinusuri ang akda gámit ang mga lenteng nagpapagitaw ng adhikaing higit na maging makabayan ang mambabása; at ikalawa, ang pagtuturo ng mga panitikang makiling sa makabayang adhika.
Maraming problema ang ganitong pananaw, at naturol ni Hau ang ilan sa mga ito sa kaniyang panunuri—kabílang na ang bagahe ng pampamahalaang pagtatakda sa mga tunguhin at tutuntunin ng pagtuturo sa mamamayan. Sa ganang akin, naikakahon din nito ang akdang pampanitikan upang maglingkod lámang sa mga nakapirming tungkulin.
Bílang pagpapalawig, kailangang igiit na isang komplikadong proseso ang pag-aakda ng panitikan, ang akda mismo bílang organismo, ang pagtunghay nito sa daigdig at panahong kinauusbungan, at pagtanggap dito ng pinatutungkulang mambabása. Hindi basta-basta maitatakda ang mga ito, kayâ’t sa isang bandá’y maaaring makabigo sa halos naging pagdakila natin sa panitikan bílang balon ng etikal at panlipunang kabatiran. Isa pa, sa pagkakahon sa panitikan sa mga tiyakang palagay, madalas na nasasalaylayan sa usapan sa klase—lalo ng mga nahirati sa pagpapahalaga sa áral ng akda o ng mga baguhan [na naturuan ng mga nahirati]—ang akda mismong dapat ay pangunahing isinasaalang-alang, ubod at dahilan ng ating pagtuturo.
Hindi natin maitatatwa ang katotohanang talagang nag-ugat ang pagkiling ng marami sa atin sa paghango sa áral ng panitikan sa klase sa mismong makabayang lunggating naipakilala sa mahabang panahon ng lehisladong pagpapabása ng mga nobela ni Rizal. Kayâ kailangan din talagang balikán kung ano ba talaga ang layon ng patuturo ng panitikan.
Kapag inisip nating mabuti, ang pag-iisip hinggil sa pagtuturo ng panitikan ay gaya rin ng pag-iisip hinggil sa pag-aaral ng panitikan. Ang paksa ng pag-aaral ng panitikan ay panitikan, na binubuo ng mga nasabi ko na—ng pag-aakda, ng akda, ng minamalas nitong daigdig, at ng pagtanggap dito. Sa ganitong katwiran, ang pagtuturo ng panitikan ay pagtuturo ng kompleks na ito, na ang pangunahing batayan ng paghinuha, ang pinakasentro ng nag-uugnayan-naghihilahang mga bahagi ng inilarawan kong kompleks ay ang akda.
Kung gayon, maigigiit na ang talagang pangunahing layon sa pagtuturo ng panitikan ay ang pagtuturo ng akdang pampanitikan. Ito’y habang itinuturing din, bílang mahahalagang salik ng kaligiran nito ang intensiyon o kasaysayan ng awtor, ang kontekstong pangkasaysayan ng likha, at ang resepsiyon ng nagbabasá. Ang makabansang adhika, na maituturing na nása larang ng resepsiyon—siyang lápit na nagpapahalaga sa epekto ng akda sa nagbabasá, at siya ring larang ng áral—ay higit na mapagigitaw, kung nagalugad talaga nang husto ang akda bílang panitikan. Ibig sabihin, bago ang lahat, panitikan.
Maiuugnay ang ganitong pananaw sa mungkahi ni Virgilio Almario (2008) na panahon nang pag-ukulan ng pagpapahalaga si Rizal bílang nobelista, matapos ng matagal na “pagtimbang” lámang sa “kabuluhang pampolitika ng kaniyang mga akda.”[4] Sabi pa ni Almario, “may malaking tungkulin ang kaniyang [ni Rizal] mga tagahangang mambabása na patunayang nakasulat nga siya kahit papaano ng dalawang nobela.”[5] Dagdag pa niya, “(i)pinahayag ni Rizal ang kaniyang mga paniwalang pampolitika sa wika’t anyo ng panitikan. Pinatindi ang bisà ng kaniyang paninindigang pampolitika dahil sa bago’t naiibang manyobrang pampanitikang naidulot ng paggamit niya sa anyong nobela.”[6]
Kung susundin natin ang ganitong pangangatwiran, makikitang tungkulin din natin, bílang mga guro, ang talagang ipamalay sa estudyante ang pagiging panitikan ng akda—isang pamamaraan ng pagsulat at pamamahayag, isang pagharaya’t komposiyon—bago igiit ang anumang mahahangong áral o palahamibingang pangkasaysayan mula rito. Magkaugnay ang dalawa’t integral sa danas ng pag-aaral ng panitikan.
Hinding-hindi natin maaaring iwan ang teksto sa ngalan ng anumang adhika. Pakatandaang walang adhika kung walang akda. Samantalang hindi masamâng patuloy na isulong ang mga pagpapapahalagang sibiko na sinikap ipakalat sa kurikulum noon hinggil kay Rizal—ang dahilan ng lubhang pagkalulong ng marami sa atin sa paghango sa áral—makabubuting huwag nating bakuran na lámang ang pagbása sa panitikan sa mga takdang pagtanaw at halagahan.
Kung ang layon ng pagtuturo ng panitikan ay pagtuturo sa panitikang may langkay na mga kaligiran [awtor, daigdig, mambabása], nararapat ding maging layon ang pagpapayaman sa danas sa panitikan sa loob ng klase. At hindi ito mapayayaman kung hahayaang magsabato ang teksto sa mga minana nating pagtanaw dito.
Naiisip ko pa ring halimbawa ang Noli ni Rizal, at ang kung papaanong noong binása ko itong muli bílang paghahanda sa pagbuo sa isang teksbuk, ay ulit-ulit akong humagalpak sa katatawa sa mga totoo namang katawa-tawang tagpo nito, at sa mismong himig ng nagsasalaysay na madalas ay mapang-uyam, lalo’t kung inilalarawan ang ipokrisiya ng makapangyarihan at yaong maituturing na mga langaw na nakasampa sa kalabaw. Hindi ko ito naranasan noong mag-aaral pa ako. May lugod sa katatawanan ngunit maaaring agapayan ang ganitong danas kung maiuugnay sa kapangyarihan ng panulat na tumuligsa sa kawalang-katarungan.
Sa tingin ko, may tendensiyang makabagot ang pagpapabaya na unahan táyo ng ating kagawian ng pangangaral o ligaw na pagsasangkot sa kasaysayan. Sinasabing dahilan din ito ng pagkasuklam ng kabataan sa panitikan. Bakâ sakaling may mapulot táyong magbibigay-diin sa mga kislap-diwang dapat nating nahahango sa lugod na nararanasan natin, halimbawa, sa karakterisasyon, sa tunggalian at banghay, kahit sa mga laro-sa-salita at indayog ng taludtod at talinghaga.
Tandaan natin ang isang bagay, sakaling naliligaw sa pagtuturo ng panitikan, o may kakilalang nakaliligta. Panitikan muna, bago ang lahat. Mula rito, higit na magkakaroon ng lalim ang totoo namang mga pagsasanga ng layon ng pagtuturo ng panitikan—ang pagpapahalaga sa manlilikha at paglikha ng sining; ang pagsasaalang-alang sa ugnay nito sa mundo sa isang saklaw ng panahon; at ang pagkilala sa samutsaring epekto na naidudulot nito sa mambabása.
Mga Talâ
[1] Hau, Caroline, “The Problem of Consciousness,” Necessary Fictions: Philippine Literature and the Nation 1946-1980 (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2000), 15-47.
[2] Hau, “Introduction,” Necessary Fictions, 11.
[3] Batay ang ganitong pangagatwiran sa pakahulugan ni Anderson sa dalumat ng “bansa.” Wika niya, ito ay “imagined community.” Imagined Communities: Reflections on the Origin and Spread of Nationalism, reb. ed. (Lungsod Pasig: Anvil Publishing, 2003).
[4] Almario, Virgilio, “Paunawa,” Si Rizal: Nobelista (Pagbása sa Noli at Fili bílang Nobela) (Lungsod Quezon, University of the Philippines Press, 2008), ix.
[5] Ibid.
[6] Ibid, viii.
One response to “Palaisipan 3: Ano ang Layon ng Pagtuturo ng Panitikan?”
Napakagandang babasahin
LikeLike