Palaisipan 6: Bakit Kailangang Pag-aralan ang Filipino at Panitikan?

Larawan ng Pixabay sa Pexels.com.

Sa napakasaklap na dahilan—ang tuluyang pagpabor ng Korte Suprema sa pagtanggal sa mga asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo, at patuloy na pagbubulag-bulagan ng pamahalaan sa totoong sitwasyon ng pagtuturo ng mga nabanggit sa batayang edukasyon—kailangang batahing muli ang pagtugon sa tanong na ito. 

Hindi lámang dahil nakataya rito ang kabuhayan ng libong guro na noon pa’y dumadaing sa pagpapatupad ng sistemang K to 12, na may dakilang layon na ihanda ang mag-aaral na Filipino sa global na panahon. Mabigat na nga itong dahilang ito kung tutuusin, dahil napakarami nang nawalan ng trabaho nitong mga nagdaang taon. 

Ngunit nakataya rin dito ang ating pangmalawakang kalinangan bílang kultura. Napakaraming mawawala at mapawawalang-saysay ng pangyayaring ito. Kayâ hinihinging muling pag-isipan ang mga sumusunod: Ano nga ba ang nasa Filipino at Panitikan at kailangan natin itong bantayan, ipagtanggol, at panatilihin, lalo sa mataas na edukasyon na pinagtanggalan nito? Bakit kailangan pag-aralan ang mga ito? Ano ba ang napapala natin sa mga ito? 

Dalumat, Danas, Dunong

Ang totoo, magkaugnay ang Filipino at Panitikan—kambal na maituturing—sa kabuuan ng kasaysayan ng sistema ng edukasyon sa Filipinas. Sa pamamagitan ng Panitikan sinisikap ituro ang Filipino bílang wikang pantalastasan. Sa kabilâng bandá, ang Panitikan naman ang nagiging makabuluhan, makapangyarihan, at mabungang plataporma ng pagtuturo sa mga dalumat, danas, at dunong ng malawakang kulturang Filipino. Sa matagal na panahon, ginagawa ang mga ganitong gawain sa loob ng mga silid-aralan sa Filipinas. Naging daan din ito, sa tingin ko, sa patuloy na deskolonyalisasyon sa minana nating sistema ng edukasyon mula sa mga Americano. 

Bagaman nagtuturo rin naman ang ating mga paaralan ng Panitikan sa Ingles—at nakapagkakaloob ito ng isang pananaw na malawak, sarikulay, at pandaigdigan—sa tingin ko’y wala pa ring tatalo sa pagtalakay sa mga nasabing dalumat, danas, at dunong, at lalo na sa ating mga natatanging pamamaraan ng pakikipagtalastasan, sa wikang Filipino, gámit ang mga panitikang nasusulat sa ating mga wika. Marami sa mga ito’y sa ating mga wika lámang lubusang maiintindihan at maipapaliwanag. Kayâ, sa hulí, ang pagtatanggol sa Panitikan ay talagang pagtatanggol din sa Filipino, at vice versa.

Ibig kong itanghal ang tatlong nabanggit, na sa aking paniwala’y sa Filipino at Panitikan lámang maaaring malalimang matampok, matalakay, at maunawaan. Nais ko ring patunayan ang pangangatwirang ito, kahit na pahapyaw, sa pamamagitan ng isang kawing ng mga ilustrasyon. Hinggil sa dalumat, ang tinutukoy ko ay mga pananaw at pagkakaunawa sa mga bagay-bagay na madalas ay naisisilid sa mga salitâng buháy sa ating wika at gunita. Ang danas naman ay paglalagom sa ating mga pinagdaraanang nagbibigay-katuturan hinggil sa ating sarili, pamayanan, at bayan. Dunong naman ang tagapagbuod sa ating kultural na talino at mga pamamaraan ng pag-alam.  

Tungkol sa dalumat, hindi ko malimutan ang personal na kuwento ni Virgilio Almario (1990) hinggil sa pagkakatagpo niya sa salitâng “parikala.” Dati-rati, madalas umano siyang makarinig ng kantiyaw na wala tayóng katutubong dalumat para sa irony, ang estropang nagpapahiwatig ng “isang uri ng pagpapatawa,”[1] at ayon naman kay Meyer H. Abrams (1999), sa kaniyang A Glossary of Literary Terms, “remains the root sense of dissembling or hiding what is actually the case; not however, in order to deceive, but to achieve special rhetorical or artistic effects.”[2]

Sa pangmalawakan, nagpapahayag ang irony ng kakulangan sa kaisahan sa pagitan ng ipinahahayag at sa ipinakikita o totoong ipinahihiwatig. Tampok ito sa mga pigura ng litotes o understatement, sa isang bandá, at hyperbole o pagmamalabis, sa isa pa; at sa pinaniniwalaang tatlong anyo nito—ang parikalang verbal, na sumasakop sa dalawang pigurang ating nabanggit; parikala sa sitwasyon, na nagtatanghal na mga kabaligtaran ng mga inaasahan; at parikalang dramatiko, na matalik na kaugnay ng panonood ng klasikong trahedya.     

Ani Almario, ang kawalan nito’y animo’y nagpapatunay na ang uri ng pagpapatawang tinatangkilik natin ay “(h)anggang ‘berde’t baboy’…kaya’t burlesk…at OA (overacting) lámang ang nakapagpapamukadkad ng gilagid nati’t bunganga.”[3] Ngunit napatunayan niyang mayroon ngang katutubong konsepto nito nang magbulatlat siya ng Vocabulario de la Lengua Tagala (1754; 1860) ng mga Fransiskanong sina Juan José de Noceda at Pedro de Sanlucar. Mahalaga ang tuklas na ito, na sa Filipino at Panitikan lámang mapahahalagahan at lalo pang mabubuklat. Sapagkat wika nga niya, 

Nakatudling sa puso ng parikala ang pagkadama sa walang tigil na agos ng buhay at kasaysayan, sa pagsulong at pagbabago na mahirap malusutan, sa pagtitimbang ng isang iglap at walang hanggan, sa walang katapusang tunggalian at pakikibaka.[4]

Tendensiya ng Filipino at Panitikan na maging maugnayin. Kayâ’t madaling matuklasan sa pag-aaral ng mga ito—lalo sa liwanag ng ating mga pekulyar na danas—ang likás na pag-iral ng parikala sa búhay. Masdan na lámang halimbawa ang nakamihasnan nang romantisasyon ng mga Filipino sa sariling katatagan tuwing magtatapos ang pananalasa ng bagyo. Sa isang bandá, seryoso ang mga Filipino sa bagay na ito, sapagkat talaga ngang kahanga-hanga at nakadadala ng damdamin ang pagbabayanihan at pagkakapwa-tao para sa mga nasalanta. Ngunit ano nga ba ang totoong nasa likod nito? Iyon lámang ba ang “mababása” sa danas na ito? 

Filipino at Panitikan ang maaaring magpamulat hinggil sa parikalang umiiral sa sitwasyong ito. Sa unang sapin, maaaring makita ang parikala sa ibayong optimismo sa kabila ng mga pagkawasak at pagkawala. Ang patuloy na pagtitindig na muli ng mga bahay—na parang walang nangyari—ay isa na ngang mahimalang parikala. Noong unang panahon pa lámang, hinaharaya na ang mga bagyo bílang isang pagsubok na kakayanin, “titigisin,” sang-ayon nga sa tulang natutuhan nating tukuyin bílang ang “May Bagyo Ma’t May Rilim.” Kayâ sa ating pananaw, buháy ang maparikalang pagpapahalaga sa katapangan at maluwag-sa-loob na pagtanggap sa mga tunay at matalinghagang bagyo. Dahil wika nga, sa isa pang talinghaga ng mga salawikain sa anyong dalít,

Ang sugat ay kung tinanggap,       
Di daramdamin ang antak;
Ang aayaw at di mayag
Galos lámang, magnanaknak.

Subalit hindi dito nagtatapos ang diskusyon. Ang parikala’y isang estropang nagdadala ng mga kislap-diwa hinggil sa karunungang-bayan. Sa sosyo-politikal na mga usapin, palagiang nadadawit ang talinghaga ng bagyo bílang paraan ng pag-unawa—at pag-usig na rin—sa di-iilang madilim na yugto ng kasaysayan. Kayâ hindi rin mahirap isiping sa ngayon, “binabagyo” nga rin táyo ng maraming delubyong panlipunan—sa anyo ng paniniil o pananakot sa mga kritiko ng pamahalaan, pagpopondo’t pamumuhunan sa lalong ikalilito o ikamamangmang ng mamamayan gámit ang fake news, pagkabuwal ng laksa sa gabí-gabíng digmaan kontra droga, at pagbibingi-bingihan ng pamahalaan sa mga hinaing ng mamamayang pasan-pasan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan.

Patuloy na nananalasa ang bagyo habang nagririgudon ang mga politiko para sa nalalapit na halalan. Nito ngang hulí, isang butihing historyador ang nagpanukala, pa-muli, na “basahin” ang siyang mata-ng-bagyo bílang pusóng [mula sa mga kuwentong Juan Pusóng mula sa Visayas] o yaong tinatawag na trickster sa mga panitikang bayan. Muli, dahil sa kaniyang matagumpay na pag-akyat sa sentro ng kapangyarihan mula sa kuta at laylayang Mindanao, at pinaninindigang paglansag sa mga datihan at dominante sa pambansang politika. Hindi ito ang unang pagkakataon na “binása” ang sinasabing pusóng bílang pusóng, at marami nang naging pagtalakay at pagtatalo hinggil dito. 

Ang siste kasi, sinasabi ng ilan na ang pagkakaunawa ng mga bumabása sa pusóng bílang pusóng ay taliwas sa kung ano talaga ang pusóng sa ating konteksto. Sinsabing napapangatwiranan lámang ito batay sa mababaw na pakahulugang Kanluranin sa trickster, na hindi kailanman malalagom ang kabuuang kultural na saysay ng pagiging pusóng. Sa Filipino at Panitikan, hindi lámang nagiging posible ang ganitong muli at muling paglalapat ng mito sa mga pigurang sosyo-politikal. Nagiging posible rin ang pagpapatunay kung wasto ba ang paglalapat na tinutupad sapagkat naitatanong ang mga dapat tanungin, habang nakalapag ang mga paa sa sarili nating lupa.

Dagdag pa nga, halimbawa, ni Mila Aguilar, 

(f)ew if any of the current Western theoretical approaches could fully account for the dynamics of tricksterism in the Philippine context, its working in tandem with buffoonery, its political overtones and economic undertones, as well as its dialectic within Philippine history and society.[5]

Kung gayon, wasto ba ang ganitong pagbása sa pusóng, at pagturing sa itinuturing na pusóng bílang pusóng? Malaki ang tiwala kong Filipino at Panitikan lámang ang makatutugon sa mabibigat na hámon na ito, lalo pa’t pipilitin táyo ng mga ito na balikán, halimbawa, ang mga tomo ng panitikang bayan na tinipon ni Damiana Eugenio. Tiyak na marami táyong mapupulot na katutubong saysay ng pusóng mula sa mga ito, at sa taglay niyang parikala, lalo na kung mga “nangyayaring harı” ang pag-uusapan.      

Ilan Pang Karagdagang Pangangatwiran

Nailahad, naitanghal ko ang mga napakahalagang nilalaman ng Panitikan, at lalo na ng mga panitikan sa Filipinas [dahil totoong napakarami!], na dapat isaalang-alang ng mga tagapagpasya ng nilalaman at estruktura ng kurikulum. Totoong taglay ng mga ito, sa bawat pagtuturo at pagkukuro, ang dalumat, danas, at dunong ng Filipino at kaniyang mayamang kultura. 

Madaling sabihing motherhood statement ito, oo. Kasi nga naman, sa isang bandá, talagang mga abstraktong bagay itong mahirap sukatin, lalo sa paraang isinusulong ng mga tagapagbandera ng makiling-sa-mga-agham-at-teknolohiyang-disiplinang outcomes-based education at malaganap na oryentasyon sa edukasyong pansiglo 21, na sa kasawiampalad ay nakatuon lámang sa paghahanda ng mga manggagawang magpapaempleyo sa ibayong-dagat.

Pero subukin nating tingnan ito sa pananaw ng kasaysayang Filipino, at hindi mahirap isiping talagang lubhang napakamapanghamon na gagapin ng mga taglay na ito, sa kanilang pinakabásal na anyo. Halimbawa, batugan nga bang maituturing ang isang lahi na inaaglahi at pinupuwersang buwisan ng kolonisador sa pamamagitan ng sapilitang trabaho? Nasagot iyan ni José Rizal (1890) sa kaniyang mataginting sanaysay, ang “Sobre la indolencia de los filipinos,” hinggil sa katamaran ng mga Filipino. Dito, inusig ang pananaw ng mga Espanyol sa pamamagitan ng rasyonalisasyon sa panghihinawa ng mga táong naaapi. Muling ipinagkaloob ni Rizal ang dignidad ng mga Indio sa pamamagitan ng pagliligtas, pagbubuo sa kaniyang galíng at bait.       

Ang maganda sa mga panitikan [ng ating bansa, at ng daigdig], nadadalisay ng mga ito ang mga nasabing dalumat, danas, at dunong, upang mapagnilayan sa anyo ng pagbabasá, at patuloy na pagbabasá sa mahabang panahon. Dahil ipinopook ng mga manunulat ang mga dalumat, danas, at dunong na ito sa mga salaysay, talinghaga, at pagtatanghal na malapít at totoo sa nagbabásang Filipino, nagkakaroon ng pagkakataon ang hulí na lalong magkamalay at magpalalim ng pag-unawa sa mga bagay-bagay. Nagdudulot ito ng kalayaan para sa kaniya, sapagkat sa isang bandá, nagsisimula talaga sa haraya ang pagbaklas sa anumang tanikala. Ani Almario (2014), sa kaniyang muling pagpapahalaga sa Florante at Laura, 

isinisilang ang kamalayan-sa-kalayaan bílang mabigat na pakiramdam sa pagpangitain ng ‘Haraya.’ Mula dito, walang opsiyon ang katutubong “Haraya” kundi ihanap ang sarili ng ginhawa [kaniya ang diin], na nangangahulugan na ng literal na pagkilos upang simbolikal na isúlong ang kamalayan-sa-kalayaan tungo sa higit na mataas na anyo o yugto hanggang sa kaganapan ng katutubong “Haraya-sa-Kalayaan.”[6]

At bakit ito ginagawa ng mga panitikang Filipino na binabása at itinuturo sa mga klase sa Filipino? Sapagkat kailangang maigpawan ng Filipino ang kaniyang pagiging komplikadong nilalang na hubog ng tatlong sapin ng karanasan at impluwensiyang kolonyal; mga sigalot sa nakaraan na nagpapatuloy sa kasalukuyan; at kalagayang pulo-pulo, tribo-tribo, at dahil nga ganoon, watak-watak. Isa itong pangangailangang gawain dahil ang sinasabing “pag-aakda” sa bansa ay isang patuloy na proseso ng pagdalisay hindi lámang sa kabansaan, pati na rin sa ating identidad. Isa ang wika sa mahuhusay na bigkis ng lahi. Pintungan naman ng wika ang panitikan.    

Isang walang-katapusang gawaing binabatá ng ating mga manunulat ang pag-aakda sa bansa, sapagkat wika nga ni Resil Mojares (2000), kamakaila’y itinalagang pambansang alagad ng sining para sa panitikan, hinggil sa ating kabansaan, “we are haunted by the sense that we have not imagined deeply enough its shape, span, strength, depth.”[7] Masakit mang pakinggan, isa táyong lahing wala o lumalaboy ang kaluluwa—ang ating kaakuhan. Kailangang tawagin ito pabalik sa ating pambansang katawan upang patuloy táyong mabuhay. Kailangang patuloy itong gawin, lalo pa’t giit ni Mojares, “Philippine literature has never occupied a prominent place in the curricula of colleges and universities.”[8]  

Binabatá ng asignaturang Filipino, at ng mga panitikang Filipino na paksa nito, ang gawain ng paghango sa wika nga’y “kakang-gata” ng bawat dalumat, danas, at dunong na isinasapanitikan at inihaharap sa pagtuturo’t pagbabasá. Sa tingin ko, hindi sapat ang hayskul para sa pagnamnam sa mga ito. Kung sinisikap na tumaas ang kasanayan dito, at talagang ibig itong maging mapakinabang hanggang sa paglabas sa paaralan ng edukado, bakit ba hindi na lámang ito panatilihin hanggang sa kolehiyo? 

Sa tingin ko, hindi matanggap ng mga kumakatig sa di-makatwirang pasya ng Mataas na Hukuman na hindi na lámang basta pag-aaral ng wika at pagbása ang Filipino at Panitikan sa pangkabuuan. Hindi na lámang ito pagpapahusay sa mga kasanayan sa pakikipagtalastasan at pagkatuto. Ito’y isang nakapagsasariling disiplina na may malawak na saklaw at interes, na kung minsa’y humihiram pa nga sa mga pamamaraan ng mga halos kapatid na disiplina ng agham panlipunan, o anumang nagbubukas dito ng pinto at nagpapatulóy.

Isa pa, bagaman itinatadhana ng kurikulum ang interdisiplinaridad sa batayang edukasyon, nangyayari lámang talaga ito sa mga kolehiyo at pamantasan kung saan higit na litaw ang mga pamumuhunan sa mga larangan. Hindi lámang naman usapin ito ng pagkakapuwang ng Filipino sa mga disiplinang, oo, maaari ngang magkanlong dito sa mga matataas na institusyon ng edukasyon. Ngunit maitatanong: Maituturo ba ng mga disiplinang nabanggit ang tatas ng mas mataas na uri ng talastasang pampamantasan sa wikang Filipino? Maituturo ba nila ang kultura lalo pa’t may mga dapat pang itinuturong kasanayang espesipiko sa kanilang larang?  

Higit na magiging makabuluhan ang mga natutuhan sa batayang edukasyong pampanitikan kung iaakyat din ang mga ito sa mga silid-aralan ng kolehiyo o pamantasan, siyang bungad ng mga mag-aaral sa totoong mundo matapos nilang magtapos, at kung saan higit na mapatataas ang antas ng pagtalakay dito. Kung real-life at long-term learning ang talagang hanap natin, bakit pa lalayo sa Filipino at Panitikan? Naikintal na sa mga ito ang lahat ng maiging linangin, lalo sa panahon ng lalong paggulang ng mag-aaral.

Samantala, hindi rin dapat magdiwang ang mga tinaguriang “kontra-Filipino,” na madalas, sa kakatwang dahilan, ay itinatago lámang ang kanilang pagiging “Inglesero” sa sáya ng kasalukuyang nasa modang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE). Marapat lámang tandaan na ang pagtatanggal sa Filipino at Panitikan ay paglalansag sa mga platapormang malaong kumakalinga sa iba pang pambansang wika at panitikan mula sa rehiyon. Kung tutuusin, pare-pareho táyong mawawalan. Kung malalansag ang mga kagawaran ng Filipino at Panitikan, matatanggalan ng inpraestuktura ng pagpapaunlad at paglinang ang lahat ng sangkot sa mga wika at panitikan.  

Ang Filipino at Panitikan sa Silid-Aralan

Ano nga ba ang nagaganap sa loob ng silid-aralan ng Filipino at Panitikan na tumutupad sa ganitong mga pangako ng pagnamnam sa kakang-gata ng bawat dalumat, danas, at dunong na Filipino? Pangunahing plataporma ang mga panitikang Filipino sa pag-aaral at pagpapahusay sa wika. Sa pamamagitan, halimbawa, ng mga kuwentong pambata, maaaring magkaroon ng panimula ang batà sa pakikinig, na isang napakahalagang kasanayan. Nasusuhayan nito ang pagsasalita, na malaong nang natutuhan sa tahanan. Nagkakaroon din siya ng panimula sa pagkilala, kahit sa kamusmusan, sa kaibhan ng wikang pasalita at pasulat na kaniyang unti-unting aaralin.

Napakapayak na mga gawain, kung tutuusin, kundi nga lámang talagang unti-unting pinalalalim ng mga ito ang karanasan ng batà sa wika. Nakaeengkuwentro ng batà ang wika, pati na rin ang iba’t iba nitong hiwaga, sa pamamagitan ng mga salaysay, tula, at bigkas.

Ngunit isa pang hiwaga ang kaniyang natutuklas habang natututuhan niyang gamítin ang wika—ang kakayahan nitong mapagpakahulugan, ang kakayahang magpahatid ng mga ibig sabihin. Kapag siya ay nakikinig o nagsasalita sa klase, may sinasabi siyang makahulugan. Kapag siya ay nagsusulat sa pisara o sa kaniyang kuwaderno, may sinasabi siyang makahulugan. Sa guro, at sa mga manunulat niya unang natututuhang kapag nag-asemblea ng wika ang isang tao, siya ay nagpapakahulugan. Matagal niya itong pinagsasanayan. 

Nagagamit din ang mga panitikan sa lalong pagkatuto sa balarila ng wika. Dahil ang wika ay isang kompleks ng mga balarila o panuntunan ng paggamit dito upang maging mapagpakahulugan, isinasaloob ng mag-aaral ang kasanayan sa paggamit dito upang sa bandáng hulí’y maging maalam sa pakikipagtalastasan sa kaniyang kapwa. Maraming silbi ang kaalaman, mulang mga pagkakaunawa sa mga pangngalan hanggang sa iba’t ibang antas ng pagtatalastas at pagpapakahulugan. 

Sa pag-aaral ng wika, napahahalagahan ang pagiging bahagi ng mag-aaral ng isang komunidad, ng isang lahi, ng isang bansa. Akala ng marami, walang kawawaan ang mga gawaing gramatiko’t mga praktikal na ehersisyong pantalastasang itinatanghal sa klase. Paulit-ulit man sa bai-baitang, paalala ang mga ito na kasapi ang mag-aaral ng isang pangkat ng mga táong patuloy na nagpapasya hinggil sa kung papaano magkakaunawaan at makagagawa ng kahulugan. Kayâ walang terminal o katapusan ang pagsasanay sa wika. Sa bawat panahon, at sa maraming konteksto, talagang mahusay na plataporma ang panitikan para sa mithiing ito.

Subalit nagpapakahulugan nga sa isang natatanging paraan ang panitikan sa pangkalahatan, at hindi lámang ang tuwirang inihahayag nito ang dapat na maunawaan. Kailangan din nitong mabulatlat, mabása pati ang mga hindi sinasabi. Sa silid-aralan din ng Filipino at Panitikan natututuhan ang pag-ulinig sa mga ipinahihiwatig ng panitikan bílang isang uri ng masining na pakikipagtalastasan. Sa klase, pinaghuhusayan ang isang paraan ng pagbásang talagang mahalaga at walang kaduda-dudang magagamit sa habambuhay—ang close reading na tinatawag o pagtitig sa teksto. Ginagawa nitong higit na matalim ang tao sa pag-unawa sa mga tandâng nakapaligid sa kaniya—hanggang pati ang mga tandâng di-pasulat, tulad ng mga talastas na biswal, ay matutuhan na rin niyang mabása. 

Sa pamamaraang nabanggit, tinutulungan ng guro ang mag-aaral na buklatin ang akda sa pamamagitan ng mga tanong o udyok na magtutulak ng ibayong pagsusuri. Sapagkat wika naman talaga ang bumubuo sa akda, natututo ang mag-aaral na maging sensitibo, hindi lámang sa indayog ng lengguwahe, kundi pati na rin sa nuances o pagkasari-sari ng pakahulugan nito.

Nakikilala niya, halimbawa, ang matapat, maalab, o mapanggagad sa bawat himig, at nakasisiya iyon, sapagkat sa totoong búhay, talagang napakahalaga ng tono sa pag-unawa sa mga sinasabi ng kapwa, at lalo na, ng sarili. May tono ang pananalita, at kahit nakalimbag na ang wika sa panitikan, laging nagpapaulinig ang katangiang oral nito. 

Marami pang nabubulatlat ang pag-aaral ng panitikan. Halimbawa na, ang kompleksidad ng tunggalian na nasa kaibuturan, kapwa ng prosa at tula. Sabi nga, kung walang tunggalian, walang kuwento; at kapag walang kuwento, walang kuwenta. Napakalupit na hatol, masasabi ninyo.

Pagsasakataga ng laksang komplikasyon sa búhay ang panitikan, at ginagawa iyon upang matulungan ang mga táong mapagnilayan ang mga malamáng na mangyayari sakaling magkaroon ng mga ganito o ganoong salimuot sa mga sitwasyon. Ang panitikan ay paglalakbay sa mga laberinto ng salimuot ng búhay ng tao, at nagkakaroon táyo ng pagkakataong titigan ito, mata sa mata, sa aruga ng silid-aralan ng mga klase sa Filipino at Panitikan, kung saan ligtas itong gawin. Sinasabing wala raw ensayo ang mabuhay, subalit dahil sa panitikan, nagkakaroon táyo ng pagkakataong suriin ang karanasang pantao.

Tumindig para sa Filipino at Panitikan

Muli, dapat bang hayaan na lámang ang pagpapahusay sa mga kasanayang pampanitikan na ito sa hayskul, upang, wika nga ng mga “makikinabang” sa reduksiyon sa yunit ng Filipino at Panitikan, ay magkaroon ng mas mahabang panahon ang mag-aaral sa kaniyang espesiyalisasyon?

Ibig kong maghayin ng magkakaugnay na kontra-tanong sa mga “makikinabang” na nabanggit—na marahil magpapapiyesta o magpapamisa dahil sa pasya ng mataas na hukuman. Tumitigil ba táyo sa paggamit ng wika matapos ng hayskul? Tumitigil ba táyo sa pakikipagtalastasan sa ating wika matapos ng hayskul? Tumitigil ba táyo sa pagiging Filipino matapos ng hayskul? Higit sa lahat, tumitigil ba táyo sa pagiging tao matapos ng hayskul? Aba’y kung “oo” ang sagot sa mga ito, maaari nating tanggapin, kahit mabigat sa loob, ang napakasaklap na palad ng tuluyang pagkaparam ng Filipino at Panitikan sa kurikulum ng mataas na edukasyon.

Ngunit alam nating ang sagot ay “hindi.” Hindi táyo tumitigil sa paggamit ng wika habang nabubuhay táyo, bílang kasapi ng ating lipi. Lalo na, hindi táyo tumitigil sa paggamit ng wikang Filipino dahil kasangkapan natin ito sa araw-araw habang nananatili táyo sa lupain ng Filipinas o nakikisalamuha sa mga kapwa-Filipino.

Hindi rin naman táyo tumitigil sa pagiging Filipino—hanggang, marahil, piliin nating magpalit ng pagkamamamayan matapos lumisan at manatili sa ibang bayan. Hindi rin naman táyo tumitigil sa pagiging tao, hanggang sa hukay. Bakit, kung gayon, kailangang iwan ang pagkamalay at pagpapalalim ng unawa sa wika, pagka-Filipino, at pagkatao sa Filipino at Panitikang panghayskul? 

Inuulit ko: Magkakaroon ng mas maigting na talakay ang wika at mga panitikan ng Filipinas kung itatalaga pa ring mga asigntura sa kolehiyo ang Filipino at Panitikan. Higit na magkakaroon ng pagkamalay at pagpapahalaga ang magtatapos, hindi lámang sa wika at mga pamamaraan nito ng pagtatalastas, kundi pati na rin sa panitikan na siyang naging paraan upang maunawaan niya ang mapagpakahulugan nitong katangian. 

Dahil manibalang nang maituturing ang mag-aaral, mapalalalim ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo ang kaniyang pagkakaunawa sa wika at panitikan bílang mga makabuluhang kagamitan sa kaniyang pang-araw-araw na pag-iral. Sa higit na mataas na antas ng diskusyon, maaasahang makikita niyang humihigit pa sa karaniwang komunikasyon ang gámit ng wika. Maiuugnay niya rin ito sa pag-iral ng panitikan, na isang uri ng pagkasangkapan sa wika na higit sa karaniwan, at higit na malikhain. Patuloy na mabubuksan ang kaniyang diwa hinggil sa sarili, bayan, at daigdig. At higit siyang magiging táong may kabuuan, edukado sa hambal, at may pagka-Filipino.

Talâ

[1] Almario, Virgilio, “Ang Pagbabalik sa Parikala,” ed. Almario, Parikala: Mga Bagong Tula, Mga Bagong Makata (Lungsod ng Maynila: Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo at Kalikasan Press, 1990), 9.

[2] Abrams, Meyer H., “Irony,” A Glossary of Literary Terms, 7th ed. (Boston: Heinle & Heinle-Thomson Learning, 1999), 135. 

[3] Almario, “Parikala.”

[4] Ibid, 10.

[5] Aguilar, Mila, “Fighting the Panopticon: Filipino Trickster Tales as Active Agency,” Mila D. Aguilar.ph, 13.

[6] Almario, Virgilio, “Introduksiyon sa Panitikan Tungo sa Kalayaan,” Si Balagtas at ang Panitikan para sa Kalayaan (Lungsod ng Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2014), 27.

[7] Mojares, Resil, “The Haunting of the Filipino Writer,” Waiting for Mariang Makiling: Essays in Philippine Cultural History (Lungsod Quezon, Ateneo de Manila University Press, 2002), 297.

[8] Ibid, 304.

Advertisements

Palaisipan 5: Sino ang Awtor?

Larawan ng Pixabay sa Pexels.com.

Ang awtor ang siyang sumulat ng akda. Siya ang málay na humubog sa ating binabása, at ipinagpapalagay natin na makahulugan ang kaniyang isinulat sapagkat itinakda niyang maglaman ito ng kaniyang mga pagpapalagay. Nakikipagtalastasan sa atin ang awtor sa pamamagitan ng asemblea ng salita na kaniyang pinawawalan matapos tuldukan ang akda, ipalathala ito, at ipakalat sa pamamagitan ng publikasyon. Sa pinakaubod, siya ang manlilikha, ang artistang nagsusumikap gumawa ng panitikan, sa pinakamasining, pinakamakapangyarihang pamamaraan. 

Gámit ang laksa’t napagdilihang mahalagang karanasang pantao na isinasalin upang maging panitikan, ipinadarama niyang muli ang mga danas na nabanggit sa higit na siksik, makináng na anyo, upang mapag-isipa’t mapagnilayan nang mabuti, muli at muli, sa pana-panahon. Hindi lámang siya pangalang nakalagda o naka-byline sa akda, kundi isang pangahas na katauhang nagsisikap pumino sa danas-pantao na ipinakatawan dito. 

Maaaring singsalat, singsugatan siya ng mga mambabásang pinaglilingkuran ng kaniyang akda. Sa pagpapantay ng kanilang mga lagay, kapwa nagkakaroon sila ng higit na malalim at malawak na kabatiran sa danas. Ngunit may kaloob pa ito sa manunulat na inaasahang lilikha pa at maglilingkod sa kaniyang sining at mga kausap na mambabása. Ang lalim at lawak na iyon ang patuloy na magbibigay-kakayahan sa kaniyang maghandog ng kislap-diwa na inaasahan sa mabubuting akda.

Ang Awtor bílang Magulang ng Akda

Sa etimolohiya, ang salitâng “awtor” ay may pakahulugang nababahiran ng patriyarkal at relihiyosong katuturan.

Ang awtor ay kinikilalang “ama” na “lumikha” o “nakalalalang.”[1] Bílang amang nakalilikha, siya ang minulan at tagapanguna ng mga bagay—waring Diyos na di-nakikita, di-nagagagap na tagapagpakilos ng sanlibutan. Kayâ hindi dapat ipagtaka na ang pagiging manlilikha’y malaong kinabasahan din ng pakikisangkot sa patuloy na paglikha, paglalang ng Maykapal. Sa Latina, ang salitâng auctor ay nangangahulugang tagapagsulong, tagalikha, nuno ng kung anuman; tagabuo rin siya, tagapagtatag, awtoridad na maituturing.[2] Bílang tila guro na bukal ng mga dapat maláman, tagapagpayabong siya, maaari ng lahat ng pinakaaasam na karunungan.[3] Sa kaniyang mga kamay, nagiging posible ang pagkakahango ng madla mula sa dilim o lusak ng kamangmangan o kasinungalingan.

Papaano niya ito nagagawa? Ang awtor, sa isa pang pakahulugang etimolohiko, ay isang manunulat, nasasangkot sa gawain ng komposisyon ng wika tungo sa kasiningan, kagalingan.[4] At sa pagkamanunulat na matatawag, pumapaling ang kahulugan sa isang higit na maka-inang saysay. Ang akda ay itinuturing na nagmumula sa isip ng manunulat—mistulang si Athena, ang diyosa ng dunong, na umahon mula sa ulo ng amang si Zeus. “Inililuwal” ng manunulat ang akda, at bago nito, halos papaglihihan bago maging kagampan at maisilang.

Hindi pare-pareho ang panahon ng paglilihi’t pag-aantabay sa pagsilang ng akda. Ngunit sa tamang panahon, “nailuluwal” na nga ang akda mula sa guni-guni ng awtor na nagbatá ng hírap, mapagbuti lámang ang kaniyang paglikha. Isang sakripisyo ang lumikha, kung gayon, halos pag-aalay ng búhay sa ngalan ng “pagbibigay-búhay” sa sining—bagay na dumadawit sa napakaraming romantikong nosyon sa pagsulat, kasáma na ang pagiging starving artist, o pagsulat lámang ang ginagawang kabuhayan, sukat na magutom at maghirap. 

Hindi ito basta-bastang gawain. Madalas ding salaysayin ang sinasabing halos buong búhay na pagdududa’t pagdadalisay sa sarili ng manunulat bílang manlilikha. Pinaniniwalaang kailangang pagdaanan ang mga ito, lalo pa’t wika nga ni Alejandro Abadilla (1944), ang makata [o ang manunulat sa pangkabuuan] at “kaniyang sarili, ay nag-iisang batayan, nag-iisang balangkas at nag-iisang pamamaraan ng paglikha.”[5] Isang sariling ganap lámang ang makatutupad sa tungkulin sa ganitong pananaw. “Ang tunay na makata,” dagdag pa niya, “ay may ganap na kalayaan sa pagpili ng mga balangkas at pamamaraang naaangkop sa pagsasakatuparan ng lunggati sa pagpapahayag.”[6]

Susi sa Interpretasyon

Sa pag-aaral ng panitikan at mga kaakibat na gawain ng interpretasyon, pinahahalagahan ang pagbaling sa awtor sapagkat may paniwalang siya ang talagang mayhawak ng “pinakawastong” kahulugan ng akda. At bakit nga ba hindi?

Ang mga teoryang ganito ang oryentasyon, tulad ng biograpikong kritisismo [pag-uugnay sa talambuhay at disposisyon sa búhay ng awtor sa kaniyang mga akda at pag-aakda] ay tinawag ni Meyer H. Abrams (1953) na mga lápit na ekspresibo (nagpapahayag), sapagkat sa isang bandá’y nagpapahalaga din sa katotohanang ang paglikha ng panitikan ay isa ngang pagpapahayag, isang pagpapalaya ng diwa ng manunulat sa pamamagitan ng paghahayin ng kaniyang mga kaisipan, saloobin, o nadarama.

Salalayan ng ganitong pananaw ang nakikita kong tatlong mahalagang salik—una, nadadala sa paglikha ang manunulat ng kaniyang mga panloob na impetus o udyok upang lumikha; ikalawa, ang mga impetus o udyok na ito ay binubuo ng marurubdob na damdaming kailangang maibulalas, o humihinging magkaanyo, sa pamamagitan ng akda; at ikatlo, sa kaniyang kaibuturan sumasalok ang manunulat upang masining na maihayin ang mga damdaming nabanggit. 

Mula sa mga ito mauunawaan na tunay nga, ang paglikha ng panitikan ay isang panloob, papaloob na proseso, halos isang lihim na ritwal ng manunulat sa kaniyang pag-iisa sa lilim ng pagsusulat. Ibinabalik ng mga ito sa atin ang isa pang madalas na romantisadong imahen ng manunulat—ang kaniyang pagiging mapag-isa’t solitaryo, halos ermitanyo sa kaniyang pag-iisa. Kailangan niyang gawin ito sapagkat tanging sa pakikipagtuos sa sarili mapaiiral ang pinakamimithing anyo ng mga hinagap. Kailangang sumamba siya sa mga diyos ng minsang tinawag ng nobelista’t makatang si Luna Sicat-Cleto na “makinilyang altar.”

Kayâ hindi pagtatakhan, halimbawa, ang ganitong kataga ng makatang si William Wordsworth hinggil sa panulaan: na ito nga ay “the spontaneous overflow of powerful feelings.” Sa pananaw na ito, ipinagpapalagay na salamin ng pagkatao ng awtor ang akda. Susi ang manunulat mismo sa pagbubulatlat sa sulatín. At hindi lámang ang kahulugan ng akda ang nabubulatlat; pati ang kalooban ng manunulat ay nabubuksan, natutuklas. Kayâ makahulugan ang akda’y mapagpakahulugan ang damdamin ng sumulat. Ang ibig sabihin ng akda ay ang kaniyang talagang mga niloloob.   

Ang Ideya ng Awtor sa Kasaysayan

Sa kabilâng bandá, interesanteng pagpapalapot sa mga kaisipang atin nang nailatag ang minsang sinabi ni Michel Foucault (1979). Wika niya, hindi lámang basta paglalagda ng pangalan ng may-akda ang pagiging awtor, bagkus pagtukoy din sa mga pamamaraan ng pagsulat, pagdidiskurso ng sumulat.[7] Ang mismong dalumat ng “awtor” ay sinabing dumaan sa isang mahabang kasaysayan ng pagbago at paglinang sa loob ng mga nagdaang panahon. 

Halimbawa, kung noong unang panahon, hindi pinapag-isipan ang pagkamay-akda sapagkat anumang salaysay o tula ay pag-aari ng kolektibo, pagdating ng makabagong panahon, nagkaroon ng pangangailangan sa pag-aari ng sulatín bílang legal na tungkulin ng mga nasasangkot sa pagsulat at paglalathala.

Paglaon, higit na naging komplikado ang nosyon ng awtor, sapagkat hindi na lámang ito maaaring unawain bílang ang táong umakda ng isang likha. Isa na rin itong kompleks ng mga konstrak o pagharaya sa may-akda bílang awtoridad na nagpapakawala at nagtatakda ng mga ideya, at bílang kamalayang bumabalangkas sa pananaw o paraan ng pag-iisip na nalalagdaan ng isang pangalan.    

Itong kalaputang ito ang masasabing naging dahilan ng isang malaong kagawian habang nagbabasá ng panitikan: ang ituring na magkabukod na mga katauhan ang may-akda at ang kung sinomang nagsasalaysay o nagsasalita sa akda. 

Sa katha, halimbawa, tinutukoy natin ang panauhan sa lápit na mayroon ito sa isinasalaysay [unang panauhan, ikalawang panauhan, ikatlong panauhan]. Hindi natin tinatawag ang panauhan o nagsasalaysay bílang ang awtor din sapagkat ipinagpapalagay nating repraksiyon lámang ang tinig, isang imbentong tagapagsalita na natural na kumakatawan sa awtor na ibinubukod ang sarili mula sa kaniyang akda. Kailangan niyang pangatawanan ang pagiging likha ng katha. Isa itong produkto ng guni-guni.

Gayundin ang masasabi sa tinatawag nating persona, ang siyang nagsasalita sa tula. Gámit ang prinsipyo ng pagsusuot ng maskara sa klasikong trahedya—siyang ina ng tula—ipinagpapalagay din nating gumaganap lámang ang tinig ng nagsasalita sa ibig papakilusin ng awtor sa kaniyang berso. Maaaring siya nga rin ang nagsasalita, lalo sa matatalik na lirikong tula, ngunit dahil nga naniniwala táyong ang lahat sa panitikan ay isang “pagganap,” o “pagpapanggap,” lagi’t lagi nating ibinubukod ang manunulat mula sa tinig ng tagapagsalaysay. Sa antas na konseptuwal, hindi sila iisang tao. 

Ganito rin, sa tingin ko, ang sa kaso ng mga personal na sanaysay, kahit pa batid nating ang nagkukuwento ay ang mismong sumulat, nagsasalaysay ng kaniyang bersiyon ng kuwento o nagkukumpisal ng kaniyang mga tunay na mga saloobin. Isang komposisyon din ang tinig ng nagsasalaysay dito, nadadagdagan o nabawawasan ang katangian, sang-ayon sa kagustuhan o lunggati ng makapangyarihang manunulat. 

Sa personal na sanaysay, may kakayahan ang sumulat na magharap ng isang higit na kanais-nais, katanggap-tanggap na sarili. Parang persona sa mga profile sa Facebook at social media, halimbawa. Maaaring may maliit o malaking kaibhan ito sa “totoong” awtor. Makapangyarihan ang manunulat ng personal na sanaysay sapagkat maaari siyang magharap ng isang retokado’t kathang sarili.

Ang Kamatayan ng Awtor?

Sa mga ideyang ito rin maiuugnay ang sa isang panahon ay kontrobersiyal na pagbubunyag ng sinasabing “kamatayan ng awtor.” Sa mahabang panahon, pinahalagahan ng diskurso ang manunulat bílang minulan ng akda at mga langkay nitong pakahulugan. Sinikap ni Roland Barthes (1968) na usigin ang nakagawiang paniniwalang ito sa pamamagitan ng “pagpaslang” sa awtor sa proseso ng pagpapaigting sa pagbása sa akda at “pagluluwal” sa mambabása bílang aktibong bahagi ng transaksiyon ng pagpapakahulugan.[8] 

Sa paniwala ni Barthes, nararapat lámang na itampok sa usapin ang mambábasa sapagkat sangkot din naman ito sa “pagsulat” at pagtatalaga sa akda ng kahulugan. Sa pagbaling sa akda, isinusulat din ng mambabása dito ang kaniyang mga pagkalugod at pagkamalay. Kayâ hindi na lámang pagbása ang pagbása kundi pagsulat na rin. Pinalalaya na nga ng pananaw na ito ang kahulugan ay pinalalaya rin ang mambabása sa piitan bílang balintiyak na pinatutunguhan ng ibig sabihin ng awtor.

Nakamamanghang ideya, kundi nga lámang talagang marhinalisado ang manunulat sa Filipinas at talaga ngang halos patay ang karera. Napakaliit na komunidad ng panitikan at hindi ganoong kayabong ang mga oportunidad upang makapaglathala’t maratnan ang publiko. 

Milyong kopya ng aklat ang pinag-uusapan sa ibang konteksto, na karaniwang siya ring pamantayan ng tagumpay sa paglalathala. Nakapagpaparangya ng búhay ng manunulat ang ganitong bentahan ng sipi dahil sa royalties. May mga kaakibat pang potensiyal na pagpapalawig-kita lalo’t kung may magkainteres na bilhin ang rights nito upang isalin sa mga popular na anyo ng telebisyon o pelikula. Ganito ang kuwentong-búhay, halimbawa, ng awtor ng seryeng Harry Potter na si J. K. Rowling.    

Sa Filipinas, mga 500 kopya lámang ang madalas ipinalalathala ng mga karaniwang pabliser. Hindi pa agad mauubos ang mga iyon at madalas na kumakalap lámang ng alikabok sa mga eskaparate ng bookstore. Mailalako lámang ang mga iyon kapag naipipilit maipabasa sa mga mag-aaral sa eskuwela. Mabibilang sa kamay ang mga Filipinong may libong benta ng aklat, tulad ng mga nobelistang sina Bob Ong at Edgar Calabia Samar, na kapwa naisalin na rin sa telebisyon at pelikula ang mga akda. Hindi kalabisang sabihing mahirap makabuhay ng sarili, lalo na ng pamilya, ang pagsusulat sa bansa. Kalimitan, may iba pang trabaho ang mga manunulat tulad ng pagtuturo o peryodismo, makaraos lámang.          

Maaaring magpakalayaw ang mga Pranses na tulad ni Barthes, o kahit ni Foucault, sa mga ganitong pagteteorya hinggil sa “kamatayan” ng awtor. Kasi, sa kanilang konteksto, may mga nakatindig nang institusyon ng panulat, pag-iisip, at paglalathala. Sa Filipinas kung saan limitado ang pinagkukunan ng manunulat, lumilitaw itong kalabisang intelektwal at hindi makatwiran. Samantalang napalilitaw nga nito ang malaong naliligtaang mambabása, lalo namang nailulugar nito ang manunulat sa laylayan. 

Kayâ mabuti rin, sa isang bandá, ang nakagawiang pagsasaalang-alang natin sa manunulat sa bawat pagbása sa mga seleksiyon sa klase. Sinasaliksik natin ang kanilang mga talambuhay, at nitong mga hulíng araw, kinakausap pa upang sangguniin hinggil sa kanilang akda. Sa pamamagitan nito, napahahalagahan ang manunulat hindi lámang bílang manlilikha kundi bílang isang may napakalaki’t napakabigat na gampanin sa ating lipunan, at lalo na, sa kasaysayan. Tandaang dugo at pawis ng mga bayani—na karamihan ay manunulat din—ang ipinandilig sa lupaing ito, maging malaya lámang mula sa mga pananakop.

Ang Tungkulin ng Awtor

Bahagi rin ng usapin ng pagiging may-akda at pag-aakda ang tungkulin awtor. Bílang gawaing ekspresibo, ang pagsulat, sa mula’t mula, ay isang tungkuling indibidwal at personal; karapatan ng manunulat na magpahayag, sa gayunding paraan, at sa daigdig na umiiral ang merkado ng mga ideya, karapatan niya ang mapakinggan ang mga ipinahahayag. 

Ang pagsulat ay pangunahing tungkulin ng manunulat sa kaniyang sarili. Anumang pagsikil sa sarili ay hindi nakabubuti. Ito rin ang dahilan kung bakit lagi’t laging kailangang ipaglaban ang karapatan sa pagpapahayag na nasa ubod ng paglikha. Ang pagtapak sa karapatang ito’y halos pagpaslang na rin sa táong pinagkalooban ng karapatang magpahayag, sa ngalan ng pag-iral at pagiging bahagi ng isang lipunang sibilisado. Sa madaling sabi, isang malaking kasalanan ang paninikil, sa sarili o kapwa. Ang ganitong paniwala ay nakasandig sa batayang tungkulin ng manlilikha na malayang makapagpahayag. Pundamental ang kalayaan sapagkat sa estadong ito lámang maaaring umiral ang pagpapahayag at paglikha. 

Sa kabilâng bandá, hindi lámang naman nakatuon sa sarili ang tungkulin ng pagiging awtor. Ang pag-aakda at pagiging may-akda ay isa ring panlipunang gawain. Hindi nga ba’t sinasabi na nagaganap lámang ang inakda kung nararating ang patutunghan, ang mambabása? Nagaganap din, kung gayon, ang pagkamanunulat, kung may pagkamalay, pagkamulat sa kinakausap na lipunan.

Isang matanda nang isyu sa pagsulat ang banggaan ng dalawang prinsipyong pansining—ang sining-para-sa-sining at sining para sa lipunan. Ang una’y nagpapalagay na tungkulin ng pagsulat ang paglingkuran ang sining at sining lámang. Kung kayâ’t ang lunggati ng panulat ay ang makalikha ng obheto ng kariktan. Ang bawat danas sa sining ay danas ng kagandahan, kayâ’t nararapat lámang pagsumikapan ng manunulat ang disenyo, indayog, at pahiwatig ng akda. 

Sa kahulí-hulíhan, tungkulin ng manunulat na lumikha ng maganda sa kaniyang akda. Kung may sagútin man siya, iyon marahil ang maging na manlilikha sa sining. Sa ganitong pananaw, lumalaging nakakubli ang manunulat sa kaniyang toreng garing, malayo at bukod sa kaniyang daigdig, sapagkat kailangang mag-isa’t masinsinang magbuhos ng panahon at talino sa magagandang pagsasakataga.

Tumataliwas naman dito ang prinsipyong sining para sa lipunan. May pagpapahalaga rin ito madalas sa kasiningan, sapagkat naroroon pa rin namang nililikha ang obheto ng sining, ang akdang pampanitikan. Ngunit may pagsasaalang-alang ito sa daigdig at panahong kinauusbungan nito, maging sa publikong tinutunghan at kinakausap nito. Sa panig na ito, ipinagpapalagay na ang pagsulat ay matapat na pagsaksi sa kalagayang panlipunan sa pana-panahon. 

Dito, itinuturing din ang panitikan bílang salamin ng lipunan. Kayâ’t nararapat lámang na gamítin ang pagsulat bílang paraan ng makabuluhan at matapang na pagbubunyag, lalo na hinggil sa mga kairalang hindi makatwiran at nangangailangan ng katarungan. Mistulang propeta ang may-akda sa kaniyang mga pagtatapat, at kung minsan, pinagbabayaran niya ito ng kaniyang búhay. Karaniwan ito sa mga konteksto ng diktadurya’t awtokrasiya, kung saan nagsisilbi siya sa mga mambabása, kinakausap sa wika at pamamaraang kanilang nauunawaan, at pinapanigan sa bawat pagsusulong ng katwiran. Pinakarurok ng pagpanig sa pagkamakalipunan ng sining ang tuwirang pakikisangkot, pakikilahok sa pagkilos tungo sa ikalulutas ng mga suliranin ng lipunan.

Contra mundum!    

Hinggil pa rin sa tungkulin ng manunulat, magandang gunitain bílang paglalagom ang isang mataginting na eksena mula sa dulang Portrait of an Artist as a Filipino ni Nick Joaquin, pambansang alagad ng sining para sa panitikan. Mas kilala kamakailan bílang ang pelikulang musikal na Ang Larawan, kuwento ito ng patuloy na pakikipagsapalaran ng magkapatid na Candida at Paula Marasigan sa kanilang tahanan sa Intramuros, kasáma ang kanilang sakitin at mapag-isang ama, ang sikat na pintor na si Don Lorenzo el Magnifico. 

Sa kaniyang katandaan, nakalikha si Don Lorenzo ng isa pang obra na magiging usap-usapan sa alta de sosyedad—ang larawang pinaghalawan ng pamagat ng dula, na naglalaman sa imahen ng pagpasan ni Aeneas sa kulubot at halos halimaw nang ama niyang si Anchises. Papatakas ang dalawa mula sa naglalagablab na lungsod ng Troya, na ganap nang bumagsak sa kamay ng mga Achean dahil sa tanyag na digmaang isinalaysay ni Homer sa Iliad.    

Paksa ng pagkamangha at interpretasyon ang pintang ito, na iminumungkahi sa mga dalagang Marasigan na ipagbili na, tulad ng kanilang bahay na kasámang naluluoy ng lungsod sa loob ng moog. Nalalapit na rin naman kasi ang pagputok ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at kailangan nilang maging praktikal. Ngunit ang dalawa’y nilalang ng lumipas na panahon ng mga tertulya at sosyalan, at ng pagsalig sa kabutihan, katotohanan, at kagandahan ng isang buong búhay na inialay sa sining. 

Mabigat na katunggali ng dalawa ang panahong sumasagitsit, na nakatakda pang durugin ang kanilang daigdig sa pamamagitan ng giyera. Subalit pinananatili silang ganoon ng kanilang pagkapit sa gunita ng kahapon at pananalig sa sining. 

Sa eksena na tanghal sila habang kinokombinse ni Don Perico, ang kaibigang senador ng kanilang ama, na magpasya para sa kanilang ikabubuti, naging maugong ang isang katagang muling nagpagunita sa matanda ng mga pagpapahalagang kaniyang nakaligtaan matapos lamunin ng sistema ng politika: contra mundum. Na ang ibig sabihin ay labánan, tuligsain ang daigdig, lalo kung nakataya ang mga tanging ideyal at pagpapahalagang hindi dapat ipinagpapalit, ni isinusugal. Hindi kailangang mawasak ng ating mga birtud at pananampalataya, kahit pa halos itulak na humabol ng sagitsit ng panahon. Mahalagang mapanatiling dalisay ang kaluluwa, sa kabila ng malaganap na pagkabulagsa at pagkapakawala ng daigdig.

Áral ng dula ang laging pagharap ng manlilikha sa ganitong pagpili. Totoo rin ito kahit sa mga manunulat. Madalas na laban sa daigdig ang kaniyang mga paninindigan—lalong-lalo na sa daigdig ng malaganap na karimlan. Batid niya ang kaniyang dapat panigan. Kung magkamali siya, batid niyang huhusgahan siya ng budhi at kasaysayan. Gaya halimbawa ng mga nagpasyang pumanig sa mapaniil na mga rehimen upang makisangkot sa mga pagsisinungaling, o piniling manahimik at magbulag-bulagan. 

Ang pagsulat, sa pinaka-ubod, ay lalaging paghawak sa sulo ng liwanag sa bawat paglikha’t paliwanag. Kung sinasabi nga ng batàng bayani at manunulat na si Emilio Jacinto na “ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag,” napakabigat naman pala talaga ng kabuhayan ng isang awtor, ng isang manunulat. Hindi siya maaaring magsinungaling. Hindi siya maaaring tumawid tungo sa panig ng kabuktutan. Lubhang napakamahal ng nakataya. Ang kaniyang kaluluwa.

Talâ

[1] “Auhor,” Online Etymology Dictionary, na-akses Nobyembre 11, 2018, https://www.etymonline.com/word/author#etymonline_v_18965.

[2] Ibid.

[3] Ibid.

[4] Ibid.

[5] Abadilla, Alejandro, “Tula: Kaisahan ng Kalamnan at Kaanyuan,” Reyes, Soledad, Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan (Lungsod Pasig: Anvil Publishing Inc., 1992), 229.

[6] Ibid. 

[7] Basahin ang Foucault, Michel, “What is an Author,” ed. Rabinow, Paul, The Foucault Reader (New York: Pantheon Books, 1984), 101-120. 

[8] Basahin ang Barthes, Roland, “The Death of the Author,” Image Music Text (London: Fontana Press, 1977), 142-148.

    

Palaisipan 4: Ano ang Akda?

Larawan ng Pixabay sa Pexels.com.

Tinutukoy ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diksiyonaryong Filipino (2010) ang salitâng “akda” bílang “anumang nilikha ng isang manunulat,” at “naipalathala o naipalimbag na likhang pampanitikan.” 

Tatlong bagay kaagad ang maisasaalang-alang natin batay sa mga pakahulugang ito. Una, sa ulit-ulit na pagsailalim sa malikhaing proseso ng pagsulat—na karaniwa’y mahiwaga’t kayhirap magagap—nakagagawa ang manunulat ng isang akda, o katawan ng mga akda pa nga [œuvre o obra, kung ating tawagin]. Ikalawa, hindi natatapos ang proseso sa pagkakalikha sa akda; maaaring piliin ng manunulat na ipakalat ang kaniyang isinulat [maaari ring hindi’t ikubli na lámang para sa kaniyang sariling pakinabang] sa pamamagitan ng paglalathala o paglilimbag. Ikatlo, sa pagpapakalat ng akda, naihahanay ang akda sa iba pang tinatanggap ng mambabása at sumasailalim din, sa proseso, sa mga pagpapahalaga’t pag-uurian. Naituturing itong “likhang pampanitikan” batay sa mga pamantayang umiiral sa pinamumuhatan at pinatutungkulan nitong konteksto. 

Sa tatlong ito rin naigigiit ang mga kailangang tandaan hinggil sa akda bílang konseptong pampanitikan—na ito’y produkto ng paglikha ng manunulat; na ito’y sulatíng humihinging tunghan ng mambabása sa pamamagitan ng diseminasyon; at, na ito’y paksain ng panunuri batay sa mga pagpapahalagang pansining/pampanitikan ng isang lipunan. Sa madaling sabi, obheto itong sentro ng ating karanasang pampanitikan, siyang salalayan ng ating pag-unawa hindi lámang sa mga pinipili nitong paksa sa malikhaing representasyon, kundi lalo’t higit, sa ating paghinuha sa kung ano ang dapat ituring na “panitikan.”   

Ito ang pinakadahilan ng pag-aaral ng panitikan—ang panitikan mismo, siyang ating binabalingan at binabása sapagkat ipinapapalagay na makahulugan o nagpapahiwatig ng mga kislap-diwa hinggil sa mahahalaga’t pinagsasaluhang karanasang pantao. Ito ang dahilan kung bákit táyo nag-aaral ng panitikan. Nananalig táyo na may masasamot kahit papaano sa pagdulog sa inakda ng manunulat, sa pinagkagastahang aklat, sa ipinababása sa ating teksto sa klase. Karunungan, bagong pananaw sa bagay-bagay, danas ng kagandahan. Lagi’t lagi, itinuturing ang akda bílang sentro ng diskusyong pampanitikan.

Ito rin ang ubod ng aralíng pampanitikan bílang larangan. Kayâ táyo nag-aaral ng panitikan, kayâ ito isang “disiplina,” ay dahil may mga akdang nararapat o humihinging tunghan ng gawain ng pagbása. Kung isang gawaing interpretatibo ang panitikan, tungkulin nitong ipaliwanag ang akda at maging paraan upang maging kapaki-pakinabang, kundi man kasiya-siya para sa mambabása ang karanasang pampanitikan. Hindi nga ba’t sinasabing daan din ang larang upang makapagpalaganap ng pinahahalagahang kultura ng pagbabasá? At, ano pa nga ba itong tinutunghan ng nagbabasá kundi, wika nga ng makatang si Jesus Manuel Santiago, sa isa niyang tanyag na tula, ay “pumpon ng mga salita”?

Madali nating naipagpapalit-palit sa diskurso ngayon ang mga konsepto ng panitikan at akda, lalo pa’t malaon nang yinakap ng ating kultura ang “panitikan” bílang katumbas ng “literatura” ng Espanyol at “literature” ng Ingles. Malinaw sa atin ang katangiang pangwika nito, lalo’t kung babakasin ang salitâng ugat nitong “titik.” Tuwiran itong pagtutumbas sa dalumat ng mga nabanggit na salitâng mula sa dalawa nating kolonisador, na kapwa tumutukoy din naman sa ubod na lingguwistiko, at batay nga sa etimolohiya, ay nangangahulugan ding “inskripsiyon sa pamamagitan ng mga titik.”[1] Dagdag pang pakahulugan ang pagiging balon ng karunungan nito; ang pagiging gawain ng pagsusulat; at pagsunod sa balarila o mga batas ng paggamit sa wika.[2]           

Isang asemblea ng mga salita ang akda, isang pagsasawika’t pagsasakataga ng mga talinghaga’t salaysay na nag-aasam sa antas ng kasiningan, kagandahan, kung kayâ’t kaiba sa karaniwan at kombensiyonal na paggamit ng wika. Kung sasangguniin ang mga Rusong Pormalista na naniniwalang ang layon ng pag-aaral ng panitikan ay ang mapalitaw ang pagkapanitikan ng panitikan, ang akda bílang panitikan ay marahas sa wika sapagkat hinuhulagpusan ang pagiging awtomatiko’t ordinaryo nito—kahit pa sinisikap ding maging matapat sa mga umiiral na realidad. Ginagawa ng panitikan na despamilyar o kakatwa ang karanasan.[3] 

Ganito ang makikitang nangyayari sa mga akdang prosa, sa tingin ko. Alam nating kahit halos katunog ng araw-araw na pananalita ang isang kumpisal ng awtor hinggil sa kaniyang búhay sa isang personal na sanaysay, o ang pilas ng diyalogo sa isang katha, batid nating edipisyo lámang ng wika ang akda, kumakatawan sa tinutukoy nitong búhay at buháy na kairalan. Masdan din ang mga tulang nakatugma at sukat. Magiging katawa-tawa ang isang tao kung siya’y magbabayad ng pamasahe sa dyip sa pananalitang may sukat na lalabindalawahin, may sesurang anim-anim. Iba ang wika ng akda sapagkat isa itong komposisyon ng wika—at sa ating panahon ngayon, sa anyong pasulát.

Noong araw, wala namang talagang nosyon ng akda, sapagkat sa totoo lámang, ang ideyang ito’y talagang kaugnay ng higit na modernong konsepto ng awtor o manunulat na pinangangalanan ang sarili bílang lumikha ng isang sulatín, lalo sa konteksto ng paglalathala’t paglilimbag. Kailangan niyang “tatakan” at pangatawanan ang kaniyang isinulat dahil isa iyong tungkuling legal. Ito ang magiging tanda ng kaniyang pagmamay-ari, sa gayunding paraang senyal ito ng kaniyang mga pananagutan. Ang akda bílang kabuuan ng kaniyang mga paninindigan ay kailangan niyang tindigan. Ang ngalan niya bílang manunulat ang lagda sa kaniyang pag-aari’t pagtindig. Marami pang mababása hinggil dito mula kay Michel Foucault.[4] 

Sa sinaunang panahon, ang “pag-aakda” ay higit na pinagsasaluhan o komunal, lalo sa konteksto ng panitikang oral. Lahat ay maituturing na “may-akda” na “nagmamay-ari” ng mga panitikang nabanggit. Maaari nila itong dagdagan, baguhin, o iangkop batay sa kanilang konteksto’t pangangailangan. Anumang pinagsasaluhang panitikang madalas na nakatuon sa paghutok sa katauhan ng mamamayan bílang bahagi, at sa ngalan ng kolektibo, ay tinatawag na “kuwentong bayan,” “panitikang bayan,” o “karunungang bayan.” 

Naipapása ang mga salaysayin o panulaang pangkalipunang ito sa pamamagitan ng mga napagkasunduang anyong madalas ay may katangiang mnemoniko (mnemonic), siyang batayan ng mga sinaunang anyong pampanitikan tulad ng mga tulang may “katutubong” sukat at tugma. Ganito makikita sa ating mga epiko at maiikling tulang tulad ng tanaga, diona, talingdaw, atbp. na nakolekta ng mga paring misyonero at nailathala sa kanilang mga diksiyonaryo. Hindi “trabaho” o “work” ang mga ito ng mga espesipikong táong lumalagda ng kaniyang pangalan sa akda, gaya ng tinutukoy sa ating dagdag-pakahulugan. Mga pinagsasaluhang kuwento’t talinghaga itong naipapása nang hene-henerasyon sa mithing manatiling búhay sa gunita’t makapagpatibay ng mga pagpapahalaga ng lipi.

Sa pagsapit ng makabagong panahon, naipamana nga sa atin ang akda bílang trabaho ng manunulat na lumilikha. Higit táyong nagkaroon ng komplikadong hinuha hinggil dito, tulad ng ating paggigiit na sa una’t hulí, isa nga itong “pumpon ng salita.” Subalit nananatiling isang matinding pangangailangan ang mga ganitong pagpapaliwanag hinggil sa pagiging sentro nito ng usapin, lalo pa’t maraming masamâng kaugaliang patuloy na malaganap sa pagtuturo ng panitikan. Pangunahin na riyan ang sadyang pag-aabandona sa akda matapos itong maipabása sa mag-aaral, sa maraming kadahilanan, tulad ng pagmamadaling matapos ang coverage ng asignatura. 

Kasalanan din ito ng mga gumagawa ng materyal na panturo. Hindi iilang teksbuk ang napansin kong ginagamit lámang ang akda upang maging lunsaran ng mga laksang gawain sa kasanayang pangwika. Halimbawa, pinasasalungguhitan mula rito ang mga salitâng kailangang bigyang-pakahulugan, upang sa hulí’y gamítin lámang muli sa sariling pangungusap ng mga mag-aaral.

Nakagawian ding gamítin lámang ito upang tustusan ang iba’t ibang gawaing pambalarila. Ni walang mga wastong tanong na pamproseso upang matitigan ang akda bílang akda, at hindi lámang paghanguan ng mga gintong áral. Mayroon ding mga teksbuk na sadyang “nililinis” ang akda, ineedit ang mga bahagi, marahil dahil sa mga sensitibong nilalaman [isa itong malaking kasalanan sa awtor!]. Mayroon ding sa paglalatag ng teksto ng tula, sadyang itinitipa itong nakasentro (centered), kahit pa lubhang makasira sa orihinal na anyo ng akda [respeto naman sa anyong pinili ng makata!].

Larawan ng maraming bagay ang pagturing natin sa akda. Mahihiwatigan dito ang kawalan natin ng respeto sa awtor na kumatha, at sa kaniyang mismong katha. May implikasyon din ito sa totoong estado ng panitikan sa bansa, at kung papaano ito itinuturing ng mamamayan—marahil, isa nga lámang itong “pumpon ng salita,” na kapag napakinabangan na sa mainiping edukasyon ay maaari nang kaligtaan habambuhay. Kayâ kailangang magdalubhasa sa pagtitig dito. May dalawa akong pakahulugan sa “pagtitig” sa pagkakataong ito. 

Una, pagtitig bílang pamamaraan ng pagdulog dito. Para kay Meyer H. Abrams (1953), ang mga pananaw na pampanitikang makiling sa akda ay tinatawag na mga teoryang obhetibo, o yaong nakatuon sa obheto ng panitikan, ang akda. Isang mahalagang kasanayang supling ng mga teoryang ito ang “pagtitig sa teksto” o close reading. Malapitáng pagdulog sa teksto, na pangunahing nakapokus sa mga katangian at kayarian nito bílang akda. Kailangang suriing mabuti ang akda bílang nakapagsasariling organismo, may kakanyahang binubuo ng mga tinatawag na “elemento.” Kailangang matuto ang guro ng eksplikasyon upang magabayan ang mag-aaral sa pagtuklas sa akda. Kung hindi, nakaradagdag pa siya sa problema.

Ikalawa, pagtitig bílang pamamaraan ng pagpapahalaga sa akda. Pagtitig mismo sa konsepto ng akda bílang susing terminong pampanitikan. Nangangailangan ng kritikal na kaalaman ang guro hinggil sa lugar at kahulugan ng akda sa larangang ito. Matagal itong nadesentro, hindi dahil sa pakikilahok ng larang sa mga kritikal na baliktaktakan [siya sanang ideyal], kundi dahil sa simpleng pagpapabaya sa panig ng mga guro, at sa patuloy na sistemikong suliranin ng edukasyon sa Filipinas na nagpapamangmang sa mamamayan. Kailangang maibalik ang akda sa gitna ng mga talakayan, at maging talagang paraan ng pagpapatalim ng kaisipan ng mga mag-aaral.  

Nagsikap táyong magbahagi ng ilang pangunahing kaisipan hinggil dito sa sanaysay na ito, na ang panimula’y tumalakay nga sa tatlong mahalagang kaisipang mahahango mula sa halos payak nitong pagpapakahulugan sa diksiyonaryo. Sa una’t hulí, ang akda ay mauunawaan bílang likha ng awtor, ipinakakalat na babasahín para sa isang publiko, at paksa ng pag-uuriang pampanitikan. Ito rin ang raison d’ être, ang dahilan ng pag-iral ng, ang talagang pakay ng pagpasok natin sa panitikan. Huwag na huwag natin itong kaliligtaan.

Talâ

[1] “Literature,” Online Etymology Dictionary, na-akses Nobyembre 3, 2018, https://www.etymonline.com/word/literature#etymonline_v_12314.

[2] Ibid.

[3] Hinggil dito, basahin ang Schklovsky, Viktor, “Art as Technique.” Matatagpuan din sa Rivkin, Julie at Ryan, Michael, eds., Literary Theory: An Anthology 2nd ed. (Malden: Blackwell, 2004), 15-21.

[4] Basahin ang Foucault, Michel, “What is an Author,” ed. Rabinow, Paul, The Foucault Reader (New York: Pantheon Books, 1984), 101-120. 

Dasálin 32: Wisława Szymborska

Larawan mula sa Wisłava Szymborska Foundation website.

Binabása natin ang mga liham ng mga patay na wari’y walang lakas na mga diyos,
Ngunit mga diyos pa rin sa kabila noon, sapagkat nasusundan natin ang mga petsa.
Batid natin ang mga utang na hindi na mababayaran.
Maging ang mga balòng magpapakasal sa mga bangkay na may init pa.
Kaawa-awang patay, napipiringang patay,
Mapaniwalain, walang-kamalian, kahabag-habag ang kaalaman.
Nakikita natin ang lihim na panlilibak ng mga tao sa kanila.
Nauulinig natin ang mga saloobing pinagpipira-piraso.
Sinasamahan táyo ng mga patay, katawa-tawa’t tila pinalamanang tinapay,
O galít na humahabol sa mga sombrerong hinangin mula sa kanilang ulo.
Ang kasuklam-suklam nilang panlasa, si Napoleon, ang steam, ang koryente,
Ang kanilang nakamamatay na lunas sa simpleng sakít,
Ang hangal na apokalipsis ayon kay San Juan,
Ang huwad na langit sa daigdig ayon kay Jean Jacques…
Pinanonood natin ang kanilang peon sa ahedres sa katahimikan,
Bagaman ginigitla nila táyo sa pagparoon sa ikatlong kahon.
Lahat ng mga hulà ng patay ay iba ang kinalabasan.
O bahagyang iba lámang—na ang ibig sabihi’y iba ang kinalabasan.
Ang masusugid sa kanila’y nakikipagtitigan sa atin:
Nababatid nila sa munakalang mahahanap nila ang kaganapan doon.

Dasálin 10: Meister Eckhart

Larawan mula sa Rotterdam.remonstraten.nl.

O, siksik, liglig, umaapaw na kabanalang likás,
Gabayan ako patungo sa Iyong landas
Upang matunton ang Iyong talagang dunong.
Buksan sa akin ang itinatanging pintungang
May paanyayang makamit ko: ang matutuhang
Umunawa nang marunong sa lahat ng likha;
Magmahal kapiling ng mga anghel; mapalapít
Sa Iyong Anak na tunay na nagkatawang-tao,
Ang Panginoon naming si Hesukristo; makamit
At matanggap Ka ayon sa Iyong eternal na kalooban;
At sa Iyong tulong, maiadya sa lahat ng masamâ.

Sapagkat itinaas Mo ako sa lahat ng nilikha
At ikinintal sa akin
Ang tanda ng Iyong eternal na wangis,
Iyong hinubog ang aking kaluluwa
Na hindi magagagap ng iba pang likha,
At wala Ka nang nilikhang wangis Mo
Bukod sa tao sa kaniyang pinakadiwa.
Kayâ’t turuan akong mamuhay sa paraang
Magkukulang ako kung wala Ka,
At sa galaw ng Iyong giliw na atas sa akin,
Di Ka kailanman mahadlangan,
At di nawa ako matukso
Na maglunggati ng anupaman liban sa Iyo,
At walang kahit anupamang pupukaw
Sa isip kundi Ikaw lámang.

Panginoon, Ika’y diwang di gagap ng lahat ng likha.
Kayâ’t linalang Mo ang kaluluwa bílang banal
At inihanay itong pinakamabathala sa lahat,
Upang sa Iyong banal na karunungan
Magawa nito, sang-ayon sa Iyong banal na loob,
Na maging malaya,
At sang-ayon sa Iyong biyaya, makaalpas
Mula sa lahat ng mga nakababatik
Na kamalayang sinukua’t naisaloob.

Sapagkat Ikaw ang lumalang sa kaluluwa
At nagpahayo rito batay sa Iyong kalikasan.
Ingatan ito, kung gayon, upang walang anumang
Mananahan dito
Kundi Ikaw lámang.