
O, siksik, liglig, umaapaw na kabanalang likás,
Gabayan ako patungo sa Iyong landas
Upang matunton ang Iyong talagang dunong.
Buksan sa akin ang itinatanging pintungang
May paanyayang makamit ko: ang matutuhang
Umunawa nang marunong sa lahat ng likha;
Magmahal kapiling ng mga anghel; mapalapít
Sa Iyong Anak na tunay na nagkatawang-tao,
Ang Panginoon naming si Hesukristo; makamit
At matanggap Ka ayon sa Iyong eternal na kalooban;
At sa Iyong tulong, maiadya sa lahat ng masamâ.
Sapagkat itinaas Mo ako sa lahat ng nilikha
At ikinintal sa akin
Ang tanda ng Iyong eternal na wangis,
Iyong hinubog ang aking kaluluwa
Na hindi magagagap ng iba pang likha,
At wala Ka nang nilikhang wangis Mo
Bukod sa tao sa kaniyang pinakadiwa.
Kayâ’t turuan akong mamuhay sa paraang
Magkukulang ako kung wala Ka,
At sa galaw ng Iyong giliw na atas sa akin,
Di Ka kailanman mahadlangan,
At di nawa ako matukso
Na maglunggati ng anupaman liban sa Iyo,
At walang kahit anupamang pupukaw
Sa isip kundi Ikaw lámang.
Panginoon, Ika’y diwang di gagap ng lahat ng likha.
Kayâ’t linalang Mo ang kaluluwa bílang banal
At inihanay itong pinakamabathala sa lahat,
Upang sa Iyong banal na karunungan
Magawa nito, sang-ayon sa Iyong banal na loob,
Na maging malaya,
At sang-ayon sa Iyong biyaya, makaalpas
Mula sa lahat ng mga nakababatik
Na kamalayang sinukua’t naisaloob.
Sapagkat Ikaw ang lumalang sa kaluluwa
At nagpahayo rito batay sa Iyong kalikasan.
Ingatan ito, kung gayon, upang walang anumang
Mananahan dito
Kundi Ikaw lámang.