
Binabása natin ang mga liham ng mga patay na wari’y walang lakas na mga diyos,
Ngunit mga diyos pa rin sa kabila noon, sapagkat nasusundan natin ang mga petsa.
Batid natin ang mga utang na hindi na mababayaran.
Maging ang mga balòng magpapakasal sa mga bangkay na may init pa.
Kaawa-awang patay, napipiringang patay,
Mapaniwalain, walang-kamalian, kahabag-habag ang kaalaman.
Nakikita natin ang lihim na panlilibak ng mga tao sa kanila.
Nauulinig natin ang mga saloobing pinagpipira-piraso.
Sinasamahan táyo ng mga patay, katawa-tawa’t tila pinalamanang tinapay,
O galít na humahabol sa mga sombrerong hinangin mula sa kanilang ulo.
Ang kasuklam-suklam nilang panlasa, si Napoleon, ang steam, ang koryente,
Ang kanilang nakamamatay na lunas sa simpleng sakít,
Ang hangal na apokalipsis ayon kay San Juan,
Ang huwad na langit sa daigdig ayon kay Jean Jacques…
Pinanonood natin ang kanilang peon sa ahedres sa katahimikan,
Bagaman ginigitla nila táyo sa pagparoon sa ikatlong kahon.
Lahat ng mga hulà ng patay ay iba ang kinalabasan.
O bahagyang iba lámang—na ang ibig sabihi’y iba ang kinalabasan.
Ang masusugid sa kanila’y nakikipagtitigan sa atin:
Nababatid nila sa munakalang mahahanap nila ang kaganapan doon.