
Tinutukoy ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diksiyonaryong Filipino (2010) ang salitâng “akda” bílang “anumang nilikha ng isang manunulat,” at “naipalathala o naipalimbag na likhang pampanitikan.”
Tatlong bagay kaagad ang maisasaalang-alang natin batay sa mga pakahulugang ito. Una, sa ulit-ulit na pagsailalim sa malikhaing proseso ng pagsulat—na karaniwa’y mahiwaga’t kayhirap magagap—nakagagawa ang manunulat ng isang akda, o katawan ng mga akda pa nga [œuvre o obra, kung ating tawagin]. Ikalawa, hindi natatapos ang proseso sa pagkakalikha sa akda; maaaring piliin ng manunulat na ipakalat ang kaniyang isinulat [maaari ring hindi’t ikubli na lámang para sa kaniyang sariling pakinabang] sa pamamagitan ng paglalathala o paglilimbag. Ikatlo, sa pagpapakalat ng akda, naihahanay ang akda sa iba pang tinatanggap ng mambabása at sumasailalim din, sa proseso, sa mga pagpapahalaga’t pag-uurian. Naituturing itong “likhang pampanitikan” batay sa mga pamantayang umiiral sa pinamumuhatan at pinatutungkulan nitong konteksto.
Sa tatlong ito rin naigigiit ang mga kailangang tandaan hinggil sa akda bílang konseptong pampanitikan—na ito’y produkto ng paglikha ng manunulat; na ito’y sulatíng humihinging tunghan ng mambabása sa pamamagitan ng diseminasyon; at, na ito’y paksain ng panunuri batay sa mga pagpapahalagang pansining/pampanitikan ng isang lipunan. Sa madaling sabi, obheto itong sentro ng ating karanasang pampanitikan, siyang salalayan ng ating pag-unawa hindi lámang sa mga pinipili nitong paksa sa malikhaing representasyon, kundi lalo’t higit, sa ating paghinuha sa kung ano ang dapat ituring na “panitikan.”
Ito ang pinakadahilan ng pag-aaral ng panitikan—ang panitikan mismo, siyang ating binabalingan at binabása sapagkat ipinapapalagay na makahulugan o nagpapahiwatig ng mga kislap-diwa hinggil sa mahahalaga’t pinagsasaluhang karanasang pantao. Ito ang dahilan kung bákit táyo nag-aaral ng panitikan. Nananalig táyo na may masasamot kahit papaano sa pagdulog sa inakda ng manunulat, sa pinagkagastahang aklat, sa ipinababása sa ating teksto sa klase. Karunungan, bagong pananaw sa bagay-bagay, danas ng kagandahan. Lagi’t lagi, itinuturing ang akda bílang sentro ng diskusyong pampanitikan.
Ito rin ang ubod ng aralíng pampanitikan bílang larangan. Kayâ táyo nag-aaral ng panitikan, kayâ ito isang “disiplina,” ay dahil may mga akdang nararapat o humihinging tunghan ng gawain ng pagbása. Kung isang gawaing interpretatibo ang panitikan, tungkulin nitong ipaliwanag ang akda at maging paraan upang maging kapaki-pakinabang, kundi man kasiya-siya para sa mambabása ang karanasang pampanitikan. Hindi nga ba’t sinasabing daan din ang larang upang makapagpalaganap ng pinahahalagahang kultura ng pagbabasá? At, ano pa nga ba itong tinutunghan ng nagbabasá kundi, wika nga ng makatang si Jesus Manuel Santiago, sa isa niyang tanyag na tula, ay “pumpon ng mga salita”?
Madali nating naipagpapalit-palit sa diskurso ngayon ang mga konsepto ng panitikan at akda, lalo pa’t malaon nang yinakap ng ating kultura ang “panitikan” bílang katumbas ng “literatura” ng Espanyol at “literature” ng Ingles. Malinaw sa atin ang katangiang pangwika nito, lalo’t kung babakasin ang salitâng ugat nitong “titik.” Tuwiran itong pagtutumbas sa dalumat ng mga nabanggit na salitâng mula sa dalawa nating kolonisador, na kapwa tumutukoy din naman sa ubod na lingguwistiko, at batay nga sa etimolohiya, ay nangangahulugan ding “inskripsiyon sa pamamagitan ng mga titik.”[1] Dagdag pang pakahulugan ang pagiging balon ng karunungan nito; ang pagiging gawain ng pagsusulat; at pagsunod sa balarila o mga batas ng paggamit sa wika.[2]
Isang asemblea ng mga salita ang akda, isang pagsasawika’t pagsasakataga ng mga talinghaga’t salaysay na nag-aasam sa antas ng kasiningan, kagandahan, kung kayâ’t kaiba sa karaniwan at kombensiyonal na paggamit ng wika. Kung sasangguniin ang mga Rusong Pormalista na naniniwalang ang layon ng pag-aaral ng panitikan ay ang mapalitaw ang pagkapanitikan ng panitikan, ang akda bílang panitikan ay marahas sa wika sapagkat hinuhulagpusan ang pagiging awtomatiko’t ordinaryo nito—kahit pa sinisikap ding maging matapat sa mga umiiral na realidad. Ginagawa ng panitikan na despamilyar o kakatwa ang karanasan.[3]
Ganito ang makikitang nangyayari sa mga akdang prosa, sa tingin ko. Alam nating kahit halos katunog ng araw-araw na pananalita ang isang kumpisal ng awtor hinggil sa kaniyang búhay sa isang personal na sanaysay, o ang pilas ng diyalogo sa isang katha, batid nating edipisyo lámang ng wika ang akda, kumakatawan sa tinutukoy nitong búhay at buháy na kairalan. Masdan din ang mga tulang nakatugma at sukat. Magiging katawa-tawa ang isang tao kung siya’y magbabayad ng pamasahe sa dyip sa pananalitang may sukat na lalabindalawahin, may sesurang anim-anim. Iba ang wika ng akda sapagkat isa itong komposisyon ng wika—at sa ating panahon ngayon, sa anyong pasulát.
Noong araw, wala namang talagang nosyon ng akda, sapagkat sa totoo lámang, ang ideyang ito’y talagang kaugnay ng higit na modernong konsepto ng awtor o manunulat na pinangangalanan ang sarili bílang lumikha ng isang sulatín, lalo sa konteksto ng paglalathala’t paglilimbag. Kailangan niyang “tatakan” at pangatawanan ang kaniyang isinulat dahil isa iyong tungkuling legal. Ito ang magiging tanda ng kaniyang pagmamay-ari, sa gayunding paraang senyal ito ng kaniyang mga pananagutan. Ang akda bílang kabuuan ng kaniyang mga paninindigan ay kailangan niyang tindigan. Ang ngalan niya bílang manunulat ang lagda sa kaniyang pag-aari’t pagtindig. Marami pang mababása hinggil dito mula kay Michel Foucault.[4]
Sa sinaunang panahon, ang “pag-aakda” ay higit na pinagsasaluhan o komunal, lalo sa konteksto ng panitikang oral. Lahat ay maituturing na “may-akda” na “nagmamay-ari” ng mga panitikang nabanggit. Maaari nila itong dagdagan, baguhin, o iangkop batay sa kanilang konteksto’t pangangailangan. Anumang pinagsasaluhang panitikang madalas na nakatuon sa paghutok sa katauhan ng mamamayan bílang bahagi, at sa ngalan ng kolektibo, ay tinatawag na “kuwentong bayan,” “panitikang bayan,” o “karunungang bayan.”
Naipapása ang mga salaysayin o panulaang pangkalipunang ito sa pamamagitan ng mga napagkasunduang anyong madalas ay may katangiang mnemoniko (mnemonic), siyang batayan ng mga sinaunang anyong pampanitikan tulad ng mga tulang may “katutubong” sukat at tugma. Ganito makikita sa ating mga epiko at maiikling tulang tulad ng tanaga, diona, talingdaw, atbp. na nakolekta ng mga paring misyonero at nailathala sa kanilang mga diksiyonaryo. Hindi “trabaho” o “work” ang mga ito ng mga espesipikong táong lumalagda ng kaniyang pangalan sa akda, gaya ng tinutukoy sa ating dagdag-pakahulugan. Mga pinagsasaluhang kuwento’t talinghaga itong naipapása nang hene-henerasyon sa mithing manatiling búhay sa gunita’t makapagpatibay ng mga pagpapahalaga ng lipi.
Sa pagsapit ng makabagong panahon, naipamana nga sa atin ang akda bílang trabaho ng manunulat na lumilikha. Higit táyong nagkaroon ng komplikadong hinuha hinggil dito, tulad ng ating paggigiit na sa una’t hulí, isa nga itong “pumpon ng salita.” Subalit nananatiling isang matinding pangangailangan ang mga ganitong pagpapaliwanag hinggil sa pagiging sentro nito ng usapin, lalo pa’t maraming masamâng kaugaliang patuloy na malaganap sa pagtuturo ng panitikan. Pangunahin na riyan ang sadyang pag-aabandona sa akda matapos itong maipabása sa mag-aaral, sa maraming kadahilanan, tulad ng pagmamadaling matapos ang coverage ng asignatura.
Kasalanan din ito ng mga gumagawa ng materyal na panturo. Hindi iilang teksbuk ang napansin kong ginagamit lámang ang akda upang maging lunsaran ng mga laksang gawain sa kasanayang pangwika. Halimbawa, pinasasalungguhitan mula rito ang mga salitâng kailangang bigyang-pakahulugan, upang sa hulí’y gamítin lámang muli sa sariling pangungusap ng mga mag-aaral.
Nakagawian ding gamítin lámang ito upang tustusan ang iba’t ibang gawaing pambalarila. Ni walang mga wastong tanong na pamproseso upang matitigan ang akda bílang akda, at hindi lámang paghanguan ng mga gintong áral. Mayroon ding mga teksbuk na sadyang “nililinis” ang akda, ineedit ang mga bahagi, marahil dahil sa mga sensitibong nilalaman [isa itong malaking kasalanan sa awtor!]. Mayroon ding sa paglalatag ng teksto ng tula, sadyang itinitipa itong nakasentro (centered), kahit pa lubhang makasira sa orihinal na anyo ng akda [respeto naman sa anyong pinili ng makata!].
Larawan ng maraming bagay ang pagturing natin sa akda. Mahihiwatigan dito ang kawalan natin ng respeto sa awtor na kumatha, at sa kaniyang mismong katha. May implikasyon din ito sa totoong estado ng panitikan sa bansa, at kung papaano ito itinuturing ng mamamayan—marahil, isa nga lámang itong “pumpon ng salita,” na kapag napakinabangan na sa mainiping edukasyon ay maaari nang kaligtaan habambuhay. Kayâ kailangang magdalubhasa sa pagtitig dito. May dalawa akong pakahulugan sa “pagtitig” sa pagkakataong ito.
Una, pagtitig bílang pamamaraan ng pagdulog dito. Para kay Meyer H. Abrams (1953), ang mga pananaw na pampanitikang makiling sa akda ay tinatawag na mga teoryang obhetibo, o yaong nakatuon sa obheto ng panitikan, ang akda. Isang mahalagang kasanayang supling ng mga teoryang ito ang “pagtitig sa teksto” o close reading. Malapitáng pagdulog sa teksto, na pangunahing nakapokus sa mga katangian at kayarian nito bílang akda. Kailangang suriing mabuti ang akda bílang nakapagsasariling organismo, may kakanyahang binubuo ng mga tinatawag na “elemento.” Kailangang matuto ang guro ng eksplikasyon upang magabayan ang mag-aaral sa pagtuklas sa akda. Kung hindi, nakaradagdag pa siya sa problema.
Ikalawa, pagtitig bílang pamamaraan ng pagpapahalaga sa akda. Pagtitig mismo sa konsepto ng akda bílang susing terminong pampanitikan. Nangangailangan ng kritikal na kaalaman ang guro hinggil sa lugar at kahulugan ng akda sa larangang ito. Matagal itong nadesentro, hindi dahil sa pakikilahok ng larang sa mga kritikal na baliktaktakan [siya sanang ideyal], kundi dahil sa simpleng pagpapabaya sa panig ng mga guro, at sa patuloy na sistemikong suliranin ng edukasyon sa Filipinas na nagpapamangmang sa mamamayan. Kailangang maibalik ang akda sa gitna ng mga talakayan, at maging talagang paraan ng pagpapatalim ng kaisipan ng mga mag-aaral.
Nagsikap táyong magbahagi ng ilang pangunahing kaisipan hinggil dito sa sanaysay na ito, na ang panimula’y tumalakay nga sa tatlong mahalagang kaisipang mahahango mula sa halos payak nitong pagpapakahulugan sa diksiyonaryo. Sa una’t hulí, ang akda ay mauunawaan bílang likha ng awtor, ipinakakalat na babasahín para sa isang publiko, at paksa ng pag-uuriang pampanitikan. Ito rin ang raison d’ être, ang dahilan ng pag-iral ng, ang talagang pakay ng pagpasok natin sa panitikan. Huwag na huwag natin itong kaliligtaan.
Talâ
[1] “Literature,” Online Etymology Dictionary, na-akses Nobyembre 3, 2018, https://www.etymonline.com/word/literature#etymonline_v_12314.
[2] Ibid.
[3] Hinggil dito, basahin ang Schklovsky, Viktor, “Art as Technique.” Matatagpuan din sa Rivkin, Julie at Ryan, Michael, eds., Literary Theory: An Anthology 2nd ed. (Malden: Blackwell, 2004), 15-21.
[4] Basahin ang Foucault, Michel, “What is an Author,” ed. Rabinow, Paul, The Foucault Reader (New York: Pantheon Books, 1984), 101-120.