
Ang awtor ang siyang sumulat ng akda. Siya ang málay na humubog sa ating binabása, at ipinagpapalagay natin na makahulugan ang kaniyang isinulat sapagkat itinakda niyang maglaman ito ng kaniyang mga pagpapalagay. Nakikipagtalastasan sa atin ang awtor sa pamamagitan ng asemblea ng salita na kaniyang pinawawalan matapos tuldukan ang akda, ipalathala ito, at ipakalat sa pamamagitan ng publikasyon. Sa pinakaubod, siya ang manlilikha, ang artistang nagsusumikap gumawa ng panitikan, sa pinakamasining, pinakamakapangyarihang pamamaraan.
Gámit ang laksa’t napagdilihang mahalagang karanasang pantao na isinasalin upang maging panitikan, ipinadarama niyang muli ang mga danas na nabanggit sa higit na siksik, makináng na anyo, upang mapag-isipa’t mapagnilayan nang mabuti, muli at muli, sa pana-panahon. Hindi lámang siya pangalang nakalagda o naka-byline sa akda, kundi isang pangahas na katauhang nagsisikap pumino sa danas-pantao na ipinakatawan dito.
Maaaring singsalat, singsugatan siya ng mga mambabásang pinaglilingkuran ng kaniyang akda. Sa pagpapantay ng kanilang mga lagay, kapwa nagkakaroon sila ng higit na malalim at malawak na kabatiran sa danas. Ngunit may kaloob pa ito sa manunulat na inaasahang lilikha pa at maglilingkod sa kaniyang sining at mga kausap na mambabása. Ang lalim at lawak na iyon ang patuloy na magbibigay-kakayahan sa kaniyang maghandog ng kislap-diwa na inaasahan sa mabubuting akda.
Ang Awtor bílang Magulang ng Akda
Sa etimolohiya, ang salitâng “awtor” ay may pakahulugang nababahiran ng patriyarkal at relihiyosong katuturan.
Ang awtor ay kinikilalang “ama” na “lumikha” o “nakalalalang.”[1] Bílang amang nakalilikha, siya ang minulan at tagapanguna ng mga bagay—waring Diyos na di-nakikita, di-nagagagap na tagapagpakilos ng sanlibutan. Kayâ hindi dapat ipagtaka na ang pagiging manlilikha’y malaong kinabasahan din ng pakikisangkot sa patuloy na paglikha, paglalang ng Maykapal. Sa Latina, ang salitâng auctor ay nangangahulugang tagapagsulong, tagalikha, nuno ng kung anuman; tagabuo rin siya, tagapagtatag, awtoridad na maituturing.[2] Bílang tila guro na bukal ng mga dapat maláman, tagapagpayabong siya, maaari ng lahat ng pinakaaasam na karunungan.[3] Sa kaniyang mga kamay, nagiging posible ang pagkakahango ng madla mula sa dilim o lusak ng kamangmangan o kasinungalingan.
Papaano niya ito nagagawa? Ang awtor, sa isa pang pakahulugang etimolohiko, ay isang manunulat, nasasangkot sa gawain ng komposisyon ng wika tungo sa kasiningan, kagalingan.[4] At sa pagkamanunulat na matatawag, pumapaling ang kahulugan sa isang higit na maka-inang saysay. Ang akda ay itinuturing na nagmumula sa isip ng manunulat—mistulang si Athena, ang diyosa ng dunong, na umahon mula sa ulo ng amang si Zeus. “Inililuwal” ng manunulat ang akda, at bago nito, halos papaglihihan bago maging kagampan at maisilang.
Hindi pare-pareho ang panahon ng paglilihi’t pag-aantabay sa pagsilang ng akda. Ngunit sa tamang panahon, “nailuluwal” na nga ang akda mula sa guni-guni ng awtor na nagbatá ng hírap, mapagbuti lámang ang kaniyang paglikha. Isang sakripisyo ang lumikha, kung gayon, halos pag-aalay ng búhay sa ngalan ng “pagbibigay-búhay” sa sining—bagay na dumadawit sa napakaraming romantikong nosyon sa pagsulat, kasáma na ang pagiging starving artist, o pagsulat lámang ang ginagawang kabuhayan, sukat na magutom at maghirap.
Hindi ito basta-bastang gawain. Madalas ding salaysayin ang sinasabing halos buong búhay na pagdududa’t pagdadalisay sa sarili ng manunulat bílang manlilikha. Pinaniniwalaang kailangang pagdaanan ang mga ito, lalo pa’t wika nga ni Alejandro Abadilla (1944), ang makata [o ang manunulat sa pangkabuuan] at “kaniyang sarili, ay nag-iisang batayan, nag-iisang balangkas at nag-iisang pamamaraan ng paglikha.”[5] Isang sariling ganap lámang ang makatutupad sa tungkulin sa ganitong pananaw. “Ang tunay na makata,” dagdag pa niya, “ay may ganap na kalayaan sa pagpili ng mga balangkas at pamamaraang naaangkop sa pagsasakatuparan ng lunggati sa pagpapahayag.”[6]
Susi sa Interpretasyon
Sa pag-aaral ng panitikan at mga kaakibat na gawain ng interpretasyon, pinahahalagahan ang pagbaling sa awtor sapagkat may paniwalang siya ang talagang mayhawak ng “pinakawastong” kahulugan ng akda. At bakit nga ba hindi?
Ang mga teoryang ganito ang oryentasyon, tulad ng biograpikong kritisismo [pag-uugnay sa talambuhay at disposisyon sa búhay ng awtor sa kaniyang mga akda at pag-aakda] ay tinawag ni Meyer H. Abrams (1953) na mga lápit na ekspresibo (nagpapahayag), sapagkat sa isang bandá’y nagpapahalaga din sa katotohanang ang paglikha ng panitikan ay isa ngang pagpapahayag, isang pagpapalaya ng diwa ng manunulat sa pamamagitan ng paghahayin ng kaniyang mga kaisipan, saloobin, o nadarama.
Salalayan ng ganitong pananaw ang nakikita kong tatlong mahalagang salik—una, nadadala sa paglikha ang manunulat ng kaniyang mga panloob na impetus o udyok upang lumikha; ikalawa, ang mga impetus o udyok na ito ay binubuo ng marurubdob na damdaming kailangang maibulalas, o humihinging magkaanyo, sa pamamagitan ng akda; at ikatlo, sa kaniyang kaibuturan sumasalok ang manunulat upang masining na maihayin ang mga damdaming nabanggit.
Mula sa mga ito mauunawaan na tunay nga, ang paglikha ng panitikan ay isang panloob, papaloob na proseso, halos isang lihim na ritwal ng manunulat sa kaniyang pag-iisa sa lilim ng pagsusulat. Ibinabalik ng mga ito sa atin ang isa pang madalas na romantisadong imahen ng manunulat—ang kaniyang pagiging mapag-isa’t solitaryo, halos ermitanyo sa kaniyang pag-iisa. Kailangan niyang gawin ito sapagkat tanging sa pakikipagtuos sa sarili mapaiiral ang pinakamimithing anyo ng mga hinagap. Kailangang sumamba siya sa mga diyos ng minsang tinawag ng nobelista’t makatang si Luna Sicat-Cleto na “makinilyang altar.”
Kayâ hindi pagtatakhan, halimbawa, ang ganitong kataga ng makatang si William Wordsworth hinggil sa panulaan: na ito nga ay “the spontaneous overflow of powerful feelings.” Sa pananaw na ito, ipinagpapalagay na salamin ng pagkatao ng awtor ang akda. Susi ang manunulat mismo sa pagbubulatlat sa sulatín. At hindi lámang ang kahulugan ng akda ang nabubulatlat; pati ang kalooban ng manunulat ay nabubuksan, natutuklas. Kayâ makahulugan ang akda’y mapagpakahulugan ang damdamin ng sumulat. Ang ibig sabihin ng akda ay ang kaniyang talagang mga niloloob.
Ang Ideya ng Awtor sa Kasaysayan
Sa kabilâng bandá, interesanteng pagpapalapot sa mga kaisipang atin nang nailatag ang minsang sinabi ni Michel Foucault (1979). Wika niya, hindi lámang basta paglalagda ng pangalan ng may-akda ang pagiging awtor, bagkus pagtukoy din sa mga pamamaraan ng pagsulat, pagdidiskurso ng sumulat.[7] Ang mismong dalumat ng “awtor” ay sinabing dumaan sa isang mahabang kasaysayan ng pagbago at paglinang sa loob ng mga nagdaang panahon.
Halimbawa, kung noong unang panahon, hindi pinapag-isipan ang pagkamay-akda sapagkat anumang salaysay o tula ay pag-aari ng kolektibo, pagdating ng makabagong panahon, nagkaroon ng pangangailangan sa pag-aari ng sulatín bílang legal na tungkulin ng mga nasasangkot sa pagsulat at paglalathala.
Paglaon, higit na naging komplikado ang nosyon ng awtor, sapagkat hindi na lámang ito maaaring unawain bílang ang táong umakda ng isang likha. Isa na rin itong kompleks ng mga konstrak o pagharaya sa may-akda bílang awtoridad na nagpapakawala at nagtatakda ng mga ideya, at bílang kamalayang bumabalangkas sa pananaw o paraan ng pag-iisip na nalalagdaan ng isang pangalan.
Itong kalaputang ito ang masasabing naging dahilan ng isang malaong kagawian habang nagbabasá ng panitikan: ang ituring na magkabukod na mga katauhan ang may-akda at ang kung sinomang nagsasalaysay o nagsasalita sa akda.
Sa katha, halimbawa, tinutukoy natin ang panauhan sa lápit na mayroon ito sa isinasalaysay [unang panauhan, ikalawang panauhan, ikatlong panauhan]. Hindi natin tinatawag ang panauhan o nagsasalaysay bílang ang awtor din sapagkat ipinagpapalagay nating repraksiyon lámang ang tinig, isang imbentong tagapagsalita na natural na kumakatawan sa awtor na ibinubukod ang sarili mula sa kaniyang akda. Kailangan niyang pangatawanan ang pagiging likha ng katha. Isa itong produkto ng guni-guni.
Gayundin ang masasabi sa tinatawag nating persona, ang siyang nagsasalita sa tula. Gámit ang prinsipyo ng pagsusuot ng maskara sa klasikong trahedya—siyang ina ng tula—ipinagpapalagay din nating gumaganap lámang ang tinig ng nagsasalita sa ibig papakilusin ng awtor sa kaniyang berso. Maaaring siya nga rin ang nagsasalita, lalo sa matatalik na lirikong tula, ngunit dahil nga naniniwala táyong ang lahat sa panitikan ay isang “pagganap,” o “pagpapanggap,” lagi’t lagi nating ibinubukod ang manunulat mula sa tinig ng tagapagsalaysay. Sa antas na konseptuwal, hindi sila iisang tao.
Ganito rin, sa tingin ko, ang sa kaso ng mga personal na sanaysay, kahit pa batid nating ang nagkukuwento ay ang mismong sumulat, nagsasalaysay ng kaniyang bersiyon ng kuwento o nagkukumpisal ng kaniyang mga tunay na mga saloobin. Isang komposisyon din ang tinig ng nagsasalaysay dito, nadadagdagan o nabawawasan ang katangian, sang-ayon sa kagustuhan o lunggati ng makapangyarihang manunulat.
Sa personal na sanaysay, may kakayahan ang sumulat na magharap ng isang higit na kanais-nais, katanggap-tanggap na sarili. Parang persona sa mga profile sa Facebook at social media, halimbawa. Maaaring may maliit o malaking kaibhan ito sa “totoong” awtor. Makapangyarihan ang manunulat ng personal na sanaysay sapagkat maaari siyang magharap ng isang retokado’t kathang sarili.
Ang Kamatayan ng Awtor?
Sa mga ideyang ito rin maiuugnay ang sa isang panahon ay kontrobersiyal na pagbubunyag ng sinasabing “kamatayan ng awtor.” Sa mahabang panahon, pinahalagahan ng diskurso ang manunulat bílang minulan ng akda at mga langkay nitong pakahulugan. Sinikap ni Roland Barthes (1968) na usigin ang nakagawiang paniniwalang ito sa pamamagitan ng “pagpaslang” sa awtor sa proseso ng pagpapaigting sa pagbása sa akda at “pagluluwal” sa mambabása bílang aktibong bahagi ng transaksiyon ng pagpapakahulugan.[8]
Sa paniwala ni Barthes, nararapat lámang na itampok sa usapin ang mambábasa sapagkat sangkot din naman ito sa “pagsulat” at pagtatalaga sa akda ng kahulugan. Sa pagbaling sa akda, isinusulat din ng mambabása dito ang kaniyang mga pagkalugod at pagkamalay. Kayâ hindi na lámang pagbása ang pagbása kundi pagsulat na rin. Pinalalaya na nga ng pananaw na ito ang kahulugan ay pinalalaya rin ang mambabása sa piitan bílang balintiyak na pinatutunguhan ng ibig sabihin ng awtor.
Nakamamanghang ideya, kundi nga lámang talagang marhinalisado ang manunulat sa Filipinas at talaga ngang halos patay ang karera. Napakaliit na komunidad ng panitikan at hindi ganoong kayabong ang mga oportunidad upang makapaglathala’t maratnan ang publiko.
Milyong kopya ng aklat ang pinag-uusapan sa ibang konteksto, na karaniwang siya ring pamantayan ng tagumpay sa paglalathala. Nakapagpaparangya ng búhay ng manunulat ang ganitong bentahan ng sipi dahil sa royalties. May mga kaakibat pang potensiyal na pagpapalawig-kita lalo’t kung may magkainteres na bilhin ang rights nito upang isalin sa mga popular na anyo ng telebisyon o pelikula. Ganito ang kuwentong-búhay, halimbawa, ng awtor ng seryeng Harry Potter na si J. K. Rowling.
Sa Filipinas, mga 500 kopya lámang ang madalas ipinalalathala ng mga karaniwang pabliser. Hindi pa agad mauubos ang mga iyon at madalas na kumakalap lámang ng alikabok sa mga eskaparate ng bookstore. Mailalako lámang ang mga iyon kapag naipipilit maipabasa sa mga mag-aaral sa eskuwela. Mabibilang sa kamay ang mga Filipinong may libong benta ng aklat, tulad ng mga nobelistang sina Bob Ong at Edgar Calabia Samar, na kapwa naisalin na rin sa telebisyon at pelikula ang mga akda. Hindi kalabisang sabihing mahirap makabuhay ng sarili, lalo na ng pamilya, ang pagsusulat sa bansa. Kalimitan, may iba pang trabaho ang mga manunulat tulad ng pagtuturo o peryodismo, makaraos lámang.
Maaaring magpakalayaw ang mga Pranses na tulad ni Barthes, o kahit ni Foucault, sa mga ganitong pagteteorya hinggil sa “kamatayan” ng awtor. Kasi, sa kanilang konteksto, may mga nakatindig nang institusyon ng panulat, pag-iisip, at paglalathala. Sa Filipinas kung saan limitado ang pinagkukunan ng manunulat, lumilitaw itong kalabisang intelektwal at hindi makatwiran. Samantalang napalilitaw nga nito ang malaong naliligtaang mambabása, lalo namang nailulugar nito ang manunulat sa laylayan.
Kayâ mabuti rin, sa isang bandá, ang nakagawiang pagsasaalang-alang natin sa manunulat sa bawat pagbása sa mga seleksiyon sa klase. Sinasaliksik natin ang kanilang mga talambuhay, at nitong mga hulíng araw, kinakausap pa upang sangguniin hinggil sa kanilang akda. Sa pamamagitan nito, napahahalagahan ang manunulat hindi lámang bílang manlilikha kundi bílang isang may napakalaki’t napakabigat na gampanin sa ating lipunan, at lalo na, sa kasaysayan. Tandaang dugo at pawis ng mga bayani—na karamihan ay manunulat din—ang ipinandilig sa lupaing ito, maging malaya lámang mula sa mga pananakop.
Ang Tungkulin ng Awtor
Bahagi rin ng usapin ng pagiging may-akda at pag-aakda ang tungkulin awtor. Bílang gawaing ekspresibo, ang pagsulat, sa mula’t mula, ay isang tungkuling indibidwal at personal; karapatan ng manunulat na magpahayag, sa gayunding paraan, at sa daigdig na umiiral ang merkado ng mga ideya, karapatan niya ang mapakinggan ang mga ipinahahayag.
Ang pagsulat ay pangunahing tungkulin ng manunulat sa kaniyang sarili. Anumang pagsikil sa sarili ay hindi nakabubuti. Ito rin ang dahilan kung bakit lagi’t laging kailangang ipaglaban ang karapatan sa pagpapahayag na nasa ubod ng paglikha. Ang pagtapak sa karapatang ito’y halos pagpaslang na rin sa táong pinagkalooban ng karapatang magpahayag, sa ngalan ng pag-iral at pagiging bahagi ng isang lipunang sibilisado. Sa madaling sabi, isang malaking kasalanan ang paninikil, sa sarili o kapwa. Ang ganitong paniwala ay nakasandig sa batayang tungkulin ng manlilikha na malayang makapagpahayag. Pundamental ang kalayaan sapagkat sa estadong ito lámang maaaring umiral ang pagpapahayag at paglikha.
Sa kabilâng bandá, hindi lámang naman nakatuon sa sarili ang tungkulin ng pagiging awtor. Ang pag-aakda at pagiging may-akda ay isa ring panlipunang gawain. Hindi nga ba’t sinasabi na nagaganap lámang ang inakda kung nararating ang patutunghan, ang mambabása? Nagaganap din, kung gayon, ang pagkamanunulat, kung may pagkamalay, pagkamulat sa kinakausap na lipunan.
Isang matanda nang isyu sa pagsulat ang banggaan ng dalawang prinsipyong pansining—ang sining-para-sa-sining at sining para sa lipunan. Ang una’y nagpapalagay na tungkulin ng pagsulat ang paglingkuran ang sining at sining lámang. Kung kayâ’t ang lunggati ng panulat ay ang makalikha ng obheto ng kariktan. Ang bawat danas sa sining ay danas ng kagandahan, kayâ’t nararapat lámang pagsumikapan ng manunulat ang disenyo, indayog, at pahiwatig ng akda.
Sa kahulí-hulíhan, tungkulin ng manunulat na lumikha ng maganda sa kaniyang akda. Kung may sagútin man siya, iyon marahil ang maging na manlilikha sa sining. Sa ganitong pananaw, lumalaging nakakubli ang manunulat sa kaniyang toreng garing, malayo at bukod sa kaniyang daigdig, sapagkat kailangang mag-isa’t masinsinang magbuhos ng panahon at talino sa magagandang pagsasakataga.
Tumataliwas naman dito ang prinsipyong sining para sa lipunan. May pagpapahalaga rin ito madalas sa kasiningan, sapagkat naroroon pa rin namang nililikha ang obheto ng sining, ang akdang pampanitikan. Ngunit may pagsasaalang-alang ito sa daigdig at panahong kinauusbungan nito, maging sa publikong tinutunghan at kinakausap nito. Sa panig na ito, ipinagpapalagay na ang pagsulat ay matapat na pagsaksi sa kalagayang panlipunan sa pana-panahon.
Dito, itinuturing din ang panitikan bílang salamin ng lipunan. Kayâ’t nararapat lámang na gamítin ang pagsulat bílang paraan ng makabuluhan at matapang na pagbubunyag, lalo na hinggil sa mga kairalang hindi makatwiran at nangangailangan ng katarungan. Mistulang propeta ang may-akda sa kaniyang mga pagtatapat, at kung minsan, pinagbabayaran niya ito ng kaniyang búhay. Karaniwan ito sa mga konteksto ng diktadurya’t awtokrasiya, kung saan nagsisilbi siya sa mga mambabása, kinakausap sa wika at pamamaraang kanilang nauunawaan, at pinapanigan sa bawat pagsusulong ng katwiran. Pinakarurok ng pagpanig sa pagkamakalipunan ng sining ang tuwirang pakikisangkot, pakikilahok sa pagkilos tungo sa ikalulutas ng mga suliranin ng lipunan.
Contra mundum!
Hinggil pa rin sa tungkulin ng manunulat, magandang gunitain bílang paglalagom ang isang mataginting na eksena mula sa dulang Portrait of an Artist as a Filipino ni Nick Joaquin, pambansang alagad ng sining para sa panitikan. Mas kilala kamakailan bílang ang pelikulang musikal na Ang Larawan, kuwento ito ng patuloy na pakikipagsapalaran ng magkapatid na Candida at Paula Marasigan sa kanilang tahanan sa Intramuros, kasáma ang kanilang sakitin at mapag-isang ama, ang sikat na pintor na si Don Lorenzo el Magnifico.
Sa kaniyang katandaan, nakalikha si Don Lorenzo ng isa pang obra na magiging usap-usapan sa alta de sosyedad—ang larawang pinaghalawan ng pamagat ng dula, na naglalaman sa imahen ng pagpasan ni Aeneas sa kulubot at halos halimaw nang ama niyang si Anchises. Papatakas ang dalawa mula sa naglalagablab na lungsod ng Troya, na ganap nang bumagsak sa kamay ng mga Achean dahil sa tanyag na digmaang isinalaysay ni Homer sa Iliad.
Paksa ng pagkamangha at interpretasyon ang pintang ito, na iminumungkahi sa mga dalagang Marasigan na ipagbili na, tulad ng kanilang bahay na kasámang naluluoy ng lungsod sa loob ng moog. Nalalapit na rin naman kasi ang pagputok ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at kailangan nilang maging praktikal. Ngunit ang dalawa’y nilalang ng lumipas na panahon ng mga tertulya at sosyalan, at ng pagsalig sa kabutihan, katotohanan, at kagandahan ng isang buong búhay na inialay sa sining.
Mabigat na katunggali ng dalawa ang panahong sumasagitsit, na nakatakda pang durugin ang kanilang daigdig sa pamamagitan ng giyera. Subalit pinananatili silang ganoon ng kanilang pagkapit sa gunita ng kahapon at pananalig sa sining.
Sa eksena na tanghal sila habang kinokombinse ni Don Perico, ang kaibigang senador ng kanilang ama, na magpasya para sa kanilang ikabubuti, naging maugong ang isang katagang muling nagpagunita sa matanda ng mga pagpapahalagang kaniyang nakaligtaan matapos lamunin ng sistema ng politika: contra mundum. Na ang ibig sabihin ay labánan, tuligsain ang daigdig, lalo kung nakataya ang mga tanging ideyal at pagpapahalagang hindi dapat ipinagpapalit, ni isinusugal. Hindi kailangang mawasak ng ating mga birtud at pananampalataya, kahit pa halos itulak na humabol ng sagitsit ng panahon. Mahalagang mapanatiling dalisay ang kaluluwa, sa kabila ng malaganap na pagkabulagsa at pagkapakawala ng daigdig.
Áral ng dula ang laging pagharap ng manlilikha sa ganitong pagpili. Totoo rin ito kahit sa mga manunulat. Madalas na laban sa daigdig ang kaniyang mga paninindigan—lalong-lalo na sa daigdig ng malaganap na karimlan. Batid niya ang kaniyang dapat panigan. Kung magkamali siya, batid niyang huhusgahan siya ng budhi at kasaysayan. Gaya halimbawa ng mga nagpasyang pumanig sa mapaniil na mga rehimen upang makisangkot sa mga pagsisinungaling, o piniling manahimik at magbulag-bulagan.
Ang pagsulat, sa pinaka-ubod, ay lalaging paghawak sa sulo ng liwanag sa bawat paglikha’t paliwanag. Kung sinasabi nga ng batàng bayani at manunulat na si Emilio Jacinto na “ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag,” napakabigat naman pala talaga ng kabuhayan ng isang awtor, ng isang manunulat. Hindi siya maaaring magsinungaling. Hindi siya maaaring tumawid tungo sa panig ng kabuktutan. Lubhang napakamahal ng nakataya. Ang kaniyang kaluluwa.
Talâ
[1] “Auhor,” Online Etymology Dictionary, na-akses Nobyembre 11, 2018, https://www.etymonline.com/word/author#etymonline_v_18965.
[2] Ibid.
[3] Ibid.
[4] Ibid.
[5] Abadilla, Alejandro, “Tula: Kaisahan ng Kalamnan at Kaanyuan,” Reyes, Soledad, Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan (Lungsod Pasig: Anvil Publishing Inc., 1992), 229.
[6] Ibid.
[7] Basahin ang Foucault, Michel, “What is an Author,” ed. Rabinow, Paul, The Foucault Reader (New York: Pantheon Books, 1984), 101-120.
[8] Basahin ang Barthes, Roland, “The Death of the Author,” Image Music Text (London: Fontana Press, 1977), 142-148.