Palaisipan 6: Bakit Kailangang Pag-aralan ang Filipino at Panitikan?


Larawan ng Pixabay sa Pexels.com.

Sa napakasaklap na dahilan—ang tuluyang pagpabor ng Korte Suprema sa pagtanggal sa mga asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo, at patuloy na pagbubulag-bulagan ng pamahalaan sa totoong sitwasyon ng pagtuturo ng mga nabanggit sa batayang edukasyon—kailangang batahing muli ang pagtugon sa tanong na ito. 

Hindi lámang dahil nakataya rito ang kabuhayan ng libong guro na noon pa’y dumadaing sa pagpapatupad ng sistemang K to 12, na may dakilang layon na ihanda ang mag-aaral na Filipino sa global na panahon. Mabigat na nga itong dahilang ito kung tutuusin, dahil napakarami nang nawalan ng trabaho nitong mga nagdaang taon. 

Ngunit nakataya rin dito ang ating pangmalawakang kalinangan bílang kultura. Napakaraming mawawala at mapawawalang-saysay ng pangyayaring ito. Kayâ hinihinging muling pag-isipan ang mga sumusunod: Ano nga ba ang nasa Filipino at Panitikan at kailangan natin itong bantayan, ipagtanggol, at panatilihin, lalo sa mataas na edukasyon na pinagtanggalan nito? Bakit kailangan pag-aralan ang mga ito? Ano ba ang napapala natin sa mga ito? 

Dalumat, Danas, Dunong

Ang totoo, magkaugnay ang Filipino at Panitikan—kambal na maituturing—sa kabuuan ng kasaysayan ng sistema ng edukasyon sa Filipinas. Sa pamamagitan ng Panitikan sinisikap ituro ang Filipino bílang wikang pantalastasan. Sa kabilâng bandá, ang Panitikan naman ang nagiging makabuluhan, makapangyarihan, at mabungang plataporma ng pagtuturo sa mga dalumat, danas, at dunong ng malawakang kulturang Filipino. Sa matagal na panahon, ginagawa ang mga ganitong gawain sa loob ng mga silid-aralan sa Filipinas. Naging daan din ito, sa tingin ko, sa patuloy na deskolonyalisasyon sa minana nating sistema ng edukasyon mula sa mga Americano. 

Bagaman nagtuturo rin naman ang ating mga paaralan ng Panitikan sa Ingles—at nakapagkakaloob ito ng isang pananaw na malawak, sarikulay, at pandaigdigan—sa tingin ko’y wala pa ring tatalo sa pagtalakay sa mga nasabing dalumat, danas, at dunong, at lalo na sa ating mga natatanging pamamaraan ng pakikipagtalastasan, sa wikang Filipino, gámit ang mga panitikang nasusulat sa ating mga wika. Marami sa mga ito’y sa ating mga wika lámang lubusang maiintindihan at maipapaliwanag. Kayâ, sa hulí, ang pagtatanggol sa Panitikan ay talagang pagtatanggol din sa Filipino, at vice versa.

Ibig kong itanghal ang tatlong nabanggit, na sa aking paniwala’y sa Filipino at Panitikan lámang maaaring malalimang matampok, matalakay, at maunawaan. Nais ko ring patunayan ang pangangatwirang ito, kahit na pahapyaw, sa pamamagitan ng isang kawing ng mga ilustrasyon. Hinggil sa dalumat, ang tinutukoy ko ay mga pananaw at pagkakaunawa sa mga bagay-bagay na madalas ay naisisilid sa mga salitâng buháy sa ating wika at gunita. Ang danas naman ay paglalagom sa ating mga pinagdaraanang nagbibigay-katuturan hinggil sa ating sarili, pamayanan, at bayan. Dunong naman ang tagapagbuod sa ating kultural na talino at mga pamamaraan ng pag-alam.  

Tungkol sa dalumat, hindi ko malimutan ang personal na kuwento ni Virgilio Almario (1990) hinggil sa pagkakatagpo niya sa salitâng “parikala.” Dati-rati, madalas umano siyang makarinig ng kantiyaw na wala tayóng katutubong dalumat para sa irony, ang estropang nagpapahiwatig ng “isang uri ng pagpapatawa,”[1] at ayon naman kay Meyer H. Abrams (1999), sa kaniyang A Glossary of Literary Terms, “remains the root sense of dissembling or hiding what is actually the case; not however, in order to deceive, but to achieve special rhetorical or artistic effects.”[2]

Sa pangmalawakan, nagpapahayag ang irony ng kakulangan sa kaisahan sa pagitan ng ipinahahayag at sa ipinakikita o totoong ipinahihiwatig. Tampok ito sa mga pigura ng litotes o understatement, sa isang bandá, at hyperbole o pagmamalabis, sa isa pa; at sa pinaniniwalaang tatlong anyo nito—ang parikalang verbal, na sumasakop sa dalawang pigurang ating nabanggit; parikala sa sitwasyon, na nagtatanghal na mga kabaligtaran ng mga inaasahan; at parikalang dramatiko, na matalik na kaugnay ng panonood ng klasikong trahedya.     

Ani Almario, ang kawalan nito’y animo’y nagpapatunay na ang uri ng pagpapatawang tinatangkilik natin ay “(h)anggang ‘berde’t baboy’…kaya’t burlesk…at OA (overacting) lámang ang nakapagpapamukadkad ng gilagid nati’t bunganga.”[3] Ngunit napatunayan niyang mayroon ngang katutubong konsepto nito nang magbulatlat siya ng Vocabulario de la Lengua Tagala (1754; 1860) ng mga Fransiskanong sina Juan José de Noceda at Pedro de Sanlucar. Mahalaga ang tuklas na ito, na sa Filipino at Panitikan lámang mapahahalagahan at lalo pang mabubuklat. Sapagkat wika nga niya, 

Nakatudling sa puso ng parikala ang pagkadama sa walang tigil na agos ng buhay at kasaysayan, sa pagsulong at pagbabago na mahirap malusutan, sa pagtitimbang ng isang iglap at walang hanggan, sa walang katapusang tunggalian at pakikibaka.[4]

Tendensiya ng Filipino at Panitikan na maging maugnayin. Kayâ’t madaling matuklasan sa pag-aaral ng mga ito—lalo sa liwanag ng ating mga pekulyar na danas—ang likás na pag-iral ng parikala sa búhay. Masdan na lámang halimbawa ang nakamihasnan nang romantisasyon ng mga Filipino sa sariling katatagan tuwing magtatapos ang pananalasa ng bagyo. Sa isang bandá, seryoso ang mga Filipino sa bagay na ito, sapagkat talaga ngang kahanga-hanga at nakadadala ng damdamin ang pagbabayanihan at pagkakapwa-tao para sa mga nasalanta. Ngunit ano nga ba ang totoong nasa likod nito? Iyon lámang ba ang “mababása” sa danas na ito? 

Filipino at Panitikan ang maaaring magpamulat hinggil sa parikalang umiiral sa sitwasyong ito. Sa unang sapin, maaaring makita ang parikala sa ibayong optimismo sa kabila ng mga pagkawasak at pagkawala. Ang patuloy na pagtitindig na muli ng mga bahay—na parang walang nangyari—ay isa na ngang mahimalang parikala. Noong unang panahon pa lámang, hinaharaya na ang mga bagyo bílang isang pagsubok na kakayanin, “titigisin,” sang-ayon nga sa tulang natutuhan nating tukuyin bílang ang “May Bagyo Ma’t May Rilim.” Kayâ sa ating pananaw, buháy ang maparikalang pagpapahalaga sa katapangan at maluwag-sa-loob na pagtanggap sa mga tunay at matalinghagang bagyo. Dahil wika nga, sa isa pang talinghaga ng mga salawikain sa anyong dalít,

Ang sugat ay kung tinanggap,       
Di daramdamin ang antak;
Ang aayaw at di mayag
Galos lámang, magnanaknak.

Subalit hindi dito nagtatapos ang diskusyon. Ang parikala’y isang estropang nagdadala ng mga kislap-diwa hinggil sa karunungang-bayan. Sa sosyo-politikal na mga usapin, palagiang nadadawit ang talinghaga ng bagyo bílang paraan ng pag-unawa—at pag-usig na rin—sa di-iilang madilim na yugto ng kasaysayan. Kayâ hindi rin mahirap isiping sa ngayon, “binabagyo” nga rin táyo ng maraming delubyong panlipunan—sa anyo ng paniniil o pananakot sa mga kritiko ng pamahalaan, pagpopondo’t pamumuhunan sa lalong ikalilito o ikamamangmang ng mamamayan gámit ang fake news, pagkabuwal ng laksa sa gabí-gabíng digmaan kontra droga, at pagbibingi-bingihan ng pamahalaan sa mga hinaing ng mamamayang pasan-pasan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan.

Patuloy na nananalasa ang bagyo habang nagririgudon ang mga politiko para sa nalalapit na halalan. Nito ngang hulí, isang butihing historyador ang nagpanukala, pa-muli, na “basahin” ang siyang mata-ng-bagyo bílang pusóng [mula sa mga kuwentong Juan Pusóng mula sa Visayas] o yaong tinatawag na trickster sa mga panitikang bayan. Muli, dahil sa kaniyang matagumpay na pag-akyat sa sentro ng kapangyarihan mula sa kuta at laylayang Mindanao, at pinaninindigang paglansag sa mga datihan at dominante sa pambansang politika. Hindi ito ang unang pagkakataon na “binása” ang sinasabing pusóng bílang pusóng, at marami nang naging pagtalakay at pagtatalo hinggil dito. 

Ang siste kasi, sinasabi ng ilan na ang pagkakaunawa ng mga bumabása sa pusóng bílang pusóng ay taliwas sa kung ano talaga ang pusóng sa ating konteksto. Sinsabing napapangatwiranan lámang ito batay sa mababaw na pakahulugang Kanluranin sa trickster, na hindi kailanman malalagom ang kabuuang kultural na saysay ng pagiging pusóng. Sa Filipino at Panitikan, hindi lámang nagiging posible ang ganitong muli at muling paglalapat ng mito sa mga pigurang sosyo-politikal. Nagiging posible rin ang pagpapatunay kung wasto ba ang paglalapat na tinutupad sapagkat naitatanong ang mga dapat tanungin, habang nakalapag ang mga paa sa sarili nating lupa.

Dagdag pa nga, halimbawa, ni Mila Aguilar, 

(f)ew if any of the current Western theoretical approaches could fully account for the dynamics of tricksterism in the Philippine context, its working in tandem with buffoonery, its political overtones and economic undertones, as well as its dialectic within Philippine history and society.[5]

Kung gayon, wasto ba ang ganitong pagbása sa pusóng, at pagturing sa itinuturing na pusóng bílang pusóng? Malaki ang tiwala kong Filipino at Panitikan lámang ang makatutugon sa mabibigat na hámon na ito, lalo pa’t pipilitin táyo ng mga ito na balikán, halimbawa, ang mga tomo ng panitikang bayan na tinipon ni Damiana Eugenio. Tiyak na marami táyong mapupulot na katutubong saysay ng pusóng mula sa mga ito, at sa taglay niyang parikala, lalo na kung mga “nangyayaring harı” ang pag-uusapan.      

Ilan Pang Karagdagang Pangangatwiran

Nailahad, naitanghal ko ang mga napakahalagang nilalaman ng Panitikan, at lalo na ng mga panitikan sa Filipinas [dahil totoong napakarami!], na dapat isaalang-alang ng mga tagapagpasya ng nilalaman at estruktura ng kurikulum. Totoong taglay ng mga ito, sa bawat pagtuturo at pagkukuro, ang dalumat, danas, at dunong ng Filipino at kaniyang mayamang kultura. 

Madaling sabihing motherhood statement ito, oo. Kasi nga naman, sa isang bandá, talagang mga abstraktong bagay itong mahirap sukatin, lalo sa paraang isinusulong ng mga tagapagbandera ng makiling-sa-mga-agham-at-teknolohiyang-disiplinang outcomes-based education at malaganap na oryentasyon sa edukasyong pansiglo 21, na sa kasawiampalad ay nakatuon lámang sa paghahanda ng mga manggagawang magpapaempleyo sa ibayong-dagat.

Pero subukin nating tingnan ito sa pananaw ng kasaysayang Filipino, at hindi mahirap isiping talagang lubhang napakamapanghamon na gagapin ng mga taglay na ito, sa kanilang pinakabásal na anyo. Halimbawa, batugan nga bang maituturing ang isang lahi na inaaglahi at pinupuwersang buwisan ng kolonisador sa pamamagitan ng sapilitang trabaho? Nasagot iyan ni José Rizal (1890) sa kaniyang mataginting sanaysay, ang “Sobre la indolencia de los filipinos,” hinggil sa katamaran ng mga Filipino. Dito, inusig ang pananaw ng mga Espanyol sa pamamagitan ng rasyonalisasyon sa panghihinawa ng mga táong naaapi. Muling ipinagkaloob ni Rizal ang dignidad ng mga Indio sa pamamagitan ng pagliligtas, pagbubuo sa kaniyang galíng at bait.       

Ang maganda sa mga panitikan [ng ating bansa, at ng daigdig], nadadalisay ng mga ito ang mga nasabing dalumat, danas, at dunong, upang mapagnilayan sa anyo ng pagbabasá, at patuloy na pagbabasá sa mahabang panahon. Dahil ipinopook ng mga manunulat ang mga dalumat, danas, at dunong na ito sa mga salaysay, talinghaga, at pagtatanghal na malapít at totoo sa nagbabásang Filipino, nagkakaroon ng pagkakataon ang hulí na lalong magkamalay at magpalalim ng pag-unawa sa mga bagay-bagay. Nagdudulot ito ng kalayaan para sa kaniya, sapagkat sa isang bandá, nagsisimula talaga sa haraya ang pagbaklas sa anumang tanikala. Ani Almario (2014), sa kaniyang muling pagpapahalaga sa Florante at Laura, 

isinisilang ang kamalayan-sa-kalayaan bílang mabigat na pakiramdam sa pagpangitain ng ‘Haraya.’ Mula dito, walang opsiyon ang katutubong “Haraya” kundi ihanap ang sarili ng ginhawa [kaniya ang diin], na nangangahulugan na ng literal na pagkilos upang simbolikal na isúlong ang kamalayan-sa-kalayaan tungo sa higit na mataas na anyo o yugto hanggang sa kaganapan ng katutubong “Haraya-sa-Kalayaan.”[6]

At bakit ito ginagawa ng mga panitikang Filipino na binabása at itinuturo sa mga klase sa Filipino? Sapagkat kailangang maigpawan ng Filipino ang kaniyang pagiging komplikadong nilalang na hubog ng tatlong sapin ng karanasan at impluwensiyang kolonyal; mga sigalot sa nakaraan na nagpapatuloy sa kasalukuyan; at kalagayang pulo-pulo, tribo-tribo, at dahil nga ganoon, watak-watak. Isa itong pangangailangang gawain dahil ang sinasabing “pag-aakda” sa bansa ay isang patuloy na proseso ng pagdalisay hindi lámang sa kabansaan, pati na rin sa ating identidad. Isa ang wika sa mahuhusay na bigkis ng lahi. Pintungan naman ng wika ang panitikan.    

Isang walang-katapusang gawaing binabatá ng ating mga manunulat ang pag-aakda sa bansa, sapagkat wika nga ni Resil Mojares (2000), kamakaila’y itinalagang pambansang alagad ng sining para sa panitikan, hinggil sa ating kabansaan, “we are haunted by the sense that we have not imagined deeply enough its shape, span, strength, depth.”[7] Masakit mang pakinggan, isa táyong lahing wala o lumalaboy ang kaluluwa—ang ating kaakuhan. Kailangang tawagin ito pabalik sa ating pambansang katawan upang patuloy táyong mabuhay. Kailangang patuloy itong gawin, lalo pa’t giit ni Mojares, “Philippine literature has never occupied a prominent place in the curricula of colleges and universities.”[8]  

Binabatá ng asignaturang Filipino, at ng mga panitikang Filipino na paksa nito, ang gawain ng paghango sa wika nga’y “kakang-gata” ng bawat dalumat, danas, at dunong na isinasapanitikan at inihaharap sa pagtuturo’t pagbabasá. Sa tingin ko, hindi sapat ang hayskul para sa pagnamnam sa mga ito. Kung sinisikap na tumaas ang kasanayan dito, at talagang ibig itong maging mapakinabang hanggang sa paglabas sa paaralan ng edukado, bakit ba hindi na lámang ito panatilihin hanggang sa kolehiyo? 

Sa tingin ko, hindi matanggap ng mga kumakatig sa di-makatwirang pasya ng Mataas na Hukuman na hindi na lámang basta pag-aaral ng wika at pagbása ang Filipino at Panitikan sa pangkabuuan. Hindi na lámang ito pagpapahusay sa mga kasanayan sa pakikipagtalastasan at pagkatuto. Ito’y isang nakapagsasariling disiplina na may malawak na saklaw at interes, na kung minsa’y humihiram pa nga sa mga pamamaraan ng mga halos kapatid na disiplina ng agham panlipunan, o anumang nagbubukas dito ng pinto at nagpapatulóy.

Isa pa, bagaman itinatadhana ng kurikulum ang interdisiplinaridad sa batayang edukasyon, nangyayari lámang talaga ito sa mga kolehiyo at pamantasan kung saan higit na litaw ang mga pamumuhunan sa mga larangan. Hindi lámang naman usapin ito ng pagkakapuwang ng Filipino sa mga disiplinang, oo, maaari ngang magkanlong dito sa mga matataas na institusyon ng edukasyon. Ngunit maitatanong: Maituturo ba ng mga disiplinang nabanggit ang tatas ng mas mataas na uri ng talastasang pampamantasan sa wikang Filipino? Maituturo ba nila ang kultura lalo pa’t may mga dapat pang itinuturong kasanayang espesipiko sa kanilang larang?  

Higit na magiging makabuluhan ang mga natutuhan sa batayang edukasyong pampanitikan kung iaakyat din ang mga ito sa mga silid-aralan ng kolehiyo o pamantasan, siyang bungad ng mga mag-aaral sa totoong mundo matapos nilang magtapos, at kung saan higit na mapatataas ang antas ng pagtalakay dito. Kung real-life at long-term learning ang talagang hanap natin, bakit pa lalayo sa Filipino at Panitikan? Naikintal na sa mga ito ang lahat ng maiging linangin, lalo sa panahon ng lalong paggulang ng mag-aaral.

Samantala, hindi rin dapat magdiwang ang mga tinaguriang “kontra-Filipino,” na madalas, sa kakatwang dahilan, ay itinatago lámang ang kanilang pagiging “Inglesero” sa sáya ng kasalukuyang nasa modang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE). Marapat lámang tandaan na ang pagtatanggal sa Filipino at Panitikan ay paglalansag sa mga platapormang malaong kumakalinga sa iba pang pambansang wika at panitikan mula sa rehiyon. Kung tutuusin, pare-pareho táyong mawawalan. Kung malalansag ang mga kagawaran ng Filipino at Panitikan, matatanggalan ng inpraestuktura ng pagpapaunlad at paglinang ang lahat ng sangkot sa mga wika at panitikan.  

Ang Filipino at Panitikan sa Silid-Aralan

Ano nga ba ang nagaganap sa loob ng silid-aralan ng Filipino at Panitikan na tumutupad sa ganitong mga pangako ng pagnamnam sa kakang-gata ng bawat dalumat, danas, at dunong na Filipino? Pangunahing plataporma ang mga panitikang Filipino sa pag-aaral at pagpapahusay sa wika. Sa pamamagitan, halimbawa, ng mga kuwentong pambata, maaaring magkaroon ng panimula ang batà sa pakikinig, na isang napakahalagang kasanayan. Nasusuhayan nito ang pagsasalita, na malaong nang natutuhan sa tahanan. Nagkakaroon din siya ng panimula sa pagkilala, kahit sa kamusmusan, sa kaibhan ng wikang pasalita at pasulat na kaniyang unti-unting aaralin.

Napakapayak na mga gawain, kung tutuusin, kundi nga lámang talagang unti-unting pinalalalim ng mga ito ang karanasan ng batà sa wika. Nakaeengkuwentro ng batà ang wika, pati na rin ang iba’t iba nitong hiwaga, sa pamamagitan ng mga salaysay, tula, at bigkas.

Ngunit isa pang hiwaga ang kaniyang natutuklas habang natututuhan niyang gamítin ang wika—ang kakayahan nitong mapagpakahulugan, ang kakayahang magpahatid ng mga ibig sabihin. Kapag siya ay nakikinig o nagsasalita sa klase, may sinasabi siyang makahulugan. Kapag siya ay nagsusulat sa pisara o sa kaniyang kuwaderno, may sinasabi siyang makahulugan. Sa guro, at sa mga manunulat niya unang natututuhang kapag nag-asemblea ng wika ang isang tao, siya ay nagpapakahulugan. Matagal niya itong pinagsasanayan. 

Nagagamit din ang mga panitikan sa lalong pagkatuto sa balarila ng wika. Dahil ang wika ay isang kompleks ng mga balarila o panuntunan ng paggamit dito upang maging mapagpakahulugan, isinasaloob ng mag-aaral ang kasanayan sa paggamit dito upang sa bandáng hulí’y maging maalam sa pakikipagtalastasan sa kaniyang kapwa. Maraming silbi ang kaalaman, mulang mga pagkakaunawa sa mga pangngalan hanggang sa iba’t ibang antas ng pagtatalastas at pagpapakahulugan. 

Sa pag-aaral ng wika, napahahalagahan ang pagiging bahagi ng mag-aaral ng isang komunidad, ng isang lahi, ng isang bansa. Akala ng marami, walang kawawaan ang mga gawaing gramatiko’t mga praktikal na ehersisyong pantalastasang itinatanghal sa klase. Paulit-ulit man sa bai-baitang, paalala ang mga ito na kasapi ang mag-aaral ng isang pangkat ng mga táong patuloy na nagpapasya hinggil sa kung papaano magkakaunawaan at makagagawa ng kahulugan. Kayâ walang terminal o katapusan ang pagsasanay sa wika. Sa bawat panahon, at sa maraming konteksto, talagang mahusay na plataporma ang panitikan para sa mithiing ito.

Subalit nagpapakahulugan nga sa isang natatanging paraan ang panitikan sa pangkalahatan, at hindi lámang ang tuwirang inihahayag nito ang dapat na maunawaan. Kailangan din nitong mabulatlat, mabása pati ang mga hindi sinasabi. Sa silid-aralan din ng Filipino at Panitikan natututuhan ang pag-ulinig sa mga ipinahihiwatig ng panitikan bílang isang uri ng masining na pakikipagtalastasan. Sa klase, pinaghuhusayan ang isang paraan ng pagbásang talagang mahalaga at walang kaduda-dudang magagamit sa habambuhay—ang close reading na tinatawag o pagtitig sa teksto. Ginagawa nitong higit na matalim ang tao sa pag-unawa sa mga tandâng nakapaligid sa kaniya—hanggang pati ang mga tandâng di-pasulat, tulad ng mga talastas na biswal, ay matutuhan na rin niyang mabása. 

Sa pamamaraang nabanggit, tinutulungan ng guro ang mag-aaral na buklatin ang akda sa pamamagitan ng mga tanong o udyok na magtutulak ng ibayong pagsusuri. Sapagkat wika naman talaga ang bumubuo sa akda, natututo ang mag-aaral na maging sensitibo, hindi lámang sa indayog ng lengguwahe, kundi pati na rin sa nuances o pagkasari-sari ng pakahulugan nito.

Nakikilala niya, halimbawa, ang matapat, maalab, o mapanggagad sa bawat himig, at nakasisiya iyon, sapagkat sa totoong búhay, talagang napakahalaga ng tono sa pag-unawa sa mga sinasabi ng kapwa, at lalo na, ng sarili. May tono ang pananalita, at kahit nakalimbag na ang wika sa panitikan, laging nagpapaulinig ang katangiang oral nito. 

Marami pang nabubulatlat ang pag-aaral ng panitikan. Halimbawa na, ang kompleksidad ng tunggalian na nasa kaibuturan, kapwa ng prosa at tula. Sabi nga, kung walang tunggalian, walang kuwento; at kapag walang kuwento, walang kuwenta. Napakalupit na hatol, masasabi ninyo.

Pagsasakataga ng laksang komplikasyon sa búhay ang panitikan, at ginagawa iyon upang matulungan ang mga táong mapagnilayan ang mga malamáng na mangyayari sakaling magkaroon ng mga ganito o ganoong salimuot sa mga sitwasyon. Ang panitikan ay paglalakbay sa mga laberinto ng salimuot ng búhay ng tao, at nagkakaroon táyo ng pagkakataong titigan ito, mata sa mata, sa aruga ng silid-aralan ng mga klase sa Filipino at Panitikan, kung saan ligtas itong gawin. Sinasabing wala raw ensayo ang mabuhay, subalit dahil sa panitikan, nagkakaroon táyo ng pagkakataong suriin ang karanasang pantao.

Tumindig para sa Filipino at Panitikan

Muli, dapat bang hayaan na lámang ang pagpapahusay sa mga kasanayang pampanitikan na ito sa hayskul, upang, wika nga ng mga “makikinabang” sa reduksiyon sa yunit ng Filipino at Panitikan, ay magkaroon ng mas mahabang panahon ang mag-aaral sa kaniyang espesiyalisasyon?

Ibig kong maghayin ng magkakaugnay na kontra-tanong sa mga “makikinabang” na nabanggit—na marahil magpapapiyesta o magpapamisa dahil sa pasya ng mataas na hukuman. Tumitigil ba táyo sa paggamit ng wika matapos ng hayskul? Tumitigil ba táyo sa pakikipagtalastasan sa ating wika matapos ng hayskul? Tumitigil ba táyo sa pagiging Filipino matapos ng hayskul? Higit sa lahat, tumitigil ba táyo sa pagiging tao matapos ng hayskul? Aba’y kung “oo” ang sagot sa mga ito, maaari nating tanggapin, kahit mabigat sa loob, ang napakasaklap na palad ng tuluyang pagkaparam ng Filipino at Panitikan sa kurikulum ng mataas na edukasyon.

Ngunit alam nating ang sagot ay “hindi.” Hindi táyo tumitigil sa paggamit ng wika habang nabubuhay táyo, bílang kasapi ng ating lipi. Lalo na, hindi táyo tumitigil sa paggamit ng wikang Filipino dahil kasangkapan natin ito sa araw-araw habang nananatili táyo sa lupain ng Filipinas o nakikisalamuha sa mga kapwa-Filipino.

Hindi rin naman táyo tumitigil sa pagiging Filipino—hanggang, marahil, piliin nating magpalit ng pagkamamamayan matapos lumisan at manatili sa ibang bayan. Hindi rin naman táyo tumitigil sa pagiging tao, hanggang sa hukay. Bakit, kung gayon, kailangang iwan ang pagkamalay at pagpapalalim ng unawa sa wika, pagka-Filipino, at pagkatao sa Filipino at Panitikang panghayskul? 

Inuulit ko: Magkakaroon ng mas maigting na talakay ang wika at mga panitikan ng Filipinas kung itatalaga pa ring mga asigntura sa kolehiyo ang Filipino at Panitikan. Higit na magkakaroon ng pagkamalay at pagpapahalaga ang magtatapos, hindi lámang sa wika at mga pamamaraan nito ng pagtatalastas, kundi pati na rin sa panitikan na siyang naging paraan upang maunawaan niya ang mapagpakahulugan nitong katangian. 

Dahil manibalang nang maituturing ang mag-aaral, mapalalalim ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo ang kaniyang pagkakaunawa sa wika at panitikan bílang mga makabuluhang kagamitan sa kaniyang pang-araw-araw na pag-iral. Sa higit na mataas na antas ng diskusyon, maaasahang makikita niyang humihigit pa sa karaniwang komunikasyon ang gámit ng wika. Maiuugnay niya rin ito sa pag-iral ng panitikan, na isang uri ng pagkasangkapan sa wika na higit sa karaniwan, at higit na malikhain. Patuloy na mabubuksan ang kaniyang diwa hinggil sa sarili, bayan, at daigdig. At higit siyang magiging táong may kabuuan, edukado sa hambal, at may pagka-Filipino.

Talâ

[1] Almario, Virgilio, “Ang Pagbabalik sa Parikala,” ed. Almario, Parikala: Mga Bagong Tula, Mga Bagong Makata (Lungsod ng Maynila: Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo at Kalikasan Press, 1990), 9.

[2] Abrams, Meyer H., “Irony,” A Glossary of Literary Terms, 7th ed. (Boston: Heinle & Heinle-Thomson Learning, 1999), 135. 

[3] Almario, “Parikala.”

[4] Ibid, 10.

[5] Aguilar, Mila, “Fighting the Panopticon: Filipino Trickster Tales as Active Agency,” Mila D. Aguilar.ph, 13.

[6] Almario, Virgilio, “Introduksiyon sa Panitikan Tungo sa Kalayaan,” Si Balagtas at ang Panitikan para sa Kalayaan (Lungsod ng Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2014), 27.

[7] Mojares, Resil, “The Haunting of the Filipino Writer,” Waiting for Mariang Makiling: Essays in Philippine Cultural History (Lungsod Quezon, Ateneo de Manila University Press, 2002), 297.

[8] Ibid, 304.

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: