
Habang maugong ang isyu hinggil sa pagkakatanggal ng mga asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo, dahil sa pagbawi ng Korte Suprema sa ipinataw nitong temporary restraining order noong 2015, biglang pumutok ang balita na nagrereklamo ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa masamâng pagkakatanghal sa pulisya sa teleseryeng primetime na FPJ’s Ang Probinsyano.
Ang sabi ng PNP, lubhang pinasasamâ raw ng dramang de-serye, na ngayo’y nasa ikatlong taon na ng pag-erye, ang imahen ng institusyon sa publiko, dahil sa pagtatanghal nito ng isang pamunuan at mga kawaning sangkot sa krimen at korupsiyon. Sinuportahan ng isang senador ang mungkahing ipatawag ang mga prodyuser ng palabas upang hilinging huwag masyadong pasamain ang PNP sa kuwento.[1] Iminungkahi naman ng kalihim ng Department of Interior and Local Government na baguhin na lámang ang banghay o plot ng teleserye.[2]
Ilang pangkat ang nagpahayag ng pagtutol sa animo’y pagsesensura ng ahensiya sa isang matagumpay at gabi-gabing aliwan ng mamamayan sa telebisyon. Samantala, ilan naman ang nagpahayag ng pagkabahala, lalo sa social media, sa pakikialam na ginagawa ng pulisya sa isang malinaw na artistikong gawain—ang paglikha ng kuwentong umuugnay man sa kasalukuyang pagkamalaganap ng pagkabalakyot at pagkatampalasan, ay nararapat lámang, sa diwa ng demokrasya, na hayaang gamítin ang “lisensiyang pansining” nito na kumatha at magtanghal ng búhay ng mga bayani’t kalabang kailangang magtuos pagdating ng tamang panahon.
Susing salita sa usapin ito ang “katha.” Sa tingin ko, kailangang igiit na ang teleserye, sa una’t hulí, at kahit sa pauna nito sa bungad ng bawat episodyo, ay isa ngang katha. Kung tumukoy man sa mga tunay na tao o pangyayari, kaligtasan nito, sa usapin ng sining, ang igiit ang pagiging bunga lámang ng haraya o guniguni ng napakaraming táong bumubuo sa produksiyon nito. Maaari itong akusahang palihim, pailalim na pinupuna ang pulisya, at ang pamahalaan sa pangkabuuan, subalit hindi dapat ito hadlangan, ni utúsan ng kung sinong kapritsoso na rebisahin ang pagkukuwento.
Sa kasawiampalad, di na dapat pagtakhan ang pasistang tindig mula sa balat-sibuyas na pulisya, na umaaray, kahit pa, sabi nga sa matandang kasabihan, “bato-bato sa langit, ang tamaan, huwag magalit.” Sa panahon ngayon ng sistemikong pagpapatahimik ng estado sa mga kritiko, at pagkiling sa mga kahanay at kakampi kahit pa malinaw na lumalabag o napatunayang may sagútin sa batas, hindi na nakagugulat kung gamítin din ng pulisya, isang tinaguriang repressive state apparatus ni Louis Althusser (1970), ang puwersa nito upang manupil ng mga itinuturing na “sumusuway” sa pinamamahalaang lipunan, mapanatili lámang ang bango ng mga poder sa kapangyarihan.
Malinaw na idinadawit ng pangyayaring ito ang ilang susing usaping pang-edukasyon. Sa mga balitaktakan sa Facebook, halimbawa, iginiit ko na pinatutunayan ng kasong ito ang patuloy na pangangailangan sa pagtuturo ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo, lalo sa mataas na antas ng edukasyon.
Tanging mahusay na edukasyong pampanitikan ang makapagliligtas sa mamamayan mula sa mga ganitong mangmang na komentaryo at makitid na pananaw. Sumang-ayon din ako sa mungkahi sa PNP na imbes na makialam sa Ang Probinsyano, ipagpatuloy na lámang ang paglilinis sa hanay nito. Pambawi man lámang sa tutulog-tulog na pamamahala ng mga iniluklok sa puwesto, na sa isang bandá’y bakâ nga sadyang pinagtatakpan gámit ang panlansing isyu na ito.
Idinadawit din nito ang usapin hinggil sa kung umuugnay nga ba talaga ang Panitikan sa daigdig. Sa isang bandá, masasabing pinanghahawakan ng mga opisyal ng PNP ang ganitong paniwala sa matalik na ugnayan ng katha at realidad, sa kanilang paghihinakdal hinggil sa tingin nila’y nakasasamâng pagtatanghal ng nasabing teleserye sa pulisya bílang pugad ng mga tiwali.
Hindi rin naman sila ganap na nagkakamali sa hinuha’t pakiramdam, sapagkat ang mga ito’y nakasalig sa isang pananaw na ang panitikan—kabílang na ang teleserye, na isang produkto at tekso ng kulturang popular—ay talagang maituturing na “salamin ng buhay.” Hinihiram ko ang praseng ito mula kay Soledad Reyes (1982), na ginamit itong paglalarawan sa paghinuha sa nobelang Tagalog at kasaysayan nito.[3]
Hinggil sa Mimesis
Higit na mauunwaan ang nasabing paniniwala kung babakasin sa kaisipang klasiko na nagtatag ng nosyong may kinalaman sa animo’y “pananalamin” ng daigdig sa pamamagitan ng panitikan. Pangunahin sa mga palaisip ng panahong ito si Plato, na nagturing sa tula—siyang pangkalahatang terminong sumasakop sa lahat ng panitikan noon—bílang wangis ng daigdig.
Pinasalimuot pa niya ito sa pagsasabing, sa isang bandá, ang daigdig ay wangis din lámang, ilusyon pa nga, ng mga umiiral sa tinatawag niyang daigdig ng mga ideya, kung saan nananahan ang mga perpektong anyo na ating nakikita sa realidad. Kung gayon, anumang paglikha, tulad ng sa tula, ay imitasyon lámang ng daigdig, na imitasyon din ng mga perpektong anyo.
Sinusugan ang ganitong paniwala ng mag-aaral niyang si Aristotle. Ngunit may panibagong tingin dito ang sumunod sa yapak. Pinahalagahan niya ito bílang susi sa danas ng paglikha, at di lámang ilusyon o basta pagwawangis ng imitasyon ng mga perpektong bagay sa daigdig ng mga ideya.
Pinalayas ng kaniyang guro ang mga makata sa tinaguriang “Republika”—isang perpekto’t kaasam-asam na lipunang pinamamahalaan ng isang pilosopong-hari—dahil sa ang mga ito, aniya, ay kumakatha lámang ng mga guni-guni o walang kawawaang pantasya na maaaring makaliligaw sa landas ng inaasam ding makatwirang mamamayan. Samantala, pinahalagahan naman niya ang kapangyarihang mapangwangis ng panitikan bílang isang masining na kagawiang nagpapabubukod dito mula sa realidad, sa isang bandá; at bílang isang pangangailangan upang makalikha ng epekto sa madlang tumatangkilik dito, sa isa pa.
Kapwa saligan ng dalawang pantas ang konsepto ng mimesis, o imitasyon sa kanilang wikang Griyego, ngunit makikitang naghihiwalay sila ng landas sa bandáng hulí. Bagaman kapwa sila naniniwala na talaga ngang umuugnay ang sining ng panitik sa daigdig, sa pamamagitan ng mimetiko o mapangathang operasyon, at sa kapangyarihan nitong pumukaw ng kamalayan ng mga tao, nagkakaiba sila ng pananaw hinggil sa tungkulin nito sa isang lipunan.
Kung si Plato ay naniniwala na tanging panulaang nagsisilbi sa adhikain ng kaniyang ipinanukalang “Republika” ang katanggap-tanggap, si Aristotle naman, na ang hilig ay maglarawan ng kalikasan ng mga bagay-bagay—na animo’y mga organismo itong binubuo ng baha-bahagi—ay naghaka na sa pamamagitan ng mimesis, natutupad ng panitik ang potensiyal nitong pukawin ang tao sa pamamagitan ng paghaharap sa kaniya ng representasyon ng mga probabilidad ng sitwasyon at kondisyon ng búhay.
Malaon nang kinikilala si Aristotle bílang tagapagbunsod ng ideya ng genre o mga uri ng komposisyong pampanitikan, dahil sa kaniyang pagpapaliwanag hinggil sa mga tinatawag natin ngayon na mga “elemento” na bumubuo at tumutukoy sa pagkakakilanlan ng mga pangunahing anyo ng panitikan. Pangunahin sa mga ito ang mga ideya ng banghay, na siyang pinakamahalaga para sa kaniya, sapagkat ito ang nagsasakaayusan ng mga pangyayari sa kuwento sa bukod o hiwalay na daigdig na iyon; at tauhan, na itinatanghal sa kawing-kawing ding makahulugang aksiyon. Makikita ito, halimbawa, sa pinakatanyag at palagiang sinisiping pakahulugan niya sa dulaang trahedya:
Tragedy, then, is an imitation of an action that is serious, complete, and of a certain magnitude; in language embellished with each kind of artistic ornament, the several kinds being found in separate parts of the play; in the form of action, not of narrative; through pity and fear effecting the proper purgation of these emotions.[4]
Ang mga pundamental na kaisipan ng dalawa ang magiging batayan ng mga oryentasyong pampanitikang tatawagin ni Meyer H. Abrams (1953) na lápit mimetiko. Dito, ipinagpapalagay na ang panitikan ay matalik na umuugnay sa uniberso o daigdig na inuusbungan nito. Ang sining, tulad ng panitikan, ay isang gawain ng panggagaya o pagwawangis sa kung ano ang umiiral sa realidad, kayâ’t ang nagiging pangunahing sukatán ng bisà nito ay ang pagiging makatotohanan.
Isang susing konseptong maiuugnay dito ang berosimilidad (verisimilitude), na nagbibigay-diin sa kakayahan ng panitikan na maging mistulang totoo. Balikán lámang ang etimolohiya ng salita, na nagsasanib ng veri o totoo at similis o kapara.[5] Ang pagiging mistulang totoo ng sining ng panitik ang pinaniniwalaang umuudyok, di lámang ng datíng ng ganda o lugod sa nagbabasá, kundi lalo’t higit, ng higit na pagkamalay sa karanasang pantaong pinapaksa nito.
Kayâ hindi kataka-taka ang paggamit, paglaon, sa talinghaga ng salamin upang ilarawan ang oryentasyong ito. Para ngang humaharap sa salamin ang nagbabasá at natutunghayan niya sa repleksiyon ang daigdig na kaniyang ginagalawan. Para ring naghaharap ng salamin ang panitikan sa daigdig, ipinamamalas ang anumang nasasagap na repleksiyon. Kaugnay na mga talinghaga rin ang antipara, salamin sa mata, o lente. Nagiging pamamaraan ng pagpapalinaw ng pananaw ang panitikan sapagkat ibinabalangkas nito ang pagturing sa danas at daigdig.
Samantala, mula sa mga kaisipan ding ito matutuklas ang isang balintuna—na ang panitikan, bílang katha sa pangkabuuan, ay sumasalok ng kaniyang anyo at kongkretisasyon sa pamamagitan ng realidad. Sa aking mga klase sa panitikan, tinatawag ko itong fictional paradox, na nagtatanghal ng dalawang makathaing katangian.
Una, laging ipinagwawagwagan ng katha ang pagiging imbensiyon nito, na para bang káya nitong makapag-imbento, makapangatha, sa sarili lámang. Ngunit ang totoo, na siyang ikalawa, kailangan nito ng realidad, at makaugnay sa búhay sa labas nito upang magkaroon ng lawas. Ano’t anuman, lalaging tutukuyín (referent) ng panitikan ang daigdig, nagtagumpay man ang teorya sa pagbubukod sa panitikan bílang nakapagsasariling asemblea ng wika mula sa inuusbungan nitong daigdig. Mananatiling nakaapak sa lupa ang panitikan.
Sari-saring -Ismo
Naging matalab ang ganitong pananaw na mimetiko sa sining, kayâ’t sinandigan ito, hindi lámang bílang pagpapangalan sa pamamaraan, mga kilusan, o eskuwelang pansining, kundi pati na rin bílang pantukoy sa pilosopiya o pananaw sa pagsusulong at pagpapahalaga rito.
Sa unang panig maitatampok ang dalawang madalas napagkakamalang lápit na pampanitikan, dulot na rin ng lisyang pagkakapakilala rito ng mga nagdudunong-dunungan sa kurikulum noong araw—ang Realismo at Naturalismo. Sa ikalawa naman ang isang kompleks ng mga kapaniwalaang politikal na nagsusulong ng matalik na ugnayan ng akda at kasaysayan, sa isang bánda, at ng tungkulin ng panitikan sa lipunan, sa isa pa—ang mga tinawag ni Reyes (1992) na Historikal/Sosyolohikal na Pananaw at Marxistang Pananaw.
Dapat na bigyang-diin na malinaw sa mga ito ang ugnayan ng panitik at daigdig. Subalit ang unang tambalan ay hindi nga mga lápit pampanitikan, bagkus, mga moda o pamamaraan ng pagtunghay at pagtatanghal sa búhay ng tao o karanasan gámit ang sining, tulad ng panitikan.
Sa katunayan, matatagpuan ding ginagamit ang mga terminong realismo at naturalismo upang tukuyin ang mga moda ng pagpipinta na talagang nagsisikap maging malapít sa katotohanan ng búhay. Sa kasaysayang pampanitikan, naging gamitín ang mga salitâng realismo at naturalismo bílang pantukoy sa mga anyo at pamamaraan ng pagsulat ng nobela na naging malaganap sa isang yugto ng panahon, o nananatiling malaganap magpahanggang ngayon.
Ipinaliwanag ni Abrams (1999) ang realismo bílang paglalarawan ng búhay, “as it is,” at dahil nga rito ay talagang kapani-paniwala sa pagkukuwento, sapagkat wika niya, “its characters might in fact exist, and that such things might well happen,” lalo pa’t ang nobela, sa pagsisimula, sa pag-usbong nito sa Kanluran, ay kinikilalang pumapaksa sa búhay ng mga karaniwang tao.[6]
Samantala, ang naturalismo naman, aniya, ay maituturing na “an even more accurate depiction of life than realism,” dahil sa nakaangkla ito sa paniwalang itinatag ni Charles Darwin hinggil sa tao noong siglo 19—na sa kaniyang naturalesa o kalikasan, ang tao ay bahagi ng tinatawag na “order of nature,” walang kaluluwa kung kayâ’t hindi nakikisangkot sa isang “religious or spiritual world beyond the natural world,” at isang mataas na uri ng hayop na ang “character and behavior” ay hinuhubog ng dalawang bagay—“heredity and environment.”[7] Samakatwid, nabubuhay ang tao sa daigdig na pinatatakbo ng batas ng “survival of the fittest,” wika nga rin ni Darwin, mula sa kaniyang teorya ng ebolusyon.
Sa ganitong lohika, hindi na ipagtatanong ang pag-iral sa katha ng mga sinasabi ni Abrams na mga “compulsive instincts” ng mga tao-karakter, “especially hunger, the drive to accumulate possessions, and sexuality.” Ito rin ang nagtatalaga sa mga nasabing tao-karakter bílang “subject to the social and economic forces in the family, the class, and the milieu into which that person is born.”[8]
Nakikipagtagisan ang mag tao-karakter sa mga puwersang ito, na madalas ay ganap na sumisikil at gumagapi sa kanila. Madilim ang mabuhay sa daigdig sa paraang ito ng pagtanaw sa realidad dahil sa hulí, naitakda na ng mismong “heredity and environment” ang palad ng tao. Trahedya ang nakaabang na katapusan sa nakikipagsapalaran, at walang magagawa rito ang mga tao-karakter. Ang tanging layon ng ganitong pamamaraan ng pagkatha ay maging matapat—at maghalos siyentista’t empiriko pa nga sa pagtatanghal ng katotohanan—sa pagsusuri ng mga mapanikil na puwersang nakapaligid sa mga tao.
Sa Filipinas, nagtatagpo ang mga prinsipyong pangkatha na ito sa isang mahalagang termino na madalas ay ginagamit upang ilarawan ang namayaning pamamaraan ng pagsulat ng katha—ang Sosyorealismo. Tulad ng realismo at naturalismo, mailalarawan din itong isang kompleks ng mga pamamaraan, kilusan, o eskuwelang pansining na nakasalig sa ideya ng halaga ng pagkamakatotohanan sa representasyon.
Ngunit nakasalig din ito sa panlipunang tungkulin ng pagtatanghal sa paraang makatotohanan. At para sa panitikang Filipino, maituturing na pinasinayaan ang ganitong kagawian ni José Rizal mismo, nang mistulang itakda niya ang tungkulin ng katha, at ng panitikan sa pangkabuuan, sa kaniyang dedikatoryang “Sa Aking Inang Bayan” sa Noli Me Tangere:
Nakasulat sa kasaysayan ng mga pagdaralita ng sangkatauhan ang isang kanser na may katangiang napakalubha kaya nagpupuyos sa galit munting di-masaling at nanggigising ng matatalim na kirot. Anupa’t malimit na nais kitang tawagan kapag nasa gitna ako ng mga makabagong kabihasnan, kung minsan upang samahan ako ng iyong mga alaala, kung minsan upang maihambing ka sa ibang mga bansa, dahil malimit na tumatanghal sa akin ang iyong mahal na larawang may nakakatulad na kanser panlipunan.
Nilulunggati ang iyon kalusugan, na kalusugan din namin, at hinahanap ang pinakamabuting paglunas, gagawin ko sa iyo ang ginawa ng mga sinaunang tao sa kanilang mga maysakit: inilalantad sila sa mga baitang ng templo, upang makapagmungkahi ng lunas ang sinumang dumating na mananawagan sa Bathala.
At tungo sa mithing ito, sisikapin kong ilarawan ang iyong kalagayan nang buong tapat at walang pangingimi; itataas ko ang bahagi ng lambong na tumatabing sa karamdaman, isasakripisyo ang lahat alang-alang sa katotohanan, kahit ang pagmamahal sa sarili, sapagkat, bilang anak mo, ipinagdurusa ko rin ang iyong kapintasan at kahinaan.[9]
Masasabing nagpapatuloy ang impluwensiyang Rizal sa mga nobelistang Filipino, lalo pa’t kung tutuusin, hindi pa rin naman talaga naihahanap ng ikagagaling ang ating lumalalang mga kanser panlipunan. Kayâ isang napakahalaga’t mapaglarawang dalumat sa ating kultural na produksiyon ang sosyorealismo, lalo pa’t nakasangkapan ang kagawiang ito upang makapagprotesta at manindigan sa pamamagitan ng sining.
Sa katunayan, batay sa sinasabing “bukal na realista” ng nobelang Tagalog na sinuri ni Almario (2009), naging paraan ang nobela upang makapagsulong ng “mga pahayag na makabansa at makalipunan.”[10] Pinaksa nito ang mga posibilidad at hakbangin tungo sa kalayaan mula sa mga mananakop, suliranin sa lupa at trabaho, malaganap na kahirapan, urbanisasyon at modernidad, atbp. Kung gayon, ginamit ang katha, at ang gawi nitong maglarawan ng katotohanan, para sa “matalim at matalinong pagsusuri sa mga puwersang historikal na humubog sa kasalukuyan ng bansa.”[11]
Sa sining-biswal, buháy din ang masasabing “tradisyong sosyorealista,” at inilarawan ito, halimbawa, nina Patrick Flores at Cecilia Sta. Maria de la Paz (2000) na “tumutukoy sa katotohanan ng lipunan kung kaya’t nilalayon nitong ipakita ang kahirapan at kaapihan ng mga maralita sa isang masidhing paraan.”[12] Sa isa pa niyang papel, itatampok ni Flores ang ganitong kagawian sa pagsasabing nagrurok ito noong dekada 70, sa panahong mayroong tangka ang diktaduryal na estado na isantabi ang “unsightly ferment or the socio-economic asymmetries of the present,” habang ipinagpaparangalan, sa pamamagitan ng mga institusyong pansining na itinindig nito, tulad ng Cultural Center of the Philippines, ang “the goodness, the truth and the beauty of a historic race.”[13]
Dagdag na paliwanag pa ni Flores:
Resisting the idealisation of progress, social realism articulated a dissident cultural imagination, one wrought throughout centuries of colonialism, and that in many ways persists in postcolonial discourse and practice in the Philippines today. [14]
Pagbabalik sa mga Dulog Mimetiko
Kung kalauna’y naging tungkulin nga ng pagkamakatotohanan ng pangkabuuan ng sining, at ng panitikan sa partikular, ang magbunyag ng mga di-makatwirang kaayusang panlipunan, humingi ang mga ito ng pagdulog na nakauunawa’t nakahihinuha sa ginagawa nitong eksposisyon, at nagpapahalaga rito paglaon. Dito mabuting ipasok na muli ang oryentasyong mimetiko ng mga lápit pampanitikan, siyang makiling sa ugnay ng akda sa daigdig. Sa ating nagpapatuloy na talakay, binanggit na nating tampok sa mga oryentasyong ito ang Historikal/Sosyolohikal at Marxistang Pananaw.
Dapat ipagpaunang mangangailangan ng higit na mahaba at masaklaw na talakay ang pagpaksa sa dalawang lápit, kayâ’t anumang ihayin ko rito ay dapat na ituring na pahapyaw at panimula lámang. Itinatampok ko lámang dito ang mga batayang ideya na dapat tandaan hinggil sa mga ito. Iminumungkahi ko ang pagbabalik sa mga batayang teksto ng mga teoryang nabanggit. Maaaring ituring ang aking talakay bílang mapa sa patuloy na pagtuklas sa mga teoryang ito, na akin namang ibinatay sa makináng na mga paliwanag ni Reyes sa kaniyang Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan (1992).
Hinggil sa Historikal/Sosyolohikal na pananaw, itinuturing nito na isang mabisang paraan ng pagpapahalaga, lalo sa saysay at kabuluhan ng panitikan sa lipunan, ang inilarawan ni Reyes na pagtatapat sa akda sa konteksto nito, “sa mga puwersa sa lipunan at kapaligiran—na pinagmumulan ng direktang impluwensiya sa mga manunulat.”[15] Kung gayon, itinuturing sa ganitong pananaw ang akda bílang produkto ng kasaysayan, pati na rin ng mga “di-maiiwasang proseso ng malawakang pagbabago sa lipunan at pangkalahatang pananaw sa buhay.”[16] Dagdag pa ng ating sinangguni, tungkol sa kambal at “mahirap paghiwalayin” na mga pananaw:
Layunin [ng mga ito]… na ipaliwanag ang mahigpit na ugnayan ng panitikan at ng mga puwersang itinuturing na nasa labas ng likhang-isip, at kung paanong naimpluwensiyahan nila ang kamalayan, ideolohiya, pananaw, at kasinghalaga ng mga ito, ang sining ng awtor.[17]
Sa ganitong pananaw, hindi lámang minamalas ang panitikan bílang salamin ng búhay. Ginagawa pa nitong daan ang búhay—ang kasaysayang kinasibulan nito—bílang paraan ng pag-unawa rito. Sa interpretasyon, hindi maaaring iwan ang unibersong kinairalan ng akda, sapagkat, wika pa nga ni Reyes, “hindi sapat ang isang tekstwal na pagdulog sa pag-aaral ng mga anyong-pampanitikan.”[18] Ang tekso ay binubuo rin ng konteksto, at ulit-ulit na iginigiit, sa tambalang pananaw, ang “mahalagang papel ng kasaysayan at lipunan sa pagpapalinaw ng kahulugan at katuturan ng panitikan.”[19]
Sa kabilâng bandá, ang maka-Kaliwang Marxistang pananaw naman, ay batay sa mga ideya nina Karl Marx at Friedrich Engels, mga pilosopo’t ekonomista na nagtangkang maghayin ng “masalimuot na programa” upang sagupain ang “pagkakaiba ng mga uri sa lipunan na nagbubunga ng alyenasyon ng tao sa kaniyang sarili.”[20]
Sa kanilang pagsusuri, ang kasaysayan ng tao ay kasaysayan ng hidwaan sa pagitan ng aping manggagawa, na nakatanikala sa kaniyang paggawa at kumakatawan sa napakaraming nakapailalim na uri; at ng masalaping may-ari na nagkakamal ng kita at bahagi ng iilang naghaharing-uri, dahil sa pamumuhunan sa makinarya ng paggawa. Pangunahing layunin, kung gayon, ang pagpapabagsak sa hulí, pagpapatag sa kaibhan ng uri, at paglikha ng isang lipunang may pagkakapantay-pantay, lalo na sa usaping materyal o pangkabuhayan.
Sapagkat ang Marxismo, sa mga batayang prinsipyo nito, ay nagbibigay-diin na “ang basehan ng lahat ng karanasan ay nakasalalay sa… materyal at pangkabuhayang ugnayan,” ipinagpapalagay na ang bawat umusbong na mga panlipunang pormasyon at praktika, tulad ng “batas, relihiyon, pilosopiya, sining, (at) panitikan” ay hubog din ng mga ito.[21]
Bagaman wika nga ni Reyes ay “(h)indi nagbigay ng mga batas sina Marx at Engels tungkol sa ideyal na pagtaya sa kabuluhan o kawalang kabuluhan ng teksto,”[22] sa pangangatwirang inihayin sa itaas, mapagwawaring pinakaideyal na anyo ng sining—ng panitikan sa ating kaso—ang bumabalikwas sa mapang-aping kalakarang panlipunan at nagsusulong ng ganap na paglaya ng mga naaapi rito. Nararapat lámang na ang preperensiya nito ay nasa dehadong manggagawa sa ordeng pinatatakbo ng kapital—o sa isang bandá, sa nasasalaylayan sa anumang rehimeng mapang-api, sa pangkabuuan.
Sa prinsipyong pansining na tulad nito, lohikong yakapin bílang tampok na uri ng panitikan, halimbawa, ang sosyorealismo o yaong tinawag ni Reyes na “realismong sosyal,” na isinulong bílang “pundamental na paraan… (ng paghahayin ng) makatotohanan, kongkretong historikal na representasyon ng realidad sa rebolusyonaryong pag-unlad nito.”[23]
Kaalinsabay ng pagkamakatotohanan sa rendisyon ng realidad sa panitikan ang pagsusulong ng paglaya sa kamalayan at kalagayang pangkabuhayan ng madalas ituring na “masa.” Dito umusbong ang uri ng panitikang tinatawag na sumusunod sa Marxistang “linya” o adhikain, na lagi’t laging naghahayin ng historikong tanong na para kanino? kapag pinag-uusapan ang layon ng pagsusulat.
Sa pagsandig sa linya, inihahanay ng manunulat ang kaniyang sarili at pagpaksa sa pagbubunyag at paglutas sa mga hidwaang panlipunang umiiral sa kaniyang panahon, at sa hulí, sa pakikipaglaban para sa kabuuang ikaaahon ng mga api. Madalas na gamitín sa ganitong adhika ang realismo, lalo pa’t pinaniniwalaang nagagawa nitong tugunan ang “pangangailangang ilantad at palinawin ang isang totalidad o kabuuan ng buhay.”[24]
Kung nagagawa nga nitong ilarawan, “hindi lámang ang mga detalye ng pook at panahon kundi ang mga puwersang panlipunan na siyang nagtatakda ng kilos, gawi, at pag-iisip ng tao,”[25] tinutupad din ng panitikan, sa maadhikang pagkamakatotohanan nito, ang pagbubunyag ng mga kabuuang pananaw na nagpipiit sa tao sa kaniyang kalagayang api’t kahabag-habag.
Ang mga kabuuang pananaw na nabanggit ay tinutukoy sa Marxismo bílang ideolohiya, na sa paliwanag ni Reyes ay “isang komplikadong proseso na ipinasasaloob ng lahat ng tao, nauunawaan man nila o hindi.”[26] Tinatawag ding “lisyang kamalayan” o false consciousness, laman ng mga ito ang mga mapagtakdang kaisipan na inihahayin ng naghaharing uri at pinalilitaw na natural, totoo, at “sentido kumon” na maituturing.
Ilan sa mga halimbawa ng ideolohiya ang pagtuturing sa babae bílang mahina o dili kayâ’y nararapat na manatili lámang sa bahay bílang “ilaw ng tahanan”; ang romantisasyon sa kahirapan bílang estado ng búhay na tahimik at kalugod-lugod; at ang pagtuturing sa anumang gulong ng palad bílang kaloob ng maykapal na hindi mapipigil ng tao.
Samantalang pinalilitaw ng mga dominanteng puwersa [halimbawa na, ang patriyarkiya o kapitalista] ang mga ito bílang likás sa ating pag-iral, naitatanghal ang mga ito bílang mga “mito,” sa taguri nga ni Roland Barthes (1957), at pagkatalimuwang lámang na nararapat ilantad, ibunyag.[27] Kailangang isailalim ang mga ito sa demistipikasyon. Sa panig ng Marxistang manunuri ng panitikan, ibinubunyag ang mga ito’t inuusig. Sa manunulat na sinasabing nakikisangkot sa rebolusyonaryong pakikibaka, inaasahang masusuri rin ang mga ito sa bawat likha, at kung maaari, tuluyang masawata gámit ang aksiyon ng mga tauhan o talinghaga.
Sa hulí, humugot si Reyes ng limang “pangkalahatang kaisipan” na maaaring lumagom sa pananaw na Marxismo sa panitikan:
Una, makabuluhan ang akda na may epekto sa nakararami—ang siyang tumatanggap ng akda.
Pangalawa, nakasalig ang kabuluhan ng akda, samakatwid, sa ugnayan ng teksto at ng kagalingang pang-madla.
Pangatlo, sa pag-aaral ng kritiko, hindi niya kailanman maititiwalag ang akda sa konteksto nito—sa lipunan at sa panahon.
Pang-apat, mahalagang malaman kung sino ang may-akda, ang uring kanyang kinabibilangan, at ang mga impluwensiya sa kanyang kamalayan.
Panglima, mapaghihiwalay ang laman (sinasagot ng ano?) at anyo (sinasagot ang paano?) sa pagsusuri ng akda.[28]
Pahapyaw na Mimetikong Sipat sa Ang Probinsyano
Sa pagtalakay sa dalawang mimetikong lápit na itinampok natin mula kay Reyes, maaaring makahango ng sa tingin ko’y tatlong mahalagang kislap-diwa na makakasangkapan sa pag-unawa sa anumang akdang babagay sa mga ito o hihingi ng mga ganitong pagdulog, tulad halimbawa ng kontrobersiyal na Ang Probinsyano. Ito ang mga sumusunod:
- Mula sa karaniwang matapat na pamamaraan ng rendisyon sa realidad, nagiging isang uri ng pagbubunyag o paglalantad ng kung anuman ang panitikan.
- Madalas na ang mga ibinubunyag o inilalantad ay sagisag lámang ng mga tunggaliang bunga ng, o lumilikha sa mga di-makatarungan at di-makatwirang kairalan ng lipunan sa labas ng panitikan.
- Ang mga paraan ng pagbubunyag o paglalantad ang mismong balangkas ng pagsusuri ng awtor sa mga bagay-bagay na itinatanghal niya sa kaniyang akda. Nananahan sa balangkas ng kaniyang pagsusuri ang komentaryong inihahayin ng akda.
Sa mga sumusubaybay sa teleseryeng nabanggit, malinaw na ang moda ng pagpapalabas ay realistiko, kahit lubhang napakaeksaherado’t kung minsa’y napakamahiwaga ng mga pagkakataon (coincidence) ng pagkukuwento nito. Tandaang ang anyo nito ay soap opera at sa baklad ng romanse at melodrama, madaling nakukumpuni ang mga bagay-bagay at pangyayari para sa bidang si Cardo Dalisay, ang matuwid na pulis probinsiya, na hinango mula sa mga pelikula ni Ferndando Poe Jr. noong dekada 90. Sa kaniya umiikot ang daigdig ng kuwento. Siya rin ang tagapagpatakbo ng banghay nito.
Gámit ang (1), masasabing makatotohanan ang pagtalakay sa maykatwirang búhay-pulis ni Dalisay, lalo’t umiiral siya sa isang daigdig ng pulisya na sa totoo lámang ay pamilyar sa mga manonood—isang daigdig na tiwali, kung saan sangkot mismo ang mga kawani sa paggawa ng krimen. Sa mula’t mula, antitesis si Dalisay ng marami sa hanay ng pulisya, sa teleserye man o sa tunay na búhay, at masasabing iginigiit ng palabas ang kaniyang taglay na birtud bílang tunay na tagapaglingkod at tagapagtanggol. Natatangi siya bílang bayani ng araw-araw.
Madaling ilarawan ang maaksiyong pakikitunggaling ito ni Dalisay sa mga iskalawag sa kaniyang hanay bílang karaniwan at panghabampanahong pagtatanghal lámang ng labanáng mabuti at masamâ. Lalaging laman ng soap opera ang ganitong tunggalian sapagkat taglay nito bílang popular na anyo ang moral na polarisasyon, na humihimok ng pagpanig, lalo na sa karapat-dapat at mabuti.[29]
Subalit gámit ang (2), matutuklasang hindi lámang basta pagtatanghal ito ng tagisang mabuti at masamâ, kung saan ang una ang nakatakdang mangibabaw at ang hulí’y nakaabang sa pagkagapi, bagkus isang pagbubunyag, paglalantad, sa anyo ng naratibo, ng batid na ng pangkalahatang lipunan, bagaman hindi yata talaga masawata kahit pagsumikapan—ang malawakan at sagad-sa-butong korupsiyon ng pulisya bílang institusyon.
Hindi maitatangging sa realidad, bagaman marami pa rin namang matitinong pulis na maihahalintulad kay Dalisay, marami rin ang ginagawang negosyo ang pagpupulis upang makaagapay sa isang inaasam na marangyang búhay. Maraming mararangal ang magsasabing sapat lámang madalas ang sahod sa pagpupulis. Samantala, yaong mararangya’y nakikisangkot sa, o nagpapatakbo pa nga ng mga maliliit o malalaking organisadong krimen upang maging maalwan ang búhay, o upang “makaisa” man lámang kahit sa kanilang abang pamumuhay. Biktima rin ang pulis ng di-makatarungan at di-makatwirang kairalan ng lipunan dahil sa limitasyon ng kaniyang pagkukunan. Dahil dito, naitutulak siyang pumasok sa daigdig ng krimen.
Masasabing isa lámang sa kompleks ng mga imahen ng PNP at pulisya ang itinanghal sa serye. Sumususog ito sa kalimitang katatawanang likha ng mga sitwasyong komiko na madalas kasangkutan ng mga pulis sa kulturang popular, tulad ng pagkahulí sa pagtugon sa mga krimen, katangahan o kawalang kahandaan kung tumutugon man, o pagiging likás na “pulis patola” at talagang malayo sa mga imahen ng makikisig na pulis o detektib sa mga seryeng telebiswal at pelikulang Hollywood.
Ang dakilang kabayanihan ni Dalisay, na maysapusa’t hindi mapaslang-paslang ng kaniyang mga kalabang kriminal at kabaròng tiwali, ay masasabing pag-uyam sa malaganap na korupsiyon sa buong sistema. Ang kaniyang pagiging masunurin sa mga superyor [at di miminsang pagsuway, dahil sa tawag ng paglilingkod], laging pagtalima sa maliliit at malalaking tungkulin, at pagiging ulirang tao, ay tindig ng katwiran sa gulo at galaw ng sistemang tiwali, na madalas, pinatatakbo ng kapital o pamumuhunan ng mga mismong kriminal na elementong nakikipagsabwatan sa pulisyang dapat ay dumadakip sa kanila. Ang lahat, sa loob at labas ng panitikan, ay nagiging biktima ng di-makatarungan at di-makatwirang kairalan ng lipunang bunga nito.
Samantala, gámit ang (3), masasabing sa pigura ni Dalisay, naghahayin ang teleserye ng isang mailalarawang “politika ng mga posibilidad.” Posible ang malinis, madalisay ang pulisya, kung sisikapin lámang nito na totoong magpakabuti’t magpakatotoo sa sinumpaang tungkulin sa bayan. Ngunit napakabigat ng mga pagsubok na hinarap, at patuloy na hinaharap ni Dalisay ngayon.
Sa kasalukuyan, ang kaniyang pangkat, ang Vendetta, ay tinutugis ng tiwaling pamahalaan upang tuluyang mahadlangan sa mga gawain nitong kontra sa lunggati ng mga mapamuksang dominanteng puwersa, sa pamumuno ng mismo ng mga nakaupong balakyot. Pinabibigat pa ito ng dramatisasyon ng mga kunwa’y opisyal ng PNP bílang gahaman sa kapangyarihan, mapanikil sa mga tumututol sa kanilang pamamalakad, at mapaghasik ng sindak gámit ang puwersang mayroon ang tanggapan.
Para sa PNP sa tunay na búhay, hindi magandang pakinggan ang komentaryo ng Ang Probinsyano. Nasasaktan sila sa kanilang napapanood na paghahari ng kasakiman sa kathang PNP sa palabas. Idinadahilan ng mga opisyal mula sa tunay na búhay na nagdudulot ito ng malawakang demoralisasyon sa kanilang hanay.
Pero trabaho ba ng teleserye bílang panitikan na pagandahin ang kanilang imahen? Alam natin ang sagot diyan. Ang pagpapaganda ng imahen ng alinmang problemadong institusyong pampamahalaan ay gawaing pampropaganda. Hindi ito trabaho ng panitikan. Sa kabilâng bandá, kung gayon kasidhi ang naging reaksiyon ng PNP sa palabas, kailangang palakpakan natin ang Ang Probinsyano sa matapat nitong rendisyon sa realidad, at pagsaksi sa mga totoong nangyayari sa lipunan. Natupad nito ang napakahalagang tungkulin.
Paglalagom at Implikasyon
Samantala, sa hulí, ano pa ba ang masasabing implikasyon ng reaksiyon ng PNP, bukod sa lubhang lisya ang pananaw ng mga punò nito hinggil sa panitikan, at sadyang nananakot, nanggigipit lámang? May isa pang ulat na pumukaw sa akin kaugnay ng pangyayari, na nagsalaysay hinggil sa pagmumungkahi ng isang pangkat na manalamin muna ang pulisya bago pakialaman ang Ang Probinsyano.[30]
Anila, makabubuting magnilay muna ang institusyon tungkol sa kung sino talaga ang tunay na dahilan ng pangit na tingin ng madla sa mga pulis. Kung nakadarama nga naman ng demoralisasyon ang mga pulis sa korupsiyong iniuugnay sa kanilang hanay, bakâ may bahid ng katotohanan ang natutunghayan sa teleserye’t kailangan nilang mamulat at gumawa ng hakbang upang malunasan ang kanilang institusyonal na karamdaman.
Sa gangang akin, dapat na tandaan na ang bida pa rin ng drama ay isang ulirang pulis sa alegorikong pangalan na Cardo Dalisay. Maaari’y nagagapi nga sa kasalukuyang takbo ng kuwento ang kadalisayang nananahan sa kaniyang loob, kayâ heto’t higit na nakapupukaw, lalo sa pamunuan ng PNP, ang kasamaang malaganap sa kathang PNP sa palabas.
Sa pangkabuuan, isang napakahalagang epekto ng panitikan, lalo’t kung usapin ang pagiging matapat nito sa pagbubunyag ng mga katotohanan, ang gisingin táyo mula sa ating mga di-nakatutulong na mga pagkakahimbing. Gaya marahil ng pinagdadaanan sa ngayon ng PNP, na sa kabila ng pagkabuwal ng libo dahil sa digmaan laban sa droga ng Pamahalaang Duterte, at mga dokumentadong pagkakasangkot ng mga pulis sa mga tiwaling gawain, ay nag-iilusyon pa rin na mapagkakatiwalaan talaga silang tanodbayan. Pero dapat manaig ang kabutihan, sa gayong paraan na sa hulí, maaasahan sa teleserye ang pananaig ni Dalisay bílang ahente ng kabutihan.
Kailan kayâ magigising ang PNP sa katotohanang ito? Kailan kayâ ito babaling sa tungkuling maglingkod at mangalaga sa mamamayan? Kailan ito tatalima sa mga karapat-dapat na birtud, sa kadalisayan at katapatan?
Isa ring mabuting mungkahi sa kanila ang pagbabalik-áral sa Panitikan, kahit pa ipinagsasawalang-bahala na ito sa makabagong lipunan at bakâ tuluyan na ngang lansagin sa antas-tersiyaryo ng sistema ng edukasyon. May tungkulin itong maging matapat sa paglalarawan ng panahon at kaligiran, gaano man karikit o karimarimarim. Magbabago ba ang PNP, matapos ng lahat ng napanood nitong “pagbubunyag” sa Ang Probinsyano? Abangán ang susunod na kabanata.
Talâ
[1] Basahin ang “Lacson backs Albayalde on ‘Ang Probinsyano’ concerns, Poe defends series,” ABS-CBN News.com, Nobyembre 15, 2018, https://news.abs-cbn.com/news/11/15/18/lacson-backs-albayalde-on-ang-probinsyano-concerns-poe-defends-series/.
[2] Basahin ang Talabong, Rambo, “DILG chief wants ‘Ang Probinsyano’ plot changed to favor PNP,” Rappler.com, Nobyembre 15, 2018, https://www.rappler.com/nation/216791-ano-wants-ang-probinsyano-plot-changed-favor-cops.
[3] Reyes, Soledad, “Pambungad,” Nobelang Tagalog 1905-1975: Tradisyon at Modernismo (Lungsod Quezon, Ateneo de Manila University Press, 1982), xi.
[4] Aristotle, “Poetics, Section 1” The Internet Classics Archive, http://classics.mit.edu/Aristotle/poetics.1.1.html.
[5] “Verisimilitude,” Online Etymology Dictionary, na-akses Nobyembre 20, 2018, https://www.etymonline.com/word/verisimilitude#etymonline_v_4726.
[6] Abrams, Meyer H., “Realism and Naturalism,” A Glossary of Literary Terms, 7th ed. (Boston: Heinle & Heinle-Thomson Learning, 1999), 260.
[7] Ibid., 261.
[8] Ibid.
[9] “Sa Aking Inang Bayan,” Rizal, José, salin ni Almario, Virgilio, Noli Me Tangere (Lungsod Quezon: Adarna House, 2011), wp.
[10] Almario, “Mga Bukal at Batis ng Nobelang Tagalog: Isang Pagsusuri,” Unang Siglo ng Nobela sa Filipinas (Lungsod Pasig: Anvil Publishing Inc., 2009), 38.
[11] Ibid.
[12] Flores, Patrick at Sta. Maria de la Paz, Cecilia, Sining at Lipunan (Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino, Sistemang Unibersidad ng Pilipinas, 2000), 39.
[13] Flores, “Social Realism: The Turns of a Term in the Philippines,” Afterall: A Journal of Art, Context and Enquiry 2013, blg. 34: 64.
[14] Ibid.
[15] Reyes, “Ang Historikal/Sosyolohikal na Pananaw,” Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan (Lungsod Pasig: Anvil Publishing Inc., 1992), 28.
[16] Ibid, 29.
[17] Ibid.
[18] Ibid., 36.
[19] Ibid., 37.
[20] Reyes, “Ang Marxistang Pananaw,” Kritisismo, 69.
[21] Ibid., 73.
[22] Ibid.
[23] Salin ni Reyes ng pahayag mula sa Marxistang Kongreso ng mga Manunulat na Sobyet noong 1934, 74.
[24] Ibid., 76.
[25] Ibid.
[26] Ibid., 79.
[27] Hinggil dito, basahin ang Barthes, Roland, Mythologies: The Complete Edition, in a New Translation (New York: Hill and Wang, 2012).
[28] Reyes, “Ang Marxistang Pananaw,” 82.
[29] Hinggil dito, basahin ang Brooks, Peter, “The Melodramatic Imagination,” The Melodramatic Imagination: Balzac, Henry James, Melodrama, and the Mode of Excess, with a new Preface (New Haven: Yale University Press, 1995), 1-23.
[30] “PNP, DILG chiefs urged to look in the mirror, not ‘Ang Probinsyano,’” ABS-CBN News.com, Nobyembre 18, 2018, https://news.abs-cbn.com/news/11/18/18/pnp-dilg-chiefs-urged-to-look-in-the-mirror-not-ang-probinsyano.