Ang Drama ng Ating Búhay: Pagkilala at Pasasalamat

Sa araw ng aking depensa, Nobyembre 17, 2018, sa La Salle Board Room, De La Salle University Manila. Makikitang nagbabasá ng kaniyang pamumuna si Dr. Soledad S. Reyes (nakatalikod, kanan), habang nakikinig sina (mula kaliwa patungong kanan) Dr. Clodualdo Del Mundo Jr. (tagapangulo ng panel), Dr. Rhoderick Nuncio, Dr. Joel David, at Dr. Rolando Tolentino. Kuha ni Dr. John Iremil Teodoro.

[Ito ang aking naging pagkilala at pasasalamat sa mga tumulong habang isinusulat ko ang disertasyong Ang Drama ng Ating Búhay: Isang Kasaysayang Pangkultura ng Teleserye sa Filipinas Hanggang 2016.]

Mahigit isang taon kong binuno ang pagsulat sa pag-aaral na ito. Subalit nagsimula talaga ang aking seryosong pagkalap sa datos para rito noong 2014, ang taon ng paglulunsad ng elektib na pang-andergradweyt hinggil sa teleserye sa Ateneo de Manila University. Kayâ ang totoo, apat taon ko na itong “isinusulat”—sa mga lektura sa klase, papayam, at okasyonal na sanaysay na unang nagsakataga sa aking mga sapantaha at ideya hinggil sa teleserye. Apat na taon ng puspusang pag-iisip, pagdalisay, at paglikom sa materyal at sanggunian.

Marami akong ibig kilalanin at pasalamatan dahil naging posible ang mga ganitong biyaya sa aking búhay-paglikha. Biyaya talaga ito, lalo’t ipinipinid ang kabanata ng aking búhay-doktoral, na inabot nang mahigit sampung taon—maysa-teleserye, maituturing na isa ngang odiseya—dahil sa napakaraming pagdadahilan, paglilimayon at pagpapaliban, bagaman naging kapaki-pakinabang din naman, kahit papaano.

Datapwa matagal ko nang ibig pasukin ang aralíng telebisyon, isang bagay na kaiba sa pinamumuhatan kong pagtula at malikhaing pagsulat—lalo nang pumasok ako sa programang PhD in Literature ng De La Salle University, Manila noong 2007—nagkaroon lámang ito ng katuparan nang himukin ako ng kasámang si Vincenz Serrano, kawaksing tagapangulo ng Department of English sa Ateneo, na magpanukala ng isang “interdisiplinaryong” elektib para sa aming mga mag-aarál. Hindi rin naman ako tinantanan ng aming tagapangulo noon, ang makatang DM Reyes, sa pagpapayo hinggil sa kung papaanong paghuhusayin pa ang kurso. Sa gitna ng mga pamemeywang ng ilan at pagtatáasan ng kilay sa paligid, at kalauna’y alingasngas na kinasangkutan ko sa pagpaksa sa teleserye [na muntik pang humadlang sa pinaghirapang tenure], naging matapat ko siyang kasangga at kaibigan. Kalaunan, naging mahalaga rin ang kaniyang mga pagpapayo sa naging direksiyon ng pag-aaral.

Ang elektib na nabanggit ang nagtulak sa aking bumuo ng mga palagay at maghagilap ng mga pag-aaralang halimbawa. Mananatiling haka-haka lámang ang kasaysayang ito kung hindi ako nahamon ng gawaing iyon. Ang aking pasasalamat sa Ateneo sa pagkakaloob ng espasyo at pagkakataon para sa mga ito. Ang akin ding pasasalamat, lalo na, sa mga mag-aarál na tumulong sa akin na buuin at linangin ang artsibo ng mga teleserye na naging paksa ng kurso at pag-aaral. Ulit-ulit kong sasabihin na lalagi kayong mahalagang kolaborador sa pagbuo ng aking mga hinuha. Anumang napagtagumpayan ay tagumpay ninyo rin.

Natatanging banggit sa tanggapan ng Vice President for the Loyola Schools ng Ateneo para sa panahong nailaan sa pagtapos nitong pag-aaral.

Isa ring komunidad ng mga kaibigang manunulat at iskolar ang sumaksi sa aking sapalaran upang matupad ang kahingiang ito. Naging palagiang tagapakinig at tagapagpalinaw ang mga kasamahan sa Ateneo na sina Jose Mari Cuartero, M. Antonio Lizada, Roy Tristan Agustin, Glenda Oris, Maria Concepcion Montenegro, J. Pilapil Jacobo, at Ramón Sunico. Tinulungan ako ni John Labella na masawata ang aking sindak sa hírap at hámon ng pananaliksik at pinagsumikap bumuo ng sarili kong artsibo.

Sa aming samahang pang-makata na Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), naging magaan na kau-kausap hinggil sa aking mga ideya sina Edgar Calabia Samar, na tulad ko rin ay lulong sa kulturang popular sa kaniyang aralíng komiks; Fidel Rillo, na nagmungkahi ng ilang kaisipan at babasahin; at sina Enrique Villasis at Jerry Grácio, kapwa manunulat ng mga teleserye, na lagi’t lagi kong sinasangguni. Sa panahon ng aking pagsulat, naging matapat na kaibigan ang pangulo ng LIRA na si Aldrin Pentero. Sinikap niyang hindi mapababayaan ang palihan na aming binabantayan.

Lubos ko ring pinagkakautangan ng loob ang mga magulang sa panulat, na tumulong, at patuloy na tumutulong sa akin na linangin ang aking sining, pati na rin ang aking pananaw sa bagay-bagay.

Sa hulí naming pagkikita sa kaniyang bahay, napangakuan ko si Cirilo Bautista, pambansang alagad ng sining para sa panitikan, na tatapusin na ang aking PhD; iminungkahi niya noon na sikapin kong papag-ugnayin ang tula at teleserye sa disertasyon, pero sadyang kayhírap. Tulad ko, lumaki rin siyang nakikinig sa mga de-seryeng drama sa radyo. Ayos na rin sigurong pagpupugay ang matapos ko ito, lalo sa kaniyang pagpanaw kamakailan.

Palagian ko namang huwaran sa sigasig at husay si Virgilio Almario, ang makatang Rio Alma, pambansang alagad ng sining para sa panitikan. Bukod sa patuloy na pagtuklas sa maibabatbat pa ng aking pagtula, at pagtangging masiyahan sa pinalakpakan, dakilang áral niya para sa akin ang adhikang mapagkalinga sa katutubong kalinangan. Hindi ko tiyak kung pakikisangkot nga rin sa kaniyang “rekuperasyon at reklamasyon ng pambansang gunita” ang aking pagsasaysay hinggil sa teleserye. Hiling ko’y magkaroon din ito, kahit na katiting, ng ganoong bisà.

Guro ko sa kolehiyo si Michael Coroza, at matagal-tagal na ang aming ugnayang mag-ama sa panulat. Sasabihin niyang ginagawa ko naman masyadong maalamat ang kaniyang pagiging malupit sa akin [siya naman talaga ang kontrabida sa drama ng aking búhay, sa mula’t mula; tor-mentor, sabi nga ng iba], pero hindi ako magsasawang ikuwento na kung hindi niya ako iniligtas mula sa aking mga buhaghag na pangungusap ay walang mararating ang batàng ako, na nakilala niya sa University of Santo Tomas, at ang báon lámang sa pagharap sa kaniya ay lakas ng loob at tapang ng sikmura. Naging inspirasyon din sa akin ang kaniyang debosyon sa tradisyonal na musikang popular.

Espesyal na banggit at pasasalamat din ang kailangang kong gawin sa mga kaibigang naging guro sa búhay—kay Winton Lou Ynion+, kapatid sa pangangarap para sa mga gawaing palapahaman; kay Anthony Mabanes+, na ang pagyao ay naging mahalagang pihit sa aking búhay habang isinusulat ko ito; at kina Anna Aqui at Ryan Villareal. Lubos na pasasalamat din kay Gina Marissa Tagasa, pangunahing haligi ng teleserye sa bansa, na naging mabuting kaibigan sa panahon ng aking pananaliksik.

Sa La Salle, na nagkanlong sa aking sining at iskolarsyip sa loob ng 15 taon [at iyon ay sa kabila ng aking mga paglalaboy], napakarami kong dapat pasalamatan.

Naging guro ko sa kasaysayang pampanitikan si Paz Verdadez Santos nang magsimula ako sa PhD. Siya ang nagtanim ng binhi ng interes na pasukin ang larang na nabanggit. Napakahabang paglilimayon ang ginawa ko bago ako nagpasyang tapusin na nga ito. At sa aking pagbalik, taóng 2015 din, tiniyak kong kukununin bílang tagapayo ang naging guro sa kritika na si David Jonathan Bayot. Siya ang nagpakilala sa akin sa masalimuot na daigdig ng teorya, at nagkaloob ng mga pangangailangang bokabularyo’t pananaw. Nagpapasalamat ako sa pagkupkop, pasensiya sa aking madalas na pagkabalisa, matalim na pagbása sa mga borador, at masusing pag-uusisa.

Kinikilala’t pinasasalamatan ko ang mga bumuo sa aking panel nang iharap ko ang pag-aaral na ito—ang tagapangulong si Clodualdo Del Mundo Jr., at ang mga kasaping sina Soledad Reyes, Rolando Tolentino, Joel David, at Rhoderick Nuncio. Maraming salamat po sa mga nahawang landas ng inyong sari-sariling iskolarsyip, hindi matatawarang paggabay simula’t sapul, at pasensiya sa aking mga kalabisan at kahinaan.

Pinanghawakan ko sa kabuuan ng pagsulat, lalo na, ang palagiang ganyak sa akin ni David, at ang tumimong bilin sa akin ni Reyes, nang ipinapanukala pa lámang ang pag-aaral na ito: “Pigilin mo kasi ang sarili mo. Káya mo iyan.”

Sinisiguro kong nagsikap silang lahat na tulungan akong mapahusay pa ang pananaliksik na ito. Hinamon nila ako sa kanilang mga mungkahi’t tanong. Ipinagpapauna kong anumang kakulangan o kamalian ng kasalukuyan nitong anyo ay akin at aking sagútin lámang.

Natatanging banggit para sa Office of Admissions and Scholarships ng La Salle sa pagsuporta sa aking pag-aaral, at kay John Iremil Teodoro, ang aming graduate coordinator, na kasamahan din sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas.

Sa hulí, ibig kong pasalamatan ang aking mga magulang sa patuloy na pagkupkop sa akin, at pag-aaruga nang halos magkasakit na ako sa pagtapos nito. Sinaluhan nila ako sa dramang ito ng aking búhay-akademiko, kahit pa napagtatapunan sila madalas ng aking sari-saring sumpong sa proseso ng pagsusulat. Tulad ng mga nauna kong naisulat, para sa kanila ito.

Nagpapasalamat din ako kay I., sinta, na natagpuan ako sa gitna nitong laksang ingay at kaabalahan. Sa kabila ng aking mga babala, nanatili siyang kapiling ko.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s