Bagong Tula: Ang Estelista


Larawan ng Tookapic sa Pexels.com.

Makailang-ulit akong dumaan sa parlor.
Hindi ko siya mataunan—kundi nagsiyesta,
Talagang sa pagpasok ay lumiban.

Hinahanap-hanap man ang aruga ng pamilyar
Na kamay, ng pagtabas na kadesado
Ang ibig na gadgad, hati, at lugay, nagkakasya ako
Sa maaskad na barberya sa harapán.

Naaalaala ko tuloy noong kamay pa niya
Ang nagpapabula sa shampoo sa buhok.
Nang malámang isa akong guro,
Nagpaturo ng mga isasagot sa beaucon.
Handa na raw ang kaniyang gown;
Mga sagot na lámang ang kulang.

Heto naman akong nagsulat sa papel
Matapos ng pagsasahod ng ulo sa kanilang lababo.
Tambalan ng mga usapin at tugong maaari
Niyang isaulo—dapat isapuso—sa tradisyon
Ng mga rumarampang reyna. Iniabot sa kaniya
Habang pinuputungan ng wax at spraynet.

Bumalik ako matapos ng isang buwan
At sumalubong ang kinang ng buhok-bulawan—
Second runner-up, Sir. Maraming salamat.

Tuloy lámang ang aking pabisita sa parlor,
Tuloy lámang din ang pagrampa niya sa beaucon.
Hanggang dumalang na nga dahil
Hindi ko siya mapagkikita. Sa hulíng
Bakâ-sakali, balitang pumanaw na ang loka.

Gulát ako—ngunit mangha sa kaloob na naratibo
Ng kaniyang mga paglalaho: ang sapalaran
At pag-iisa sa Maynila, ang iniindang sakít
Sa sikmura na tuluyang gumupo nang umuwi
Sa Iloilo. Sinikap pa niyang bumalik
Sa parlor pero heto na lámang ang nasumpungan—

Pagkakilalang halos limang taóng inupuan
Sa pamilyar ding silyang pinagpapagupitan
(Kung saan niya ako madalas iluklok),
Lubhang sansaglit, napapamagitanan ng
Singasing ng gunting, sauladong sagot sa beaucon,
At pangangarap para sa mga koronasyon.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: