Dasálin 12: Antoine de Saint-Exupery


Larawan mula sa blog ni Morten Tolboll.

Panginoon, hindi ako nagdarasal para sa mga himala at hiwaga.
Lakas lámang para sa aking buong búhay ang dasal ko.
Ituro mo sa akin ang sining ng mumunting hakbang.

Gawaran ako ng dunong at pagkamaparaan upang mahagilap
Ang mahahalagang tuklas at danas sa sarikulay ng mga araw.

Tulungan akong mahusay na gámitin ang oras. Tulutan ako ng unawa
Upang makapagpasya kung mahalaga o hindi ang isang bagay.

Nagdarasal ako para sa tibay ng pagkahutok at katwiran,
Di lámang upang manahan ang mga ito sa buong búhay,
Kundi upang mamuhay akong natitimpi’t bukás
Sa mga di inaasahang kalugura’t katayugan.

Iligtas ako sa mababaw na paniniwalang lahat sa búhay
Ay dapat lámang madaling pagdaanan.

Bigyan ako ng kahinahunan sa pagtanggap na ang hírap,
Pagkabigo, gulo, at pagkaantala’y handog ng búhay,
Sa ngalan ng paglago at paggulang.

Padalhan ako ng tamang kapwa sa tamang panahon, yaong may sapat
Na tapang upang yumakap at sumaksi para sa totoo.

Batid kong nilulutas ng maraming suliranin ang kanilang sarili,
Kayâ’t turuan ako ng tiyaga.

Batid mo kung gaano kahalaga sa amin ang pakikipagkaibigan.
Dalisayin nawa ako para sa pinakamaganda, pinakamahirap,
Pinakamarubdob, at pinakaiingatang regalong ito ng búhay.

Handugan ako ng sapat na pagkamalikhain upang makapagbahagi
Sa kapwa ng kahit mainit na yakap, sa tamang lugar,
Sa tamang pagkakataon, may mapaghilom na salita o katahimikan.

Ilayo ako sa sindak ng mapaglipasan ng búhay.

Huwag akong kalooban ng nilulunggati, kundi ng kailangan.
Ituro mo sa akin ang sining ng mumunting hakbang.

,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: