Dasálin 33: Ang Heart Sutra o Ang Puso ng Ganap na Karunungan


Larawan mula sa Youtube.com.

Si Avalokiteshvara,
Hábang pinagninilayan
Ang Liwanag na Nagtatawid sa Kabilâng Pampang,
Ay kagyat na nakasumpong
Na lahat ng limang Skandha ay pawang hungkag,
At sa pagkamalay na ito,
Naigpawan ang lahat niyang Pagkadukha.

“Makinig, Sariputra,
Ang Katawang ito’y Kahungkagan,
At ang Kahungkagan mismo’y itong Katawan.
Ang Katawan ay di bukod sa Kahungkagan
At ang Kahungkagan ay di bukod sa Katawang ito.
Totoo rin ito sa mga Damdamin,
Pananaw, Likhang-Isip,
At Kamalayan.

“Makinig, Sariputra,
May bakas ng Kahungkagan ang lahat ng danas;
Ang tunay nilang kalikasan ay kalikasang
Walang Pagsilang walang Kamatayan,
Walang Pag-iral walang Di-Pag-iral,
Walang Karungisan walang Kadalisayan,
Walang Pagdaragdag walang Pagkabawas.

“Kayâ sa Kahungkagan,
Ang Katawan, Damdamin, Pananaw,
Likhang-Isip, at Kamalayan
Ay hindi mga bukod na lalang sa sarili.

Ang Labing-Walong Lupalop ng Danas,
Binubuo ng anim na Pandama,
Ng anim na Nasasaling ng mga Pandama,
Ng anim na Kamalayan,
Ay hindi rin mga bukod na lalang sa sarili.

Ang Labindalawang Buklod ng Kaugnayan
Na Sumisikat, at ang kanilang Paglubog
Ay hindi rin mga bukod na lalang sa sarili.
Ang Pagkadukha, mga dahilan ng Pagkadukha,
Ang Wakas ng Pagkadukha, ang Landas,
Pagkamalay at Pagkakamit,
Ay hindi rin mga bukod na lalang sa sarili.

Sinumang nakatuturol nito’y
Di na kailangang magkamit ng anuman.

Ang mga Bodhisattva na pinagninilayan
Ang Liwanag na Nagtatawid sa Kabilâng Pampang,
Ay wala nang nakikitang hadlang sa kaisipan,
At sapagkat
Wala nang iba pang hadlang sa kaisipan,
Nadadaig ang lahat ng tákot,
Nawawasak ang lahat ng malubhang pananaw
At napaghuhulo ang Ganap na Nirvana.

“Lahat ng Buddha sa nakaraan, kasalukuyan,
At hinaharap, sa pagninilay
Sa Liwanag na Nagtatawid sa Kabilâng Pampang,
Pawang may kakayahang magtamo
Ng Mapananaligan at Lubos na Kaliwanagan.

“Kayâ, Sariputra,
Nararapat ipahayag
Na ang Liwanag na Nagtatawid sa Kabilâng Pampang,
Ang siyang Dakilang Mantra,
Ang pinakamaningning na mantra,
Ang pinakamataas na mantra,
Isang mantrang walang kaparis,
Ang Tunay na Dunong na maykapangyarihang
Bumaklas sa lahat ng uri ng Pagkadukha.
Dahil dito, táyo’y umawit
Ng isang mantra ng papuri
Sa Liwanag na Nagtatawid sa Kabilâng Pampang.

Gate, Gate, Paragate, Parasamgate, Bodhi Svaha!
Gate, Gate, Paragate, Parasamgate, Bodhi Svaha!
Gate, Gate, Paragate, Parasamgate, Bodhi Svaha!”*

*Nakatawid, nakatawid, tuluyang nakatawid,
tuluyang nakatawid sa dakong paroon, papuri sa Kaliwanagan!

,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: