
—Matapos ni Cedrick Dela Paz
Mistula nga silang bangkay, inupo’t
Ikinahon ng arawang harurot-lungsod;
Ang dyipni’y lumilipad na karo
Ng halos abuhin nilang pag-iral.
Binabaybay nila ang nakalatag
Na karimlan ng usok at rusing, at iyon
Ang kanilang talambúhay—pagpápasá-
Pasahán ng kalansing hanggang maiabot
Sa limahid na palad ng tagapaghatid.
Kaway, panhik, upô, para, panaog—
Hindi sila tulad ng mga itinatawid
Tungo sa pampang ng paghimlay, pagkat
Palad nila ang yamot, siksikang talunton
Sa gayong mga estasyon ng búhay—
Panaog, para, upô, panhik, kaway.
Babatahin nila iyon gámit ang sining
Na natutuhan: pabayubay na pag-idlip
Sa pagbawi sa túlog na nailit ng maagang
Pagluwas, o sa lakas na maghapong laspag
Ng banát-buto. Saulado nila itong ruta
Ng pagtitiis, at ang bugtong na musmos,
Kandong ng hapông ina’t sumisipsip,
Sumisimot ng pawisang palamig, ay nahahasa
Na ng maagang inisyasyon sa trapiko
Ng mga pagkaluoy na pataw ng palad
Na mailuwal sa ganitong orden ng saklap.
Sa pagpanaw ng tibok sa lahat ng sakay,
Tuloy lámang sa takbo ang gasgas na gulong.
Napaparam na ang labíng init ng balót
Na balut sa basket sa paanan ng tindero.
Ang asong bitbit ng amo, piit ang listo
At pati angil, isa na lámang multo.
Pasasalamat kay David Jonathan Bayot.