
1. Para sa ngayon, sisikapin kong landasín ang aking araw nang walang alinlangan at walang paghahangad na lutasin ang mga suliranin ng aking búhay nang sabay-sabay.
2. Para sa ngayon, pangangalagaan ko ang aking katayuan: mananamit ako nang simple; hindi ako magtataas ng boses; magiging magalang ako sa pakikitungo; wala akong pupulaan; wala akong ibang lulunggatiing papaghusayin kundi ang aking sarili.
3. Para sa ngayon, magiging maligaya ako sa katiyakang nilalang ako upang lumigaya, hindi lámang sa kabilâng búhay, kundi sa búhay na ito.
4. Para sa ngayon, babagay ako sa mga kasalukuyang lagay nang hindi ipinipilit isabay ang mga iyon sa aking kapritso.
5. Para sa ngayon, maglalaan ako ng 10 minuto ng aking oras sa ilang mabuting babasahín, na isinasaisip na kung kailangan ng pagkain para sa lusog ng aking katawan, kailangan din para sa lusog ng aking kaluluwa ang mabuting babasahín.
6. Para sa ngayon, gagawa ako ng mabuti at hindi na iyon ipagsasabi.
7. Para sa ngayon, gagawa ako ng kahit isang bagay na hindi ko ibig gawin; kung hindi ko iyon maibigan, titiyakin kong walang makapapansin.
8. Para sa ngayon, lilikha ako ng plano para sa sarili ko; hindi ko man ganap na masunod, tutuparin ko pa rin iyon. At magmamatyag ako sa kambal na masamâ: pagmamadali’t pag-aatubili.
9. Para sa ngayon, titibayan ko ang aking pananalig, bagaman kayhirap magagap, na walang pagpapahalagang hihigit pa sa pagpapahalaga sa akin ng mabuti’t maykalingang Maykapal sa daigdig na ito.
10. Para sa ngayon, iwawaksi ko ang mga tákot. Lalo na, hindi ko katatakutang masiyahan sa maganda at maniwala sa kabutihan. Sa totoo lámang, sa loob ng 12 oras, magagawa ko ang anumang makababalisa sa akin kung naninindigan akong kailangan ko itong gawin sa aking búhay.
Ibig kong maging mabuti, ngayon at kailanman, sa lahat.
Ang bawat mananampalataya sa daigdig na ito’y dapat na maging isang ningas ng liwanag, ubod ng pag-ibig, lebadurang nagbibigay-búhay sa misa: sa ganitong paglalim, higit silang nabubuhay, sa kanilang kaibuturan, sa pakikipagkapwa sa Diyos.