Dasálin 34: Naomi Shihab Nye


Larawan ni Naomi Shihab Nye mula sa On Being.org.

Bago málaman kung ano talaga ang kabutihan,
Kailangan mong makawaglit ng mga bagay,
Madamáng nalulusaw ang búkas sa sansaglit
Tulad ng asin sa matabáng na sabaw.
Anumang iyong pinanghawakan,
Anumang binilang at maingat na inipon,
Lahat yao’y kailangang maubos upang matalos
Kung gaanong nagiging kalumbay ang lupain
Sa pagi-pagitan ng rehiyon ng kabutihan.
Kung gaano kang sakay nang sakay
Na umaasang hindi hihimpil ang bus;
Ang mga pasaherong ngasab ang mais at manok,
Habambuhay na malayo ang tingin sa may bintana.

Bago mo matutuhan ang banayad na grabedad
Ng kabutihan, kailangang maglakbay sa kung saan
Namatay ang Indian na nakaputing poncho sa tabíng-daan.
Kailangang makita na maaaring ikaw ito,
Ang kung papaanong siya ri’y isang
Manlalakbay sa magdamag, may mga balak
At payak na hiningang bumuhay sa kaniya.

Bago mo makilala ang kabutihan bílang pinakamalalim
Na bagay sa loob, kailangang makilala ang dalamhati
Bílang ang isa pang pinakamalalim na bagay,
Kailangang sabayáng bumangon ang dalamhati,
Kausapin iyon hanggang malalà ng labì ang lahat
Ng dalamhati at malantad ang laki ng habi.
Sa gayo’y kabutihan na lámang ang magkakaroon
Ng katuturan, kabutihan lámang ang magtatali ng sapatos
At magpapahayo sa iyo sa umaga upang mamangha ka
Sa tinapay, kabutihan lámang ang magtataas-kamay
Mula sa lipumpon ng daigdig upang magwikang
Ako nga ang iyong hinahanap-hanap,
At sasáma naman ito sa iyo saanman
Tulad ng isang anino o isang kaibigan.

,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: