
Pinupulutan sa mga huntahan
Ang húling video ng sapák-sipa
Ng sigà sa hayskul; nakamangha
Ang ganit habang ulit-ulit
Na ikinakalat sa balitaktakan
Ang dapat na tindig, tugon sa maugong
Na tanong sa pobreng lamog
Ang mukha paglabas ng kasilyas:
Dignidad o bugbog? Mamili ka.
At bigla’y sumisigid na muli sa sentido
Ang linya ni Forché, nagpapagunitang
Puso ang pinakamatigas na bahagi
Ng katawan; at ang kamay, kandungan
Ng banayad. Ngunit hindi sa sandali
Ng paninindak. Sakmal ng binatilyo
Ang lakas na humuhulas, at ngayon,
Dinuduro siya ng mga daliring salat
Ang gaspang ng salà’t nababalighuan
Na naganap ang gayong tagpuan.
Walang málay ang lahat, wari’y
Ang musmos, may kubling halimaw
Sa bawat pinipiling panig ng alingasngas.
Sa hulí, lahat ng kamay, may bahid-
Dugo’t walang makahuhugas, pagkat
Malaon nang nagpaubaya sa kaligkig
O kibit-balikat, sa panonood lámang
Halimbawa, sa mga tulad ng pobreng
Halos mabuwal, dignidad ang pinipili
At lulugo-lugong sumasahod ng tubig
Sa lababo upang maghilamos ng sugat.