
Kapag sa kaibutura’y gumagapang ang hapis
Para sa mundo, at nagigising sa gabi ng kahit
Kaluskos, may tákot para sa aking búhay at sa mga anak,
Nagtutungo ako’t nagpapahingalay kung saan humahapon
Ang pato sa kaniyang kariktan sa tubigan, at nanginginain
Ang tagak. Dinaratnan ko ang tahimik ng kasukalang
Walang binabatáng pagkahindik sa paratíng
Na dalamhati. Sinasamba ko ang dakilang batis
Na walang-labusaw. At nadarama kong sa himpapawid
Nakaabang na kikislap ang mga talà. Kahit saglit,
Nakahihimlay ako sa biyaya ng daigdig, at ako’y malaya.